Showing posts with label Relationship. Show all posts
Showing posts with label Relationship. Show all posts

Friday, November 7, 2014

Paano Hihingi ng Tawad sa Minamahal?

 Maraming relasyon ang nasisira dahil sa hindi pagkakaroon ng ‘di pagkakaunawaan. Ngunit maisasalba sana ang lahat kung ito ay nagawan ng paraan. Kaya’t kung sakaling mayroong problemang kinahaharap ay mabuting ayusin agad ito at huwag nang palakihin pa. Baka naman ikaw ang may kasalanan, hindi mo pa alam. O ‘di-kaya’y alam mo pero ipinagwawalang-bahala lamang ito. Ang paghingi ng sori o ng tawad ang susi para ‘di tuluyang masira ang relasyon.Pero paano ba ito gagawin at mayroon bang tamang paraan ng paghingi ng tawad sa minamahal?


          Unang-una ay tanggapin mo sa iyong sarili na ikaw ang may kasalanan kung bakit nagkaroon ng samaan ng loob sa pagitan ninyong dalawa. Alisin na ang pride dahil ‘di naman ito nakatutulong. Bagkus ito pa ang magtutulak para sa pagtatapos ng relasyon na inyong pinag-ingatan. Sayang naman kung mauuwi lang ito saw ala. Matapos maisip ang nagawang kasalanan ay lapitan ang minamahal at humingi agad ng tawad. Huwag nang patagalin, sa pag-aakalang makalilimutan din naman niya agad ito. Sabihin sa minamahal na ‘di mo sinasadya ang nangyari. Mangakong ‘di na ito mauulit at humingi pa ng isang tsansa. Pero dapat lang tandaan na kapag nangako ay kailangan itong tuparin. Huwag padadaain sa text, telepono o e-mail ang paghingi ng tawad. Maliban na lang kung ayaw muna niyang makipag-usap sa iyo.Kung sakaling nasa ganitong situwasyon ay igalang ang kanyang pasya basta’t iparamdam mo na nand’yan ka lang at naghihintay ng pagkakataon na magkaayos kayo.

       Kapag malaki o mabigat ang nagawang kasalanan ay huwag aasang matatanggap agad ng kapareha ang nagawang pagkakamali. Hayaan mo lang na makapag-isip siya basta’t ipakita lang na sinsero ka mga sinasabi mo. Kapag nakikipag-usap ay tumingin ng  mata ng kapareha at hindi ‘yung tipong sa hangin o sa sahig lang nakikipag-usap. Huwag  ding idadaan sa biro ang lahat. Imbes na makuha ang kanyang simpatya ay maaari pa itong mainis dahil parang hindi mo siya siniseryoso. Hindi rin maganda kung magiging masyadong madrama. Dahil mahahalatang nagpapaawa effect ka lang. Imbes na magkaunawaan ay lalo lang itong magpapataas ng tensyon.

         Anuman ang kanyang sabihin ay pakinggan mong mabuti. Hayaan lang siyang magsalita para mailabas niya ang kanyang damdamin. Tanggapin ng maluwag sa dibdib kung sakaling makarinig ka ng paninisi at ipamukha ang nagawang pagkakamali. Kapag nakipag-argumento, isa lang ang ibig sabihin, hindi ka sinsero sa ginagawang paghingi ng tawad. Kumbaga sa bali ay hindi nadadaan sa isang hilot lang. Kinakailangang paulit-ulit itong hilutin para mawala ang sakit na nararamdaman ng kapareha. Kung sakaling hindi niya tinanggap ang paghingi ng tawad ay huwag agad masisiraan ng loob. Ipagpatuloy lang ang ginagawang panunuyo hanggang sa ikaw ay kanyang mapatawad. Alalahaning walang matigas na puso, sa taong tapat sa kanyang mga salita.

Tuesday, March 26, 2013

Love on the Air


       Bakit nga ba usung-uso ang mga tagapayo sa radyo? Dati, andyan si Tiya Dely na nagpapayo sa mga mayroong problema sa buhay. Buhay pag-ibig o maging anuman ‘yan. Sa TV ay naroon din si Joe D Mangoe, Lovingly Yours  Helen at iba pa. Ngayon naman ay andiyan sina Papa Jack, Papa Dan at kung sinu-sino pang tagapayo sa FM Stations. Dati-rati pabasa-basa lang ng sulat ang mga dj . Pero kinalaunan ay naging interactive na ang mga ito. Kung saan ay personal nang tumatawag ang mayroong mga problema.   At buong giting naman itong hinahanapan ng lunas ng tagapayo.

    Hindi ba talaga alam ng mga tao ang kanilang gagawin sa buhay nila kaya humihingi sila ng payo sa mga ito? O baka naman gusto lang nilang ma-broadcast para mapag-usapan ang kuwento ng kanilang buhay? Malas mo lang kung nakikinig pala ang taong naging ugat ng iyong problema. Dahil malamang sa hindi ay panibagong problema na naman ito. Kumbaga sa magsyota ay parang kiss and tell ang dating mo.
    Okey lang sa mga nanghihingi ng payo  na inookray-okray sila ng mga dj pati na rin ng mga listeners na mahilig mag-react. Natural lamang na okrayin ka ng mga ‘yan kung sa palagay nila ay nagpakatanga o tanga ka? O ‘di-kaya’y kung taliwas ang gusto mong mangyari sa inaakala nilang tama. Magpapayo ka tapos iba naman pala ang gusto mong gawin o mangyari. ‘Di ba’t mas mainam kung making ka na lang muna. Tutal naman sa huli ay ikaw rin naman ang magpapasya para sa sarili mo.


    Ako man ay naranasan ko na ring humingi ng payo sa isang announcer sa AM Station. Kaka-break lang kasi namin noon ng gf ko at siyempre medyo broken hearted ang lolo n’yo? Bakit ko nga ba naisipang makahihingi-hingi ng payo noon. Wala lang trip ko lang. Alam ko namang lilipas din ang sakit na nararamdaman ko. Kumbaga sa bagong tuli ay medyo masakit pa. Pero kapag natuyo na ang sugat ay okey na ang lahat.


    Puwede naman akong humingi ng payo sa mga kaibigan ko. Pero huwag na lang dahil baka mas malala pa ang problema nila sa akin. Kung hindi naman ay baka alaskahin lang nila ako. Mas maganda rin sana kung humingi na lang ako ng payo sa mga manginginom dyan sa tabi-tabi na mahihilig ding magbigay ng advice. Tapos bandang huli sasabihin lang nila, alak pa! O di-kaya’y humingi ng payo sa mga matatanda na kakilala ko. Aba’y sa dami na nilang karanasan kaysa akin. Malamang ay ituring lang nilang napakasimple ng problema ko. Humingi na rin sana ako ng  payo sa pastor nang sa gayun ay maipag-pray over pa niya ako. Dahil puwede niya akong mapagkamalan na parang may sapi lang. Mas maganda rin siguro kung sa psychologist na lang ako hihingi ng payo. Ang ikinatatakot ko lang ay masabihan pa ako na ang laki ng sira ng utak ko ba’t di pa ako magpalagak sa mental hospital?  Putsa naman ‘pag sa abugado ako hihingi ng payo baka samu’t saring batas ang ilatag sa akin na sagot sa problema ko kaya huwag na lang din.


    Hindi porke’t humihingi tayo ng payo ay hindi natin alam kung ano ang solusyon sa  problema natin. Maliban na lang kung ang problema natin ay di natin alam ang pormula sa isang mathematical problem. Aba’y mahirap nga ‘yan lalo na’t kung boploks tayo sa Math.Dehins na rin uubra ‘yung kasabihan na, “You cannot face the problem if the problem is your face.” Dahil sagot na ‘yan ng Belo at Calayan Group.  Puwede naman kasing may naiisip tayo tapos kailangan din nating ihambing ang payo ng ibang tao sa atin. Hindi lang naman iisa ang sagot sa problema natin. Kung ‘di umubra ang option 1, puwedeng ang option 2. Kung wala pa rin ibang usapan na ‘yun.  Pero kung ako ang tatanungin isa lang ang masasabi ko, BAHALA KA SA BUHAY MO

Wednesday, February 13, 2008

Dakilang Housewife

Sino'ng may sabing madali lang maging housewife? Iniisip kasi ng iba na ang maging housewife ay pa-setting-pretty lamang. Ngunit hindi ito dapat maliitin dahil lamang sa kawalan ng hanapbuhay ng asawang babae. Kahit sabihin pang dapat ay magkatuwang ang mag-asawa sa paghahanapbuhay para mapunan ang pampinansiyal na pangangailangan ng pamilya. Sa totoo lang puno ng sakripisyo ang pagiging housewife.

Paggising pa lang sa umaga kasabay ng pagtilaok ng manok nagsisimula na ang trabaho ng isang housewife. And'yan ang ipagtimpla ng kape si mister, ipagplantsa ito ng uniporme at ipaghanda ng almusal. Aasikasuhin din niya ang mga batang pumapasok sa eskuwela; papaliguan,bibihisan at ipaghahanda ng baon. Diyata't umaga pa lang ay pawian na si misis sa dami ng ginagawa. Sunod naman niyang haharapin ang paglilinis ng bahay, paglalaba, pagluluto maging pag-aalaga ng maliliit pang mga anak. Mahirap mag-alaga ng bata lalo't kapag sanggol pa lamang dahil kinakailangan na 24 oras kang nakaantabay.

Siya rin ang tagapag-budget ng suweldong iniintriga ni mister. Pilit niya itong pinagkakasya, dibaleng huwag ng mabigyan ng layaw ang sarili basta ang importante ay ang kapakanan ng pamilya. Siya rin ang makikitang madalas na nagtuturo ng assignment sa mga anak. Kapag mayroong sakit ang isang miyembro ng pamilya ay talagang inaasikaso nang husto.Marami pa ang mga 'yan at 'di na kailangan pang banggitin. Mantakin mo at daig pa niya ang isang kasambahay sa dami ng gawain. Kahit walang suweldo ay taos-puso niya itong ginagawa. Dahil para sa kanya ito ay kanyang gampanin bilang asawa at isang ina. Kaya't hindi siya nababagot kahit ganuon at ganito na lang ang kanyang ginagawa sa isang araw.

'Di ba't dakila ang maging housewife?

Mga Napag-iwanan ng Biyahe

Mahirap ang bumuo ng pamilya dahil isa itong malaking responsibilidad. Kahit ganito ay masaya pa rin dahil may katuwang ka nga naman sa buhay at masarap sa pakiramdam ang magkaroon ng supling. Pero paano naman kaya silang hindi na nakapag-asawa? O 'yung mga tinatawag nating mga soltero at soltera. Masaya kaya sila sa kanilang pagiging single?

Iba't iba ang kadahilanan ang 'di pagkakaroon ng asawa ng isang tao. Mayroong nabigo sa pag-ibig kaya't ayaw ng mag-asawa, mayroon ding dahil sa pagiging abala sa karera gaya ng ilang titser, ayaw magpatali o mapakialaman at iba pa. Pero hindi totoo ang dahilang walang magkagusto dahil sa pagkakaroon ng 'di kaaya-ayang hitsura. Tandaang malaking aspeto ang pagtataglay ng mabuting ugali o kabaitan para maibigan ng iba. 'Di ba't kahit yaong mga may kapansanan sa katawan ay nakakapag-asawa pa?

Halos lahat ng aking mga nakausap na matatandang binata at dalaga ay masaya naman sa kanilang buhay. Tanggap diumano nila kung ito ang kanilang naging kapalaran at wala silang pinagsisisihan. Ganun daw talaga, ang pag-aasawa ay 'di para sa lahat ng tao. Minsan naman daw sa kanilang buhay ay naranasan nilang magmahal at mahalin din. May pagkakataong nalulungkot din sila kapag naaalala ang kanilang nawaglit na pag-ibig. Ngunit ang lahat ng ito ay bahagi na lamang ng nakaraan kaya't sa huli ay napapangiti na lang sila kapag ito ay naaalala. Ang mahalaga diumano ay ang kasalukuyan kasama ang mga kaibigan at kamag-anak na tapat. Kahit sila ay mga single ay 'di nangangahulugang ang kanilang pag-iisip ay nakatuon na lamang sa mga sarili. Bagkus ang mga pamangkin na lang ang itinuturing nilang mga anak na kanilang tinutulugan sa pinansiyal na pangangailangan. Nililibang na lang din nila ang kanilang sarili sa trabaho at sa iba pang bagay na kapaki-pakinabang.

Kaya bakit kailangang mabahala ng iba at magmadali sa pag-aasawa, na para bang mauubusan lalo na silang mga nasa huling biyahe? Kung 'di makakapag-asawa ay ano'ng problema? Puwede pa namang maging masaya; ika nga nilang nasa ganitong kalagayan nasa nagdadala lang 'yan.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...