Natural na sa tao ang kumain kapag nakararamdam ng gutom. Ngunit sadyang may mga tao na waring ang pagkain na yata ang ginawang libangan. ‘Yun bang makikita mong halos oras-oras ay mayroong kinakain. Hindi na normal ang ganito, maituturing na kasi itong pagkagumon sa pagkain o food addiction sa Ingles at hindi rin maganda ang epekto nito sa kalusugan. Nagiging dahilan ito para maging sobrang taba, dahilan din para maging lapitin ng sakit tulad ng sakit sa puso, diabetes, high blood at kung iba pa.
Samantalang ang iba nga ay nakararanas pa ng depression at nakararamdam ng guilty pagkatapos kumain ng marami. Mayroon ngang kasabihan na ang lahat ng sobra ay nakasasama. Ngunit paano ba mapipigil ang pagiging sobrang takaw sa pagkain?
-Kapag pumupunta sa grocery ay limitahan lang ang pagbili ng pagkain, ‘yung tama lang sa pangangailangan at huwag pupunuin ng stock ang refrrigator ng pagkain. Kapag marami ka kasing nakikitang pagkain ay matutukso rin na kumain ng kumain.
-Umiwas sa tukso. Iwasang pumunta o dumaan sa mga paboritong restaurant. Isa-isip na bukod sa magastos ito ay mapapalakas lang lalo nito ang iyong craving o pagnasa sa pagkain. Kumbaga, kung ano ang iyong kahinaan, ito ang dapat na iyong labanan sa pamamagitan ng pag-iwas dito.
-Kapag kakain ay maliit na plato na lang ang gamitin. Kapag malaking plato kasi ay marami ka ring mailalagay. Iwasan nga lang na magpabalik-balik sa kaldero dahil mababalewala rin ito. Kontrolin ang isip, na dapat ay hanggang ganito lang kadami ang iyong kakainin. Kumain lang din kapag ngugutom at hindi maya’t maya ay panay kain. Dahil baka dahil dito ay hindi pa matunawan.
-Ugaliin din ang pag-i-ehersisyo para mabawasan ang timbang. Nang sa gayun ay maiwasan din ang pagbigat nang husto. Pero balewala ang lahat ng ito kung hindi rin naman kokontrolin ang pagkain.
-Ibahin ang panlasa. Kung matatamis na pagkain ang hilig ay mas mainam kung ang kakainin ay mga pagkaing kaunti lang ang asukal. Sa pamamagitan ng ganitong praktis ay tiyak na mawawala na ang sobrang pagkahilig sa matatamis na pagkain.
-Ituon sa ibang bagay ang atenyon. Puwedeng bigyan ng pansin at linangin kung ano’ng talento ang mayroon ka. Kumbaga, gawing abala ang sarili, sa mga oras kasi na walang ginagawa ay dito umaatake ang pagkagumon sa pagkain.
No comments:
Post a Comment