Kasing init din ng dumaratal na umaga
'Di mo ba nakikita naghahabulang usa?
Libay at salindayaw napupuspos ng saya.
Kung pa'nong dilambaka'y tumubo sa buhangin
Gayundin ang ibon nabuhay sa papawirin
Ang Inang Kalikasan, sa ain ay nagsusupling
Siyang nagbibigay ng liwanag at dilim.
Pag-ihip ng hangin, mga dahon kumukunday
Bundok, gubat maging paran may iisang kuay
Sa awit ng kalikasan 'di ka ba sasabay?
Iyong damhin ang pagdapyo ng tunay na buhay.
Bawat tanawin ay mistulang Bundok Anahaw
May talinghagang hinabi sa mundong ibabaw
Rubdob ng katahimikan ay nakakaulayaw
Malayung-malayo sa gulo at saligawsaw.
Kalikasan ay nag-iiwi rin ng alamat
Aniya'y sa bundok, mga nayada ay nagkalat
May mga bagay na nalilikha ang dalumat
Lumulunday sa isip at mahirap makatkat.
Mabining simoy, awit, tula at ngiti
Sa santinakpan ito ang dapat maghari
Larawan ng kalikasa'y nakakabighani
Ngunit sa kapabayaan ganda'y napapawi.
Masdan ang sarili sa malinaw na batis
Msy katiningan sa kanyang payapang dalisdis
Lalabusawin ba ng maruming grasa't langis
Nais mo ba na maglunoy sa pagkagiyagis.
Sa ilog Beata't Hilom ikaw ngayo'y lumakad
Minsan si Balagtas, sa pook na 'yun napadpad
Matulaing paligid ay kanyang nailahad
Limutin ang buhay sa maalinsangang syudad.
Kalikasang tila ba isang mulalang bata
Namumukod-tangi sa mata ni Bathala
Dito'y maraming nilalang ang nagsasamantla
Murlya niong daigdig pilit ginigiba.
Dagat na nagbibigay ng ginintuang isda
Mga kabibe at prlas doon nagmumula
Walang kabuluhan dumarating man angsigwa
Tunay na alimpuyo ay taong mapamuksa.
Lupang nagluluwakl ng diyamante at ginto
Pumipitlag sa sinapupunang nagdurugo
Maraming elemento angg dito'y nakatago
Tumbaga, metal at amging mga manananso.
Lupang inabuso sa hukay at kabubungkal
Bundok ay pinatag, subdibisyon ang natanghal
Ubos na ring mga puno 'pagkat ibinuwal
Sila! Sila ang mga walang awang kriminal!
Talulot at bulaklak sing sariwa ng dilag
Dala'y masamyong sanghaya sa sangmaliwanag
Huwag lalamukusin sa iyong mga palad
Katulad ng pag-asa na nagkatilad-tilad.
Halina't tumungo sa bakurang walang harang
Nangalisaw doon mga luntiang halaman
Animo'y damong ligaw nagkalat kung saan
Tulad ng ibang nakabulid sa may kawalan.
Pumapatak sa lupa ang masaganang ulan
Umaagos sa alulod at mga bubungan
Kayo ay mga basang sisiw sa may lansangan
Sa asido malulusaw marupok na katawan.
Iyo nang arugain ang pinitak o lupa
Diligin ang bawat binhing dito'y nakapunla
Kay inam sanang mamasyal doon sa tumana
Ngunit mga uod at balang ay naglipana.
Ingatan kalikasang sing tanda ng panahon
Na kumukupkop sa 'tin sa loob ng daang taon
Pagdausdusin ang diwa sa tarik ng talon
Sariwain sa isip dalisay na kahapon...
No comments:
Post a Comment