Saturday, March 29, 2008

Pangamba

Multo ang anino ng kahapon
Na pumupukaw sa pusong
Inilugso ng karupukang
Dumurog sa magapok na dibdib
Ibig kong ituring kang iba
Sa gitna ng bula ng alak
Na lumalasing sa gunam-gunam
Lasing nga ba akong tumatagay
mag-isa sa baso ng kawalang-pag-asa?
Makirot ang gunitang ibig
kong malimot
Ibig kong makulong sa boteng
may pampamanhid na dulot,
Lumalayo sa altar ng karimlan
Na idinadalit ay puro kapighatiang
Dumudungis
sa dalisay na panalangin
Waring mga lagas at bulok
na dahong ipinadpad ng panahon
Bakit kailangan pang iugnay
ang nakaraan?
Sa pagsakop ng kasalukuyang
Ibig itatwa ng 'yong kariktan
Marahil ang diwa lang ay nahihibang
Dahil sa isang tulad mong
Nagsaboy ng binhi ng paniniwala
Na sa katauhan ko'y naipunla
Nasaan na ang aking kaluluwa't
Espiritu kundi na sa iyo
Idinuduyan ng pagkaliyo
Gan'to nga ba ang pag-ibig
Samu't saring kataga ang sumasanib?
Nang dahil sa pangangamba
Katahimikan ko'y nagagambala
Sana'y pawiin mo't palitan ng ligaya
Ang dibdib kong kakaba-kaba.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...