Sunday, February 17, 2008

Samahan N'yo Akong Mangarap

Samahan n'yo akong mangarap sa gitna ng namumurok na araw
O sa pusod ng kadilimang sakbibi ng matinding ginaw
Marahil tulad n'yo rin akong kaluluwa'y nauuhaw
Gutom sa maraming bagay at pag-asa'y 'di maaninaw.

Samahan n'yo akong mangarap ng isang lipunang malaya
Malaya sa kahirapan at mga pagsasamantala
'Di tulad ngayon, kaapihan ay kapiling maya't maya
Kawalang katarungan sa lipunan ay 'di masansala.

Samahan n'yo akong mnagarap ng isang magandang bukas
Kung saan ay 'di na maghahari ang pandarahas
At wala na ring kinikilingan itong ating batas
Mayroong hustisya sa bawat puri't buhay na mauutas.

Samahan n'yo akong mangarap na maabot ang langit
Kung saan ang langit at lupa'y tuluyang magkakalapit
Upang magkaroon ng pagmamahalan at tunay na malasakit
Impiernong likha ng iilan ay mawawalan ng init!

Samahan n'yo akong mangarap nang ang mata'y nakadilat
Sa mapait na katotohanan ay sabay-sabay tayong mamulat
Hanapan ng lunas ang Inang Bayang puno ng dalamhati't sugat
Dulot ng ilang siglong paghahari ng mga sakim at mangungulimbat!


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...