Wednesday, March 19, 2008

Babae






Ano ang buhay sa mundo kung wala ka?
Ang lahat ng bagay ay walang halaga
Hindi dadami ang lahi ng tao sa lupa
Kami ay magsusupling ng pangungulila
Walang aalimbukay at aapaw na tuwa,
Walang ligaya sa dumaratal na umaga
Aanhin pa ang buhay dito sa lupa?
Kung uhaw lagi sa pag-ibig ang kaluluwa.

Sino pa ang aalayan nitong bulaklak?
Walang saysay ang halimuyak na malalanghap
Sino pang susuyuin ng wikang maririlag?
Ang aawitan ng kantang matitimyas
Walang tula o palabas na maisusulat
Kundi pawang lumbay at mga alamat
Sino pa ang makakapiling sa magdamag?
Ang lalambingin ng masusuyong halik at yakap.

Kung wala ka ay sino'ng mamahalin nang husto?
Sa mga sarili na lang ba magkakagusto
Sa mga tulad naming lalake na kabalahibo
O sa mga nilikhang hayop na naririto
At sa taga-ibang planeta't dagdig ng espiritu?
Kay pangit isipin ang mga bagay na ito
'Di ko malirip ang kalagayan ng tao
Kung walang mga babae rito sa mundo.

Ang pasasalamat ko ay walang hanggan
Doon sa Maykapal na nasa kaitaas-taasan
Mabuti na lang at ikaw ay Kanyang nilalang
Hinugot mula sa tadyang ng nunong si Adan
Kaya naman ang mabuhay ay kay inam
Tila langit kapag nasa iyong kandungan
Ako ay nalulugod at nasisiyahan
Masilayan lang ang ngiti mo at kagandahan.

Huwag kang maging Ebang madaling malinlang
Nang matukso ng ahas na ang prutas ay tikman
O kaya'y maging Delilang nagbigay kapahamakan
Kay Samson nang lihim niya ay binuksan
Huwag ding maging Reyna Jezebel ang kalupitan
Ni maging Maria Magdalenang nasa putikan
Bagkus tumulad kay Mariang tapat ang kalooban
Na naging ina ni Cristong labis ang kaamuan.
(Mula sa librong Pagtatalik ng Bolpen at Papel)
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...