Maya-maya lang ay nagsawa na sa pagsayaw si Pepe at bigla itong napaiyak, “Kayo ha, ang salbahe n’yo, niloloko n’yo ako, huhu,” sabay dampot ng bato. Takbuhan ang mga bata sa pag-aaklang babatuhin nga sila ni Pepe. Pero tumahimik lang siya sabay himas sa batong hawak-hawak niya na animo’y mahalagang bagay.
Iba-iba ang reaksyon sa mga nakakakita sa kanya. Mayroong natatawa at mayroon din namang naaawa. Ipinagpapalagay nilang baka nananabik na ito sa kanyang pmiulya. Napakalungkot kasi ng kanyang mukha habang dumadaloy ang masaganang luha sa kanyang mga mata. Anuman ang iniisip ni Pepe ay mahirap nang basahin dahil sa kaniyang kalagayan. Pero karamihan sa mga taong naroroon ay walang pakialam sa kanya dahil sanay na sila sa ikinikilos nito. Ang importante ay hindi ito nananakit ng tao. Inabutan na lang siya ng takipsilim hanggang sa makatulog ay waring kipkip niya ang lahat ng kabiguan sa buhay.
Kinabukasan, masaya ang gising ni Pepe dahil wala itong tigil sa kangingiti at katatawa. Sabi ng mga napapadaan, baka idinuyan daw ng mga anghel sa kanyang panaginip kaya maganda ang kanyang gising. Pero ang kakatwa ay bigla itong nagsasayaw na akala mo’y nakarinig ng napakagandang tugtog. Sayaw siya ng sayaw na animo’y nasa entablado. Tumigil lang siya nang mapagod. Saglit siyang nagpahinga at maya-maya lang gumala-gala na naman ito. Nang may nadaanan siyang grupo ng kalalakihan na ang aga-aga ay mga ng-iinuman na.
“Hoy, baliw, halika sayawan mo nga kami,” sabi ng isang lalake sa grupo na halatang malakas na ang tama.
Pero parang walang nairinig si Pepe, marahil ay dala na rin ng pagod kaya’t ayaw na niyang sumayaw. Inuulit-ulit ng lalake ang utos nito na sumayaw siya pero talagang ayaw niyang sumunod. Dahil dito ay pinagtutulung-tulungan itong gulpihin ng grupo. Bagsak na si Pepe nang mayroon pang sumaksak sa kanyang tagiliran. Napatingin na lang sa langit ang kawawang nilalang at sa kanyang paningin ay sumasayaw ang mga ulap sa kalawakan…
No comments:
Post a Comment