Mahal na araw-ito ang panahon kung saan ay dapat ay magtika ang isang tao sa mga nagawa niyang kasalanan.. Paggunita sa Panginoong Cristo Jesus na minsan ay nag-alay ng kanyang buhay para sa ating lahat. Ngunit paano nga ba pinalilipas ng ilan nating mga kababayan ang mahalagang mga araw na ito? Bakit tila naging iba naman ang kanilang pakahulugan dito?
Para sa iba , ang Mahal na Araw ay isa lamang mahabang bakasyon, kung saan dapat ay makapagpahinga mula sa nakapapagod na pagtratrabaho. Mayroon nito para magkasama-sama ang magkakapamilya para magtungo kung sa beach o resort para makapagpalamig. Lalo na ngayon na sobrang init ng panahon dahil sa Global Warming.
Ito rin ang panahon kunsaan ay nagkakaroon ng “Alay-Lakad” papunta sa grotto ng Mahal na Birhen. Isinasagawa ito sa sa bisperas ng Biernes Santo. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng pag-aalay-lakad ay nakakapag-sakripisyo na sila at mababawasan diumano ang kanilang mga kasalanan. Ngunit sa ngayon ay kapansin-pansin ay kakaunti na lang ang mga debotong kalahok dito. Bagkus karamihan ay puro grupo ng mga kabataan ang makikitang naglalakad. Kanya-kanya silang hawak ng bandera na nagbabandong sila ay miembro ng ganito at ganuong samahan. Dahil sa nagkakayabangan ay nagkakainitan at nauuwi pa sa kaguluhan. Mayroon ding magkakaaway na sa kalsada na nagkita kung kaya’t nagpapang-abot. Ilang ulit na ba tayong nakababalita na mayroong nasasaksak habang nag-aalay-lakad? Siyempre, hindi rin nawawala ang “Alay-Ligaw’ dahil mahaba-habang usapan nga naman ang nangyayari habang naglalakad.
Sa kulturang Pinoy ay hindi rin nawawala ang pagpapapako sa krus at pagpapahagupit ng latigo sa katawan. Nais din daw kasi nilang maranasan ang ginawang sakripisyo noon ni Cristo. Ang ganitong tradisyon ay nagmistulang isang malaking palabas dahil maraming mga dayuhan ang dumadayo pa sa ating bansa para lang makapanuod ng ganitong eksena. Maitatanong mo tuloy sa iyong sarili, kailangan pa ba ang ganitong bagay gayung ginawa na nga para sa atin ni Cristo para ‘di na tayo mahirapan? Ang gagawin na lang natin ay pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at huwag na itong ulitin pa. Marami kasi sa kanila pagkatapos diumanong magsakripisyo ay bumabalik naman sa dating masamang gawain.
Ngunit ang iba kahit Mahal na Araw ay ayaw pa ring paawat sa bisyo. Marami pa rin kasing umiinom ng alak kahit bawal kapag Biernes Santo. Ang nakatatawa pa, kapag Biernes Santo rin ay magkabi-kabila ang sabong. Ang Kristo sa sabungan ang kanilang nasasaisip imbes ang tunay na Cristo. Mabuti pa ang mga birhaws nagagawang makisama kapag Mahal na Araw dahil sarado ang marami sa kanila sa ganitong mga araw.
Hindi lamang mga relihiyoso ang may paniniwala sa Mahal na Araw kundi pati yaong mga naniniwala sa mga bagay na mistikal. Sinasabing mainam diumanong gumawa ng anting-anting at gayuma kapag Biernes Santo dahil mas lumalakas ang bias nito. Kung ito man ay may katotohanan nasa kanila na rin ito.
Sana ay huwag nating makalilimutan na ang sentro ng mahal na araw ay mismong si Cristo at hindi ang kung ano pa man.
No comments:
Post a Comment