Ayon kay Gina ay hindi simple ang pamumuhay ng isang dayuhan sa naturang bansa dahil kahit saang aspeto titingnan ay laging paborable ang mga taga-Aleman sa kanilang mga kalahi. Kung trabaho ang pag-uusapan ay napakahirap umanong makakuha roon ng trabaho. Kinakailangan mo munang makapag-asawa ng Aleman para magkaroon ng magandang trabaho. Para hindi ka ituturing na iba sa kanila. Ngunit 'di nangangahulugan na porke't may asawang Aleman ay madali ng makakakuha ng trabahong pampropesyunal. Hindi uso sa kanila ang palakasan gaya sa Pilipinas. Dapat daw ay mayroon kang diploma galing sa kanilang paaralan. Ibig sabihin ay doon ka nakapag-aral ng anumang kurso. Kung hindi man, dapat ay nakapagtapos ka sa isang International School na kinikilala sa buong mundo. Magbuhat kasi nang matapos ang World War II ay naghigpit na ang kanilang pamahalaan sa pagtanggap ng mga dayuhang manggagawa dahil nagiging kaagaw pa nila sa trabaho ang mga ito. Dahil sa ganitong sistema, ang ginagawa ng ilang mga Pinay ay nag-aasawa na lang sila ng Aleman kahit pa sa amoy-lupa para matapos na lang ang kanilang paghihirap. Mayroong sinusuwerte at mayroon ding mga minamalas dahil sadista pala ang napakasalan.
Karamihan diumano sa mga Pinoy sa Germany ay nagtratrabaho bilang part timer gaya ng housekeeper, janitor, cook at kung anu-ano pang mga trabaho na nabibilang sa tinatawag na blue collar job. Si Gina naman ay nagtratrabaho bilang part time tutor, taga-pagluto ng pagkain ng mga bata, english translator at iba pa para lang maka-survive. Ngunit bakit nga ba nagtitiyaga ang mga Pinoy sa Germany kung ganito naman pala kahirap ang kanilang kalagayan? Mas mahirap naman diumano kung sa Pilipinas sila maghahanap ng trabaho dahil hindi rin sila makakaipon. Ang kita diumano ng isang nasa blue collar job ay mas mataas pa sa duktor sa Pilipinas. kaya't paano nga ba naman natin sila masisisi?
Nang kumustahin naman ang imahe ng Pilipinas sa naturang bansa ay sinabi ni Gina na napakasama! Dahil puro pangit na kaganapan pala sa atin ang ipinapakita sa telebisyon gaya ng kahirapan, trahedya, patayan at iba. Nalulungkot diumano si Gina kapag ganito ang kanyang napapanuod gayung marami pa namang bagay na dapat ipagmalaki tayong mga Pilipino. Ngunit ang higit na malungkot ay kanya-kanya ang mga Pinoy doon imbes na magsuportahan sa isa't isa. Dala-dala pa rin ang ugaling talangka o 'yung hilig manghila ng pababa.
Kung ikukumpara naman diumano ang kulutra ng Pilipino sa mga Aleman, ang Aleman ay masyadong nasyonalistiko dahil mas inuuna nilang bilhin ang sarili nilang mga produkto kaysa sa iba. Samantalang ang mga Pinoy ay mahihilig nga sa imported. Sa Germany ay hindi gaanong pinapahalagahan ang wikang Ingles kagaya sa atin na kahit kapwa Pilipino ang nag-uusap ay nag-i-Inglesan pa! Ultimo nga pelikulang galing sa ibang bansa ay isinasalin pa sa wikang Aleman para kanilang maintindihan. Kumbaga, 'di nila kailangang mag-adjust. Ang mga dayo sa kanila ang dapat na makibagay. Samantalang sa atin ay maraming nahuhumaling sa kultura ng ibang bansa partikular sa Western, mapa-kasuotan, pelikula, musika at iba pa.Hindi rin diumano uso ang kurapsyon sa gobyerno roon, 'di tulad sa atin na maraming opisyales ng goberno ang nasasangkot sa mga katiwalian. Sa totoo lang mahirap pagkumparahin ang dalawang bagay na sadyang magkaiba. Ngunit kung mayroon diumano tayong dapat
tularan sa mga Aleman ayon kay Gina ito ay ang pagiging indipendiyente at hindi inaasa ang takbo ng ekonomiya sa ibang bansa.
Ang pangarap ni Gina ay ang makapagpatayo ng eskuwelahan sa pre-school at kindergarten dito sa Pilipinas. Palibhasa ay dating guro sa atin kung kaya't ganuon na lang ang pagpapahalaga sa edukasyon. Para ito ay maisagawa ay kuntodo siya sa pag-iipon at naghahanap din ng financier na maaaring makatulong sa kaniya. Hindi niya alam kung gaano pa siya katagal maninirahan sa Germany. Basta't ang alam niya ay uuwi pa rin siya sa bayang kanyang sinilangan pagdating ng araw. Pero sa ngayon patuloy muna ang kanyang pakikipagsapalaran sa bayan ni Hitler...
No comments:
Post a Comment