Wednesday, March 5, 2008

Lagi na Lang

Lagi na lang akong bumibigkas
ng mga linyang tila
itinakwil na ng panahon
Sampal sa mukha ng modernisasyon
Anila'y mga walang kabuluhang saknong
sa paulit-ulit na tugma nagpakahon
Sumilong sa makapal niyang yamungmong.

Lagi na lang nag-iisip sa kawalan
Upang tuklasin ang lihim ng kalawakan,
Lagi't laging nakikipaglaro sa hangin
Upang ang ihip ng tunay na buhay ay damhin
Sa piling ng naglulumundong tanawin,
lagi't laging kaurali ang kalikasan
Upang bakasin ang pinagmulan
Ito ba ay isang kabaliwan?

Lagi na lang nagbabalik sa simula
Upang tapusin mga bagay na nasira
Winawasak ng paniniwalang marupok
pa sa bula
Dungo't duwag sa mapang-udyok na pithaya
At imbing pagwawalang-bahalang
Mapang-upasala
Ang lahat ay nauuwi lang sa wala.

Lagi't laging tila walang katapusan
Sa sirkulo ng nagpapaikot na kapalaran
Lagi't laging naghahanap ng puwang
At laksang depinisyon at kahulugan,
Lagi't laging nakikipagtalad
Bumagdsak, magbangon kahit tilad-tilad,
Lagi't laging nakikipagtalik
Sa alindog ng huklubang panitik,
Lagi't laging sumisisdi sa babaw ng ulap
Upang bigkisin ang ulanfgg-apahap.

Maraming lagi na lang sa ating buhay
Na hindi lang miminsan sumisilay
'pagkat lahat ng bagay ay paulit-ulit
Mga kasaysayang 'di mapaknit-paknit
Lagi na lamang bumabalik
Bagama't ang mundo'y tumbalik

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...