Unang-una ay tanggapin mo sa iyong sarili na ikaw ang may kasalanan kung bakit nagkaroon ng samaan ng loob sa pagitan ninyong dalawa. Alisin na ang pride dahil ‘di naman ito nakatutulong. Bagkus ito pa ang magtutulak para sa pagtatapos ng relasyon na inyong pinag-ingatan. Sayang naman kung mauuwi lang ito saw ala. Matapos maisip ang nagawang kasalanan ay lapitan ang minamahal at humingi agad ng tawad. Huwag nang patagalin, sa pag-aakalang makalilimutan din naman niya agad ito. Sabihin sa minamahal na ‘di mo sinasadya ang nangyari. Mangakong ‘di na ito mauulit at humingi pa ng isang tsansa. Pero dapat lang tandaan na kapag nangako ay kailangan itong tuparin. Huwag padadaain sa text, telepono o e-mail ang paghingi ng tawad. Maliban na lang kung ayaw muna niyang makipag-usap sa iyo.Kung sakaling nasa ganitong situwasyon ay igalang ang kanyang pasya basta’t iparamdam mo na nand’yan ka lang at naghihintay ng pagkakataon na magkaayos kayo.
Kapag malaki o mabigat ang nagawang kasalanan ay huwag aasang matatanggap agad ng kapareha ang nagawang pagkakamali. Hayaan mo lang na makapag-isip siya basta’t ipakita lang na sinsero ka mga sinasabi mo. Kapag nakikipag-usap ay tumingin ng mata ng kapareha at hindi ‘yung tipong sa hangin o sa sahig lang nakikipag-usap. Huwag ding idadaan sa biro ang lahat. Imbes na makuha ang kanyang simpatya ay maaari pa itong mainis dahil parang hindi mo siya siniseryoso. Hindi rin maganda kung magiging masyadong madrama. Dahil mahahalatang nagpapaawa effect ka lang. Imbes na magkaunawaan ay lalo lang itong magpapataas ng tensyon.
Anuman ang kanyang sabihin ay pakinggan mong mabuti. Hayaan lang siyang magsalita para mailabas niya ang kanyang damdamin. Tanggapin ng maluwag sa dibdib kung sakaling makarinig ka ng paninisi at ipamukha ang nagawang pagkakamali. Kapag nakipag-argumento, isa lang ang ibig sabihin, hindi ka sinsero sa ginagawang paghingi ng tawad. Kumbaga sa bali ay hindi nadadaan sa isang hilot lang. Kinakailangang paulit-ulit itong hilutin para mawala ang sakit na nararamdaman ng kapareha. Kung sakaling hindi niya tinanggap ang paghingi ng tawad ay huwag agad masisiraan ng loob. Ipagpatuloy lang ang ginagawang panunuyo hanggang sa ikaw ay kanyang mapatawad. Alalahaning walang matigas na puso, sa taong tapat sa kanyang mga salita.
No comments:
Post a Comment