Showing posts with label Health. Show all posts
Showing posts with label Health. Show all posts

Monday, November 17, 2014

Paano Papakainin ng Gulay ang Mga Bata

Maraming mga bata ang ayaw kumain ng gulay dahil ‘di nila gusto ang lasa. Kumpara nga naman sa karne gaya ng manok at baboy na malinamnam sa panlasa. Pero hindi rin naman maganda para sa kanila kung laging ganito ang ihahain sa kanila. Lalo na’t sa kanilang edad ay kinakailangan nila nang sapat na nutrisyon para maging malusog ang pangangatawan. Alam naman nating ang bawat gulay ay maraming sustansiya o bitamina na makukuha.

Ngunit paano nga ba kukumbisihin ang bata na ugaliing kumain ng gulay?

Hindi laging madadaan sa pananakot ang lahat para lang kumain ng gulay ang bata. Dahil imbes na makumbinseng kumain ng gulay ay baka nga hindi na lang ito kakain. Sino ba namang bata ang gaganahang kumain habang umiiyak? Sa murang edad nito ay ituro sa kanya na kailangan niyang kumain ng gulay para magkaroon ng malakas na pangangatawan. Siyempre, importante rin na magsilibi kang halimbawa sa bata. Hindi mo siya makukumbinseng kumain ng gulay kung ikaw mismo ay walang hilig na kumain ng gulay.

Kung magluluto ng karne, dapat lang ay marami itong sahog na gulay. Ito ang mas madalas na isubo sa bata habang kumakain kaysa karne. Maari mo ring patulungin ang bata habang ikaw ay nagluluto ng gulay kahit taga-abot lang ng mga ito. Kung may bakuran kayo at nakapagtatanim naman ng gulay ay mainam din na tulungan ka rin niya. Sa pamamagitan kasi nito ay malilibang at gaganahan na siyang kumain ng gulay dahil nagkaroon siya ng partisipasyon sa pagtatanim at paghahanda ng gulay.

Maaari rin namang hiwain ng pino ang gulay saka ihalo sa sabaw para hindi makita ng bata na may sahog na gulay ang isinusubo sa kanya. O ‘di-kaya’y lagyan ng gulay ang paborito na niyang pagkain. Halimbawa kung mahilig kumain ng hamburger ang bata ay maaari itong palagyan ng gulay. Meron na rin ngayong tinatawag na powder na gulay. Maige ito para sa mga batang talagang mahirap pakainin ng gulay. Pero siyempre, iba pa rin kung ang ipapakain ay ‘yung nakikitang gulay. Kapag buo pa kasi ay masustansiya ito kumpara sa dinurog na gulay.


Pagkatapos kumain ng bata ng gulay ay lagi mo siyang pupurihin para sa susunod ay maengganyo mo uli siyang kumain ng gulay hanggang sa ito na ay kanyang makasanayan.

Sunday, November 16, 2014

Halaga ng Almusal

Umaga na naman at kinakailangan mo uling gumising. Walong oras o higit pa na walang lamang pagkain ang iyong katawan. Kaya’t kinakailangang magkaroon ng laman ang tiyan para magkaroon ng enerhiya sa pagsisimula ng anumang pagkain.  Kaya’t ang almusal ang pinakamahalagang parte ng pagkain dahil dito nagsisimula ang iyong araw.

Pero ang tanong, sapat na ba ang ating inaalmusal? Nakasanayan na kasi ng marami sa atin na kapag almusal ay ayos na ang kape at konting tinapay. Ang kape at asukal kasi ay maituturing na stimulant pero kapag nasobrahan ay nakasasama rin dahil pinapataas nito ang blood glucose level sa ating katawan. Mapapansin ding kapag kaunti lang ang kinain ay madali ring magutom. Kaya’ ang resulta ay nanghihina pa rin ng ‘di namamalayan. Ang katawan ng tao ay maihahalintulad sa sasakyan na nangangailangan din ng gas. Kapag hindi angkop ang inilagay na gas sasakyan ay papalya ay siguradong papalya ito.


Ang iba nga ay ‘di na nag-aalmusal, ang katuwiran ay babawi na lang ng kain kapag tanghalian. Mali ang ganitong kagawian, dahil ang pag-aalmusal ay pinakapundasyon, kung saan dapat ay makapag-ipon ng lakas na kinakailangan sa buong araw. Kung mahina ang pundasyon ay maaaring bumigay ang katawan. Dapat ay mga heavy food ang ating kainin para mabusog katulad ng kanin. Sabayan pa ng pag-ulam ng gulay para magkaroon ng sustansiya ang katawan.  Mainam din ang oatmeal at maaring samahan ng pagkain ng mga pagkaing  mayaman sa protina tulad ng mansanas o ‘di kaya’y mani. Kapag sa ganitong pagkain mo sinimulan ang iyong araw ay hindi alng ang katawan mo ang magiging masigla kundi pati na rin ang pag-iisip.

May Trangkaso ka ba?

Nanghihina ka ba, walang ganang kumain, may ubo at sipon tapos ay nilalagnat pa? Aba’y trangkaso na ‘yan, kapatid. Huwag munang magkikilos dahil kailangan mo ng sapat na pahinga.

Pero saan nga ba nakukuha ang sakit na ito? Ang trangkaso o flu ay nagmula sa maliliit na mikrobyo na dinadala ng hangin. Ito ay maliliit na likido mula sa maysakit kapag ating nalanghap ay posibleng mahawa tayo. Naililipat ito ng maysakit sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing, maging paggamit ng kanilang pinagkainan at pinag-inuman. Kaya’t kung may trangkaso ang kasama sa bahay ay medyo dumistansiya muna at huwag gagamitin ang kanilang kutsara at baso para ‘di mahawa.

Madali lang magkaroon ng trangkaso ang isang tao kung mahina ang resistensya nito. Karaniwang namamalagi o tumamatagal ang mikrobyo sa katawan sa loob ng isang linggo. Kapag lumala ang trangkaso ay maaari itong mauwi sa komplikasyon at maaari pang magkaroon ng pulmonya o bronchitis. Kaya’t kapag tipong ang tagal gumaling ng trangkaso ay makabubuting magpasuri agad sa duktor  para ‘di na umabot pa sa ganito. Pero kung mild lang naman ang mikrobyong dumapo ay gagaling din naman agad ito. Kinakailangan lang uminom ng antibiotic para labanan ang mikrobyo. Pero tandaang hindi talaga antibiotic ang pumapatay sa mikrobyo kundi ang ating immune system mismo. Kaya’t mahalagang huwag aabusuhin ang ating katawan sa pamamagitan ng laging pagpupuyat, sobrang pag-inom ng alak at paninigarilyo at kung anu-ano pang mga gawain na magpapahina ng immune system.

Para naman mapalakas ang immune system ugaliing matulog ng maaga. Kumain din ng masusustanisyang pagkain tulad ng glay at prutas. Uminom ng maraming tubig at siyempre huwag kalilimutang mag-ehersisyo. Kung malusog kasi ang ating katawan ay ‘di tayo basta-basta dadapuan ng kahit na ano’ng uri ng sakit. Kung swine flu naman itatanong ay ibang klaseng flu ‘yan dahil lubhang napakadelikado. Mabuti na lamang at wala pang ganyan sa Pilipinas.

Friday, November 7, 2014

Pag-iyak, May Mabuting Epekto sa Katawan?

Negatibo ang pagtingin ng iba sa pag-iyak dahil ito raw ay nagpapakita ng sama ng loob, sakit at hinanakit. Maliban na lang sa tinatawag nating “tears of joy” o luha ng kaligayahan. May mga tao kasi na ayaw ng umiiyak lalo na mga kalalakihan dahil nakababawas aw ito ng pagiging macho. May paniniwala ang iba na hindi raw sila tunay na lalake kapag umiyak sila. Meron ding ayaw ng umiiyak dahil nako-concious sila sa kanilang hitsura.

Pero sa totoo lang ay wala namang masama sa pag-iyak bagkus ay makatutulong pa nga ito para gumanda ang ating pakiramdam. Kaya’t kapag naiiyak ay huwag pipigilan ang sarili dahil mahirap ang ganyam. Kung ayaw nang may makakita sa gagawing pag-iyak ay sa loob ng kuwarto umiyak. Pero mas mabuti na rin na mayroon kang kapamilya o kaibigan na magpapahingahan ng sama ng loob. Para na rin may mapagkunan ng payo pagkatapos mong umiyak. 

Ayon sa mga psychologist, ang pag-iyak ay isang magandang paraan para mailabas mo ang lahat ng tensiyon na iyong nararamdaman. Katunayan kapag mayroon silang theraphy session ay hinahayaan lang nila ang kanilang kliyente na umiyak sa kanilang harapan. Hindi dahil sa mahilig sila sa drama o natutuwa silang makakita ng taong umiiyak. Makatutulong kasi ang pag-iyak, ang luha ay nagtataglay ng stress hormones partikular ang tinatawag na adrenocorticotropic hormone. Sabi pa nga ng mga biomedical researcher, ang stress hormones diumano ay nakaaapekto sa sistema ng ating katawan gaya ng cardiovascular, gastrointestinal, endocrine, musculoskeletal at immune systems. Kaya’t kailangan talaga itong mailabas para mabawasan ang mga toxin sa loob ng ating katawan. Hindi lamang ang pag-iyak ang nakatutulong para mailabas ito kundi kasama na rin ang pagpapawis, ang hanging ating nailalabas kapag umiiyak at sa maniwala kayo o hindi kasama na rin dito maging ang pag-ihi.

‘Di ba’t pagkatapos nating umiyak ay gumagaan ang ating pakiramdam dahil nailalabas natin ang ating mga emotionl baggage na lubhang nagpapahirap sa atin. Huwag lang nating isama rito ang pag-iyak dahil lang sa nakapanuod ng isang malungkot na pelikula o ‘di kaya napaluha habang naggagayat ng sibuyas. Kapag tumagal na sa loob ng maraming araw ang pag-iyak ay hindi na ito normal. Kaya’t makabubuting komunsulta na sa isang psychiatrist dahil baka humantong pa ito sa malaking problema.

Tips Para Labanan ang Insomia (Sleeping Disorder)

         Hirap ka bang makatulog sa gabi? Pakiramdam mo ba ay magkakasakit ka na dahil sa kakulangan ng tulog? Baka naman hindi ka makatulog dahil sa sobrang pagod? Ngunit minsan ay hindi rin natin alam ang dahilan kung bakit naaantala ang ating mahimbing na pagtulog. Di man natin makontrol ang mga ito, may mga simpleng pamamaraan upang matulog nang maayos.

-          Iwasang kumain ng marami sa gabi. Sanayin ang sarili na kumain ng hapunan nang mas maaga, dalawang oras bago matulog. Ang mga mamantikang pagkain, maaanghang at acidic ay mahirap tunawin lalo na sa gabi at madalas na nagiging dahilan ng problema sa tyan at heartburn. Iwasan din matulog nang gutom dahil hindi ka mapapakali kapag sumakit ang tyan. Huwag din masyadong damihan ang pag-inom ng tubig dahil maaabala ang tulog sa pagpunta sa toilet. Iwasan din ang pag-inom ng alkohol at mga inuming may caffeine. Ang epekto ng mga nasabing kemikal ay matagal mawala na lubhang nakaaapekto sa ating pagtulog.
 
-          Kontrolin o iwasang ma-stress. Kapag masyado kang maraming ginagawa o iniisip ay siguradong hindi ka makakatulog. Para ito’y maiwasan, maging organisado sa lahat ng bagay. Unahing gawin ang pinaka-importante. Magpahinga kahit konti kapag nakakaramdam ng pagkahapo. Bago matulog, kinakailangan na i-relax ang isipan. At kung may kinakailangan pang gawin ay bukas na lamang isipin ang mga ito.
 
-          Siguraduhing nakakapag-ehersisyo araw-araw. Ang regular na pag-eehersisyo ay napakalaking tulong upang makatulog ng mabilis at mahimbing. Ngunit gawin ito sa tamang oras lamang. Huwag mag-eehersisyo kapag malapit ka ng matulog dahil magiging masigla ang iyong katawan kaya’t mahihirapang gumawa ng tulog.    
-          Bawasan ang pag-tulog sa tanghali o hapon. Siguradong mahihirapan kang matulog sa gabi dahil dito. Kung hindi pa rin maiiwasan, umidlip lamang mula 10 hanggang 30 minuto.
   
-          Gawing kumportable ang kwarto. Karaniwan, mas gusto ng marami ay malamig, madilim at tahimik na paligid. Maaari ring gumamit ng room-darkening shades, earplugs at fan o aircon upang maging kumportable ang pagtulog.
   
-          I-relax ang sarili bago matulog sa gabi. Para ma-relax ay mag-shower ng maligamgam na tubig. Maaari ring magbasa ng libro at makinig ng malalamyos na tugtugin.
 
-          Gumawa ng sleeping schedule. Matulog at gumsing sa parehong oras araw-araw kahit weekends, holidays o sa iyong dayoff. Kpag nasanay ang iyong katawan sa ganitong routine ay hindi ka na mahihirapang matulog. Siguraduhin din na hindi ka masosobrahan sa tulog dahil hindi rin ito maganda sa pakiramdam.

Tips Para Maging Physically Fit

       Sa panahon ngayon na kung anu-ano’ng sakit ang nagkalat ay dapat tayong maging maging aware sa  ating life style. Magtataka ka na lang kung bakit kahit marami kang kinakain ay ‘di ka pa rin malusog. Ang pagiging malusog ay hindi nakikita sa pagiging mataba ng isang tao kundi nasa lakas ng kanyang resistensiya. Kaya’t narito ang ilang tips na maaaring makatulong sa pagtatamo ng malusog na pangangatawan at para na rin makaiwas sa sakit..

      Kinakailangang bawasan ang pagkain ng karne. Mas maganda kung kakain tayo lagi ng sariwang gulay at mga prutas. Pero mainam kung ito ay organic o yaong mga gulay na hindi ginamitan ng pesticides. Inaalis kasi ng pesticides ang sustansya sa gulay at prutas. Ayon pa sa pag-aaral ng mga dalubhasa sa medisina, ang pesticides ay isa sa dahilan ng pagkakaroon ng kanser ng mga tao. Karaniwang naapektuhan nito ay ang mga nagtratrabaho sa plantasyon ng mga prutas o gulay na ginagamitan ng aerial spray. Ang paghuhugas ng gulay at prutas ay hindi kasisugaruhan na wala naalis na rito ang pesticides.

    Iwasan din ang mga pagkain at inuming mayaman sa acids tulad ng  carbonated soft drinks, artificial sweeteners, cakes at pastries, beef, lamb, chicken, beer, wine at liquor, banana ketchup, mayonnaise, mga pagkaing gawa sa gatas, nilagang itlog, table salt, atpb. Ang kailangan natin ay mga pagkaing mayaman sa alkaline tulad  ng watermelon, mango, papaya at mga gulay tulad ng broccoli, cabbage, cauliflower, lettuce, potato na may balat, squash, eggplant, okra, tomato at egg yolk na di-gaanong luto.

    Kapag kumakain ay nguyaing  mabuti ang pagkain nang sa  gayun ay mahulong mabuti ang pagkain at digestive juice sa bibig at siyempre para madali itong matunaw. Kapag prito ang ulam ay huwag itong sobrahan sa pagkakaluto. Dahil bukod sa mahirap ng tunawin ay wala na itong sustansiya, Mas mainam ang mga pagkaing half-cooked dahil nagtataglay ito ng maraming sustansiya na madaling higupin ng ating katawan.

    Kaakibat din ng pagkakaroon ng malusog na katawan ang pagkakaroon ng tamang bowel movement. Para makamtan ito ay kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber tulad ng papaya, spinach, wheat bran atbp. Nililinis kasi ng fiber food an gating intestine. Nilalabanan din nito ang pagkakaroon ng mataas na cholosterol sa loob ng katawan. Nililinis din nito ang toxins sa loob ng atinmg katawan. Siyempre, ang pinakamagandang epekto epekto ay nagiging regular ang ating pagdumi.

    Ugaliin ding mag-ehersisyo dahil napapabuti nito ang sirkulasyon ng dugo sa ating katawan. Bukod pa rito ay pinapaganda rin ang daloy ng paghinga. Sa pamamagitan din ng ehersisyo ay pinapalabas nito ang epinephrine at neurotransmitter na tumutulong para maging alerto at maging malinaw ang ating isipan. Kung ikukumpara ay mas malalakas ang resisitensiya ng mga taong nag-iihersisyo kasya sa mga ‘di nag-iihersisyo.

    Bukod sa mga nabanggit ay kinakailangan din ng sapat na pahinga. Dahil sa stress pinapadami lang nito ang free radicals sa loob ng ating katawan. Nagiging sanhi din nito ng pagkaubos ng sustansiya sa ating katawan at nagreresulta sa panghihina ng ating katawan.

Paano Maiiwasan ang Pagkakaroon ng Alipunga (Athlete's Foot)?

 Ang alipunga o athlete’s foot ay karaniwang nakukuha kapag nabababad sa maruming tubig ang mga paa, lalo na kung panahon ng tag-ulan kung saan ay laganap ang tubig-baha sa kapaligiran. Maari ring ito ay sanhi ng madalas na pagpapawis ng mga paa. Ito yaong pagkakaroon ng butlig sa pagitan ng mga paa. Mamula-mula ito at waring namumutok ang mga balat at talaga namang napakakati. Sanhi ito ng pagkakaroon ng fungal inpection na tinatawag na tinea pedis.


     Ngunit maaari namang ito ay maiwasan kung tayo lang ay mag-iingat. Dapat ay laging malinis ang isinusuot na medyas at sapatos para ‘di manahan ang bakterya sa mga paa. Huwag ding magsusuot ng basang sapatos at medyas. Kung puwede nga lang ay huwag nang mag-medyas para mahanginan ang mga paa. Siyempre, huwag gumamit ng sapatos at medyas ng iba. Hindi maganda na nanghihiram ng ganitong kagamitan, dahil ‘di mo alam na marumi pala ang paa ng taong gagamit ng iyong sapatos. Para rin itong tuwalya na hindi dapat ipinapagamit sa iba, para na rin sa personal hygiene.

      Huwag ugaliing ibabad ang mga paa sa basa. Kapag galing sa baha ay hugasan at sabunin ang mga paa. Kinakailangan din na laging may suot na tsinelas lalo na kapag nasa banyo. Dahil ‘di mo alam na kung ano’ng klase ng mikrobyo ang kakapit sa iyong mga paa.

      Kung sakaling nagkaroon na ng alipunga ay marami namang mga halamang gamot na maaaring gamitin para mawala ito. Nariyan ang baging ng makabuhay, akapulko, bulaklak ng kamantigue, balanoy, labanos at bawang. Madali lang naman ang proseso, kinakailangan lang na dikdikin at katasin ang mga ito saka ipahid sa alipunga. Bukod sa mga halamang gamot na nabanggit ay marami rin namang mabibiling mga fungal cream para rito. Pero mas maganda na rin ang nag-iingat para ‘di na magkaroon pa nito. Alam naman nating ,ahirap ang mgakaroon ng alipunga. Lalo na’t an gating mga paa ay siyang pinakapundasyon ng buo nitong katawan dahil ito ang ating ipinapanlakad



Benepisyo sa Green Tea

   Ang green tea ay sadyang pambihira dahil marami itong benipisyo sa ating kalusugan. Kaya naman imbes na kape at softdrinks lang ang inumin, bakit hindi ito ang inumin sa araw-araw? Nang sa gayun ay makuha ang lahat ng magagandang maaari idulot ng green tea sa atin.


       Sinasabing ang green tea ay nakapapasigla ng utak. Ang mainam pa, mayroon itong taglay na antioxidant na lumalaban sa mga elementong maaaring makapinsala sa brains cells. Bukod dito ay nakapagbibigay din ng lakas ng katawan, dahil dito ay makaiiwas sa mga sakit. Kung sakit lang din ang pag-uusapan, ang green tea ay mistulang wonder drug dahil mainam na panlaban sa pagkakaroon ng cancer. Pinipigilan kasi nito ang mga cancer cell na gustong makapanahan sa katawan. Nilalabanan nito ang pamumuo ng bagong blood vessel na kinalalagyan ng tumor na rito ay nagpaparami. Maganda din ang green para makaiwas sa pagkakaroon ng hypertension. Pinapanatili kasi nito ang blood pressure na hindi hihigit sa 120/80.

Ang green tea rin ay mayroong natural na antiseptic na nakapagpapahinto sa pangangati, gamot din sa bukol at pamamaga. Maaari itong gamitin sa paggamot sa sunburn at pamamaga sa talukap ng mata. Mainam ding pang-alis ng fungal infectuion; ibabad lang ang paa sa palangganang may tubig na hinaluan ng green tea.
       Nakatutulong din ito sa pagpapayat at pagpapababa ng timbang. Sinusunog kasi nito ang mga taba-taba sa loob ng katawan. Pero kung ikaw naman 'yung tipong mahina ang resistensiya kaya madaling kapitan ng ubo at sipon ay uubra rin ang green tea. Higit kasing mas mataas ang taglay nitong Vitamin C kumpara sa kalmansi at oranges. Maaari ring magsilbing mouthwash ang green tea kaya't babango ang hininga. Nagsisilbi rin itong panlaban sa tooth decay dahil may taglay itong flouride.

        Pero bukod sa benipisyo sa kalusugan ng green tea, alam ba ninyong maaari ring itong ilagay sa loob ng refregerator para mag-absorb ng mga 'di kaaya-ayang amoy na nagmumula sa mga pagkain tulad ng hilaw pang karne at isda?

Mabuting Epekto ng Good Bacteria sa Ating Katawan

  Kapag napapag-usapan ang salitang bacteria ay masama na agad ang pakahulugan ng iba rito. Ngunit hindi lahat ng bacteria ay masama nga dahil mayroong tinatawag na good bacteria na nakatutulong ng malaki para mapanatiling malusog ang ating katawan.

   Ang halimbawa ng good bacteria ay ang tinatawag na lactobacillus acidophilus. Ginagamit ang naturang bacteria para mai-preserbang mabuti ang mga produktong gaya ng gatas, yogurt, cheese at iba pa. Mayroon ngang kumpanya ng health drink sa atin na nagsasabing mayroong ganitong sangkap ang kanilang produkto para makaakit ng mamimili. Dahil alam nilang marami sa ating mga kababayang ang health conscious.

       Sadyang inilalagay ang lactobacillus dahil marami itong benipisyo sa ating katawan. Ito ay nagsisilbing panlaban sa mga bad bactria sa loob ng ating katawan gaya ng E. coli. Sinasabing nakapaglilinis diumano ito ng ating bituka. Kayang-kaya kasi nitong alisin ang mga toxins sa loob ng ating katawan. Bukod pa rito ay tumutulong din ito para madaling tunawin ang mga pagkaing ipinapasok natin sa ating tiyan. Dahil ditto ay nagiging maginhawa ang pagdumi ng isang tao.

       Ngunit alam ba ninyong ang simpleng pag-inom lang ng mga antibiotic gaya ng penicillin ay pumapatay sa mga good bacteria sa ating bituka. Nagiging sanhi ito ng para maghari ang mga bad bacteria na nagiging dahilan naman ng pagtatae.  Kapag nangyari ito ay uminom lang ng lactobacillus dahil mabisa rin itong pangontra sa pagtatae.

Tips sa Pag-aalaga ng Ating Mga Mata

Sinasabing ang mata ay bukal o salamin ng buhay kaya’t dapat lamang natin itong ingatan. Madali lang naman itong gawin. Narito ang mga simple subali’t epektibong pamamaraan para mapangalagaan ang ating mga mata.


Ugaliing kumain ng masusuntansyang gulay sa iyong araw-araw na pagkain. Kabilang na rito ang papaya, oranges, carrots at spinach na pawang mayaman sa Vitamin A, beta carotene at mga kinakailangang mineral na nakakapagpalinaw ng mga mata. Maging ang broccoli ay mainam din na kainin dahil nagtataglay ito antioxidants at samu’t saring bitamina.

Importante din na iwasan ang sobrang pagkapagod ng mga mata. Iwasan ang pagababad sa telebisyon at pagbabasa sa mahabang oras. Kapag nagtatrabaho naman sa harap ng computer, saglit na ipahinga ang iyong mga mata lalo na’t nakararamdam na ng kakaiba. Maaaring wisikan ng malamig na tubig ang mga mata kapag nag-break sa trabaho. Ito ay makatutulong para marelax ang mga mata. Ang pagtititig ng matagal sa telebisyon at computer ay tiyak na nakakapagpaluha ng mga mata na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng tinatawag na ‘dry eye syndrome’ at ito ay nakaka-iritate sa ating mga mata. Makararamdam ng pangangati ng mata at pagkaantok.

Ingatan din ang mga mata mula sa sikat ng araw. Ang sobrang pagkabilad ng mga mata sa araw ay makaaapekto sa paningin. Kung kaya’t magsuot ng sombrero o ng sun glasses para maprotektahan ang mga mata.  Siyempre, importante rin ang pagkakaroon ng sapat na tulog upang maipahinga ang ating mga mata. Ikurap din ng madalas ang ating mga mata dahil kahit sa ganitong kasimpleng paraan ay nalilinis na ang ating mga mata. 

Inaakala naman ng iba na ang puwing ay ordinaryo lamang. Ngunit may mga pagkapuwing na nauuwi sa malaking problema. Kaya’t kapag nakaramdam na ng kakaiba sa mga mata

Tips sa Pagkakaroon ng Healthy Lifestyle

           Kung mapapanatili natin ang malusog na pamumuhay ay siguradong hahaba ang ating buhay. Maraming pamamaraan ang maaari nating gawin sa araw-araw tulad ng pagkain ng masusustansya at pag-eehersisy o. Iwasan ang sobrang pagpapagod at sikaping maging sapat ang oras ng pagtulog. Narito ang ilang pamamaraan upang mapanatili ang healthy lifestyle:

Tamang nutrisyon- Ang pagkain ng masusustansyang pagkain ang pinakamahalagang pamamaraan sa pagpapanatili ng malusog na pangangatawan. Siguraduhing sa bawat araw ay may gulay o prutas ka na nakakain. Iwasan ang softdrinks at inuming may caffeine.

Disiplina sa pagkain- Kung maaari ay iwasan ang sobrang pagkain lalo na sa gabi, ituon na lamang ang pansin sa ibang bagay at disiplinahin ang sarili.

Iwasan ang mga processed foods- Ang pag-iwas sa mga ganitong pagkain ay makatutulong upang maiwasan ang pagtaba at pagkakaroon ng sakit tulad ng kanser.

Kontrolin ang timbang- Piliin ang mga pagkaing mababa sa calories. Isang paraan upang malaman kung gaano kadami ang calories sa katawan ay ang paggamit ng Basal Metabolic Rate formula. Ang sapat na BMR sa mga kababaihan ay 2,000 hanggang 2,100 calories sa isang araw at sa kalalakihan naman ay 2,700 hanggang 2,900 calories.

Iwasan ang sobrang pagpapagod- Ang sobrang pagpapagod ay nakapagdudulot sa atin ng pagkagutom kung kaya’t di maiiwasan ang pagkain ng marami. Alamin ang dahilan ng pagkahapo at gumawa ng hakbang upang maiwasan ito. Isang paraan ay ang paghinga ng malalim sa loob ng 5 hanggang 10 minuto kapag nakakaramdam na ng sobrang pagkapagod. Isa ring mabisang pamamaraan ay ang Yoga.

Sapat na tulog- Ayon sa isang pag-aaral, ang pagkakaroon ng sapat na tulog na hindi bababa sa walong oras ay malaking tulong sa pagpapanatili ng malusog na pangangatawan at isipan. Kung mapapansin natin, ang mga taong kulang sa tulog ay palaging iritable, hirap mag-concentrate sa trabaho at mas malapit sa sakit at kakulangan ng enerhiya.

Positibong pag-iisip- Ang pagiging positibo ay nakapag-bibigay ng lakas ng loob at tiwala sa sarili. Kung mapapanatili ang ganitong kaisipan ay malaki ang magagawa nito para sa malusog na pamumuhay.

I-exercise ang ating puso- Ang cardiovascular exercise ay isa sa nagpapatibay ng ating cardiovascular system. Maaari itong isagawa sa pamamagitan ng pagtakbo, paglangoy, pagbibisikleta at iba pang pisikal na aktibidad.

Maging aktibo sa spots- Isa sa mabisang pamamaraan upang mapanumbalik ang lakas ay maging aktibo sa sports. Malaki rin ang kontribusyon nito sa iyong pag-uugali, mas malayo sa sakit, mapapanatili ang tamang timbang at nakapagbibigay ng enerhiya sa katawan.

Magkaroon ng masayang oras kasama ang pamilya- Napakahalaga na magkaroon ng oras na makasama ang buong pamilya. Maaaring mag-set ng isang activity kung saan mag-eenjoy ang bawat isa.

Wednesday, October 29, 2014

Halaga ng Vitamin C

     Kailangan ng bawat tao ang Vitamin C o ascorbic acid dahil epektibo itong panlaban sa anemya, paglambot at pagdurugo ng gilagid, pagluwag ng ngipin, madaling pagkagalos at pamamaga ng kasu-kasuan. Bukod dito tumutulong din ito sa pagpapatibay ng daluyan ng dugo, paglaban sa impeksyon. Ngunit ang Vitamin C ay madaling masira ng init,araw at alkali tulad ng baking soda at lime water.

Mga dapat tandaan tungkol sa Vitamin C:

!. Ang Vitamin C ay natutunaw sa tubig. Hugasan ng malinis na tubig ang gulay at prutas bago talupan o hiwain. Iwasan din ang pagbabad sa tubig.

2. Ang Vitamin C ay madaling natutunaw sa mga unang minuto ng pagluluto. Gawing maigsi ang pagluluto ng gulay. Iluto sa lalagyang may kaunting tubig lamang. Gamitin ang tubig na pinaglutuan ng gulay o prutas sa pagluluto ng sarsa at iba pa.

3. Ang pagkawala ng Vitamin C ay puwedeng dahil din sa maling paraan ng pagluluto.

Sa pananaliksik ng mga dalubhasa tungkol sa ampalaya, petsay, talbos ng kamote, malunggay at repolyo napag-alaman na sa gulay na iginisa ay malaking porsyento (73.98%) ng Vitamin C ang naiiwan sa gulay. Samantalang sa gulay na binuhusan ng mainit na tubig o pinakuluan ay kaunting porsiyento (46.84%) lang ang nakukuhang Vitamin C sa gulay. At ang pagkain naman ng hinog na papaya sa almusal ay nakatutulong sa paggamit ng iron na kailangan ng ating katawan.

Monday, September 1, 2014

Tips Para Ganahang Kumain

  Nawawalan ka ba ng ganang kumain? Maaaring ang dahilan nito ay masama ang iyong pakiramdam o ‘di-kaya’y dahil sa mga iniinom na gamot. Maaari ring ang sobrang pag-inom ng alak at paninigarilyo ang dahilan nito. Kapag sobra rin ang pagod ng isang tao ay nawawalan din nang ganang kumain. Napakahalaga pa naman ng pagkain dahil ito ang nagbibigay ng lakas sa ating katawan at isipan. Ano na lang ang mangyayari kung laging kulang ang ating ating kinakain?


            Para ganahang kumain ay kailangang palakasin natin ang ating panlasa. Pumili ng mga pagkaing sa tingin pa lang ay maeengganyo nang kainin at tunay namang masarap sa panlasa. May mga nilutong pagkain kasi na sa tingin pa lang ay nakakaumay na. Baka ganito naman ang pagkaing nakahain sa mesa. Kapag paulit-ulit din nang ulam ay nakawawalang gana. Kaya’t mas mainam na magkaroon ng iba’t ibang putahe sa araw-araw.

            Huwag munang uminom ng anumang likido bago o habang kumakain dahil mapupuno agad ang tiyan. Malamang ay konti na lang ilalaman sa tiyan. Pakiramdam mo ay busog ka na pero hindi pa pala. Dapat ding iwasan ang ‘di pagkain sa napakatagal na oras dahil maaaring makaramdam ng panghihina kaya’t mawawalan nang ganang kumain. Bukod dito ay makararamdam pa nang pangangasim ng sikmura dahil nalipasan na ng gutom.

         Kung nagbibisyo, makabubuting tigilan na ang paninigarilyo at pag-inom ng alak para ‘di makaapekto sa kalusugan. Para maibalik ang dating gana sa pagkain ay ugaliing mag-ehersisyo. 

          Kumain ng mga pagkaing mayaman sa calories tulad ng saging, mani, mais, patatas at iba pa. Uminom din ng mga inuming sagana sa calories tulad ng cranberry juice, prune juice, grape juice at iba pa. 

          Mainam kung pupunuin ang imbakan ng mga paborito mong pagkain. Basta ba siguraduhin mo lang na healthy food ang mga ito. Dahil alam mong marami kang pagkain ay kakainin mo ito kaysa naman masayang. ‘Di bale nang bumigat ang iyong timbang kaysa naman sa walang ganang kumain at mauwi pa ito sa pagkakasakit. 


          Gawing komportable sa pakiramdam ang hapag-kainan para maging maayos ang pakiramdam. Maaari ring kumain kasama ang taong iyong kinagigiliwan para ganahang kumain. Habang kumakain ay samahan ng konting kuwentuhan hanggang sa ‘di namamalayan na marami ka na palang nakain.

Wednesday, August 6, 2014

Sustansya ng Mansanas

      Ang mansanas ay isang uri ng prutas na talaga namang napakalinamnam dahil sa manamis-namis ang lasa. Kaya nga’t naging paborito itong kainin ng marami at laging isinasama sa diet. Bakit hindi? Bukod sa masarap na ay masusutansya rin ito. May kasabihan nga na “An apple a day keeps the doctor away!” Mayroon itong katotohanan dahil kung uugaliin lang ang pagkain ng mansanas ay makaiiwas tayo sa maraming sakit.

          Mayaman sa antioxidants ang mansanas kaya’t nagpapalakas ito ng ating resistensiya. Mayroon din itong complex carbohydrates na nakapagpapalakas ng ating katawan. Tandaan lamang namas maraming sustansiyang makukuha sa mansanas kung kasama ring kakainin ang balat nito. May mga tao kasi na ayaw kumain nito dahil sa matigas diumano.

         Punung-puno rin ito ng soluble fiber na tinatawag na pectin , ito ay tumutulong upang mapababa ang cholesterol level sa katawan at binabawasan ang panganib sa cardiovascular disease at stroke. Nakatutulong din ito para makapagbawas ng timbang. Kaya’t ang mansanas ay sadyang mainam sa mga gustong huwag tumaba o bumigat nang husto. Ang fiber din sa mansanas ay tumutulong para malimitahan ang asukal sa dugo. Mayroon kasi itong taglay na galacturonic acid na nagsisilbing insulin sa katawan. Kaya’t rekomendado itong kainin para sa mga mayroong diabetes. Bukod dito ay nagpapaganda pa nito ang daloy ng ating dugo.

       Nagtataglay din ito ng tinatawag na malic acid at tartaric acid na tumutulong sa pagkasira ng atay at tumutulong sa ating panunaw. Dahil din sa pagkain ng mansanas ay maaaring makaiwas sa pagkakaroon ng colon cancer, lung cancer at maging ng prostate cancer. Mainam naman ang pag-inom ng apple juice para makaiwas sa pagkakaroon ng sakit sa bato. Nagsisilbi ring itong proteksiyon sa buto dahil sa taglay nitong boron at flavonoid na tinatawag na phloridzin. Kaya’t rekomendado ito sa mga kababaihan para huwag tamaan ng osteoporosis.

      Base sa pag-aaral ng mga eksperto ay tumutulong din ang mansanas para mabigyan ng proteksiyon ang utak ng tao para labanan ang mga free radicals na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng problema sa memorya kapag tumatanda na. Kumbaga, tumutulong ito para manatiling malinaw ang ating mga memorya.

Friday, April 25, 2014

Mabuting Epekto sa Bibig ng Alcohol-Free Mouthwash

          Ikaw ba ay nakararamdam ng stinging sensation sa loob ng bibig mo habang nagmumumog ng mouthwash? Taliwas sa akala ng marami, ang matinding stinging sensation mula sa alcohol-based mouthwash ay hindi katiyakan ng isang malinis na bibig.

         Ang malakas na flavor ng mint na nagdudulot ng matinding sting ay hindi totoong naglilinis ng bunganga bagkus pinababango lang ito ng mouthwash.  Kung walang mint flavor  ang mouthwash ito ay mangangamoy tulad ng isang regular na antiseptic. Sa katunayan, ang mouthwash ay unang ginawa bilang isang surgical antiseptic noong 1879.

        Ang palagian at matagal na paggamit ng alcohol-based mouthwash ay inaakalang nagpapapresko ng hininga. Gayunman, ang masakit na bibig ay hindi indikasyon ng kalinisan. Itinatago lamang ng alcohol at malakas na mint flavor sa mouthwash ang amoy ng bibig upang isipin mo na wala na ang amoy nito.

       Kapag nakaramdam ng hindi maipaliwanag na sting habang nagmumumog o pagkatapos magmumog, ibig sabihin nito ay masakit ang bibig mo dahil may maling balance sa loob nito. Ipinaaabot ng bibig ang mensahe sa utak na ang mouthwash ay masyadong matapang at nasasaktan ang gums at iba pang tissue sa loob ng bibig.

       Ang alcohol-free mouthwash ay mas mabuti sa bibig sapagkat may mga aktibong sangkap ito na hindi nagdudulot ng sting. Ginagawa nitong stable ang chlorine dioxide upang mawala ang bad breathe sa pamamagitan ng paglalabas ng oxygen upang puksain ang bacteria sa bibig  at i-neutralize ang volatile sulphur compounds(VSC) na nagdudulot ng mabahong hininga. Ang epekto nito ay mas mababang concentration ng VSC na nagdadala ng bad breath kaya mas mabango ang hininga.

        Mas maganda sa kalusugan ang alcohol-free mouthwash dahil wala itong mga sangkap na nakasasama sa katawan. Dahil dito, ang mga gumagamit ng mouthwash ay mas makamumumog nang mas matagal ng walang nararamdamang sting, bukod pa sa mas tiyak na presko ang hininga.

Monday, April 21, 2014

Panganib na Dulot ng Malarya

     Ang malarya ay kasing mapanganib ng sakit na dengue dahil nakamamatay ito. Kung ang dengue ay inihahatid ng lamok na tinatawag na aedes aegypti, na umaatake sa araw. Ang malarya naman ay dala ng babaing lamok na anophele, na karaniwang umaatake sa gabi. Ang ganitong lamok ay namamalagi sa masusukal na lugar at maging sa maruruming kapaligiran. Mapupunanang kapag kumakagat ito ay nakataas pa ang dalawang paa sa likod. Laganap ang malarya sa mga liblib na lugar, sa sakit na ito namatay si Lester Langit, anak ni Rey Langit matapos itong magtungo sa isang bahagi ng Palawan.


     Ang malarial parasites ay dahilan ng pagkakaroon ng malarya. Dumadaloy ito sa dugo at pumapasok sa red blood cells. Ang rbc ay lumalaki at dumadami hanggang sa pumutok. Kapag pumutok ito ay kumakalat ang malarial parasite at pumapasok din sa iba pang rbc. Sabi ng mga duktor ay mayroong apat na uri ng malarial parasite at ang mga ito ay ang plasmodium vivax, plasmodium ovale, plasmodium malariae at ang plasmodium falciparum. Dito sa ating bansa ang nabanggit na huli ang pinakalaganap at pinakamalala.

     Ngunit anu-ano nga ba ang sintomas ng pagkakaroon ng malarya? Nagsisimula ito sa trangkaso, makararamdam ng sakit ng katawan, ubo at sipon, sakit ng ulo at masususndan ng pagtaas ng lagnat. Pagkaraan ng ilang oras pagpapawisan nang husto at maya-maya lang ay mawawala na ang lagnat. Kinakailangang magamot agad ito dahil mauuwi sa maraming komplikasyon. Maapektuhan nito ang iba't ibang parte ng ating katawan. Halimbawa, sa kidney mapapansing nag-iiba ang kulay ng ihi, nagiging kulay pula dahil nga sa dami ng nasisirang rbc. Apektado rin ang utak kaya't nag-iiba ng ugali ang taong may malarya at minsan pa ay hindi nakakakilala ng mga dati nang kakilala. Isa pa, nahihirapang dahil sa hindi maayos ang daluyan ng hangin sa baga. Nasisira rin ang atay, mapapansing naninilaw ang mata dahil ang atay din ay puntahan ng malarial parasdites kaya't nasisira ito.

     Kapag tinamaan na ng malarya ay puwede pa itong maulit kapag nakagat uli ng lamok na nagdudulot ng malarya. Kaya't kinakailangan ng ibayong pag-iingat at para maiwasan ito ay maging malinis sa kapaligiran. Tiyaking may takip ang imbakan ng tubig para 'di pangitlugan ng lamok. Siyempre, kapag nakaramdam ng mga nabanggit na sintomas magtungo agad sa hospital para maagapan nang hindi na mauwi pa sa komplikasyon at kamatayan.

Katakawan sa Pagkain Paano Maiiwasan?

Natural na sa tao ang kumain kapag nakararamdam ng gutom. Ngunit sadyang may mga tao na waring ang pagkain na yata ang ginawang libangan. ‘Yun bang makikita mong halos oras-oras ay mayroong kinakain. Hindi na normal ang ganito, maituturing na kasi itong pagkagumon sa pagkain o food addiction sa Ingles at hindi rin maganda ang epekto nito sa kalusugan. Nagiging dahilan ito para maging sobrang taba, dahilan din para maging lapitin ng sakit tulad ng sakit sa puso, diabetes, high blood at kung iba pa.

Samantalang ang iba nga ay nakararanas pa ng depression at nakararamdam ng guilty pagkatapos kumain ng marami. Mayroon ngang kasabihan na ang lahat ng sobra ay nakasasama. Ngunit paano ba mapipigil ang pagiging sobrang takaw sa pagkain?

-Kapag pumupunta sa grocery ay limitahan lang ang pagbili ng pagkain, ‘yung tama lang sa pangangailangan at huwag pupunuin ng stock ang refrrigator ng pagkain. Kapag marami ka kasing nakikitang pagkain ay matutukso rin na kumain ng kumain.

-Umiwas sa tukso. Iwasang pumunta o dumaan sa mga paboritong restaurant. Isa-isip na bukod sa magastos ito ay mapapalakas lang lalo nito ang  iyong craving o pagnasa sa pagkain. Kumbaga, kung ano ang iyong kahinaan, ito ang dapat na iyong labanan sa pamamagitan ng pag-iwas dito.

-Kapag kakain ay maliit na plato na lang ang gamitin. Kapag malaking plato kasi ay marami ka ring mailalagay. Iwasan nga lang na magpabalik-balik sa kaldero dahil mababalewala rin ito. Kontrolin ang isip, na dapat ay hanggang ganito lang kadami ang iyong kakainin. Kumain lang din kapag ngugutom at hindi maya’t maya ay panay kain. Dahil baka dahil dito ay hindi pa matunawan.

-Ugaliin din ang pag-i-ehersisyo para mabawasan ang timbang. Nang sa gayun ay maiwasan din ang pagbigat nang husto. Pero balewala ang lahat ng ito kung hindi rin naman kokontrolin ang pagkain. 

-Ibahin ang panlasa. Kung matatamis na pagkain ang hilig ay mas mainam kung ang kakainin ay mga pagkaing kaunti lang ang asukal. Sa pamamagitan ng ganitong praktis ay tiyak na mawawala na ang sobrang pagkahilig sa matatamis na pagkain.

-Ituon sa ibang bagay ang atenyon. Puwedeng bigyan ng pansin at linangin kung ano’ng talento ang mayroon ka. Kumbaga, gawing abala ang sarili, sa mga oras kasi na walang ginagawa ay dito umaatake ang pagkagumon sa pagkain.

Tips Para Iwas-Wrinkles

Ang mukha ang agad na napapansin kapag tinitingnan mo ang isang tao. At kapag mayroon kang wrinkles malamang ay mapapansin din ito. Ang wrinkles pa naman ay nakapagpapatanda sa ating hitsura. Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon tayo ng wrinkles. Ngunit ito naman ay madaling iwasan kung atin lang gugustuhin. 

Ang isa sa dahilan nito ay ang sobrang pagkabilad sa araw. Nakatutuyo kasi ito ng ating balat ‘di lamang sa mukha kundi sa lahat ng parte n gating katawan na nabibilad sa araw.  Nagiging sanhi ito para maging aktibo ang mga free radicals na sumisira ng balat. Kaya’t para maiwasan ang wrinkles ay huwag magbilad sa araw lalo na sa oras na napakainit ng araw, mula alas-dyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Bukod dito ay kumain ng mga prutas na mayaman sa katas para ‘di nanunuyo ang ating mga balat. 

Ang facial expressions din ay may kinalaman kung bakit nagkakaroon ng wrinkles ang isang tao. Halimbawa, kung madalas ang ginagawang pagsimangot malamang ay magkaroon ka ng wrinkles. Maaaring kaya ka nakasimangot ay dahil sa masyadong naapektuhan ng mga problema o may mga bagay o tao na kinaiinisan. Imbes na magpadala rito ay harapin ito ng buong hinahon. Mas mabuti kung ang magiging masiyahin para laging maging maganda ang pakiramdam.

Maging ang paninigarilyo ay hindi lamang delikado sa ating kalusugan, nagreresulta rin ito sa pagkakaroon ng problema sa balat. Napapabagal nito ang pagdaloy ng ating dugo na nagiging hadlang para hindi makapagbigay ng sapat na hangin sa ating selula ng ating balat at buong parte ng katawan. Nagreresulta ito sa pagkakaroon ng wrinkles. 

Kapag kulang ka rin sa nutrisyon gaya ng protina at collagen ay maaari ring maging sanhi ito ng pagkakaroon ng wrinkles. Isama na rin dito ang kakulangan sa enzymes. Para malabanan ito ay kumain ng mga pagkaing mayaman sa mga nasabing protina.

Iwasan din ang pagpupuyat dahil isa rin ito sa dahilan ng pagkakaroon ng wrinkles.

Sobrang Pag-iehersisyo Masama sa Kalusugan

Ang ehersisyo ay maraming mabuting dulot sa atin. Nagpapalakas ito ng muscle, nagpapaganda ng daloy ng dugo, nagpapasigla ng katawan, nagdudulot ng malusog na puso at marami pang iba. Pero sa kabilang banda ay hindi rin naman mahanda kapag nasobrahan sa pagsasagawa nito. Maaari ka kasing magkasakit lalo na kapag panahon ng taglamig.

Base sa pag-aaral ng mga eksperto, ang mga atleta na sumasailim lagi sa matinding ehersisyo ay nababawasan ang natural killer cells at lymphocytes. Ang nasabing mga selula ay parehong mahalaga na nagbibigay proteksiyon laban sa sakit. Kapag sobrang tagal o haba ng isinasagawang eherisisyo ay maaaring dapuan ng sipon o ‘di kaya’y lagnat. Mahirap naman kasi kapag napupuwersa ang katawan. Pero kapag tama lang ang isinasagawang pag-iehersisyo ay napapalakas nito ang ating immune system na lumalaban sa pagkakaroon ng sakit.

Kapag sadyang kinakailangan talagang mag-work out ng matindi ay huwag itong gawing araw-araw para ‘di magkaroon ng ‘di magandang epekto sa katawan. Dapat ay magkaroon ito ng pagitan. Mahalaga ring kumain nang husto para magkaroon ng sapat na suplay ang katawan ng antioxidant para ayusin ang mga nasirang free radical habang sumasailalim sa matinding ehersisyo. Kinakailangan ng mga pagkaing mayaman sa protina at complex carbohydrates. Samahan din ito ng pagkain ng gulay at mga prutas para manatiling malakas ang katawan at resistensiya.

Para rin maiwasan ang sobrang pag-iehersisyo ay gumawa ng talaan at ilista ang mga isinagawang ehersisyo sa loob ng isang araw at isulat din kung ano ang iyong naramdaman bago at matapos ang ehersisyo. Kapag nakararanas ng ‘di pangkaraniwang antok at madalas na sipunin aba’y makabubuting ibahin na ang isinasagawang workout. Kapag nasobrahan imbes na lumakas ang katawan ay tiyak na manghihina ka lang dahil may iniindang sakit.

Paano Maiingatan Ang Ating Atay?

Ang liver o atay ay napakahalagang parte ng ating katawan dahil sa marami itong naitutulong sa atin. Ilan lang dito ay nagiging imbakan ito ng mga bitamina, mineral at asukal. Sinasala rin nito ang ating dugo para alisin ang mga toxin sa loob ng ating katawan.  Sinasabing sa bawat pagtibok ng puso, 25% ng ating dugo ang napupunta sa atay upang salain. Ang atay ang pinakamalaking glandula sa loob ng ating katawan. Tinatayang nasa 1.5 kg ang timbang nito.

Ilan lamang sa dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa atay ay ang ‘di pagka-ihi sa umaga at sobrang paggamit ng gamot. Maging ang ‘di pagkain ng almusal at pagkain ng mga pagkaing gawa sa preservatives, food coloring at mga artipisyal na pampatamis ay nag-aambag din ng pagkasira sa atay. Puwede rin naman kapag nasobrahan sa pagkain. Kaya’t ipinapayong hinay-hinay lang sa pagkain para ‘di magkaroong ng diprensya ang atay. Maging ang pagkain ng marurumi at mga hilaw na pagkain ay maaari ring magdulot ng problema sa atay. Isama pa rito ang labis na pagkain ng mga pagkaing sagana sa mantika. Kaya’t dapat lamang kapag nagpiprito ay bawas-bawasan ang paglalagay ng mantika.

Siyempre, kasama na rin sa mga dahilan ng pagkasira ng bato ang sobrang pag-inom ng alak at pag-inom ng gamot. Kapag iinom ng alak dapat ay katamtaman lamang at huwag sosobrahan. Sa pag-inom naman ng gamot, hindi dapat nagsasagawa ng self-medication. Dapat ay ‘yung inireseta lang ng duktor para siguradong ligtas ang pag-inom ng gamot.
Ilan sa sintomas para malaman kung nasira na ang atay ay kapag nawawalan ng gana sa pagkain at bumababa na ang timbang. Maaaring makaramdam ng pagsusuka, pagkahilo, pagtatae, sakit ng ulo, pamumula at panganagati ng mata, mabilis na pagkainis, depresyon, alergi, pabagu-bagong emosyon at iba pa. Kung tutuusin ay madali lang namang iwasan ang pagkakaroon ng sakit sa atay basta’t magkaroon lamang ng healty life style at piliing mabuti ang ating mga kinakain. Ugaliin din ang pag-iehersisyo at pag-inom ng maraming tubig. Gawin din ang taunang pagpapatingin sa duktor para malaman ang kundisyon ng ating atay. Kapag nakaramdam ng mga sintomas ay kumonsulta agad sa espesyalista. Mahirap kung sa huli na magpapatingin, malalaman mo na lang na unti-unti na palang kinain ng mikrobyo ang atay. Kaya’t ‘di dapat winawalang halaga ang problema sa atay kung gusting humaba pa ang buhay!
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...