Kalabog ng bato, tugtog ng radyo
Sing-along ng mga tambay sa kanto
Huntahan at tawanan ng mga lasenggo
Sa lamesa'y may itinutumbang demonyo
Bastusan at tsismisan ng mga walang modo
Mga parunggit at paratang kung kani-kanino
Yabag ng mga paang paruo't parito.
Bratatat! Armalayt ni nanay
Tiktilaok! Putak ng kapitbahay
Oink! Oink! Mga pugad-baboy nag-iingay
Aw!Aw! Nyaw! Nyaw! Naghahabulan
ang mga askal at pusakal.
Iyak at hagulggol ng mga bata
Bangayan ng mag-asawang kulang sa aruga
Mga bibig na walang palya sa kangangawa
Nambubulabog ang mga walang magawa
Mga murahang walang patumangga.
Mga siga-sigang naghahamunan
at naghahabulan,
Mga baklang naghaharutan
Tila kinukurot sa kasingit-singitan
Ganyan kaingay sa looban at labasan
Nakakatulilig, balintunang katahimikan.
Tikatikatik ng bangs na makinilya
Bagting ng barag na gitara
Himig ng nakabibinging plawta
Mga tinig ng taga-ibang planeta
Tiririt ng mga ibong nagsasalimbayan
sa loob ng hawla
Mga atungal ng anak ng baka.
Tila sumisingasing na sasakyan
Tunog ng gong at bombo
'Di matahimik na mundo
ni Pilsopo Tasyo
Nagkahalu-halo ang samu't saring ingay
Paligid ay 'di nananahimik na patay.
No comments:
Post a Comment