Natabunan na ng makapal na ulap ang 'yong pag-asa
'Pagkat 'di mo na makaya pa matinding pagdurusa
Ang naghihintay na kinabukasan ay 'di na mabasa
Musmos ka pa lang ngunit inalipin na ng problema.
'Di ba dapat ang buhay para sa iyo'y puno ng kulay?
'Pagkat Nene ka pa lang na wala pang kamalay-malay
Ngunit sadya yatang kahirapan ay isang halimaw
Kaligayan sa puso mo ay tuluyan na nitong inagaw.
Marahil pakiramdam mo isa kang batang lagalag
Walang patutunguhan at hindi mapana-panatag
Kung kaya't sa mundo'y nagpasya ng tumiwalag
Baka sa kabilang buhay nandun hanap na liwanag!
Ninais mo lang namang magtamo ng edukasyon
Ngunit 'di makapasok dahil laging walang baon
Kahirapan ay mistulang sumpa na 'yong susun-suson
Sa araw-araw, kayo ng pamilya mo'y nagtitiis ng gutom.
Mga karaingan sa buhay ay 'di mo maihibik
Kaya't sa kapirasong papel na lang itinitik
Makaahon sa hirap, lagi mong pinapanaginip
Pag-ibig sa magulang at mga kapatid ang kalakip.
Sa iyong pagpapatiwakal sino bang dapat na sisihin?
Ikaw ba na musmos, marupok lang ang damdamin
O ang lipunang pabaya na sa kahirapan ay nagsusupling?
Mga pinuno'y pawang inutil bagama't nagmamagaling!
Ba't ngayon marami ang sa iyo'y nakikisimpatya?
Gayung huli na't hinanap mo na ang sariling laya
Ah, mapalad silang mayayamang kunwari ay pinagpala
Ilan pang batang tulad mo, sa hirap ay nakatanikala?
2 comments:
Pre, maganda itong tula
maari ba itong mailathala
sa aklat ng mga maralita
nawa'y sumang-ayon ka
at magkakaroon ka ng kopya
pag ito'y nailathala na
maraming salamat
- greg
No, problem basta ikaw!Thanks!
Post a Comment