Showing posts with label Short Story. Show all posts
Showing posts with label Short Story. Show all posts

Tuesday, February 3, 2015

Pintura

      Tumitiyempo siya kung paano makakapagpuslit ng pintura mula sa pagawaan ng ceramics na kanyang pinagtatrabahuan. Isang maliit na lata lang naman ang gusto niyang iuwi. Hindi naman niya talaga kailangan ng pintura dahil wala pa siyang paggagamitan. Pero mabuti na rin ang makapagstock at baka may maisip siyang pinturahan. Puwedeng gamiting pang-vandalism sa pader.  Paano kaya siya makakpagpuslit e laging nakabantay ang ang kanyang amo? Bahala na, didiskarte na lang siya. Tutal pintura lang naman ang dudugasin niya.

    Oras na ng uwian. Pinauna muna niyang makaalis ang kanyang mga kasamahan sa trabaho. Hinintay muna niyang tumalikod ang amo sabay kuha ng pintura.  Saan kaya magandang ilagay? Hindi naman kasya sa bulsa. Wala rin siyang dalang bag. Mas lalong hindi puwedeng bitbitin na lang dahil baka mahuli pa siya. Isinuksok na lang niya ito sa harapan ng kanyang salwal. Ingat na ingat siya habang naglalakad dahil baka tumilapon ang pintura. ‘Di pa siya gaanong nakakalayo ay nabuksan ang takip ng pintura kung kaya't sumabog ito sa kanyang ari.Basang-basa tuloy ng pintura ang kanyang salwal, brief pati na rin ang damit.  Sobrang hapdi at ang init sa pakiramdam. Sa wari niya ay parang nalapnos ang kanyang kaselanan. Agad niyang itinapon ang lata ng pintura at mabilis siyang tumakbo papauwi ng bahay. Pagdating sa bahay ay pumunta agad ng banyo feeling niya para siyang babaeng dinatnan ng dalaw habang tinitingnan ang pulang-pulang pintura.

The Crush

     Bente pesos na lang ang natitirang pera sa kanyang bulsa. Eksakto na lang pamasahe pauwi at pampalamig. Mahirap talaga ang maging estudyante. Bukod sa mapipiga na ang utak mo sa klase ay magugutom ka pa. Pero isipin niya lang ang kanyang crush ay nabubusog na siya. Minsan nga lang siyang makasilay dahil hindi naman niya school mate ang crush. Pero malapit lang naman ang kanyang tirahan sa pinapasukang eskuwelahan. Madalas niya itong makitang nagbibisekleta.  Wish pa nga niya na sana ay naging bisekleta na lang para naman siya ang sinasakyan ng kanyang crush tapos liliko silang bigla.

    Naglalakad siya nang bigla napatapat sa kanya ang kanyang crush na sakay ng bisekleta. 'Yun lang at para na siyang mawawala sa sarili. Feeling heaven agad siya bagama't ngising demonyo. Okay na sana pero sadyang mabilis lang ang kanyang pagsilay. Sa isang kisap mata ay naglaho na agad ito sa kanyang paningin. Para tuloy siyang nawawala sa kanyang sarili habang naglalakad. 'Di niya agad namalayan na binusinahan siya ng sasakyang nasa kanyang likuran. Nagulat pa siya nang itiuro ng pahinante ang perang nakatupi sa kalsada. Dali-dali naman niya itong iniabot sa nagturo sa kanya sabay harurot ng sasakyan.Maya-maya lang ay dumukot siya ng pera sa kanyang bulsa pero wala na siyang madukot.

Yosi Break

       Kanina pa niya gustong manigarilyo pero pinipigilan niya ang kanyang sarili. Sayang din kasi ang barya na ipambibili niya rito. Mahirap nga talagang alisin ang isang bagay na nakasanayan na. Kahit ayaw man niya ay patuloy pa rin siya sa bisyo niyang ito. Mabuti pa siguro kung ipambibili na lang niya ng kendi ang barya. At least may ngangatain pa siya. Hindi puro yosi, na bukod sa pinapangitim ang kanyang labi ay maaari pa siyang magkasakit. Puwede ring tsirtsirya na lang kaso hindi na siya bata para mahilig pa sa mga junk food. Ano kayang madaling gawin sa kanyang barya?
    Nag-iisip siya ng malalim nang may matandang pulubi na nangalabit sa kanya.  Nakakaawa ang hitsura nito dahil dahil bukod sa matandang-matanda na ay sira-sira pa ang damit nito at nanggigitata sa pawis.  Nakaramdam siya nang matinding pagkahabag at biglang nakalimutan ang kagustuhang manigarilyo.  Kaya't agad na iniabot ang baryang nasa bulsa. Taos puong nagpasalamat ang pulubi sa kanya sabay talikod nito. Biglang lumuwag ang kanyang pakiramdam. Kay sarap palang tumulong sa kapwa. Hiling pa niya na sana ay malayo rin ang marating ng kanyang barya. Maya-maya lang ng konti ay nakasalubong niya ang pulubi na naninigarilyo. Malayo nga ang mararating ng usok ni Tatang habang tuyung-tuyo ang kanyang lalamunan.

Miss Vodka

       Wala siyang balak magpakalasing habang siya ay nasa bar. Nandun lang siya dahil tumugtog ang kanyang banda. Sapat na sa kanya ang isang bote ng alak. Ang tugtugan sa gabing yun ay para sa isang charity cause. sapat na ang makatugtog sila ng libre para sa gawaing 'yun. Katatapos lang nilang tumugtog. Gusto na nga sana niyang umuwi. Pero kailangan pa niyang tapusin ang tugtugan dahil kaibigan niya ang mga organizer.

    Tumutungga siya nang mapansin niya ang magandang modelo ng alak na nang-aalok ng produktong iniiendorso nito. Vodka ito at hindi kasing tapang ng alak na kanyang iniinom. Pero pakiramdam niya parang may sumisipa sa kanya hindi sa lalamunan kundi sa kanyang dibdib. May kakaibang damdaming hatid ang naturang modelo para sa kanya. Para tuloy siyang nahipnotismo. Ngiti pa lang panalo na. Nakasuot ito ng sleeveless na kulay pula at maiksi ang short. Lutang na lutang ang kinis at kaputian ng modelo. Pakiramdam din niya ay parang matutuyuan siya ng lalamunan dahil nanapalunok laway pa siya.

      Tumapat sa kanya ang modelo at agad siyang inalok ng dala nitong vodka. “Sir, tikman n'yo po itong alak namin. Masarap po ito”. Pero mas gusto niyang tikman ang mismong modelo at hindi ang ipino-promote nitong alak. Pero siyempre hindi puwede ang ganun. Kung kanina ay hanggang isang bote lang siya. Heto at napa-order siya ng wala sa oras. Tutal naman ang kikitain ng event ay para sa kawanggawa nga. Para maka-chickahan ang modelo ay bumili pa siya ng ilan pang bote. Tinanong niya ang modelo kung regular ba itong nagtatrabaho para sa kumpanya ng alak. Napag-alaman niyang freelancer lang ang babae. Kung saan may raket ay doon siya. Posibleng ito na ang una't huling pagkakataon na makikita niya sa bar ang modelo. Pero di siya papayag na hanggang dito na lang ang lahat. Kaya't kailangan niya itong makilala nang husto.

       Walang alinlangan ay hiningi niya ang cel number ng babae pero hindi naman nito ibinigay. Kaya't sa huli ay Facebook account na lang ang kinuha nito. Gusto niyang alamin ang e-mail addres nito. Pero sa halip ay ibinigay na lang nito ang kanyang pangalan at apelyido. Biniro pa niya ang modelo kung mayroon ba itong fan page dahil mukha itong kahanga-hanga at magmula ngayon ay isa na siyang fan. Pero wala namang fan page ang babae. Pagkauwi ng bahay ay agad niyang sinearch sa Facebook ang ibinigay na pangalan ng modelo. Umaasa siyang ia-accept nito ang kanyang friend request. Para naman maging updated siya sa nangyayari sa buhay ng modelo. Pero wala naman siyang mahanap na may ganoong pangalan.

Monday, November 10, 2014

Estrangherong Bulag

Lagi kong nanakasakay sa dyip ang isang estrangherong hindi pangkaraniwan. Bagama’t bulag siya ay nagagawa pa rin niyang magtrabaho. Pero hindi ‘yung tipo ng trabaho na nasa bahay lang dahil nagagawa pa niyang magbiya-biyahe. Hindi ko nga lang alam kung ano ang eksaktong trabaho niya. Isa lang ang sigurado, hindi siya isang musikero o ‘di kaya’y masahista na karaniwan ng trabaho ng tulad niyang bulag. Palagay ko ay nakapag-aral siya dahil pang-professional naman ang kaniyang uniporme. Naka-polo ng kulay blue at naka-slacks. Medyo may kaliitan siya, maputi at payat ang pangangatawan.

Bilib ako sa kanya dahil nagagawa niyang magbiyahe ng mag-isa. Kapag sumasakay siya ng dyip ay inaalalayan lang siya ng kanyang mga ka-trabaho para maging maaayos ang pagsampa niya sa sasakyan. Tapos kapag magbabayad naman ay nakahanda na ang kanyang pamasahe. Barya lang para ‘di na siya kailangan pang suklian ng drayber. Pero minsan ay buo naman ang nakikita kong ibinabayad niya. Ang galing niya dahil alam niya kung magkano ang kanyang perang ibinibigay. Hindi kaya kabisado na niya ang amoy ng pera? Pero hindi rin dahil pare-pareho lang naman ng amoy ito. Kapag bago-bago pa ang pera mabango pa ang amoy. Pero kapag luma, dahil sa marami na ang nakahawak ay sari-sari rin ang amoy. Lalo na kung ang humawak ng pera ay humawak ng isda o ‘di kaya’y basura. Ang mga bulag pa naman ay napakalakas ng pang-amoy.

Kapag nagbabayad ay sinasabi lang niya sa drayber na ibaba siya sa ganitong lugar. Kapag malapit na ang kanyang destinasyon ay ipinapaalala naman ng ibang pasahero na bababa na ang estranghero. Siyempre, inaalalayan siya ng ilang mababait na pasahero. Pero ‘yung iba ay walang pakialam. Parang ‘di nila alam na bulag ang bababa dahil ‘di man lang inuusog ang kanilang mga paa. Mabuti na lamang at hindi natatalisod ang bulag. Pero malay ko rin, dahil ‘di ko naman siya araw-araw na nakakasakay.

Pagkababa ng dyip ay mag-aabang uli siya ng masasakyan at nagpapa-alalay sa mga tao na ipara siya sa huli niyang biyahe dahil hindi nga naman niya nababasa ang karatula ng dyip. Kung minsan kahit ‘di na siya magsabi ay may mga nagmama-gandang loob na isakay siya. Mabuti at walang nakakaisip na pag-tripan siya, ‘yun bang isakay siya sa maling biyahe o ‘di kaya’y agawin ang dala-dala niyang mga gamit. Kung may gagawa man ng ganun ay napakasalbahe naman nila dahil nagawa nilang pagsamantalahan ang isang taong wala namang kalaban-laban.

Pagkababa ng estranghero ay may may lalakeng nag-aabang sa kanya, sa palagay ko kung hindi man niya tatay ay isa niya kamag-anak. Doon na nagtatapos ang biyahe ng estranghero, sa wakas ay makakauwi na rin siya sa kanila. Pero alam ko, hindi ko man siya kakilala ay marami na siyang pinagdaang biyahe bago maging ganun katatag ang kanyang kalooban. Hindi literal na biyahe ang tinutukoy ko kundi ang mga hirap na pinagdaanan niya. Ang matanggap mo lang sa sarili mo na isa kang bulag ay mahirap na. Sino ba namang tao ang gusto ng hindi nakakakita? Paano mo masisilayan ang makulay na mundo ganito ang kalagayan mo? Wala kang ibang aasahan kundi ang iyong pandama, pang-amoy, pandinig at panlasa. Marahil para sa estranghero, ang higit na mahalaga ay mayroon pa siyang isip para mapagkuhaan ng dunong para magsabi sa kanya sa mga bagay na kung ano’ng dapat niyang gawin.

Kung ako ang nasa kalagayan niya siguro ay gugustuhin kong nasa bahay na lang at kung lalabas man ako, ang gusto ko ay mayroon akong kasama para hindi ako madapa sa daanan. Mahirap yata ang magkikilos ng walang nakikita. Pero siya pinipilit pa rin niyang mamuhay ng normal sa kabila ng kawalan niya ng paningin. Hindi niya hinahayaan ang kanyang sarili na magpatalo sa dagok ng kapalaran. Wala akong ideya kung paano siya nabulag, kung inborn ba ito, dahil sa katarata o naaksidente lang siya? Dahil hindi ko nga naman siya kakilala ng personal. Pero isa lang ang sigurado ibang klase rin ang kanyang fighting spirit batay na rin sa nakikita kong katangian sa kanya.

Saka masarap pa rin palang isipin na hindi lahat ng tao ay walang pakialam sa tulad niyang bulag. Sila ang mga taong walang sawang umaalalay sa kanya. Mula sa kanyang pamilya, kasamahan sa trabaho at mga nakakasakay niya sa dyip. Dahil kung wala rin ang kanilang malasakit malamang ay hindi rin makapagbibiyahe ng  matiwasay ang estranghero. Ayokong magbulag-bulagan lang sa nakikita ko sa kanya. Kaya ko nga siya ikinukuwento ngayon sa lahat dahil alam kong may nais siyang patunayan. Oo nga’t bulag siya pero hindi ‘yun hadlang para hindi siya mamuhay ng normal at makuntento na lang sa napakadilim niyang mundo. Kaya nga’t kapag nagdidilim ang isip ko dahil sa mga negatibong bagay, isipin ko lang siya ay lumiliwag na uli ang lahat sa akin.

Sa Likod ng Kuwento

Pamagat na lang ang kulang ni Rico sa isinulat niyang kuwento. Tungkol ito sa isang nagbinatang mistulang hinahanap ang kanyang sarili sa kanyang mga kaibigan. Palibhasa ay lumalaki na kaya’t samu’t saring bagay ang nais na i-eksperemento. Mula sa porma, musika, lengguwahe, pagbibisyo at kung anu-ano pang mga bagay. Isang tipikal na paksa pero alam niyang masasakyan ito ng mga mambabasa. Dahil parang nakikita nila rito ang kanilang mga sarili. Kahit karaniwang kuwento ay napasukan niya ito ng mga naiibang elemento na alam niyang nagbigay buhay sa kanyang kuwemto.

Isip ng isip si Rico. Ano kaya ang magandang pamagat, “Ang paghahanap sa nawawalang sarili,” kaya? Hmm, baka naman akalain ng magbabasa na kuwento ito ng isang saykopatik. Agad na buburahin sa isip ang unang naisip na pamagat. Eh, kung ang, “Bagong Tuklas?” Mukha naman tungkol ito sa isang imbentor na nakatuklas ng bagong imbensyon. Eh, kung simplehan lang niya halimbawa ay “Pagbibinata.” Pero malawak ang saklaw nito, akalain pa ng iba na tungkol ito sa pagpapatuli at pagbibinyag ng isang nagbibinata na. Parang may kaunting sexual annotation ang dating. Kung bakit kasi nahihirapan siyang mag-isip ng pamagat. Minsan talaga ay inihuhuli niya ang pag-iisip ng pamagat. Kasi para sa kanya ay espesyal ang pamagat. Dahil sa pamagat pa lang ay maaaring pag-interesan na ng mambabasa ang isang kuwento. Kaya kailangan talagang pag-isipan, hindi ‘yung basta may pamagat lang kahit ‘di naman akma sa kuwento.

Habang nag-iisip ng pamagat ay pinagkakalkal muna niya ang mga diyaryo at magasin kung saan ay nalathala ang kanyang mga kuwento at artikulong naisulat. Hmm, marami-rami na rin pala siyang naisulat simula noong nag-umpisa siyang magsulat. Parang kailan lang ay naghahanap pa siya ng puwang sa mundo ng palimbagan. Noong una ay halos walang pumapansin sa kanyang mga isinusulat. Sino ba naman ang papansin sa isang bagito na gaya niya? Pero nagpursige siya dahil naniniwala naman siya na mayroon siyang talento. Marami na siyang napahanga noong nagbibigay siya ng kontribusyon sa kanilang school organ. Mga tula at pailan-ilang sanaynay pa lang ang hilig niyang isulat. Wala nga siyang kaalam-alam sa pagkukuwneto. Dahil para sa kanya ay nakababagot ang pagkukuwento. Pero ang ‘di niya alam, mapa-sanaysay man o tula ang kanyang isinusulat ay para na rin siyang nagkukuwento. Ito ay sa pamamagitan ng pagbabahagi niya ng kanyang mayaman at makulay na karanasan. Bilang anak, kaibigan, kapatid, kamag-aral o bilang isang indibiduwal. Napagtanto niya na ang mundo ay binubuo ng walang katapusang kuwneto. Ang kailangan lang ay i-explore ito, para siyang si Columbos na naglakbay noon sa karagatan para tumuklas ng bagong teritoryo. At ang kanyang teritoryo ay ang paglalaro sa pagitan ng creative non-fiction at fiction. Pero mas maganda kung susubukin pa niya ang ibang genre.

Mahirap ang maging manunulat, ramdam ito ni Rico. ‘Di lamang sa palaging nag-iisip. Dahil kung pag-uusapan ay ang kita ay depende ito sa kung may natapos ka o wala. Per piece ang bayad at hindi naman ganu’n kaganda ang bayad. May mga nagsasabi nga sa kanya na umiba na lang siya ng linya. Maghanap siya ng trabaho na may mataas na suweldo. Hindi ‘yung nagtitiyaga siya sa pagusulat. Kung gusto talaga niyang magsulat ay gawin na lang niya itong part time. Pero ‘di na lang pinapansin ni Rico kapag nakaririnig siya ng ganito. Ang importante sa kanya ay maibahagi niya sa iba ang laman ng kanyang pag-iisip. Na akala mo talaga ay kailangan itong mabasa ng lahat dahil sa sobrang importante. Ang pagsusulat ay itinuturing niyang isang sining. Kapag isa kang alagad ng sining at winala mo ang pagiging iyong malikhain ay parang inaksaya mo na rin ang iyong buhay. Para saan pa ang talento kung wala namang paggagamitan?

Hindi rin siya nasisira ng mga kritiko na kung makapanlait ng may gawa ng may gawa akala mo na ay monopolyo na nila ang pagsusulat. Hindi para sa kanila ang kanyang mga isinusulat. Alam naman niyang hindi lahat ng tao ay naiibigan ang kanyang mga isinusulat. Ang mahalaga para sa kanya ay marami ang nagkakagusto sa kanyang mga gawa. Hindi naman siya naghahanap ng papuri, bonus na lang ito kung mayroon man. Eh, ang pagsikat? Kung darating ay darating din ‘yan, bahala na ang kapalaran. Basta’t siya magsusulat lang siya sumikat man o hindi. Kung sumikat siya eh ‘di mas maganda dahil mas marami ang kanyang maaabot at baka sakaling maingat din ang kanyang kabuhayan sa pamamagitan ng kanyang mga isinusulat. Pero ayaw na niyang asahan pa ‘yung huli. Dahil dito sa Pilipinas bibihira lang ang yumayaman sa pagsusulat. Habang nagmumuni ay napatingin siya sa butiki na naglalakad sa kisame. Parang ganito rin, siya matindi ang kapit. Ayaw niyang basta na lang magpahulog sa mga puwersang humihila sa kanya pababa.

Ilang baso rin pala ng kape ang kanyang naitumba bago niya natapos ang kuwentong kaniyang isinulat. Ang ilang eksena rito ay hinugot niya sa kanyang karanasan at ang iba naman ay sa karanasan ng kanyang mga kakilala. Nilagyan lang niya ng kaunting twist para maiba ng kuwento. Tutal bilang isang manunulat nasa kanyang pagpapasya kung ano ang nais niyang palabasin sa kanyang kuwento. Kung tutuusin ay para ka na ring hari sa sarili mong sistema. Habang pinagdudugo ang isip sa pag-iisip ng pamagat ay biglang nag-brown out. Nalintikan na, ‘di pa niya na-save ang kuwentong kung ilang oras niyang pinag-isipan. Pero umaasa siyang mare-recover pa ito. Ngayon, hindi na ang pamagat ang prinoproblema niya kundi ang mismong kabuuan ng kuwento niya. Na bagama’t alam niya ang tem ay mag-iiba na ito kapag isinulat uli niya ito ng panibago.

Totoy Basura

Kanina pa nagkakalkal ng basura sa tambakan si Totoy. Pero hindi pa rin napupuno ang kanyang sako. Minamalas yata siya, kailangan niyang makarami para ayos ang butu-buto. Ito lang naman ang alam niyang paraan para kumita ng pera. Sa murang gulang na dose anyos ay batak na siya sa trabaho. Hindi naman siya inutusan ng kanyang mga magulang na ganito ang gawin. Pero dahil pa-ekstra-ekstra lang naman bilang padyak boy ang kaniyang ama kaya’t nag-boluntaryo siya na mamumulot na lang ng basura. Kaysa naman wala siyang ginagawa habang nakikitang problemado sa pera ang kanyang pamilya.

Nakailang ikot na rin siya pero wala na talaga siyang mapiga sa mga tambak ng basura. Mauutak na rin ang mga tao dahil imbes na itapon ang mga bagay na maaari pang pakinabangan ito na lang ay kanilang iniipon at sila mismo ang nagbebenta sa junkshop o ‘di kaya’y sa mga naglilibot ng magbobote. Mabuti na lamang at ‘di pa naman ganun ang mentalidad ng lahat ng tao. Dahil kung hindi ay wala na ring pagkukunan ng kabuhayan ang gaya niyang nangangalakal. Wish nga ni Totoy ay ipaubaya na lang sa kanila ang mga basura.

Alam din ni Totoy na kahit ang ilang mga pamahalaang lokal ay batid din ang kahalagahan ng basura kaya’t mayroon na ring nagsipagtayo ng Material Recovery Facility. Kung saan ay sila ang kumukuha ng mga basurang puwede pang pakinabangan para makadagdag sa pondo ng kanilang kabang-yaman. Napapabuntong-hininga na lang siya habang iniisip ang mga ganitong bagay. Imbes na nag-aaral heto siya’t kapiling ng bunton ng basura at mga langaw! Pakiramdam niya ay parang may orchestra ang mga ito lalo na’t sabay-sabay na lumilipad papunta sa kanya. Pakiramdam tuloy niya ay parang sinasabi sa kanya ng mga langaw, “Totoy Basura, si Totoy ay basura!” Pero buti pa ang langaw nilalapitan siya, ‘di tulad noong minsang nasa bayan siya may aleng naka-postura na napadikit lang siya ay agad na nagtakip ng ilong. Para bang may nakakahawa siyang sakit kaya’t diring-diri sa kanya. Naipangako tuloy niya sa kanyang sarili na baling-araw ay aasenso rin siya. Sa ngayon, magbabasura lang siya, pero pagdating ng araw ay magiging may-ari rin siya ng junkshop. May kilala siya na yumaman dahil sa ganitong uri ng negosyo at ‘yun ang gusto niyang gayahin.

Hustler na sa pagkakalkal ng basura si Totoy. Nasisipat agad niya kung mayroon siyang matitisod na kalakal. Para kay Totoy ang pagkakalakal ay parang paghihiwalay din ng mga basurang nabubulok sa hindi nabubulok. Siyempre, ang kailangan ay ‘yung ‘di nabubulok para ma-recycle uli. Bagama’t hirap nang makakita ng basurang pakikinabangan pa ay ‘di pa rin nasisira ang kanyang diskarte. Kalkal dito, kalkal doon. Presto! May naispatan siyang plastik na punung-puno ng laman. Agad niya itong binuksan. Pero putsa pagbukas niya ay may binalot sa papel, ‘di na niya kailangan pang hulaan kung ano ‘yun. Sa amoy pa lang, alam na niyang may kasama itong ebak. Sa inis ay inihagis na lang niya ang plastik sa may ‘di kalayuan. Baka sakaling makita ng aso ay dilaan pa nito ang mina. Kung tutuusin ay karaniwan na lang para sa kanya ang makakita ng ganito. Pero sino ba siya para mag-inarte? Kasama na talaga ang dumi ng tao man o hayop sa ganitong larangan. Bawal dito ang mahina ang sikmura dahil siguradong ‘di ka tatagal.

Minsan nga ay patay pa ang kanilang natatagpuan. Kung hindi salvage victim, ang itinapon ay fetus. Kapag nakakakita ng patay na tao sa tambakan si Totoy ay napapapikit na lang ito ng mata. Para kasi siyang binabangungot ng gising ng mga ganitong tagpo. Naitatanong tuloy niya sa kaniyang sarili na basura rin ba ang mga ito at kailangan sa tambakan pa inilalagay ng ilan? Siguro nga, basura lang ang turing ng mga may kakagawan ng krimen. Pero tao sila kaya’t sigurado si Totoy na may halaga ang buhay ng tao. Hindi ito nilikha para patayin lang ng kung sino.

Nagpasya na ring umalis si Totoy nang mapagtanto niyang ‘di na talaga niya mapupuno ang kanyang sako. Iniisip niya kung sa magkanong halaga niya lang kaya ‘to mabebenta? ‘Di bale babawi na lang siya sa susunod. Baka inaalat lang talaga siya sa araw na ito. Naglalakad na siya pauwi nang biglang makaramdam na may kung ano’ng matulis na bagay na tumusok sa kaniyang mga paa. Kung bakit kasi sobrang nipis lang ng kanyang tsinelas, eh. Kung alam lang niyang matutusok siya eh ‘di sana ay nagbota na lang siya. Pero ayaw niya ng ganun dahil nabibigatan lang siya. Napapaiyak sa sakit si Totoy. Tiningnan niya ang paa niya, natusok ito ng malaking pako na may kalawang pa. Patay! Baka matetano siya tapos maimpeksiyon pa. Wala pa naman siyang panduktor. Agad niyang binunot ang bumaong pako. Kitang-kita niya kung gaano karami ang kalawang nito, habang panay naman ang agos ng kanyang dugo. Nakasunod pa rin sa kanya ang mga langaw at Parang gusto pa yatang pagpiyestahan ang kanyang sugat. Pakiramdam niya ay para uli siyang sinasabihan ng, “Totoy Basura! Si Totoy ay basura!”

Ang Tunay na Kaibigan

Bata pa lang ako noong una kong nakita si Mang Ben na may akay-akay na aso. Siyempre, nakatali ito at mistulang ang tali ang nag-uugnay sa kanya at sa kanyang alaga. Hindi ko nga lang alam kung ano ang eksaktong edad niya basta’t puro uban na ang buhok niya ngayon. May katangkaran siya, kayumanggi at medyo payat ang pangangatawan.

Hindi pangkaraniwang dog lover si Mang Ben dahil isa siyang isip-bata. Pero ang tingin sa kanya ng iba ay loko-loko o sira-ulo. Kung ano man ang iniisip sa kanya ng tao ay siguradong hindi n’ya ‘yun naiintindihan. Basta’t para sa kanya ay maligaya siya sa piling ng itinuturing niyang kaibigan. Kung mayroon nga lang award bilang loyalty award sa mga aso tiyak na mangunguna sa listahan ang pangalang “Ben.”  Siya ang larawan ng kasabihan na ang aso ay “man’s best friend.” Bakit hindi? Eh, mula noon hanggang ngayon ay nananatiling ito ang lagi niyang kasa-kasama.

Sa dami na ng taong nagdaan buhat nang una kong nakita si Mang Ben ay iba’t ibang klase na ng aso ang kanyang naging kasama. Mayroong kulay orange, brown, puti at itim. Mayroong malulusog, katamtaman ang pangangatawan at mayroon ding payat. Natatawa nga ako sa kanya dati nang makita ko siyang may akay-akay na asong sobrang payat tapos para pang hirap sa paglalakad dahil iika-ika pa ang aso. Pero hindi marunong magtangi si Mang Ben. Pantay-pantay lang naman ang tingin niya sa mga aso. Take note, malilinis tingnan ang kanyang mga alaga. Hindi ko na nga mabilang kung ilang aso na ang dumaan sa kamay ni Mang Ben. Ang sigurado lang, lahat sila ay nagtagal sa piling niya. Siguro hanggang sa huling hibla ng hininga ng mga ito ay si Mang Ben ang kanilang nasa tabi. Nai-imagine ko tuloy na habang nag-aagaw-buhay ang isa niyang alaga ay umiiyak ito dahil sa sobrang lungkot.

Mabuti na lang at suportado siya ng kanyang pamilya sa kaisa-isang libangan ni Mang Ben. Dahil kung hindi ay walang makikitang pagala-gala sa kalye na may kasa-kasamang aso sa lugar namin. Mas gusto pa siguro niyang magpagala-gala kaysa manatili lang sa loob ng bahay. Baka ayaw niyang maging isang homeboy lang. Kung tutuusin ay ‘yun at ‘yun din lang naman ang kanilang pinupuntahan kaya’t kung sa iba ay magsasawa rin ang mga ito. Mabuti na rin ang ganun dahil kapag napalayo siya at ng kanyang alaga ay baka maligaw lang sila. Kahit katirikan ng araw ay makikita kong naglalakad ang magkaibigan. Kung titingnan ay parang walang kapaguran si Mang Ben. Pati ang aso niya ay tila gustung-gusto rin siyang kasama. Paminsan-minsan ay humihinto rin naman si Mang Ben para magpahinga. Minsan ay naabutan ko pa itong pinapakain ang kanyang kaibigan ng baon niyang tinapay habang hinihimas-himas pa niya ito. Ang aso naman nakatutuwang tingnan dahil kakawag-kawag pa ang buntot. Palatandaan lang ito na masaya ang aso at parang nagpapasalamat sa kanya. Kumbaga sa mag-syota ay ang sweet nilang tingnan.

Kapag naglalakad-lakad si Mang Ben ay iba’t iba ang reaksyon ng mga tao. Mayroong natutuwa at mayroon din namang naaawa sa aso. Kasi minsan ay nakikita nilang hinihingal ang aso. Sus, bakit hindi sila mag-alok ng maiinom kung talagang naawa sila. Pero tingin ko ay ayos lang naman ‘yun sa aso. At least, kahit nakatali ay nakagagala naman. Hindi tulad ng ibang aso na nakakulong lang. Baka nga inggit na inggit sa kanya ang ilang mga kabalahibo. Saka kung ako ang aso, kakagatin ko si Mang Ben kung gusto ko talagang makawala. Ano’ng laban niya sa akin, sa tulis ng pangil ko? Mabuti nga ang aso sinasamahan si Mang Ben. Eh, sila ni hindi nila magawang makisimpatya sa kanya bagkus ay nangungutya pa kung minsan. Na akala mo ay kung ano’ng kasalanan ang nagawa sa kanila ng tao. Ang masaklap pa, may mga tao talaga na walang magawa sa buhay pati ang walang kalaban-laban na si Mang Ben ay nagawa pa nilang pag-tripan. Minsan ay nabalitaan ko itong binugbog ng mga lasing na construction worker sa isang subdivision na kanyang pinuntahan. Mabuti na lang at hindi naisipan ng mga ‘yun na katayin ang kanyang kaibigan. Baka nahataw ang aso kung kaya’t hindi na nagawa pang ipagtanggol ang amo. Naisip ko tuloy, sila ang mga tunay na sira-ulo, hindi ang tulad ni Mang Ben na inosente sa mundo at isa lamang dog lover.

Hmm, bakit kaya mas gusto pang makipagkaibigan ni Mang Ben sa aso kaysa sa tao? Wala akong ideya dahil ‘di ko naman alam ang kanyang iniisip. Pero ang maganda sa aso, hindi ito kagaya ng tao na mabilis manghusga ng kapwa tulad ng  mga kumukutya sa kanya. Saka ang aso bigyan mo lang ng buto makukuntento na. Hindi kagaya ng tao minsan mong mapagbigyan ay umaabuso. Kung minsan ikaw na nga ang tumulong, sa bandang huli ay ikaw pa ang sasakmalin. Masakit maikumpara ang tao sa hayop dahil para sa iba ay mabababang nilalang lamang ang mga ito. Pero kahit hayop tulad nga ng aso ay mayroon ding magandang katangian. Kagaya rin ni Mang Ben na bagama’t isip bata ay may pagmamahal din sa hayop. Hindi ko naman sinasabing sa aso na lang din tayo makipag-kaibigan gaya ni Mang Ben. Ang sa akin lang, hindi ko masisisi kung sa aso man niya natagpuan ang kahulugan ng isang tunay na kaibigan. Masarap ding magkaroon ng kaibigan na kasama mo sa lahat ng lakaran, sa hirap man o ginhawa. Ano mang yugto ng panahon ay laging nariyan para sa iyo at hinding-hindi ka iiwan. Tulad ng kaibigan ni Mang Ben. Sana ay makita rin natin ang katangian ng kaibigan ni Mang Ben sa itinuturing nating mga kaibigan.

Ang Mga Tagapagligtas



"Ngiiyaww! Ngiiyaww!,” nanginginig na boses at pagsusumamo ng kuting na payat na nahulog sa mataas na kanal. Maraming nagdaraang mga tao pero wala man lang pumapansin sa nilalang na ito. Kasalanan ba niya kung nahulog siya sa mataas na kanal? Sukat bang mahulog na lang siya roon. Pero 'di naman siguro ginusto ng pusa na mahulog sa kanal. Saka wala namang konsepto ng katangahan sa mga pusa. 'Di ko alam kung naligaw lang ba ang pusang ito. Kung mayroon pa man siyang ina marahil ay hinahanap na siya nito. Pero baka naman itinapon lang siya ng kanyang amo dahil marami ng pusa sa bahay nila. Ah, alam ko na pusang gala yata 'to! Kung tutuusin nga naman mahirap mag-alaga ng pusa dahil kapag hindi nasanay tumae sa labas ay sa loob ito ng bahay dudumi. 'Di ba't nakakaasar? Tulad na lang ng nanay ko na mahilig mag-alaga ng pusa. Kahit namimerwisyo na eh ay 'di pa rin magawang itapon ang mga pusa namin. Palibhasa ay maawain sa mga hayop. Kapag tumatae sa loob ng bahay ang mga pusa namin maiinis lang 'yun. Pero kapag sinabi kong,"Ipagtatapon n'yo na kasi ang mga pusa 'yan.” Tatahimik na lang ito tapos dadakutin na ang tae ng mga pusa tapos parang walang nangyari. Tulad ni Mathama Gandhi, naniniwala kasi ang nanay ko na kapag malupit ka sa hayop ay ganito rin ang pagturing mo sa iyong kapwa.

Kawawang kuting wala man lang pumapansin sa kanya. Malapit lang kasi sa mall ang kanal na kinalaglagan ng pusa. Natural baka maputikan nga naman sila. Ano nga ba naman ang mapapala nila sa pagliligtas ng pusa? Hindi naman sila mabibigyan ng pabuya nito. Hindi nito masasabi,"Salamat sa pagliligtas sa buhay ko, ito ang sampung libo tanggapin mo.”  Ni hindi rin sila maibabalita sa radyo, telibisyon at dyaryo. " Isang lalake ang walang takot na marumihan at bumaba sa mataas na kanal para iligtas ang isang kahabag-habag na kuting. Ang pangalan po ng bayaning ito ay si...” Pero kapag ang hayop ang nagligtas sa amo nito ay siguradong maibabalita ito. Saka mahirap nga naman ang maging bayani sa panahong ito. Tulad na lamang ng mga OFW na sinasabing bagong bayani dahil sila ang nagsasalba sa ating ekonomiya sa pamamagitan ng ipinapadala nilang dolyar. Pero hanggang doon lang 'yun dahil sa totoo lang ang kawalan ng opurtinidad ang nagtutulak sa kanila para magtrabaho sa ibang bansa. 'Di ba't gobyerno mismo ang nang-eengganyo at nagsasabing maraming inaalok na trabaho sa ating bansa? Kasi dito nga naman sa atin ay kulang na kulang.

Halos mawalan na ng resistensya ang pusa pero pilit pa rin siyang lumalaban.Pilit niyang ikinakampay ang kanyang mga paa sa putikan para 'di tuluyang malunod sa tubig na puro putik. Mahirap mamatay na ang laman ng sistema ng katawan mo ay puro putik. Parang 'yung mga sinalvage na ibinaon na lang sa putikan. Whew! Parang tao rin pala ang pusa pilit na lumalaban sa panahong halos mamatay na siya dahil sa hirap na nararanasan. Pero iba siya, ayaw niyang ibaon sa putik ang kanyang sarili. 'Di tulad ng ibang tao na tuwang-tuwang habang nagbababad sa putikan! Ngiyaw pa rin siya ng ngiyaw. Kumbaga, ilang bulate na lang ang 'di pa pumipirma siguradong kakalawitin na siya ni Kamatayan.

Pero sa gitna ng depresyon at oras ng pangangailangan ay biglang may dumating na super hero! 'Di lang iisa kundi tatlo. Tatlong kaluluwang nakahandang sumagupa sa panganib mailigtas lang ang kawawang nilalang! Wala silang espesyal na kapangyarihan. 'Di tulad ng mga super hero na likha lang ng guni-guni. Pero ito ang astig dahil totoo silang mga tao. Wala silang espesyal na kasuotan, mga nakayapak nga lang at marurumi pa ang kasuotan. Paano ito hindi mangyayari eh sila ay mga batang kalye o batang palaboy. " Dalian n'yo tulungan natin ang pusa,kawawa naman!,” sigaw ng isa sa kanila. Hindi na sila nag-aksaya ng panahon. Dali-dali silang kumilos. Napagkasunduan nilang isa ang bababa sa kanila para abutin ang pusa. Makapigil hininga ang sumunod na mga eksena. Kumapit nang husto ang batang aabot sa pusa.Ganun din ang ginawa ng isa kumapit din sa isa, mahigpit na mahigpit. Ang tingin ko sa kanila ng sandaling yaon ay para silang mga lubid na pinagkabit-kabit. 'Di puwedeng maputol ang isa dahil siguradong may sasamain. Pero ang kakatwa napapailing lang ang mga taong dumadaan at nakakakita sa kanila. Samantalang ang iba ay natatawa lang kasi halos mahubuan na ang isa sa kanila habang nakakapit sa kasamahan. Pero alam ko hindi 'yun ang iniilingan at pinagtatawanan nila kundi ang pagbibigay ng pansin ng mga ito sa pusa. Nakatatawa pala ang tumulog sa hayop. Kunsabagay, pati ang pagtulong sa kapwa tao ngayon ay pinagtatawanan lang iba, hayop pa kaya?

Ang mga batang ito na nangangailangan din ng mga taga-pagligtas ay nagawa pang magligtas? Kailangan silang iligtas sa panganib ng lansangan, masamang impluwensiya at kawalan ng kinabukasan. Marahil ay naiuugnay ng mga batang ito ang kanilang sarili sa pusang payat? Tulad ng pusang 'yun halos walang pumapansin sa kanila. 'Di ba't madalas ay kinaiinisan lang sila at iniingus-ingusan ng iba? Kung dungis lang ang pag-uusapan ay walang dudang madungis rin sila. Pare-pareho lang silang mga gala. Kaya't ano'ng pinagkaiba ng pusang gala at mga batang gala? Walang ibang magdadamayan kundi ang nakakaunawa sa isa't isa dahil pareho sila ng kalagayan.

Sayang at wala akong dalang kamera o cellphone na may video para nakuhanan ko man lang ang nasaksihan ko. Eh 'di sana ay may ilalagay ako sa You Tube para maraming taong makapanuod ng kanilang kabayanihan. Pero ayos lang, nagmarka naman sa isip ko ang tagpong ito. Kumbaga sa kuwento ito ay lantay, kasing lantay ng puso ng mga batang ito. Naramdaman ko na lang na may kalmot pala ng pusa sa aking gunita.

Biyaheng Bente



Sa buhay natin ay minsan lang tayong makakatagpo ng tunay na kaibigan, 'yun bang hindi mo malilimutan kahit magkalayo man kayo.

Siya si Cornelio, naging kaklase ko noong haiskul. Masiyahin siyang tao at palaging nakatawa kaya naman masaya siyang kasama. Magaling din siyang makisama, para sa kaibigan kahit ano game siya. Paano kami ‘di magkakasundo eh pareho kaming maloko. Maraming inuman na rin kaming pinagdaanan. Andun 'yung isinama ko siya sa inuman ng mga barkada ko. Kung iwanan sa ere ang pag-uusapan hindi marunong mang-iwan sa ere si Cornelio.

Naalala ko pa nung minsang nagulpi ako sa paaralan namin. Nagkataong wala ang mga kadikit ko at wala rin si Cornelio. Biyernes kasi 'yun, alam n'yo naman na kapag Friday uso ang tinatawag na Friday sickness. Kaya't ayon nabugbog ako ng tatlong katao with free pukpok ng hollow block sa likod ko. Pero kahit nagulpi ako nakasuntok naman ako sa kanila. Walandyo dati ko pang kaklase ang tumalo sa akin, samantalang noong hindi pa siya humihinto ng pag-aaral ay nangongopya lang siya sa akin 'pag may quiz. Nayabangan yata bigla sa akin dahil pormang metal ako nun(me-taliling). Sadya yatang ang mayabang ay galit sa kapwa mayabang, ha ha ha. Pero 'di naman talaga ako mayabang, sa porma lang. 'Yun kasi ang panahon kung saan naghahanap ka ng sariling pagkakakilanlan.

Kina-Lunesan pumasok na si Cornelio. Mainit pa rin ako sa mga mata ng nambugbog sa akin. Paano 'di iinit eh dinala ko ang mga barkada ko nung araw na 'yun. Sayang hindi sila nagpakita, eh ang mga 'yun pa naman lumalaban ng sabayan. Oo kahit tagaan lumalaban ang mga 'yun, promise! Kaya't kinabukasan nila uli ako inabangan pero malakas ang loob ko dahil andun na ang mga kaibigan ko na may tapang, kasama na si Cornelio. At ang mga ayaw madamay ay nauna nang umuwi. Naglalakad ako nang biglang may sumuntok sa batok ko. Pero nasapak ko ang loko. May susugod pa sanang isa kaso sinapak ni Cornelio kaya't may sumapak din sa kanya. Salamat na lang at may mga barangay tanod na dumating. Nung ginugulpi ako hindi sila nagsipagdating. Pero salamat na rin at dumating sila kaya't sapak lang ang natikman ko at hindi na bugbog. Pero ayon nga sa gawa-gawa kong kasabihan, "'Di baleng gulpihin, h'wag lang papatayin.”  Kasi 'pag pinatay ka 'di ka na makagaganti. Sa barangay na kami pinagharap-harap at pilit pinagkasundo kaming magkabilang-panig. Wala akong magawa kundi ang pumayag para na rin sa katahimikan ko. Baka sumakit na naman ang katawan ko kapag nagulpi uli ako. Pinagkamay kaming dalawa ng dati kong kaklase, mahigpit ang pagkakakapit namin sa kamay ng isa't isa. Hindi dahil sa nababading kami sa isa't isa o dahil mainit ang pagtanggap namin sa pakikipag-kasundo. Kundi gusto lang naming iparamdam na asar na asar pa rin kaming pareho. Pero pagkatapos nun hindi na nanggulo ang mga loko. Baka ayaw nang mahampas ng alpombra sa mukha ng barangay tanod na tiyo pala ni Cornelio.

Marami pa kaming pinagdaanan ni Cornelio. Noong dumalo kami ng party sa ibang eskuwelahan. Siyempre tulad ng dati, dye-jeprox-jeprox na naman ang porma ko. Nagkataon ba o sinadya na may nakabangga ang isa naming kasamahan na nagpulis-pulisan at nagpakita pa ng tsapa-tsapahan. Nayabangan kasi siya sa pagsasayaw ng mga ito at naki-pag-show down pa na akala mo'y Abstract Dancers o Manuevers. Kaya't ang resulta naging mainit ang grupo namin sa grupo nila. Pero nang mag-uwian ay nagkahiwa-hiwalay kami dahil sa dami ng tao. Mukhang minamalas kami na lang ni Cornelio ang naiwan at ang isang kasama namin na babae. Papasakay na kami ng dyip nang biglang may sumapak sa akin. Blag! Plakda ako, ang lakas ng suntok, ala-Manny Pacquaio. Susugurin ko sana kahit alam kong marami itong kasamahan. Buti na lang hinila ako ng kasama naming babae kaya nagpaawat ako. Saka nagmamatapang lang naman ako para bumilib ang kasama naming babae. Nasarapan din ako sa paraan ng pagkakahila niya kaya akyat na rin ako sa dyip. Nang nasa loob na kami ng dyip may pahabol pang suntok sa mukha ko! Ambagal kasing magpaandar ni Manong. Kaya't gumitna na lang kami sa loob ng dyip para 'di na ako makanti. Pero bago 'yun may pumaso pa ng sigarilyo sa akin. Tandang-tanda ko pa kung ano'ng brand ang ipinaso sa braso ko. Marlboro 'yun kaya't mula noon ay 'di na ako nangyoyosi ng kulay pula. Ayoko na ng Marlboloks! Blue seal na lang, joke lang pang-sosyal lang 'yun samantalang ako kahit Balasang nun niyoyosi ko. Ako lang naman talaga ang pinag-initan nila dahil si Cornelio ni pitik ay 'di nila pinatikim. Pero bibib ako sa kanya dahil 'di na naman niya ako iniwan sa ere.

Matalik talaga kaming magkaibigan ni Cornelio kaya't noong nagtayo siya ng grupo(frat-fratan) at meron din kaming grupo(sini-Gang) sa lugar namin ay nagsanib puwersa kami. Pero 'di nagtagal sa 'di malamang dahilan ay itinawalag nila si Cornelio samantalang siya ang nagtatag nun. Baka nagkaagawan ng posisyon sa pagka-presidente; parang pulitika rin no? Eh, may kasunduan pa naman ang magkabilang grupo na ang sinumang itiwalag ay hindi na namin ituturing na kasangga. Siyempre, mabigat sa loob ko ang ganun dahil marami na kaming pinagsamahan. Pero walang nagbago sa amin ni Cornelio kahit bihira na lang kaming magkausap. Dumating ang oras na nag-away si Cornelio at isa sa mga dati niyang ka-grupo. Basagan lang naman ng nguso. Gusto ko sana silang awatin man lang pero 'di ko magawa dahil sa letseng kasunduan na 'yun. Isa pa, alam ko namang kayang-kayang niyang makipagsuntukan. At may usapan namang walang makikialam, ang makialam panget! One on one lang talaga sila. Hindi ko na alam kung paano natapos ang labanan nila. Nakita ko na silang silang dalawa na parehong may dugo sa mukha. Ikaw ba naman ang makipagsuntukan ng matagal, hindi ka maduduguan? Pakiramdam ko para rin akong sinusuntok ng mga oras na 'yun, masakit isiping walang akong nagawa para matulungan si Cornelio kahit man lang taga-cheer. Dahil magagalit sa akin ang mga ka-grupo ko at kabatak at sabihan nila akong balimbing. Eh, totoo naman.

Noong minsan namang may nag-trip uli sa akin ay walang nagawa ang mga itinuturing naming mga kabatak. Siguro ayaw nilang makatalo ang mga kalugar nila. Samantalang kapag dumadayo sila sa lugar namin todo protekta kami sa kanila. Kahit kalugar katalo namin 'pag may umaway sa kanila. Nanumbat ba? Kaya't matapos akong mabendisyunan ng maraming suntok ay nagmagandang loob naman sila na itakas ako. Pinadaan nila ako sa damuhan, sa may bakanteng lote na mayroon pang guwardiya. Pero 'di ako nakita ng guwardiya, sunga-sunga kung kalaban niya lang ako nadale ko na siya dahil 'di man lang niya naramdaman na may gumagapang na tao sa damuhan. ‘Yun bang ala-gorilya type este gerilya type pala. Nang magkita uli kami ni Cornelio, sinabi niyang alam pala niya ang nangyari sa akin. Pilit niya raw akong inaarbor sa mga gumulpi sa akin na mga kapitbahay pa man din niya pero 'di siya pinakinggan. At least nag-effort siya para iligtas ako sa gulpi at sa loob-loob ko ay nagpapasalamat din ako sa kanya dahil iniisip pa rin niya ang kabutihan ko. Ganun nga siguro kapag tunay ang kaibigan.

Lumipas pa ang panahon, pareho ng buwag ang dalawang grupo, pero ang samahan namin ni Cornelio ay 'di pa rin nabubuwag. Isang araw nagkakuwentuhan kami at ibinahagi niya sa akin na gusto na raw niyang lumagay sa tahimik. Sabi ko sa kanya, ang bata-bata pa niya para mag-asawa. Pero wala akong magagawa kung ayon ang gusto niya. Kung saan siya masaya, masaya na rin ako. Makikiabay na lang kung saka-sakali. Malapit na rin ang kaarawan niya kaya't inimbitahan niya ako na pumunta sa kanila. Kaya noong b-day niya kahit wala akong dalang regalo ay pumunta pa rin ako. Saka 'di naman uso ang bigayan ng regalo ng lalake sa kapwa lalake, sa babae puwede pa. Kahit na marami siyang bisita ay inasikaso pa rin niya ako nang husto na para bang espesyal na bisita. Eh, ako na lang naman ito. Bente anyos na si Cornelio noong b-day niyang ‘yun, kumbaga nasa kasibulan pa rin.

Nang muli kaming magkita humiram ako ng bente pesos sa kanya. Kulang kasi ang dala kong pamasahe ko papunta sa nililigawan. Ayaw ko namang mag-123. 'Yan kasi ang hirap sa akin, nanliligaw kahit wala namang kapera-pera. Dito siguro pumapasok ang kasibihang, "Para sa minamahal lahat ay handa kang gawin.” Oo, lahat gagawin mo kahit ipangutang mo pa masunod lang ang pag-ibig na pururot. Pagkatapos nun ilang beses uli kaming nagkita ni Cornelio pero 'di ko man lang siya mabayaran. Bente na nga lang 'di pa mabayaran! 'Di ko alam kung naaalala pa niya 'yun kasi 'di man lang niya sinisingil. Samantalang ang iba kapag may utang sa akin kahit piso parang 'di ako makapagtulog. Pero gusto ko talaga siyang bayaran, lagi lang talaga akong walang pera. Hay, ang hirap talagang maging purdoy laging walang pera. Buti pa ang pulubi kahit papaano may hawak lagi na pera.

'Di ko na namalayan pa ang mga sumunod na pangyayari dahil sa bilis ng mga araw. Isang umaga, nabalitaan ko na lang na patay na raw si Cornelio kayat dali-dali akong nagpunta sa burol niya. Sinilip ko ang bangkay niya, wala na ang dating ngiti na nakasilay sa kanyang mga labi. Dahil nakaumbok na ang kanyang pisngi, palatandaang malapit na itong maagnas. Umupo na lang ako malapit sa kabaong ni Cornelio at ninamnam ang bawat sandali dahil ito na ang huling pagsasama namin. Biglang nag-flash back na parang pelikula ang mga masasaya kong alaala sa kanya. Ayon sa sabi-sabi ng mga nanduon sa burol, binangungot daw si Cornelio. Mayroon ding nagsasabing naglason ito matapos tanggihan ng kanyang gf ang alok niyang kasal. Pero 'di ganun ang pagkakakilala ko sa kanya. Hindi siya mababaw na dahil lang doon ay kikitlin niya ang sarili niyang buhay. Saka kung ayaw pa naman ng babaeng pakasal ay makapaghihintay siya dahil mahal naman niya ito. Maliban na lang kung may iba ng mahal ang kanyang nobya. Kung anu-ano na lang ang naglalaro sa isipan ko ng mga sandaling yaon. Mayroon pa ngang nagsasabi na nilason daw si Cornelio ng isa sa kanyang mga kainuman. Kung ito man ang totoo dapat na lasunin din kung sino man 'yun! Pero piniling tumahimik na lang ng pamilya ni Cornelio, siguro para na rin sa kanilang katahimikan. Anumang dahilan ng kanyang kamatayan ay siya na lamang ang nakakaalam. Dumukot ako ng pera sa bulsa ko. Bente pesos na buo ang nabunot ko. 'Yun lang kasi ang pera ko, 'di kasama ang pamasahe. Para tuloy akong maiiyak, pero salamat na rin at bayad na ako sa utang ko sa kanya. Maiksi lang ang naging biyahe niya sa mundo pero wala akong magagawa hanggang doon na lang siguro siya. Ako, gaano man katagal ang ibibiyahe ko pa sa mundong ito angkas-angkas ko pa rin ang alaala niya. Basta ang alam ko naging tunay siyang kaibigan sa akin kahit minsan ay nagkaroon ng lamat ang aming samahan…

Tuesday, September 23, 2014

Ang Sayaw ng Baliw

Maya-maya lang ay nagsawa na sa pagsayaw si Pepe at bigla itong napaiyak, “Kayo ha, ang salbahe n’yo, niloloko n’yo ako, huhu,” sabay dampot ng bato. Takbuhan ang mga bata sa pag-aaklang babatuhin nga sila ni Pepe. Pero tumahimik lang siya sabay himas sa batong hawak-hawak niya na animo’y mahalagang bagay.

Iba-iba ang reaksyon sa mga nakakakita sa kanya. Mayroong natatawa at mayroon din namang naaawa. Ipinagpapalagay nilang baka nananabik na ito sa kanyang pmiulya. Napakalungkot kasi ng kanyang mukha habang dumadaloy ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Anuman ang iniisip ni Pepe ay mahirap nang basahin dahil sa kaniyang kalagayan. Pero karamihan sa mga taong naroroon ay walang pakialam sa kanya dahil sanay na sila sa ikinikilos nito. Ang importante ay hindi ito nananakit ng tao. Inabutan na lang siya ng takipsilim hanggang sa makatulog ay waring kipkip niya ang lahat ng kabiguan sa buhay.

Kinabukasan, masaya ang gising ni Pepe dahil wala itong tigil sa kangingiti at katatawa. Sabi ng mga napapadaan, baka idinuyan daw ng mga anghel sa kanyang panaginip kaya maganda ang kanyang gising. Pero ang kakatwa ay bigla itong nagsasayaw na akala mo’y nakarinig ng napakagandang tugtog. Sayaw siya ng sayaw na animo’y nasa entablado. Tumigil lang siya nang mapagod. Saglit siyang nagpahinga at maya-maya lang gumala-gala na naman ito. Nang may nadaanan siyang grupo ng kalalakihan na ang aga-aga ay mga ng-iinuman na.

 “Hoy, baliw, halika sayawan mo nga kami,” sabi ng isang lalake sa grupo na halatang malakas na ang tama.

Pero parang walang nairinig si Pepe, marahil ay dala na rin ng pagod kaya’t ayaw na niyang sumayaw. Inuulit-ulit ng lalake ang utos nito na sumayaw siya pero talagang ayaw niyang sumunod. Dahil dito ay pinagtutulung-tulungan itong gulpihin ng grupo. Bagsak na si Pepe nang mayroon pang sumaksak sa kanyang tagiliran. Napatingin na lang sa langit ang kawawang nilalang at sa kanyang paningin ay sumasayaw ang mga ulap sa kalawakan…

Thursday, December 1, 2011

Uhog at Lata: Isang Paglalakbay


Lumalamig daw ang simoy ng hangin ‘pag nalalapit na ang Pasko. Pero putsa ano’ng malamig heto at pinagpapawisan ako dahil sa init. Sabayan ng busina at trapik sa kalsada. Ang Metro Manila nga naman bukod na sa matindi ang noise at air pollution ay samu’t sari pa ang eksenang nagaganap bawat sandali. Nagbabasa ako ng libro habang sakay ng dyip. Pero ‘di sumasakit ang mata ko bagama’t usad pagong ang andar ng sasakyan ay bigla namang aandar kapag saglit na nawawala ang pila ng mga sasakyan.

Paghinto uli ng dyip ay may mga batang lansangan na sumampa sa dyip na sinasakyan ko. Batang babae at lalaki. Pero di sila karaniwang batang lansangan na laging umaakyat para manghingi ng pera. Dahil sila ay mga katutubong Badjao na dumarami bago sumapit ang Araw ng Kapaskuhan. Bakit nga ba hindi eh malalambot ang puso ng mga tao kapag nalalapit na ang ganitong panahon? Kaya dapat lang na samantalahin. Dahil pagkatapos ng Pasko balik uli ang iba sa pagiging walang pakialam sa kapwa. Mukhang magkapatid ang dalawang ito. Ang isa ay medyo malaki na at may hawak-hawak na lata. Kung titingnan ay para itong alkansya. Malaki ang lata na nasa gitna. Habang ang dalawang nasa gilid ay parang alkansya kung titingnan. Akala ko nga lalagyan ito ng pera.

Biglang namigay ng sobre ang batang babae na bukod sa madumi na ang damit ay may uhog pa ito. Mas maganda siguro kapag may tumutulong uhog para makakuha ng simpatya. Kung kulangot nga lang ito baka puwede pa itong pitik-pitikin para mawala. Ampangit kasing tingnan, e. Alangan namang mag-volunteer pa ako na punasan ang uhog ng bata. Anak ng patis talaga kung bakit ang daming nagkalat na pulubi sa Pilipinas. Kahapon lang ay may kumatok sa bahay namin at nanghihingi ng donasyon para diumano sa gaya niyang senior citizen. Kung titingnan mo naman ay di pa naman ganoon katanda tapos maayos pa ang porma. Baka naman nahihiya siyang magmukhang gusgusin sa harap ng tao. Nalimutan yata ng aleng ‘yun na simpatya ang kinukuha niya para makatanggap siya ng pera sa mga may-ari ng bahay na kinakatok niya. Parang ‘yung isang mama na kumatok din sa amin at nanghihingi ng pera dahil marami raw siyang anak. Kung ‘di ba naman eng-eng, eh. Pero ang mga batang Badjao na ito siyempre iba ang istorya nila.

Pagkatapos mag-abot ng sobre ang batang babae ay sabay umawit naman ang kanyang kuya na sinasabayan pa ng pagtambol sa lata. Pero in fairness ha, may rhythm din kahit na ganoon lang ang kanyang instrumento. Pero wala akong maintindihan sa lyrics dahil katutubong wika ang kanilang ginamit. Di gaya ng mga estudyanteng nakasakay ko na panay ang Inglesan. Ang tanging naiintidihan ko lang ay “Kedeng-kedeng.” Sa pandinig ko ay parang “kendeng-kendeng, ikerndeng mo Neneng.” Ang tambol ay sinabayan ng pagsayaw ng batang uhugin.

Hindi ko alam kung maaaliw ako sa ganitong uri ng pagtatanghal. Basta alam ko gusto lang makiamot ng mga batang ito sa biyayang tinatamasa ng iba na mas maayos ang kalagayan sa kanila. Natatawa naman ang mga kasakay ko sa d yip sa nanatanging pagtatangahal. Pagkatapos mag-duo ng magkuya ay kinuha na nila ang sobre. Ang sobre na ibinigay sa akin ay nilagyan ko ng dalawang piso. Kung baga sa patay, mabuti na rin ako ang nag-aabuloy kaysa ako ang ipinanghihingi ng abuloy. Bumaba na sila ng sinasakyan namin para pumara uli ng panibagong dyip. Sana ay makarami sila ng delihensiya. Malayo na ang dyip na sinasakyan ko sa kanila pero ‘di pa rin nabubura sa isip ko ang imahe ng batang uhugin at waring naririnig ko pa rin ang kanta ng kanyang kuya, “Kedeng-Kedeng.”

Sunday, November 2, 2008

Agam-agam

"Larry, buntis ako," sabi ni Elaine sa kanyang nobyo habang mangiyak-ngiyak pa. Gumamit kasi siya ng Pregnancy test at lumabas na positive ang resulta. Natulala ang kanyang nobyo at parang ‘di makapaniwala sa kanyang narinig. Hindi kasi niya akalain na mangyayari ang ganuon kahit sila pa ay naging maingat. Wala pa namang trabaho si Larry kaya’t paano niya gagampanan ang responsibilad ng isang ama. Hindi pa siya handa sa pagpapmilya dahil ang sarili nga niya ay ‘di niya kayang buhayin, ang magpamilya pa kaya? Pakiramdam niya ay para siyang napako sa isang sitwasyon na wala siyang kawala.

"Ano ba, ‘di mo ba narinig ang sinabi ko ko, buntis ako!" sabay tulo ng kanyang luha. Punung-puno kasi si Elaine ng pag-aala. Imbes na sagutin ang sinabi ng nobya ay niyakap na lang ito ni Larry ng mahigpit. Hindi alam ni Elaine kung paano sasabihin ito sasabihin sa kanyang mga magulang. Parang nakikinita-kinita na niya ang magiging reaksyon ng kanyang mga magulang na galit na galit. Ilang beses na rin kasi siyang pinaalalahanan ng mga ito na huwag magpapabuntis sa kanyang nobyo. Kung sakali mang mangyari raw ‘yun ay dapat kasal na sila. Dahil baka nga naman takbuhan lang ito ng lalake.

"Natatakot ako sa mga magulang ko, baka mapatay ako ni Tatay dahil sa galit. Ano kaya kung ipalaglag ko na alng itong dinadala ko." tanong ni Elaine sa kanyang nobyo.

"Huwag malaking kasalanan sa Diyos kung ipapalaglag mo ang bata."pagsawata niya sa kanayng nobya.

"Pero paano ‘yan wala ka pang trabaho? Parang nanunumbat na ang tono ni Elaine.
Bago maghiwalay ang mag-nobyo ng araw na ‘yun ay punung-punong ng tensiyon at agam-agam sa pagitan ng dalawa. Ang babae ay natatakot sa kanyang mga magulang. Samantalang ang lalake ay ‘di alam ang gagawin sa kinahaharap na sitwayon.

Pagdating sa bahay ay ‘di mapakali si Larry, naglalaro sa kanyang isipan ano kaya kung iwan na lang niya si Elaine. Huwag nang magpakita pa rito, uuwi na lang siya sa kanyang probinsiya. Pero alam niyang ‘di niya kayang gawin ang ganuon dahil ayaw niyang magkahiwalay sila ng kanyang nobya. Saka isa pa, ginusto naman nila pareho ang nangyari kaya walang dahilan para hiwalayan ang nobya. Hindi siya katulad ng iba na masyadong mapaglaro sa pag-ibig. Pagkatapos paibigin ang isang babae at buntisin ay maglalaho na lang itong parang bula. Ayaw niyang lumaki ang bata na walang kinikilalang ama. Ayaw din niyang kamuhian siya ng kanyang magiging anak paglaki nito dahil pinabayaan lang niya. Broken family kasi si Larry, bata pa lang siya nang maghiwalay ang kanyang ama’t ina. Kaya’t alam niya kung ano ang pakiramdam ng wala ang isang magulang. Napagpasyahan niya na pagpupursigehin ang paghahanap ng trabaho para mapaghandaan ang paglabas ng magiging anak nila ni Elaine. Bigla na lang itong na-excite kung ano ang magiging hitsura ng kanilang anak, kung ito ba ay lalake o babae.

Samantala, nagtapat na si Elaine ng kanyang sitwasyon. Noong una ay nabigla ang kanyang mga magulang. Ngunit taliwas sa kanyang inaasahan ay hindi niya kinaringgan ng anumang sumbat at hinanakit ang kanyang mga magulang. Kundi puro pang-unawa ang kanilang ipinakita ng mga sandaling ‘yun. Makabubuting papuntahin na lang daw niya ang kanyang nobyo. Bahagyang natigilan si Elaine sa sinabi ng kanyang mga magulang dahil walang kasiguruhan kung ano ang susunod na hakbang ni Larry. Pero nawala ang lahat ng kanyang agam-agam nang mag-text ang nobyo. "Babes, bukas pupunta ako d’yan sa inyo para siguraduhin ko sa mga magulang mo na pananagutan ko ang nangyari." Biglang sumilay ang ngiti sa labi ni Elaine at sinugurado sa mga magulang napupunta ang kanyang nobyo sa araw ng bukas.

Monday, October 27, 2008

Kuryente King

Patok si Badong sa kanilang lugar sa may Sitio Putok Buho, kilala siya sa bansag na “Kuryente King.” Hindi dahil sa kinukuryente niya ang kanyang katawan nang ‘di man lang nasasaktan kundi dahil isa siyang magnanakaw ng kuryente. Kung ilalarawan ang lugar ni Badong ay dikit-dikit dito ang mga bahay at napakakitid ng daanan, kapag nagkaroon ng sunog ay walang matatakbuhan ang mga tao.

‘Di siya nakapagtapos ng pag-aaral, pero madiskarte si Badong dahil laging may pera ang kanyang bulsa. May nagturo lang sa kaniya ng kaunting kaalaman hinggil sa electricity at napapakinabangan niya ito nang husto.Maasahan si Badong ng kanyang mga kalugar dahil kapag may problema sa kuryente ay siya ang nilalapitan. Kahit bara-bara pa ang gawa ay marami pa ring nagtitiwala sa kanya. ‘Yun ay dahil siya ang number one na magnanakaw ng kuryente kaya maraming nagpapatulong sa kanya. Wala itong takot kahit pa live wire ay kanyang tinitira. Kayang-kaya niyang kumabit mapa-metro man ng Beralco o kahit sa may wire ng wire. Kahit ‘yung tinatawag na 1/10 ay yakang-yaka rin niya rin. Ito ‘yung kalahati lang ang wire na ikakabit tapos ‘yung isa ay sa iba naman ikokonekta para ‘di gaanong halata.

Dahil sa raket na ito ni Badong ay natutustusan niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Regular kasi ang kanyang kita buwan-buwan. Para rin siyang Beralco kung maningil, kapag ‘di nakapagbayad ay baklas agad. ‘Yung nga lang ay mas mura ang singil ni Badong. Sa dami ng mga nakikikabit sa kanya ay tiba-tiba siya. Pero laging kakabug-kabog asng dibdib ng asawa ni Badong. Nag-aalala ito na baka makuryente na lang ito bigla kahit sabihin pang siya si Kuryente King. Baka rin mabulok ito sa loob ng bilangguan kapag nahuli ng mga pulis. Kahit ano pang pagsawata na gawin ng asawa kay badong ay balewala.

Ilang beses na ring nagkakaroon ng raid sa Putok Buho, pero mabilis na nakakapagtago ang mga residente. Alam kasi nilang malaki ang magiging multa nila sa Beralco kapag nahuli sila at maaari pang kasuhan. Kaya kapag dumarating ang mga pulis ay walang tao sa mga bahay ng mga may-ari ng illegal na koneksyon ng kuryente. Si Badong na rin ang nagturo sa kanila na ganito ang gawin. Kapag nagkakumpiskahan ng wire ay nag-aambag-ambag lang sila pambili ng wire. Sadyang matinik si Badong dahil walang makapagturo sa kanya kung nasaan siya kapag may raid. Ito na rin ay dahil maraming nakikinabang sa kanya. Ang asar lang sa kanya ay ‘yung mga taga-Beralco at mga kapitbahay niyang nanakawan ng kuryente. Pero takot sila kay Badong dahil nang minsang may kumalaban dito ay pinagtulungan pa itong gulpihin ng mga kaibigan ni Badong. Kahit mga taga-Beralco ay ilag din, kaya’t ‘di puedeng walang escort na pulis kapag mamumutol sila ng wire ng mga illegal.

Ang tulad ni Badong ang dapat sisihin sa system loss na ipinapataw ng Beralco sa kanilang mga kuryente. Paano’y binabayaran nga naman nga mga kostumer ang ninanakaw ng katulad niya na. Pero amg sabi ni Badong, “Pare-pareho lang naman kaming madudugas, ang mahal ng singil nila!” habang may hawak-hawak na namang wire na kanyang ikakabit sa ibang wire. Kung anu-ano pang lintaya ang pinagsasabi ni Badong laban sa mga taga-Beralco. Katatapos lang uli kasing mang-raid ng mga pulis kaya’t balik trabaho uli siya. Ang kaso, sa pagkakataong ito ay marami siyang alak na nainom at nagkataong umuulan-ulan pa. Pinipigilan siya ng kanyang asawa na saka na lang siya magkabit ng wire pero ‘di siya nakinig. Nasa taas ng puno si Badong nang biglang tamaan siya ng kidlat. Laglag siya sa puno at kikisay-kisay pa nang bumagsak sa lupa. Dagling tinawag ng mga tao ang asawa ni Badong at pagkakita rito ay napahagulgol siya ng iyak. Isa sa kalugar ni Badong na madalas niyang nakawan ng kuryente ang napabulong ng ganito; “ Ang taong nabubuhay sa kuryente ay sa kuryente rin mamamatay.”

Sunday, June 29, 2008

Aparato


Parang kailan lang ay ang lakas-lakas pa ng ina ni Tyron. Pero ngayon ay hindi siya makapaniwalang buto't balat na lang ito. Wala na ang dating sigla na lagi niyang nasisilayan sa labi ng ina. Ni hindi na nga nito magawang magsalita, tanging ang mga mata na lang nito ang gumagalaw. 'Di nga alam ni Tyron kung naiintindihan pa ng kanyang ina ang sinasabi niya. Nasa stage 4 na kasi ang breast cancer nito.

Nagtataka si Tyron kung bakit nangyari ito samantalang inoperahan na dati ang kanyang ina. Tinanggal na nga ang isang dibdib nito para 'di na kumalat pa ang kanser. Pero sadya yatang sa mundong ito lahat ay walang kasiguruhan. Kaya't bumalik ang kanser na unti-unting sumisira sa buong sistema ng kanyang ina. Kung siya lang ang masusunod ay gusto niyang humaba pa ang buhay ng ina. Bilang anak mahal na mahal niya ito lalo na't wala naman silang naging mabibigat na away ng kanyang ina. Maliban sa konting tampuhan na naaayos din naman agad.

"Ano'ng pasya mo Mr. Galvez, tatanggalin na ba natin ang oxygen ng mother mo?," tanong ng duktor.

"Huwag po muna, dok..." mabilis at madiing sagot ni Tyron.

"Ikaw ang bahala, nasa naman 'yun," sabay talikod ng duktor.

Ayaw pang isuko ni Tyron ang buhay ng kanyang ina. Umaasa pa rin siya na baka may milagrong magaganap. Na isang araw ay gagaling din ang ina. 'Di bale ng maubos ang lahat ng kanyang pera basta madagdagan pa ang buhay ng kanyang ina. Di bale ng sabihin ng iba na makasarili siya dahil pinapatagal pa niya ang paghihirap ng ina. Pero sino ba sila para manghusga? Kung alam lang nila ang pakiramdam ng isang anak na nakikita ang ina sa ganitong kalunus-lunos na kalagayan.

Noong nakakapagsalita pa ang kanyang ina lagi nitong sinasabi na gusto na niyang gumaling. Sinasabi rin nito na kung ano man daw ang kahinatnan ng lahat ay nakahanda na siya. Pero si Tyron hindi pa rin siya handa, hindi kasi siya sanay na hindi nakikita ang ina. Kaya't paano niya haharapin ang umaga na wala na sa piling ang ina? Sa kanilang magkakapatid siya pa naman ang pinakamalapit dito.

"Hindi ka Diyos para dugtungan pa ang buhay ni Mama. Puwede ba pagpahingahin mo na siya," ito ang sinabi ng kanilang panganay na ngayon ay panay ang ukilkil sa kanyang utak.

Sabi pa ng kanyang kuya magpasalamat pa rin daw sila at nabigyan pa sila ng pagkakataon na iparamdam sa kanilang ina ang pagmamahal nilang magkakapatid. Nasabi na rin naman ng kanilang ina ang gusto nitong mangyari kung sakaling wala na siya. Mas mapalad daw sila kumpara sa mga taong bigla na lang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa aksidente.

Kinabukasan sa loob ng kuwarto ng kanyang ina sa hospital ay kumpleto ang buong pamilya. Magkakayakap ang magkakapatid kasama ang ilang malalapit nilang kamag-anak. Nagpasya na kasi si Tyron na tanggalin na ang aparato na bumubuhay sa kanyang ina. Walang tigil ang kanyang pagluha habang unti-unting tinataggal ang aparato. Pakiramdam niya para rin siyang malalagutan ng hininga. Napakasakit para sa kanya na sa kanyang kamay humugot ng huling hininga ang ina. Pero sa kabilang banda makakapagpahinga na rin ito dahil tinapos na niya ang paghihirap ng pinakamamahal niyang ina...

Wednesday, June 11, 2008

Ang Mamamahayag


Tawagin na lang natin siyang si Kuya, isang madiskarteng mamamahayag. Kung tutuusin ay matagal na rin siya sa larangang ito. Katunayan dito na siya tumanda 'yun nga lang ay 'di siya sikat gaya ng ilang mamamahayag na kilala ng marami. Hindi siya sikat kagaya nina Ted Failon, Korina Sanchez, Joe Taruc, Mike Enriquez at iba pa. Pero bigatin din itong si Kuyang dahil kilala siya ng maraming pulis, pulitiko, mga opisyales ng gobyerno, mga lider ng asosasyon ng samahan ng mga maralita, mga traysikel sector at kung anu-ano pang samahan.

Siya ay isang broadcaster sa 'di gaanung pinapakinggang istasyon sa radyo at isa ring columnist sa mga diyaryo na marahil ay 'di mo pa naririnig ang pangalan. Hindi kasi ito ipinagbibili sa mga bangketa kundi through subscription ang pagkuha. Pero para sa akin wala namang pinagkaiba ang mga ito sa ilang media outfit maliban sa sila ay hindi mga dambuhala. 'Yan kasi ang hirap, ang gusto natin ay 'yung sa malalaking kumpanya ng media nagtratrabaho para kilalanin ang propesyon mo bilang mamamahayag. Kahit sa usaping ito ay nagkakaroon din ng diskriminasyon. Kaya maling paratangang Hao-Siao si Kuyang o yaong nagpapanggap lang na taga-media.

Kung sabagay wala naman sa hinagap ni Kuya ang sumikat. Basta noong bata raw siya ay mahilig na siyang makinig sa mga broadcaster sa radyo kaya't pinangarap niyang isang araw ay magiging ganito rin siya. At dahil na rin sa pagsisikap niya ay natupad naman. Kung pakikinggan ay karaniwan lang naman ang boses ni Kuya dinadaan lang niya ito sa pagmo-modulate ng boses. Ika nga practice makes perfect. Andyan 'yung palakahin n'ya ang boses niya na parang si Rey Langit. Pero ayon na rin sa kanya mas maganda kung natural lang ang gagawin baka biglang masamid. Ang katuwiran niya ang importante sa kanya ay ang kumikita siya. Titulo lang naman ang kailangan niya at hindi tulad ng iba na nagkukumahog para sa kasikatan. Ang matawag lang siyang broadcaster o columnist ay ayos na. Ito kasi ang ginagamit niya para magkaroon ng dating ang kanyang pangalan. Ikaw ba naman ang makakilala ng boradcaster o columnist ay hindi magkakaroon ng dating sa iyo? Siyempre kakailanganin mo rin sila para magkaroon ka ng kakampi. May taga-media na magbibigay sa iyo ng proteksyon, may magtatanngol sa iyo kapag nasangkot ang pangalan mo sa kontrobersiya. 'Yan ang silbi ng media para kay Kuya at hindi totoo na para magsilbi sa mamamayan.

Malinaw sa kanya na ang media ay isang negosyo at kung nagsisilbi man sa bayan ito ay sekondaryo na lamang. Paano raw makakapagpatuloy ng operasyon ang mga ito kung wala namang silang kikitain? Saka mahirap rin namang magpatakbo ng media outfit kung walang pumapasok na mga sponsor dahil siguradong bangkarate ang aabutin ng mga ito. Idagdag pa riyan ang matinding kumpetisyon. Kaya nga may mga dyaryo na kabubukas pa lang ay nagsara na agad dahil maiksi ang pisi. Dumarami ang diyaryo kapag malapit na ang eleksyon na ang gumagastos din ay mga pulitiko. Na kapag natalo ay iiwan sa ere ang mga nagtrabaho para sa diyaryo. Kumbaga para sa propaganda lang talaga ang intensyon.

Kaya nga kanya-kanya sila ng gimik lalo na ang mga tabloid, makatawag-pansin talaga ang headline nila. Pero sabi nga ng isang editor, ang kailangan mo lang naman sa headline ay kung hindi ka mananakot, ang kailangan mong pamagat ay 'yung kontobersyal. Basta't 'yung masasapul mo ang kuryusidad ng mambabasa. Tulad noong napabili ako ng 'di oras ng dyaryo dahil nauto ako ng pamagat pero putsa sa ibang bansa naman pala nangyari. Bakit naman kasi ganito ang pamagat nila eh 'di ba dapat balita sa Pilipinas ang ibalita nila? 'Yan ang sinasabi ni Kuyang na kailangan ng gimik. Dahil matira matibay ang labanan sa media. Kaya't ipinagmamalaki niya na 'di siya makaka-survive kung 'di siya madiskarteng tao. Magkano nga lang ba ang bayad sa isang istroya sa mga diyaryo? Tapos ang dami pa nilang mag-aagawan sa espasyo.Kapag 'di pa trip ng editor ang istorya mo ay hindi rin ito gagamitin kaya't sayang lang ang pagod mo. Kaya dapat marami kang isinulat na istorya. Pero kapag star reporter ka ng isang pahayagan o kaya kadikit mo ‘yung editor siguradong lagi kang may labas. Wala rin naming pinagkaiba ang media sa loob ng ibang organisasyon. Kung ‘di ka ka-tropa estsapuwera ka. Palakasan din ng kapit ‘yan. Oo, alam lahat ni Kuya ang mga ito eh maliit lang naman ang industriya ng pamamahayag sa bansa para 'di magkaalaman sa sistema rito.

Pero papano ba kumikita si Kuya.? Bakit kahit walang pinapasukang opisina ay araw-araw siyang umaalis at nakapustura pa? Tapos ang dami pa ng miembro ng pamilya niya na kailangan niyang pakainin. Simple lang naman malakas na ang koneksyon ni Kuyang kung kani-kanino.Kumbaga ito ang pinaghirapan niyang itayo sa loob ng maraming taon. Marami na siyang pinuri at pinakisamahang mga tao. Ang katuwiran niya ginagamit ka lang din naman ng mga ito kaya mabuting gamitin mo rin sila. Para sa kanya pera-pera lang 'yan.Sabi nga ni Kuya siya man ay may pangangailangan din kaya dapat din siyang matulungan ng mga ito. 'Yan ang prinsipyo ng give and take! Ayaw niyang matulad sa mga pinaslang na journalist at broadcaster dahil sa pagganap ng kanilang porpesyon. Hindi raw martir si Kuya kagaya nila!

Maraming raket si Kuya and'yan 'yung may mga lumalapit sa kanya para magpaayos ng problema sa lupa at kung anu-ano pang problema at kapag naayos ito ni Kuyang ay bibiyayaan siya ng mga ito.Ang bawat taong nakikilala niya ay itinuturing niyang asset na pagdating ng araw ay pakikinabangan niya. Sabi nga niya 'di baleng walang nakikinig ng programa niya sa radyo basta mayroon lang siyang mga guest na heneral at kung sinu-sino pang mga personalidad na gustong makapanayam sa radyo at maisulat sa dyaryo. Dahil sa kanila ay buhay na buhay na siya at ang kanyang programa. Oo nga naman pogi points din kasi sa kanila ang ganito. Na kailangan mong ipagwagwagan ang mabuti nilang ginawa para sa bayan. Buti sana kung may maganda ngang ginawa eh kadalasan lang naman ay puro pang-uuto at pambobola ang kanilang pinagsasabi. Lumalabas tuloy na parang PR man si Kuya dahil ganito rin naman ang gawain nila ang magpaganda ng imahe ng isang personalidad. Eh, ano ang pinagkaiba nila? Ang PR Man may koneksyon sa media samantalang si Kuya ay nasa loob mismo ng media.

Teka hindi yata ganito ang pagkakaalam ko sa code of ethics ng mamamahayag. Pero lecheng code of ethics 'yan papatayin ka naman sabi ni Kuya! Sa liit ba naman ng nakukuha mong bayad sa pagsusulat sa mga diyaryo ay hindi ka nito kayang bumuhay ng pamilya. Kailangan kasi marami kang pinagsusulatan, 'yung iba nga gumagamit pa ng alyas para 'di ma-trace na nagsusulat din siya sa iba. 'Yung kakilala ko nga habang nagsusulat sa diyaryo ay nagmamaneho rin siya ng FX. Kaya nga si Kuya kahit 'di bayaran ng publisher ay ayos lang. Dahil ilang pangalan lang sa kolum niya ang pupurihin ay pera na. Kapag sinusuwerte at hindi kuripot ay galante magbigay. Pero may pagkakataon din namang wala siyang napapala imbes na pera ang ibigay sa kanya ay may nagbibigay lang ng alak at kung ano pang pakunsuwelo de bobo. Kaya sa susunod ay 'di na siya pupurihin nito. Aba ano'ng akala nila kay Kuyang 'di marunong magtampo. Hindi ba sila nakakaramdam na may kailangan si Kuya sa kanila. Pero iba-iba raw talaga ang araw, may sandaling masuwerte at mayroon ding malas. Malas kung nagkataong walang pera ang kliyente o kaya mainit ang ulo o wala naman sa opisina.Meron din naman walang pakialam kahit purihin mo dahil wala naman daw silang sinabing gawin 'yun ni Kuya. Hay, naku palusot lang siguro nila 'yun para makalibre sila kay Kuya.

Mabait naman si Kuya eh at least hindi siya Collect and Attack kundi Depend and Collect lang. Ang iba nga raw niyang kasamahan ay mayayaman na, mga yumaman sa pagiging AC/DC! Hindi siya gaya ng iba na kung sinu-sino ang pagbabanatan sa kanilang programa o kolum pero gusto lang nilang masupalpalan sila ng pera tapos mananahimik na. Pero ibang klase rin itong si Kuya hindi na niya kailangang bumanat dahil ang pananahimik lang ay may katapat din na kabayaran. Pero marunong din maglibot sa mga perya o si Kuya kung kinakailangan para dumilehinsya. Pero ilag si Kuyang na maglibot sa mga jueteng lord o sa mga birhaws dahil 'di niya raw linya ito. Mas gusto pa niyang maglibot sa mga may-ari ng mga kolurom na junkshop at least walang gaanong hassle. Magaling din mag-organisa ng mga seminar si Kuya at mag-imbita ng kung sinu-sinong bisita. Ang habol niya rito ay semniar fee, sponshorship at panibagong kuneksyon. Siyempre magaling siya pagdating sa soliticitation para diumano sa programa niya sa radyo. Gumagawa rin siya ng grupo tapos gagawa ng ID na mayroong bayad. Ang iba naman kumakagat sa kanya dahil may tatak ito na "media." Alam mo naman ang ibang Pinoy mahilig magyabang. Meron nga d'yan may nakalagay na media sa sa kanilang sasakyan at t-shirt pero wala naman silang kauugnayan dito. Ang ugaling ganito ang nadale ni Kuya. Ika nga ni Kuya kung ano ang kahinaan nila 'yun ang dapat na madale mo! Kung mayaman lang siguro si Kuya ay magtatayo siya ng sarili niyang diyaryo. Minsan nga gumawa na siyang mag-isa ng sarili niyang diyaryo na siya lahat ang gumawa mula sa pagsusulat at pag-dedeliver nito at kahit paano kumita naman siya. Pero mas gusto nga niya sa radyo kasi bibili lang ng air time tapos siya na ang bahalang magmaniobra, 'yun bang hindi na siya aasa sa financier niya dahil siya na nga ang gagastos.

Kung sa iba kukundinahin nila si Kuya dahil sa pinaggagawa nito. Sasabihin nilang dinudungisan niya ang hanay ng mga media. Pero aminin man o hindi naging kalakaran na rin ito sa media. Ang iba nga lang ay patago o yaong tinatawag na under the table para 'di masipa ng dyaryo o istasyong kanilang pinaglilingkuran. Minsan pa ang ilang personalidad na rin ang nagbibigay ng pakimkim sa mga ito. Hindi ko siya maaaring sisihin dahil sa kanyang gawain. Sabihin na nating hindi ito tama. Siguro sasabihin din ng iba na dapat ay hindi ka pumasok sa ganitong propesyon kung ganito lang ang gagawin mo. Dahil ang media raw ay isang dakilang propesyon. Pero sabi nga ng mga nagpuputa aanhin mo ang pagiging marangal kung mamamatay ka namang dilat ang mga mata? Oo ganito ang nasa isip ni Kuyang. Pero ayaw ko ngang husgahan si Kuyang kung tama man o mali ito ay bahala na siya tutal matanda na siya at alam niya ang kanyang ginagawa. Para kay Kuya patuloy lang ang kanyang pagsasalita at pagsusulat...

Monday, April 21, 2008

Bingo!


Umaga na naman at kagigising ko pa lang ay nauulinigan ko na ang usapan sa aking mga kapitbahay, "Ano'ng lumabas sa ending kagabi?" Kung hindi ending ang itinatanong ay jueteng naman ang pinag-uusapan. "Putsa! Sayang hindi ko natayaan ang alaga kong numero." Himutok ng isa dahil lagi niyang tinatayaan ang numerong 'yun. Kung kailan hindi siya nakataya ay saka pa tumama ang alagang numero niya. "Sayang nga no eh 'di marami ka sanang pambili ng bigas ngayon," pakli naman ng isa na hihimas-himas pa sa alaga niyang manok. Buti nga kung pambili ng bigas dahil sa pansugal din nauuwi, kung hindi ay pang-toma. Wala, halos araw-araw ganun lang ng ganun ang naririnig kong usapan. Mag-iiba lang ang eksena tuwing araw ng Linggo dahil may ilegal na pasabong sa lugar namin. Minsan nga ay may mga pulis na sumugod sa bakanteng lote na kanilang pinag-sasabungan. Ano pa't dali-daling nagpulasan ang mga sabungero. Tapos may biglang dumagundong na mga yapak sa bubungan namin na parang mga kabayo. Ang mga lekat sa pagmamadaling makatakas ay sa bubong ng may bubong nagsipagdaan.Gusto pa yatang butasin ang bubong namin. Buti na lang daw at walang nahuli dahil ang bibilis tumakbo ng mga sabungero kundi proproblemahin pa nila ang pampiyansa kapag nakulong.

Pero ang pinaka-highlights sa lahat ay itong pa-bingo ni Ineng. Si Ineng ay katapat lang ng bahay namin at mayroong tatlong maliliit pang mga anak. Ang kanyang asawa ay isang construction worker. Noong una nagkukuwentuhan lang sila ng kanyang mga kasamahan. 'Yun bang walang sawang kuwentuhan mula umaga hanggang hapon. Kahit ano na lang ang pag-usapan basta may masabi. Pero nagsawa na yata sila sa ganuong eksena kaya't isang araw ay naisipan niyang bumili ng mga prapernalya sa pagbibinggo. Hindi naman siya nabigo dahil dayuhin na talaga siya ng mga kapitbahay namin. Kahit hindi siya magtawag ay nilalapitan siya ng mga ito. Kahit wala siya ay tuloy pa rin ang bingo dahil hinihiram ang gamit niya ng mga adik sa bingo. Minsan nga umulan ng kaunti tapos ng tumila na ang ulan ay patuloy pa rin ang ligaya.

Marunong din naman akong magbinggo, nakapaglaro na ako nito sa lamay ng patay ng isa kong kakilala. At talaga namang nakakawili ang maglaro dahil maliit lang ang taya mo ay marami ang babalik sa iyo. Iyon ay kung ikaw ay mag-isa kang naka-jackpot.Minsan din ay isinama kami ng kaibigan naming ale sa binggohan na nakapuesto sa may palengke. Singgkuwenta pesos ang isang card tapos nang manalo siya ay binalatuhan kami ng tig-isang daan ng kasama ko. Ang ibinigay niya ay dinagdagan ko na lang ng singkuwenta pesos para ibili ko ng t-shirt na may tatak ni Che Guevarra. Adik din sa binggo ang isang 'yun pero marunong siyang magkontrol dahil ang sobrang pera lang sa pangangailangan ang kanyang ipinang-susugal.

Araw-araw maraming player ang binggohan ni Ineng. Ang masama nga lang nakahamblanag sila sa daanan. Pati ang hagdanan namin ay sinakop na nila at doon nagsi-pag-upo at inilalatag ang mga card. Tapos ang ingay ng inaalog na boletin at ang pagssigaw-sigaw ng taga-alog nito. "Sa letrang B, bulbol!" ang sigaw ng aleng pagkalakas-lakas ng bunganga na akala mo ay nasa palengke. Paikot-ikot lang ang mga taga-alog, kung sino ang may gusto ay pinagbibigyan. "Sa lertrang O,tsalap tsalap!" sabi ng lalakeng parang tutulo pa ang laway sa pagkakabigkas. Kapag sinabing ganito gets na ng mga player kung ano ito, na ang ibig sabihin ay 69(baliktaran). Ang mga bingoers talaga magagaling maglaro ng mga salita, kabastusan nga lang ang iba. Kapag mayroong bumibingo ay nagsisipagsigaw pa na para bang tumama sa lotto kulang na lang ay tumalon dahil sa matinding katuwaan. Hay naku, nakakatulilig talaga parang gusto ko na ngang magwala sa inis. Mabuti pa ang pagbabaraha tahimik dahil kailangang nakatutok ka rito kapag naglalaro. Pero ano ba naman ang laban ko sa mga ito eh ang dami nila samantalang ako ay nag-iisa lang. Lalabas pa na kj ako sa kanila at walang pakisama. Kaya't wala akong ibang magawa kundi ang damhin ko ang kanilang ingay at mag-excuse ng mag-excuse tuwing nanduruon ako sa papasok sa bahay namin. Ako pa ang nag-aadjust nang husto gayung sila lang itong nakikipuwesto. Saka mga manhid na rin ang mga taong ito kahit nakikita ka ng dadaan ay hindi agad tatabi. Minsan nga parang gusto ko ng lumipad 'pag dadaan ako kaysa naman masagi ang mga card nila at mapag-nitan pa nila ako. Minsan nga nagpatugtog ako ng malakas pero wa epek din dahil lalo pa nilang nilakasan ang boses nila at pagsigaw-sigaw. kaya walang ibang nabingi kundi ako. kahit lagyan ko pa ng bulak ang taenga ko wala pa rin. kahit basain ko pa ang hagdanan namin wala pa rin. Sa init ba naman ng araw ay ang bilis matuyo ng semento. Iniisip ko nga ano kaya kung pag-aaapakan ko lagi 'yung mga taeng nadadaanan ko tapos ikaskas ko sa pinaglalaruan nila. Hindi kaya sila magalit sa akin?

Hindi ko namang gustong maging kaisa nila dahil 'di ako naniniwala sa kasabihang, "If you can't beat them,join them." Binibiro nga ako ng ilan na kalabanin ko na lang daw si Ineng, magtayo rin ako ng bingohan sa loob ng bahay namin para maglipatan ang kalaro nila. Kung 'di ba sila gunggong eh gusto ko nga iwasan dadalhin ko pa sa loob ng bahay namin? Minsan nga hindi ako umuuwi para makaiwas lang sa ganitong eksena. Ganun naman talaga ang ilan sa Pinoy walang pakialam sa kapwa nila basta sila ay nasisiyahan, tabla-tabla na! Kaya't maraming nagbi-videoke kahit dis oras ng gabi kasi nga mga sarili lang nila ang kanilang iniisip. Eh, 'sa gabi lang sila nakakapagpahinga eh? Ang kapahingahan nila ay 'di naman pagkatulog ng iba.

Iba't ibang karakter ang mga manglalaro ni ineng pero lahat sila ay mga walang trabaho. Dahil ang sila ay mga housewife at ang ilan ay mga stambay na kalalakihan. Nakakapagtaka palagi silang may pera pagdating sa bingo. Kunsabagay barya-barya lang naman ang taya rito kaya't hindi ka mababaon sa utang. Masaya na rin siguro si Ineng sa natatanggap niyang tong mula sa mga naglalaro. Ito siguro ang dahilan kung bakit araw-araw ang kanyang pa-binggo para magkaroon na pera.Wais! Ang ibang mga kalahok ay pawang may maliliit pang mga anak. Ipinapaalaga na lang sa kasamahan sa bahay makapaglaro lang ng bingo. Tapos ang iba ay pinababayaan lang na maglaro kung saan-saan. Tulad nitong si Apeng na minsan ay 'di na raw nakakain at madalas ay nadadapa, naasusugatan at nakakaapak pa ng tae. Ang batang ito ay papansin dahil kapag napadaan ka ay bigla ka na lang hahampasin. Paano 'di papansin ay 'di naman iniintindi ng magulang. Kahit sabihan pa ang magulang ay wala rin dahil parang wala itong naririnig at wala sa sarili.

Mayroon namang nanay na habang nagbibinggo ay nagpapasuso ng anak! Ito ba ang tinatawag nilang,"kapag gusto may paraan, kapag ayaw maraming dahilan." Hay,ewan ko ba sa mga taong ito kung bakit naging ganito na lang ang ikot ng mundo nila sa araw-araw. Hindi lang ito basta ordinaryong libangan dahil kitang-kita ang kanilang pagkatalamak sa larong ito. Mapangit namang isipin na ganito na lang ang laman ng kanilang utak. Gayung mas marami pang dapat isipin at mas marami pang dapat gawin. Parang 'yung utak yata nila ang inaalog hindi ang boletin.dahil ang boletin ibinabalik lang sa lalagyan. Eh, sila hirap na silang ibalik sa kung ano man ang dati nilang pinagkaka-abalahan sa buhay. 'Yun ay kung mayroon man,he he. Paano ito hindi mangyayari eh mga adik nga, adik sa bingo!

Ilang lugar kaya ang mayroong ganito sa Pilipinas sigurado akong marami ang may kagaya rito?Teka may naririnig na naman akong nagsasabing namumuro na raw siya. "Sa letrang I...46!"..."Bingo!"

Saturday, February 23, 2008

Panibughong Lagim

Akala ko maayos na ang lahat pero hindi pa pala. Ilang beses ko ng iniiwasang makita ang tagpong 'yun. Pero paulit-ulit na bumabalik sa isip ko. May mga bagay na talagang 'di malilimutan kaya't kipkip-kipkip hanggang sa pagtulog. Ang mukha ni Minerva patuloy kong nakikita. Pakiramdam ko buhay na buhay pa rin siya, kasama kong nakikipagtawanan at nakikipaglambingan.
Si Minerva ang kasintahan ko sa loob ng isang taon. Pero kahit maiksing panahon lang ang pinagsamahan namin aaminin ko minahal ko siya ng sobra. Siguro masyado akong nabulag sa kanyang kagandahan, mapungay ang mga mata, mahaba ang buhok, matangkad at balingkinitan. Sabi nga ng iba parang 'di makabasag pinggan. Bukod sa mga katangian niyang 'yun mabait din siya. Kaya ganun na lang ang pagkahulog ng loob ko sa kanya.
Maayos ang relasyon namin noon halos walang problema maliban sa konting tampuhan. Pero naaayos din naman agad ang lahat. Nagbago ang lahat ng ito nang dumating si Jojo, 'di naman kaguwapuhan. 'Di sa pagyayabang mas may hitsura pa ako run. Pero ang lintek na ito panay dikit kay Minerva ko. Binabalewala ko lang ang mga nakikita kong madalas na paglapit-lapit ng mokong na ito. Ayaw ko siyang komprontahin baka sabihin ni Minerva ba wala akong tiwala sa kanya. Pero sa loob-loob ko parang sasabog na ako sa matinding selos.
Hanggang isang araw 'di na ako nakatiis nagsalita ako sa kanya, "Napapansin ko yata panay dikit niyang Jojo sa 'yo, bakit?"
"Ah, 'yun, wala 'yun. Palakaibigan lang talaga 'yung si Jojo. Don't worry ;di kita ipagpapalit sa iba, ikaw pa!,"paniniguro niya habang nakangiti sa akin. Pero sa loob-loob ko parang nagdududa pa rin ako.
Lumipas pa ang isang linngo parang normal ang lahat. Pero isang araw bigla na lang dumating ang oras na kinatatakutan ko, ang iwanan ako ng pinakamamahal ko.
"Eric, mag-break na tayo," walang kagatul-gatol na sabi ni Minerva.
"Pero bakit? Ano'ng nagawa ko? Ba't pabigla-bigla ka?." takang-takang sabi ko.
"Basta, wala kang kasalanan, wala sa 'yo ang problema nasa akin," maluluha-luhang sagot niya.
Nang mga sandaling 'yun 'di ko alam kung saan kakapain ang sagot sa tanong ko kung bakit? Wala akong ibang magawa kundi ang tumanggi sa gusto niya. Pero kahit ano'ng ayaw ko siya namang pagpipilit niya. Kahit ano'ng pakiusap ko ay balewala. Para akong batang humahagulgol sa harap niya ng oras na 'yun. Habang siya naman ay pigil na pigil at ayaw ipakita ang tunay na damdamin. Lumakas lalo ang hinala ko na si Jojo nga ang dahilan ng pakikipagkalas niya niya pero wala siyang inamin. Damang-dama ko sa loob ng puso ko na 'yun nga ang dahilan at wala ng iba. Dahil wala naman talagang rason kung bakit kailangan niyangg gawin ang bagay na 'yun. Ni wala man lang pagsaalang-alang sa pinaagsamahan namin. Ni hindi man lang siya nagpahiwatig na mawawala na siya sa akin eh 'di sana hindi ganun ang aking naging pagkabigla. 'Di ko na tuloy maintindihan ang nararamdaman ko, magkahalong galit at pagmamahal ang naglalabaan sa pagkatao ko. Buong buhay ko noon pa lang ako nakaramdam ng matinding sakit. Mas masakit pa sa naramdaman ko nang mamatatay ang tatay ko. Wala akong sinabing kahit ano'ng panunumbat sa kanya hanggang makaalis siya. Hinatid ko na lang siya ng tinggin dahil lulugu-lugo na ako.
Nakauwi na ako ng bahay 'yung eksenang 'yun pa rin ang laman ng isip ko. Pakiramdam ko parang hinihiwa ang dibdib ko. Bigla na lang naramdaman ko na kumukulo ang dugo ko!
"Hayup kayo, kung totoong kayo na nga!," usal ko sa sarili ko. 'Di ako nakatulog ng gabing 'yun. Naiisip ko silang dalawa na naglalampungan. Pero kailangan ko munang mapatunayan kung totoo nga ang hinala ko para makaganti ako sa kanila. Buhat ng bata 'di ako pumapayag na basta na lang naaagabriyado. Gumagawa talaga ako ng paraan para makaganti. Ngayon pa kung kailan naging mabait ako nangng husto, halos sambahin ko si Minerva tapos gagaguhin niya lang pala ako. Ito lang pala ang mapapala ko, hindi puwede sa akin ang ganun. Hindi talaga...
Umaga na naman, dati-rati laging masigla ang gising ko. Pero pakiramdaman ko waring nalalambungan ng itim na ulap ang kalawakan gayung tirik na tirik ang araw. Giniginaw ako gayung wala ng hamog. Lumipas ang isang araw wala akong ginawan kundi ang magsenti at mag-inom ng serbesa para kahit paano ay makalimot ako.
Sumapit na ang gabi 'yun at 'yun pa rin ang nasa isip ko. Pumunta ako ng kusina at nakita ko ang kutsilyo kaya't dinampot ko ito. Ang kislap ng kutsilyo ay parang liwanag na kumislap sa nagdidilim kong paningin. Pinaglaru-laruan ko ang kutsilyo hanggang sa masugatan ang aking daliri. Tumatagas ang dugo pero wala ako sakit na maramdaman. Hinayaan ko lang tumulu-tulo ang dugo sa sahig. Naisipan kong kuhanin ang puting panyo ssa drawer ko. Isinawsaw ko ang isa kong daliri sa dugo saka isinulat ko sa panyo ang katagang Eric Love Minerva. Pinatuyo ko ito pagkatapos matuyo ang ibinulsa ko na ang panyo. Kumuha ako ng basahan at pinunasan ang mga 'di pa natutuyong dugo sa sahig.
Naisip kong lumabas ng bahay para pumunta sa park. 'Yun kasi ang madalas naming puntahan ni Minerva noong kami pa. Habang naglalakad ako sa kalsada nang biglang may umalulong na aso. Pero 'di ko pinansin, sanay na akong makarinig ng alulong ng aso. Para saan ba 'yun? Mas kailangan kong intindihin ang sarili ko. Alas dose na ng gabi nang makarating ako sa park at gaya ng dati may mangilan-ngilan pa ring lovers ang aandun. may nagyayakapan, may magka-holding hands at meron din namang garapal, naghahalikan kahit may nakakakitang iba. Gumapang ang inggit sa buo kong pagkatao kasi namimiss ko si Minerva. Malalim akong nag-iisip ang sa, di kalayuan may natanaw akong babae at lalake sa ilalim ng puno na nasisinagan ng malamlam na ilawan sa park.
"Parang kilala ko 'yun, ah."
Inaninag kong mabuti kong mabuti, "Si Minerva at si Jojo, ang mga taksil!"
Nang mga oras na 'yun biglang nanginig ang katawan ko sa galit. 'Di nila nakikita ang puwesto ko pero sila tanaw na tanaw ko. Ang saya-saya nila habang ako naman ay nilalamon ng lungkot at matinding panibugho! Pakiramdam ko umakyat ang dugo sa ulo sa sobrang galit. Tiim bagang akong tumayo, naglakad papunta sa kanila. Umikot ako para 'di nila makita. 'Di nila namalayan nasa likod na pala nila ako. Napangiti ako at walang sabi-sabi, inundayan ko ng sunud-sunod na saksak si Jojo sa likod para siguradong patay pagbagsak. Samantalang 'di nakasigaw sa sobrang sindak si Minerva, nakatulala lang siya dahil sa pagkakagulat. Marahil ay 'di niya sukat akalain na magiging ganun pala katindi ang reaksyon ko sa pag-iwan niya sa akin.
"Eric, bakit mo ito ginawa?," garalgal ang boses niya habang nagsasalita.
Hinawakan ko ang baba niya, hawak-hawak ko pa rin ang kutsilyong puno ng dugo.
"Nagtatanong ka pa? 'Di pa ba sapat ang pagmamahal na ibinigay ko sa 'yo, nagawa mo pa akong pagtaksilan?," panunumbat ko sa kanya.
"Hayaan mo muna akong magpaliwanag saka humingi naman ako ng sori sa 'yo ah. Huwag, huwag mo rin akong papatayin. Kung gusto mo tayo uli 'wag mo lang akongg papatayin," halos mabaliw-baliw na pagmamakawa niya.
Pero sino ba namang tao ang nasa kawalang katuwiran ang makikinig sa pagmamakaawa ng mismong mahal niya gaya ko? Masyado ng matigas ang puso ko para pakinggan pa ang pagmamakaawa niya.
"Huwag kang sisigaw kundi papatayin kita," sabi ko sa kanya habang hila-hila ko ang bangkay ni Jojo papunta sa mas madilim na sulok. Habang hila-hila ko naman ang buhok ni Minerva. Pagkatapos nun sinakal ko siya nang mahigpit na mahigpit. Dahil sa maliwanag ang buwan nakita ko na lumawit ang dila ni Minerva sa tindi ng pagkakasakal ko sa kanya. Inihiga ko sa damuhan ang kanyang bangkay saka ko sinaksak ang kanyang dibdib. Pero hindi para kainin kundi para patuloy na angkinin ang puso niya. Pero saan ko ilalagay ang puso ni Minerva? Hinubad ko ang suot niyang blusa para doon mismo ibalot ang puso niya.
Sigurado bukas magiging laman ito balita sa TV, dyaryo at radyo. Tumingin-tingin muna ako sa paligid baka may nakakita sa krimeng ginawa ko o baka mamaya may rumurondang pulis sa paligid-ligid ng park. May bahid pa ng dugo ang damit ko pero dahil sa nakaitim ako kaya 'di na siguro halata ng kung sino mang makakasalubong ko sa daan. Tumakas ako na parang walang nagyaring anuman. Pero ewan ko ba't ganun 'di man lang ako nakaramdam ng munti mang pagsisisisi. Pero aaminin ko namimisss ko si Minerva. Pero wala na siya dahil pinatay ko na siya kasama ni Jojo!
Nakauwi ako ng bahay, agad kong hinubad ang suot kong damit. Kailangan kong tumakas bago pa man matuklasan ng iba ang ginawa kong krimen. Dali-dali kong iniligpit lahat ng mga damit ko. Siyempre walang ibang pagbibintangan kundi ako. Malalaman din ng lahat na ako ang gumawa ng krimen. Pero saan ako magtatago? May kamag-anak ba o kabigan na gustong magkupkop ng isang kriminal? Gulong-gulo ang isip ko ng mga sandaling 'yun, napahagulgol ako ng iyak. Naisip ko ano kaya magpakamatay na lamang ako para 'di ako makulong? Pero ano ako gago? Susundaan ko agad sila? Wala talaga akong ibang pupuntahan kaya napagpasyahan ko na lang manatili sa bahay, bahala na! Damputin na nila kung gusto nila akong damputin tutal sa kulungan din naman ang bagsak ko. Nasa ganun akong pag-iisip nang makatulog ako sa sobrang pagod at gulo ng pag-iisip. Nanaginip ako, may batang babae akong nakita, nagtaka ako ba't kamukhang-kamukha siya ni Minerva. Tapos dumating daw si Minerva bigla siya nitong tinawag, "Halika na, 'wag kang lalapit sa mamamatay taong 'yan," galit na sabi niya.
Pagtalikod nila biglang dumating si Jojo para akayin silang dalawa papalayo sa akin. Nang mawala sila paningin ko bigla na lang bumaha ng dugo sa buong paligid. Puro dugo, umaapaw na dugo! Hindi! Nagising ako, walang-hiya binabagungot agad ako dahil sa krimeng nagawa ko! Pakiramdam ko parang totoo ang lahat, napatingin ako sa kisame mayroong kulapol ng dugo gayung 'di naman ako dumikit dun. Napatalukbong ako ng kumot baka mamaya biglang magmulto si Minerva. Nang lisin ko ang kumot tumingin ako uli sa dingding pero wala na ang dugo. Naisip ko baka guni-guni ko lang ito. Bumangon muna ako para uminom ng tubig dahil uhaw na uhaw ako. Pagkatapos nun balik-higa at saglit na nawala ang bangungot na 'yun.
Alas-sais na pala ng umaga, natural 'di ako nmakakapasok sa trabaho. Isa na akong kriminal na naghihintay ng sistensiya at 'di nga ako nagkamali maya-maya lang alas-dose na ng tanghali dinampot na ako ng mga pulis. Nalaglag pala sa pinangyarihan ng krimen ang panyo na sinulatan ko ng dugo, na ang nakalagay nga ay Eric Love Minerva. Kaya 'di na sila nahirapan pa na tukuyin kung sino ang kriminal. Sumama ako ng matiwasay sa mga pulis para walang problema pero bago 'yun itinuro ko sa kanila kung saan ko inilagay ang puso ni Minerva.
Nasumpungan ko na lang ang sarili ko sa loob ng kulungan, may hatol na habambuhay na pagkabilanggo. Gabi-gabi napapanaginipan ko ang ginawa kong pagpatay sa kanila. Nakikita ko ang sarii ko na nanlilisik at pulang-pula ang mga mata, nakangisi habang sinasaksak ko sila Jojo at Minerva. Paulit-ulit ding nagpapakita sa akin ang batang babae na kamukha ni Minerva, napakalungkot ng mukha niya habang nakatingin sa akin. May mga gabing ayaw ko ng matulog dahil babangungutin na naman ako. Sabi nga ng mga kakosa ko, ang laki na ng eye bag ko.
Hanggang isang hatinggabi bumulaga sa harap ko ang multo ni Minerva, umiiyak. Pero nang sandaling 'yun 'di na ako nananaginip, totoo na! Tumayo ang lahat ng balahibo sa katawan ko. Gumapang ang kilabot sa akin mula paa hanggang ulo.
"Minerva, patawarin mo ako 'di ko sinasadya, nagawa ko lang 'yun dahil sa sobrang galit ko."
Nakatingin lang siya sa akin habang umiiyak pagkatapos nun bigla siyang tumalikod at pagharap niya agnas na ang kanyang mukha, wakwak ang dibdib! Lalo tuloy akong nahintakutan dahil sa tagpong 'yun. Akala ko lalapit siya sa akin para sakalin gaya ng ginawa ko sa kanya. Hinihintay ko lang na gawin niya 'yun sa akin, napapikit na lang ako ng mata pero pagdilat ko wala na siya. Saka ako nakahinga ng maluwag, pinagpawisan ako nang husto gayung ang lamig sa loob ng selda ng mga oras na 'yun.
Kinabukasan meron akong 'di inaasahang bisita, si Lynn, kaibigan ni Minerva. Alam kong nandun siya para usigin ako. Mabigat man ang pakiramdam ko ay hinarap ko pa rin siya.
"Eric, bakit mo naman ginawa 'yun sa kaibigan ko?," pambungad niya sa akin.
'Di ako kumikibo habang nakayuko dahil sa labis na kahihiyan na nararamdaman ko. Isa pa, ayokong magpakita ng emosyon sa harap ng kaibigan ni Minerva.
"Alam mo ba na mahal na mahal ka ni Minerva?," pagpapatuloy niya.
'Di ako makapaniwala sa sinabi niya. Kung ganun ba't siya nakipaghiwalay sa akin?
"Magkakasama kaming tatlo ng gabing makita mo sila sa park. 'Di lang maganda ang pakiramdam ko kaya nag-CR muna ako pero pagbalik ko wala na sila sa pinag-iwanan ko kanila. Tapos nalama ko na nga lang na patay na pala sila at ikaw pa ang pumaslang sa kanila," umiyak na sabi ni Lynn.
Kaya naman daw laging nakadikit si Jojo kay Minerva ay dahil nagpapalakad ito sa kanya. At nanng gabing isinama lang nila si Minerva para mapasalamatan ito dahil sinagot na raw ni Lynn si Jojo. Tinanong ko na rin sa kanya kung bakit ito nakipaghiwalay sa akin...
"Kaya naman siya nakipag-break sa 'yo dahil lumabas sa pregnancy test na buntis siya. Gulung-gulo ang isip niya, natatakot kasi siya na baka mapatay siya ng tatay niya 'pag nalaman ang kalagayan niya. Alam mo namang sobrang bagsik ng tatay nun. Pero sasabihin din daw niya sa iyo kailangan lang niya munang makapag-isip-isip."
Kaya pala may batang babae na nagpapakita sa panaginip ko na kamukhang-kamukha ni Minerva. 'Yun sana ang magiging anak namin. Kung sinabi lang sana ni Minerva ang katotohanan, 'di sana nangyari sa amin ang ganun dahil mahal namin ang isa't isa. Pero walang dapat sisihin kundi ako dahil hinusgahan ko agad siya.
Gabi-gabi na lang binabangungot ako, paulit-ulit kong nakikita ang eksena kung paano ko patayin sina Minerva at Jojo. Ang nagagawa nga naman ng panibugho sa buhay ng tao, minsan ay nagdudulot ng panibugho. Kailan kaya titigil si Minerva sa kamumulto sa akin? 'Di ko na makakayanan ito, masisiraan na yata ako ng ulo...AAAAAHHHHH!!!!
-Wakas
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...