Wednesday, March 5, 2008

Damong Parang

Mag-alab ka sa gitna ng mga talahib
Iyong tupukin ang maligalig na tinik
Itakwil kasukalan ng paligid
Upang walang kidlat na hahagupit
Sa hambalos ng habagat na nagsusungit
Sukdang alipato mo'y pumailanlang
Magiging abo kang titilamsik sa
bawat kamalayan.

Iyong lingapin ang mga patay na bulaklak
Ihimlay mo sila sa pusod ng pagkabusilak
Talulot ng pag-asa ay muling hahalimuyak
Dantayan ng iyong mga binti ang binalawis
Katawan mo'y nagsisilbing bigkis
Sa piling ng pangmatagalang kamalig.

Damong-parang ka mang kay ilap sa paningin
Ngunit ang salamisim ko'y iyong inangkin
Sa silong ng araw nagbibigay lilim
Naging sanggalang ka sa likhang kubo
Kasakdalang-kulang sa pansin aking nasasapo
Damongg-parang kang sa pusso'y ttumubo.

Batid kong 'di ka magiging ningas-kugon
Bagkus tinutupad ng mabbilisan ang layon
Alab mo'y sa katuwiran ang direksyon
Habang kulay-luntian ang panahon.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...