Showing posts with label Business. Show all posts
Showing posts with label Business. Show all posts

Saturday, December 13, 2014

Samuel Evangelista: May Asenso sa Pagtitinda ng Saging

    Dating marino si Samuel Evangelista, kilala sa palayaw na Sam bago pumasok sa negosyo. Nakapagtapos siya ng Bachelor of Sciense Marine Engr. sa University of Visayas. Pagka-graduate ay nagtabaho muna sa isang marketing firm na gumagawa ng LPG safety device. Nagsimula bilang trainee hanggang siya ay maging supervisor. Pero kahit mataas na ang posisyon ay gusto niya pa ring magamit ang pinag-aralan kaya’t nang makaipon ng sapat na salapi ay nag-apply siya sa pagka-marino.  May tatlong taon din siyang nagtrabaho sa barko. Umalis lang siya rito nang hilingin ng kanyang misis na lumagi na lang siya sa Pilipinas.

    Pagkababa ng barko ay bumili siya ng multi-cab na pampasada. Noong una ay ayos naman dahil nakakaraos pa rin kahit paano. Kaya lang makalipas ang isang taon nang pamamasada ay humina ang kanyang kita dahil na rin sa mabilis na pagtaas ng gasolina. Kaya’t naisipan na lang niyang ibenta ang sasakyan. Pagkatapos ay pumunta muna siya sa kanyang kapatid sa Bohol na nagmamay-ari ng fishpond kung saan ang pangunahing produkto ay bangus at tilapia. Nagsilbi siya roon bilang tagapamahala ng self-generator. Wala kasing kuryente sa palaisdaan ng kanyang kapatid. Nakita niya ang pagganda ng kabuhayan ng kanyang kapatid. Doon niya naisip na ano kaya kung magnegosyo na lang siya gaya ng kanyang kapatid.

    Bumalik siya Gensan para asikasuhin ang lupa ng kanyang misis sa Kiamba. Naisip niyang saging ang itanim nang minsan may nakita siyang farmer na nakapagpaaral ng mga anak sa kolehiyo. Mulat na rin naman siya sa buhay sa bukid dahil magsasaka ang kanyang ama.Cardaba nga lang ang itinatanim sa kanila samantalang sa Kiamba ay Lakatan ang itinatanim. “Yung iba gumagamit ng tissue culture. Pero ako hindi. Parang naka-nursery pa. Tinatawag namin na saha tapos tina-transplant,” aniya. Ang distansya ng pagtatanim niya ng saging ay 2x3 metro. Kapag masyado kasing dikit ang puno ay ‘di makapagbibigay ng magandang bunga. Kapag malayo naman maganda sanang magbigay ng bunga. Pero ang problema ay maraming damo. Kapag malayo rin ang distansya ay kaunti lang ang maitatanim.

   Isang ektarya ang una niyang tinamnan, bale tatlong ektarya ang kanilang lupa. Noong una ay isang libong puno ng saging ang kanyang naging tanim. Sa ngayon ay nakakapagtanim siya ng tatlong libong puno ng saging  at umaabot ng apat na raan at limang daan kapag peak season. Ayon kay Sam, maganda ang market ng lakatan kung ikukumpara sa kardaba. Bukod sa mabigat na ay konti lang ang kita.’Yun nga lang kapag lakatan mahirap alagaan dahil sensitibo ito dahil madaling dapuan ng sakit. Kaya dapat palaging malinis ang farm at ginagamitan din ng abono. Natural na pestidyo lang ang ginagamit ni Sam. Kapag komersiyal na pestidyo kasi ang ginamit ay malaki ang posibilidad na masira ang lupa. ‘Di magtatagal ay magiging acidic pa ito. Maganda pa naman ang kalidad ng lupa sa kanilang farm. Mabato ito ng konti, ito ang tipo ng lupa na magandang pagtamnan ng lakatan. Ang ginagawa niyang pampataba ng lupa ay ang dumi ng itik. Meron din kasi siyang itikan dahil nagsu-supply siya ng balot sa Kiamba. Ang mga natabas na damo at mga dahon ng puno ay binubulok niya para magsilbing pataba sa lupa.

    Noong una ay sa mismong farm lang siya nagbibenta. Hanggang sa naisipan niyang magdala ng produkto sa Gensan tutal naman ay palagi siyang umuuwi rito. Nagdi-deliver siya ng lakatan sa palengke. Ayos naman ang kita. Kaya lang nang mapag-aralan ni Sam ang kanilang marketing strategy ay nag-iisip-isip siya. “Pag may nagtanong ng price sa kanila, malaki ang sasabihin nila. Samantalang kalahati lang ang kuha nila sa akin. Eh, mag-antay lang naman silang mahinog ang saging,” aniya. Natutunan din ni Sam kung paano ang teknik nila ng pagpapahinog ng saging at ginaya niya ito. Gumagamit siya ng atril na isang bagong teknolohiya sa pagpapahinog ng saging. Isang araw mo lang ibabad sa tubig na may atril ang saging ay nag-iiba na agad ang kulay nito.

    Naisipan naman niyang pumuwesto sa kanilang bahay at naghanap din siya ng babagsakan sa palengke. Sa iba niyang binabagsakan ay porsiyento lang ang ibinibigay niya. Hanggang sa dumating ang araw na nagkaroon siya ng problema sa isa niyang binabagsakan. May pagkakataon na ‘di nito kukunin ang mga saging ni Sam. Doon siya nanlumo nang husto. Kaya naisipan niyang magbenta na lang sa kalye. Hanggang sa nakilala niya ang may-ari ng bahay kung saan siya kasalukuyang nakapuwesto, sa may bungad ng kanilang subdivision. Dati itong tindahan at inalok sa kanya na upahan na lang niya. Natuwa siya dahil malakas ang kanyang outlet na ito. Bukod sa lakatan ay meron din siyang iba’t ibang klase ng saging, meron ding durian at rambotan. May nakilala rin siyang gumagawa ng banana chips kaya nagsu-supply siya ng raw material saka niya ibinibenta sa kanyang outlet.

    Ayon kay Sam, “Ang sikreto ko ‘di kami nagha-harvest na hindi pa siya gaanong magulang. Dapat nasa 70-75 days ang edad ng saging. Kapag nasa 60 days lang, mapipilit mong mahinog pero kapag tinikman mo ay ‘di rin masarap. Ang tamang harvest green-green siya ‘pag pinisil mo malambot.”


     Ang importante sa negosyo para kay Sam dapat ay hands on ka. Kagaya niya na lagi siyang pumupunta sa kanilang farm. Pupunta siya ng Lunes tapos babalik siya sa bahay ng Sabado na dala na ang produkto. Kapag ‘di ka hands on ay mas malaki ang gastos mo. Pero kapag hands on ka lalago ang iyong kaalaman. Kapag nandoon din ang presensya mo maraming magagawa ang iyong mga tauhan kaysa wala ka roon. At higit sa lahat ay maging malapit sa Panginoon. “Kahit ano’ng gawin na pagnenegosyo natin ‘pag wala ang Panginoon sa atin malayo rin ang grasya. Dapat gawin natin siyang business partner. Kapag hindi ay ‘di ka rin niya pagpapalain,” pagtatapos niya. 

Monday, November 10, 2014

Sakay na sa Rent a Car Business

  Si Jing ay kasalukuyang nakatira sa General Santos City pero isinilang at lumaki sa Kiamba, South Cotabato. Kumuha siya ng kursong Fisheries pero isang sem lang ang inabot. Pagkatapos ay lumipat ng Computer Technician pero isang taon lang ang kanyang itinagal. Bago malinya sa negosyo na nagpapaupa ng sasakyan ay nagtrabaho muna siya sa isang malaking farm sa may Polomolok sa loob ng limang taon. Doon niya natutunan ang pagmamaneho. Matapos umalis sa farm ay bumalik siya ng Kiamba para mamasada ng van na ang ruta ay Gensan-Kiamba. May labindalawang taon din siyang namasada bago mapasok sa rent a car.

    Kung ikukumpara ni Jing ang kanyang trabaho noon sa ngayon ay mas hirap siya dati. Dati kasi ay gumigising siya ng alas kuwatro ng madaling araw tapos makakauwi na siya ng bahay ng alas-sais o alas siyete ng gabi. Apat na balikan ang kanyang biyahe. Kaya mas pagod siya kumpara sa ngayon na medyo nakakapagpahinga siya. Hindi na niya kailangan pang pumick up ng pasahero sa kalye tulad noon. Isa pa mas nalilibang siya, “Mas maganda kasi sakay mo ang mga celebrities, mga official, business people o malalaking tao. Masaya sa rent a car.”

    Ilan lang sa ipinagmamaneho niya ay mga taga-ABS CBN at PNP. Kung sinu-sino na ang mga bigating personalidad na ang kanyang naisakay. Kagaya nina Sen. Nene Pimentel, Sen. Bong Revilla, Rep. Lani Mercado, Philip Salvador, Black Jack, Gabby Concepcion at iba pa. Ang maganda kapag artista ang kliyente, sinusundo niya ng umaga sa airport tapos sa gabi pa ang show kaya tinatawagan na lang siya ng mga ito.

    Hindi siya ang may-ari ng van na kanyang minamaneho, pero siya ang namamahala rito kaya’t parang sa kanya na rin. Naka-direkta kasi sa kanya ang mga kliyente. Marami na siyang mga naging suki kaya’t establisado na siya. Sa tingin niya ay maganda ang kanyang serbisyo kaya’t iminumungkahi siya sa iba. Madalas ay hindi siya nababakante dahil sa dami ng kumukuha sa kanyang serbisyo. Kapag nagkasabay-sabay ay tumatawag siya ng kaibigang drayber. Kahit out of town ay puwede siyang magbiyahe gaya ng Cagayan, Butuan, Surigao at iba pa. Pagdating sa bayaran ay porsiyentuhan ang sistema.

    Ang importante lang naman sa ganitong negosyo, kailangan ay maging ma-PR. Maging magalang sa lahat ng oras. Huwag kalilimutang magsabi lagi ng ma’am at sir. Huwag na huwag magpakita ng ‘di maganda gaya ng paninigarilyo at huwag magmamaneho nang nakainom ng alak. Panatilihin ding malinis lagi ang sasakyan. “Huwag malikot ang kamay, smooth lang magpatakbo. Bilisan lang ‘pag nirequest ng kliyente,” dagdag pa niya. Kailangan din ay alam mo ang pasikut-pasikot sa lugar na pupuntahan ng kliyente. Lahat ng kainan at hotel dapat ay alam mo. Kumpleto na, kailangan may number ka na sa kanila. Siyempre, alam mo dapat ang kasaysayan ng lugar kung saan ka nagbibiyahe. Kagaya niya alam niya  ang background ng General Santos City, ang tawag dito dati ay Dadiangas.

    Ipinagmamalaki ni Jing ang Gensan dahil maganda itong pasyalan ng mga turista. Unang-una  kilala ito na Capital Tuna of the Philippines. Marami rin ditong mga prutas. Dito nakatira ang 8th time division na si Mannny Pacquiao. Ito rin ang bayan nina Shamcey Supsup, Gerald Anderson at iba pa. Maganda ring puntahan ang Lake Cebu Zip Line at zip line sa Fifth Mountain of Balakayo.


     Kapag kinuha ninyo si Jing ang una niyang tinitiyak ang kaligtasan ng kanyang pasahero. Idagdag pa rito ang pagiging kumportable dahil talaga namang malinis at maganda ang kanyang sasakyan. Saka ‘di na sila mahihirapan dahil alam na ng drayber ang pupuntahan. Mararamdaman mo talaga na isa kang VIP. Kapag nagawi ng Gensan, maaari siyang kontakin sa 0917-373-8588 at 0919-500-8805.

Siomai Business

 Ang siomai ay patok sa ating mga Pinoy dahil sa mura lang at talaga namang malinamnam ang lasa. Marami ring timpla ang pagpipilian. Dahil sa patok ay ito ang negosyong napiling pasukin ni Jai Esturco ng Mandaluyong City.  Hindi naman siya nagkamali sa kanyang desisyon dahil sa konting panahon lang ay naging matatag na ang kanyang negosyo na pinangalan niyang SIOMAILICIOUS. Pangalan pa lang aba’y nakakatakam na.

    Ang kanyang nakababatang kapatid ang unang nagtinda ng siomai. Sumunod dito ay ang nakatatanda nilang kapatid. Parehong may computer shop ang dalawa niyang kapatid. Ang tindahan nila ng siomai ay ipinupuwesto lang nila sa harapan ng kanilang shop. Nakita niya na kumikita ang tindahan ng kanyang mga kapatid. Ang una ay nag-a-average ng 5-8 kilos kada araw samantalang ang isa ay nasa 10-15 kilos naman ang nauubos. Sa palamig pa lang ay nababawi na ng mga ito ang kanilang puhunan.

    Pero hindi muna siya basta-basta pumasok sa pagsu-siomai. Pinag-aralan muna niya itong mabuti.  Humahango lang ng siomai ang kanyang mga kapatid kaya’t naisipan niya na ano kaya kung sila na rin ang gumawa ng sariling siomai para makatipid sila. Pero inabot ng limang buwan bago magkaroon ng katuparan ang gawaan ng siomai na kanyang naisip. Namuhunan sila ng 150 thousand para sa mga kakailanganin sa paggawa ng siomai.

    Dating construction worker sa Japan si Jai at minsan din siyang naging magbababoy. Marunong siya gumawa ng mga processed food. May karenderia rin siya dati at may tindahan pa ng baboy sa palengke. Nahinto siya sa negosyo niyang ito dahil tumindi ang kumpetinsya sa palengke na kanyang pinagtitindahan. Kaya nag-aral siya ng photography para maging isang professional photographer. “Yung pagsu-siomai naman natutunan ko ‘yan sa tiyahin namin. Siya ang unang nagtimpla ng siomai sa lugar namin, sa Calentong, Mandaluyong. Inupgrade ko na lang. ” aniya.

    May bahay sa Talayan, Quezon City ang isa niyang kapatid at kumuha sila rito ng maliit na puwesto para sa kanilang pagawaan. Nagtitimpla sila ngayon, tapos bukas ay wala. Ang kanyang mga kapatid lang naman kasi ang kumukuha. Nagsimula lang sila sa 35 kilos. Sa sampung kilo, ang nabubuo nila ay nasa 480 piraso ng siomai. Kung kukuwentahin ay nakakagawa sila ng 1,700 na siomai kada araw. Makaraan lang ng dalawang linggo ay may umuorder na sa kanila. Kaya nagdagdag na sila ng kung ilang kilo para mapunan ang mga order sa kanila.

    Sabi ni Jai ay madali lang namang gawin ng siomai. Ang kakailanganin mo lang ay laman ng baboy, extender, accord, bread crams, sibuyas at carots. Kailangan din ng condiments at konting preservatives. Lalamasin mo lang ang giniling at ihahalo mo. Balutin lang ng mono wrapper at i-steam, presto may siomai ka na! Pero siyempre, importante ang pagtimpla ng condiments dahil ito ang nagpapasarap sa siomai.  Sa obserbasyon niya kaya mahilig sa siomai ang mga Pinoy dahil mura nga lang ito. Pero naniniwala siya na kahit mura dapat ay may quality. Isa pa kahit anumang panahon binabagayan ng siomai. Mainam na pampalipas gutom. Puwedeng may kanin at puwede ring wala. Puwede pang gawing pulutan.

    Sa ngayon ay may limang puwesto ng tindahan ng siomai si Jai. Nag-a-average siya ng 30 hanggang 40 kilo kada araw. May puwestong malakas at may puwesto ring mahina. Para sa kanya ay maganda ang negosyong ito. Sabi niya, “Napakaliit ng capital dito. Mas mabilis bumalik ang pera ikumpara mo sa malaki na matagal ang return of investment.” Kapag ‘di ka kumita sa puwesto mo ay puwedeng lumipat lang ng ibang puwesto. Dapat ay sa mataong lugar puwesto. Mas maganda kung sa terminal, palengke at eskuwelahan.  

    Freelance photographer si Jai kaya’t di sa lahat ng oras ay nasa pagawaan siya at nakakaikot sa kanyang mga tindahan. Pero may sistema siyang sinusunod. Sa tindahan niya, mayroon siyang runner na taga-dala ng lahat ng kailangan sa mga puwesto niya. Meron din siyang taga-bilang ng mga napagbentahan. Madali lang itong i-audit dahil per piraso ang siomai at per cup ang palamig. Kapag may problema ay nagti-text lang ang kanyang mga tauhan. Sa gawaan naman, salitan ang kanyang dalawang kapatid sa pamamahala rito. Kapag may problema ay tinatawagan siya ng mga ito.

   Hindi nagpapa-franchise si Jai. Pero kapag kumuha ka sa kanya ng paninda ay puwede ka niyang gawan ng foodcart sa halagang 15 thousand. May kasama na itong sampung kilo ng siomai at tuturuan ka pa niya kung paano gumawa ng condiments. Kapag magtatanong ka sa kanya ay mas gusto niya ang negatibong aspeto. Ang lagi kasing iniisip ng mga tao ay positibo agad. Gayung mas magandang pag-aralan muna ang mga negatibong bagay para makaiwas sa panganib ng papasuking negosyo. Natutuwa siya dahil marami agad ang nagtitiwala sa Siomailicios. May mga humango sa kanila na may puwesto sa Pasig, San Juan, Antipolo at kung saan-saan pa. “Wala pang kumukuha sa amin na huminto magtinda. Maganda naman ang resulta dahil lumalakas ang order nila,” nakangiting sabi niya.  

    May payo si Jai sa mga gustong pasukin ang pagnenegosyo ng siomai. Kung gusto mong umasenso tutukan mo ang iyong negosyo. Huwag mong iaasa sa mga tao. Kailangan asikasuhing mabuti ito at laging bisitahin. Maging praktikal din, huwag ibubuhos ang lahat ng puhunan. Para kung sakali mang bumagsak ay hindi ka masisilat. “Una, mag-retail ka. Pangalawa, pwede ka ng mag-wholesale at the same time kumita ka ng konti,” pangungumbinse niya.

    Ibinahagi rin ni Jai ang isa sa ideya niya. Ayon sa kanya, kahit pa ang mga may full time na trabaho ay puwedeng pumasok sa ganitong uri ng negosyo.  Puwedeng  kumausap ng may-ari ng bahay na naiisip mong puwedeng paglagyan ng iyong produkto. Alukin ang mga ito na magtinda sila at makakakuha sila ng para ka na ring empleyado sa isang kumpanya na nabawas na ang dapat sa iyong mabawas. “Halimbawa, sasabihin mo na pasasahurin kita ng 1,500 a month. Tapos kada kilo ng siomai na maubos,  may 20 pesos ka pa. Kung makakasampung kilo s’ya may 250 pesos a day siya. Para ring ahente, the more na nagsisipag ka lumalaki rin ang incentive mo,” paliwanag niya.



Friday, November 7, 2014

Business Tips: Kung Paano Sisimulan ang Negosyo


     Kapag ‘di sapat ang kaalaman o kulang sa karanasan sa negosyong pinasukan ay maaaring bumagsak agad ito. Kaya’t ipinapayo ng mga eksperto na pag-aralang mabuti ang isang negosyo bago ito pasukin. Makabubuting magtanung-tanong sa mga taong ang naunang nagnegosyo ng katulad sa iyo. Para magkaroon ka ng ideya kung ano’ng klaseng pamamahala ang gagawin mo sa iyong negosyo. Sa umpisa, magkakaroon muna ng trial and error pero pasasaan ba at matututunan mo rin ang lahat.

    Ang kakulangan sa capital ay isa ring dahilan ng pagbagsak ng negosyo dahil paano mo nga naman mapapatakbo ito ng maayos kung kulang ka sa pondo? Kaya bago umpisahan ang negosyo ay siguraduhing sapat ang iyong puhunan at hangga’t maaari ay may pasobra pa. Paraa ‘di kapusin ay mag-umpisa sa maliitan saka ito unti-unting palaguin. Maghinay-hinay lang din sa pangungutang lalo’t wala pa namang inaasahang pambayad dahil baka magipit lang lalo.

    Kapag hindi rin maganda ang lokasyon ng puwesto ay malabong kumita. Maliban na lang kung marami nang nakakakilala sa iyo at sadyang dinadayo ka kahit saan ka pa pumuwesto. Pero kung hindi, mainam talaga kung sa matataong lugar pumuwesto para madaling puntahan.

    Ang sobrang pagbili ng mga produktong pambenta ay nakasasama rin. Dahil kung sobra-sobra ang stocks tapos hindi naman nabibili ay masasayang lang ito. Pampasikip pa ng puwesto. Kung ano lang ang mabenta ‘yun lang ang paramihin ng stocks dahil mabilis namang gumalaw. Tapos ‘yung ‘di gaanong mabenta limitahan lang ang pagkuha.

    Hindi rin maganda ang paggamit ng business fund para sa ibang bagay. Hagga’t maaari ay huwag itong gagalawin, gamitin lang para sa negosyo. Kahit nga ang kinikita mula sa negosyo ay ‘di rin dapat ginagastos ng basta-basta. Ibig sabihin, maging resonable lang sa paghawak ng salapi.

    Dahil sa kumpetisyon ay maraming bumabagsak na negosyo. Pero natural lang ang ganito dahil nabubuhay tayo sa mundo na punung-puno ng kumpetisyon. Para makaigpaw ay dapat na pagandahin ang iniaalok na produkto o serbisyo. Pero bagama’t maganda ay maaaring maging iba ang epekto nito. Dahil sa hindi alam kung paano hahawakan ay posibleng maging dahilan ito ng biglaang pagbagsak. Hindi sa pagbibilang ng sisiw bago mapisa ang itlog, dapat na rin nating isipin kung ano ang ating gagawin kung sakaling mangyari ang ganito.

    Ang maling pagpipresyo sa produkto ay hindi nakabubuti sa negosyo. Dahil kung sobrang mahal ay kaunti lang ang bibili ng produkto. Kung sobrang baba naman ay malulugi ka. Kumbaga, parang balik puhunan lang ang nangyayari. Lumagay lang sa tamang presyo para ‘di malugi.



    Kapag nagkakamali rin sa pagpili ng gagawing kasosyo o tauhan ay maaaring bumagsak ang negosyo. Imbes na makatulong sila sa iyo ay sila pa ang hihila sa iyo pababa. Kaya kung kukuha ng tao ay siguraduhing tama ang napili mo. Dapat ay katulad mo rin silang may vision at goal para hindi magkasalungat ang inyong direksyon.

Opisina sa Bahay


       Hindi madaling magtayo ng opisina sa loob ng bahay dahil bukod sa iniintindi mo ang iyong trabaho ay inaasikaso mo rin ang iyong pamilya. Maaaring mahirap ang ganitong sistema pero nasa pagbabalanse lang ‘yan. Ang kainaman dito ay ‘di ka na namamasahe at ‘di pagod sa pagbibiyahe. Katunayan, marami na ngayon ang mga homebase business. Kung isa ka sa mga nais magtayo ng opisina sa loob ng bahay ay narito ang mga bagay na dapat mong gawin:



    Unang-una, kinakailangang maglaan ng sapat na espasyo para sa gagawing opisina sa loob ng tahanan. Maaaring gamitin ang isang kuwartong maluwag para magkasya ang lahat ng kakailanganing kagamitan  para sa iyong homebase business. Kung walang bakanteng kuwarto ay humanap ng ibang espasyo para doon mo maitayo ang iyong opisina.Siguraduhin lang na legal ang iyong negosyo para may resibo kang maibigay kapag nakikipag-transaksiyon ka.

    Magpakabit ng hiwalay na linya ng telepono para ‘di makipag-unahan ang iyong pamilya sa paggamit ng telepono. Mainam ang ganito para maging propesyunal ang dating at ‘di halatang nasa bahay ka lang. Kapag bata kasi ang sasagot ng telepono ay baka ‘di sila magkaintindihan ng kausap at maaaring masayang lang ang prospect client. Bukod sa pagkakabit ng sariling linya ng telepono ay maglagay din ng ibang computer, hiwalay sa ginagamit na computer ng pamilya. Dahil kung iisa lang ang inyong gagamitin ay maaaring mabura ang iniingatan mong mga files. Siyempre, uso na naman ang paggamit ng social media, gamitin mo rin ito para mai-promote mo ang iyong negosyo.

    Kahit na sa loob lang ng bahay nagtatrabaho ay umakto pa rin na parang nasa loob ng kumpanya nagtatrabaho para magkaroon ng disiplina. Hindi masamang magpahinga paminsan-minsan tutal sarili mo naman ang iyong amo. Pero ang masama ay kapag mas marami ka pang oras ng pahinga kaysa sa ipinagtatrabaho. Kapag nagkaganito ay ikaw din ang talo. Alalahaning kaakibat ng pagpapatakbo ng sariling opisina ang ibayong sipag.

    Mahalagang magtakda ng regulasyon sa iyong pamilya, na sa oras ng trabaho ay ‘di ka nila maaaring istorbuhin. Maliban na lang kung talagang kinakailangan at kapag may emergency. Ipaalala rin sa kanila na huwag silang mag-iingay lalo na’t meron kang bisitang kliyente. Mahirap kapag may maliliit pang mga anak dahil likas na sa kanila ang maging makukulit. Kaya’t laging ipaalala sa mga bata na ‘di ka lang basta nakapirme sa bahay lang kundi nagtatrabaho ka rin para sa kanila. Ipaunawa sa kanila na huwag silang magkakalat ng laruan sa loob ng iyong opisina.  Para hindi ito mangyari, ugaliing laging naka-lock ang iyong pinto lalo na pagkatapos ng trabaho.

    Siyempre, kahit ano ang pagiging abala mo sa iyong trabaho ay maglaan ng isang buong araw na kasama ang buong pamilya. Kalabisan naman kung ‘di na nga nila makuha ang atensyon mo kapag oras ng trabaho ay hindi ka pa rin maglalaan ng oras sa kanila pagkatapos ng trabaho. Kapag nagkaganoon ay mahihirapan kang makuha ang suporta ng iyong pamilya. Araw-araw ka nga nilang nakikita pero ang isip mo ay nasa trabaho lang.

Wednesday, September 10, 2014

Koseptong Sari-Sari Store

     Kahit saan ka tumingin at pumunta ay hindi nawawala ang mga sari-sari store. Madalas ay magkakatabi pa sila o ‘di kaya’y magkakahilera. Tumawid ka lang sa kabilang kalye ay may tindahan uli. Iisipin mo tuloy kung may kinikita pa kaya ang mga ito sa tindi ng kumpetisyon? Meron pa naman dahil kung wala ay magsisipagsara na lang ang mga ito. 
Nasa mamimili na kung saan niya gustong bumili. Pero siyempre kung saan ang mas may murang paninda ay ‘yun ang  maraming suki.

    Hindi na nakapagtataka kung bakit maraming tindahan kahit saan. Ito kasi ang pinakamadaling paraan ng pagnenegosyo. Basta’t may puwesto ka lang sa harapan ng bahay n’yo ay puwede ka ng magtayo ng tindahan. Kailangan mo lang ay kaunting puhunan at pambayad sa mga permit na kakailanganin. Boom! May instant negosyo ka na.Basta’t masipag ka lang magpupunta sa palengke para mamili ng mga ititinda. Siguraduhin mo lang na matao sa lugar ninyo para ‘di langawin ang mga paninda. Importante ring maging maayos ang pakikitungo sa kostumer para ikaw ang lagi niyang bilhan.

    Ang konsepto na rin ng tingi-tingi o ang pagbili ng paisa-isa ang dahilan kung bakit ito tinatangkilik ng mga tao. Paano’y walang pambili ng bultuhan o maramihan ang mga tao. Kaya’t ang maging ang malalaking kumpanya na dati-rati ay ‘di nagtitingi ay nakisabay na rin sa uso.’Di ba’t ultimo deodorant ay nakalagay na sa sachet? Meron na ring pisong toyo at suka na nasa sachet din mula sa sikat na brand. Dati-rati kasi mga home made lang ang meron. Isama pa natin sa dahilan na sa sari-sari store mabibili ang marami nating pangangailangan. Ano pa nga ba ang hahanapin mo sa sari-sari store? Ika nga, para itong one stop shop. Mula sa mga sahog sa ulam, bigas, gatas,sardinas at napakarami pang iba ay narito ng lahat. Basta’t lahat ng puedeng ibenta ay ibinebenta. Kaya nga tinawag na sari-sari store, eh. 

    Ayon sa mga may-ari ng tindahan hindi naman kalakihan ang kinkita sa pagkakaroon ng tindahan dahil nakadepende lang ito kung maraming bumili sa iyo sa loob ng isang araw. Pero nakatutulong ito ng malaki sa mga gastusin sa bahay at ang maganda nga rito ay nakabase ka lang sa bahay. Nakabawas pa sila sa bilang ng mga walang trabaho dahil sila ang lumikha ng sarili nialng trabaho.Ang kalaban mo lang rito ay pagkainip kapag walang gaanong bumibili. Kaya ang iba ay nagpapautang para mabilis na maubos ang kanilang paninda. Pero kuwidaw lang, siguraduhing marunong magbayad ang pinapautang para ‘di malugi. Huwag ding kayu-kayo lang ang umuubos ng paninda n’yo tulad ng ginagawa ng iba.

    Hmm, parang gusto mo na rin yatang magtayo ng tindahan. Bakit hindi? Malay mo, baka maging grocery pa ‘yan balang-araw.

Monday, July 14, 2014

Mga Istilo sa Pagpili ng Business Name



  Wala ka pa bang naiisip na pangalan para sa iyong negosyo o produkto? Aba’y umpisahan mo ng mag-isip dahil  sa pangalan nakikilala ang isang produkto o serbisyo. Kahit maganda pa ang iyong produkto kung walang dating ay ‘di rin ito mapapansin. Pero ang tanong, anu-ano ba ang dapat isaalang-alang sa pagpili ng business name?

    Una, kapag pipili ka ng pangalan kinakailangang  maiksi lang ito at madaling bigkasin para madaling tandaan ng mga tao. Mahirap kasing kabisaduhin kapag mahaba dahil nakabubulol at nakalilito. Siyempre, dapat din ay 'yung something unique at wala pang kagaya. Hindi ‘yung karaniwan na lang katulad ng Nene’s Carenderia, Totoy’s Bar, Alex Café atbp. Wala namang masama sa paggamit ng pangalan mo kung gusto mo itong ikabit sa iyong negosyo. Kaso, pangkaraniwan na lang ito at isa pa maraming taong magkakapangalan.

    Mas okey kung medyo nakatutuwa ang pangalan. Kapag ganito kasi ay madaling mapansin at masasapul mo ang kuryusidad ng mga tao. Katulad na lamang ng mga nakita kong tindahan ng okoy na ang tawag ay “Okoy ni Kolokoy.” Meron ding tindahan ng footlong na ang pangalan ay “Lafangan ni Balong.” ‘Di ba’t medyo catchy? Pero kung gusto mo ng instant popularity ay mag-ispoof  ng mga pangalan ng kilala ng brand. Ito ang istilo ng iba para mai-associate sila sa mga kilala ng brand. Ihalimbawa natin ang Mang Donald na hinalaw sa Mc Donald. Kung mayroong Sony ay mayroon namang Suny. Pero hindi naman kinakailangang laging nakatatawa, ang importante ay maging bago ito sa pandinig ng iba.

    Kung gugustuhin mo naman ay puwede ring maging simple tulad ng isang barber shop na nakita ko minsan sa may Pasig City , na ang pangalan ay Anyo. Napakasimple at maiksi kaya’t madaling tandaan at very logical pa. Natural, kapag nasa barber shop ka ay ang magiging anyo mo ang  kanilang binabago sa pamamagitan ng paggugupit ng iyong buhok.

    Puwede rin namang pagsama-samahin ang pangalan ng inyong pamilya katulad ng sikat na tindahan ng handmade paper na Papemelroti. Basta’t gawin lang artistic ang pagrarambol ng una o hulihang pantig ng mga pangalan n’yo. Ibig sabihin, kapag pinagsasama n’yo ay maging tunog kakaiba ang mga ito. Ang kagandahan sa istilong ganito ay napapatibay  ang samahan ninyong magkakapamilya o magkakasosyo sa negosyo. Simbolo kasi ito ng pagsasanib-puwersa at maaari ring ihalintulad sa pagsasama ng pangalan ng mag-asawa sa kanilang bagong panganak na sanggol.

     Sa pagpili ng pangalan ay iwasan ang paggamit ng geographical name o pangalan ng inyong lugar sa iyong produkto. Dahil kapag lumipat na kayo ng lugar ay ‘di na ito uubra. Kung mahal mo ang inyong lugar ay maaari namang tatakan na ito’y gawa sa ganitong bayan. Ipaubaya na lang natin ang ganitong istilo sa mga taga-Pancit Malabon na kahit saang lugar ay mayroon silang tindahan. Bukod sa pancit ay mayroon na ring Goto ng Malabon na makikita rin kung saan-saan.

    Kapag marami ka ng naiisip na magandang pangalan ay isulat mo ito sa kapirasong papel at magsagawa ng survey sa iyong mga kakilala. Alamin ang kanilang pananaw kung alin ang pinakamagandang pangalan na swak sa kanilang panlasa. Halimbawa namang may napili ka nang pangalan ay mag-research ka dahil baka mayroon ng unang gumamit ng napili mo. Kapag ‘di mo kasi ito ginawa mapagbibintangang nanggaya ka lang at magkakaroon pa ng kalituhan sa mga kostumer. Puwede lang maging magkapareho ang inyong pangalan kung magkaibang produkto o serbisyo ang inyong iniaalok. Kapag siguradong wala kang kagayang pangalan ay iparehistro agad ito sa DTI para ‘di na makopya pa ng iba.

    Last not but the least, kapag may business name ka na, mahalaga na maging seryoso at dedicated ka sa papasukin mong negosyo. Hindi ito biru-biro ika nga. Dahil bukod sa pangalan, ang dedikasyon sa iyong negosyo ang pinakamahalaga sa lahat.
(Nalathala sa librong Diskarteng Pinoy, Psicom Publishing)

Juan, Puwedeng Maging Stock Holder?



  Ang kinabukasan ay dapat na pinaghahandaan at hindi binabalewala dahil hindi sa lahat ng panahon ay mayroon tayong lakas para mag-trabaho.

            Ayon kay Dr. Francisco J. Colayco, isang financial expert at awtor ng best seller na librong, "Pera Mo, Palaguin Mo," 'di maghihirap ang isang tao kung marunong lang itong mag-invest ng kanyang kinikita. Ang pera na nanggaling sa pawis ay hindi dapat ginagastos sa mga bagay na ‘di kailangan o yaong kagustuhan lang natin. Ang dapat lang na gastusin para rito ay ang perang tutubuin mula sa iyong kinikita. Nasa iyo na ito kung paano mo gagawin. Maaaring ang kinita mo ay ipuhunan sa maliit na negosyo para magdagdagan ang pera mo. Binigyang diin ni Dr. Colayco na 80% ang dapat gastusin sa pangangailangan at 20% lamang para sa kagustuhan lang. Marami kasing mga tao na puro palabas lang ang ginagawa, walang papasok. Kumbaga, gastos ng gastos kahit walang katuturan ang pinagbibili. Kung ang mga ito lang daw ay ating iniipon eh di sana di ito nasasayang.

            Ipinapayo niya na ugaliing mag-ipon kahit 30 pesos lang sa isang araw depende kung kakayanin, pero mas maganda kung mas malaki pa rito. Ipagpalagay nang may isang libo ka sa loob ng isang buwan o dose mil sa isang taon. Iminumungkahi niyang bumili ng sapi o share sa stock market, ahensiya ng gobyerno o sa malalaking kumpanya. At hayaan lang na ang pera mo na roon ay lumago dahil kikita ito ng 105% kada taon lkumpara sa bangko na 1% lang. Siguradong ito ay palaki ng palaki basta tuloy-tuloy lang ang paghuhulog. Hindi naman diumano kailangan na maging milyonaryo ka para makabili ng sapi rito tulad ng inaakala ng iba. Ang hulog mo ay kasinlakas ding ng bilyong pondo na rito ay nakalagak. Huwag daw matatakot sa pagbabago ng inflation rate bawat taon dahil natural lang ito. Makalipas ang maraming taon, depende kung gaano katagal ang paghuhulog ay magugulat ka dahil aabot sa ilang milyong piso ang iyong pera, depende rin kung gaano kalaki ang inihulog. Samantalang kung susumahin lahat ay di hamak na malaki ang iyong tinubo kaysa inihulog.

            Marahil para sa iba ay napakatagal ng ganitong proseso para lumago nang husto ang iyong pera. Ngunit ito na rin ay para sa paghahanda ng iyong kinabukasan gaya ng kanyang ipinupunto. Kaysa nga naman walang pinuntahan ang pera mo na inaksaya lang para sa mga kagustuhan. Ayon nga kay Dr. Colayco, "The quickest way to get rich quick is to get rich...slow.
(Nalathala sa librong Diskarteng Pinoy, Psicom Publishing)

Tuesday, February 4, 2014

Car Wash Business


 Kapag papasukin mo ang pagka-car wash kailangan ay may alam ka sa sasakyan kahit basic lang. Siyempre, dapat marunong kang maghugas ng sasakyan. Kung paano ka maghugas sa sasakyan mo ay ganun din ang gagawin mo sa sasakyan ng kostumer mo. Bago pasukin ito ay magtanong muna sa business licesence sa  inyong munisipyo kung ano ang kakailanganin para sa pagtatayo ng ganitong negosyo. Sa Manila, kailangan ay 300 sqr. meter ang lugar mo para payagan kang magkaroon ng car wash.

    Kailangan mong mag-provide ng water pump o water spray na nasa 1.5 hanggang 2 hose power. Kailangan mo rin ng pam-foam wash, ‘yung iniispray na bula sa sasakyan. Kailangan mo rin ng compressor na ikakabit sa pang-foam wash. Tapos ang kailangan mo na lang ay sabon, ‘yung pang-car shampoo. Panghuli, kalangan mo ng vacum para malinis mo ang loob ng sasakyan. Ang pagba-vacum kasi ay kasama na sa ibinibigay na serbisyo ng mga nagka-car wash. Pero kapag sobrang dumi ng sasakyan ng kostumer ay doon na nagkakaroon ng karagdagang bayad. Tinatawag itong general vacum.

    Sa ngayon, nasa 80 pesos ang pagpapahugas ng kotse samantalang ang van ay 150 pesos. Karaniwang umaabot sa 40 minuto ang paglilinis ng sasakyan. Mabilis na ‘yun at may kalidad. Kasama na rin doon ang pagba-vacum. Kapag nagka-car wash ka para ka rin lang naglalaba at naghuhugas ng pinggan. Aanlawan mo muna dahil may mga dumi nga saka para lumambot ang nakakapit na dumi. Pagkatapos ay sabunin mo saka mo babanlawan.

    Maganda ang ganitong klase ng negosyo lalo na’t meron kang sariling lugar. Siyempre, dapat nasa tabing kalsada ka para nadadaanan ka ng mga sasakyan. Bukod sa car wash puwede ka ring mag-alok ng auto detailing katulad ng pagwa-wax at  pag-i-engine wash ng sasakyan, paglilinis ng upholstery, mga dashboard, mga vinyl o leather at iba pa. Puwede ka ring magtinda ng car accessories. Kung marunong kang mag-mekaniko ay mas mainam. Samahan mo na rin ng vulcanizing. Kumbaga, one stop shop na ang iyong car wash.

    Malaki ang bentahe kapag marami kang alam sa sasakyan. Kapag nagtanong kasi sa iyo ang kostumer ay masasagot mo. Halimbawang may problema sila sa sasakyan nila mabibigyan mo pa sila kung ano ang dapat gawin. Kung kaya mo namang gawin ay ialok ang serbisyo sa kostumer. Tandaan mo na kaya nagpapa-car wash sila sa iyo ay dahil wala na silang panahon o di-kaya’y limitado lang ang kanilang kaalaman sa sasakyan. Para sa kanila, ang dumi ay ‘di na matatanggal pa. Pero sa murang halaga ay kaya pa pala itong tanggalin. Kapag nakuha mo ang tiwala nila, ito na ang umpisa para sila ay iyong maging regular costumer.

    Kailangan mo ring maging wais sa ganitong negosyo. Dapat ay magpaskil ka ng karatula na ang nakalagay ay ‘Take at your own risk’. May mga nagpapahugas kasi na iiwanan ang susi sa car wash. Tiwala sila sa tauhan  na mahusay magmaneho. Kumbaga, iaatras-abante ng tao. Minsan kailangan din kasing tanggalin ang sasakyan para ilipat ng puwesto,  ‘di puwedeng andun lang. Kapag ganito kasi ang nangyayari, sa kakaatras abante ay nabubunggo o nakakabunggo ng ibang sasakyan. Kaya kung ayaw magbayad ng damage ay maglagay ng take at your own risk.

    Hindi lang nagtatapos sa pagkakaroon ng kaalaman sa sasakyan ang lahat. Kailangan mo rin na maging ma-PR, kaibiganin mo ang iyong mga kostumer para makapalagayan ka nila ng loob. Kailangan din na maging magalang ang iyong tauhan. Kapag nakikipag-usap sila ay laging may ma’am at sir. Kung magagalang sila matutuwa ang kostumer at makakakuha pa sila ng tip. Sabihan din sila na bago maghugas ay paalalahanan ang kostumer baka may naiwan silang gamit. Kapag may nawala kasi bilang may-ari ay sa iyo ang balik niyan kung sakali mang may mawalang gamit sa loob ng sasakyan ang kostumer.

    Sa negosyong ito, dapat ay maging hands on ka rin. Hindi puwede na iaasa mo lang ang lahat sa tao mo. Importanteng mabantayan mo ang kalidad ng iyong car wash para makita mo na ‘di ito nagbabago. Huwag mag-aalala kung malaki man ang babayaran sa tubig dahil ibig sabihin lang nito ay marami ang nagpapalinis sa iyo ng sasakyan.


Thursday, March 14, 2013

Buko Shake, Negosyong Cool na Cool


     
    Kapansin-pansin na parang kabuteng nagsipagsulputan ang negosyong buko shake. Kahit saan ka kasi magpunta ay makakakita ka ng cart na ganito ang produkto. Iba-iba ang kanilang pangalan gaya ng Bukolicious, Buko Pandan, Buko Extreme, Buko Corner, Facebuko, Buko Madness, Buko Juan, Buko Maxx, Buko Stop, Buko Martin, Buko Station at marami pang iba. Kung tutuusin matagal na ring patok ang buko. Makikita mo na maraming nagtitinda ng palamig na buko sa kalye. Pero siyempre, iba ang buko shake dahil  pinaganda o pinasosyal ang dating nito.
    Sino ba naman ang ‘di maeengganyong bumili ng malinamnam na buko shake? Lalo na’t tayo ay nasa bansang mainit lagi ang panahon. Mabibili ito mula bente hanggang singkuwenta pesos. Nakadepende  sa sukat kung small, medium ba o large. Mas mahal kumpara sa palamig pero ‘di hamak na malinamnam ang lasa ng buko shake. Puwede na sigurong itapat sa halo-halo na matagal na ring kinahuhumalingan nating mga Pinoy.
    Isa sa nagnenegosyo ng buko shake ay si Junjun Banaas, franchisee ng Buko Station. Nakapuwesto ang kanyang cart sa tabi ng hi-way sa Brgy. Muzon, Taytay, Rizal. Ayon sa kanya ay nagbayad siya ng franchise sa halagang dose mil. Pero ‘di ito kumpleto. Nagpagawa lang siya ng cart sa kanyang tatay na ginastusan niya ng tatlong libong piso. Tinuruan lang siya ng Buko Station kung paano gumawa ng produkto tapos siya na ang bahalang dumiskarte. Mas mahal kasi ang bayad kapag full package. May walumpung libong piso, may pitumpung libong piso. May mas mababa o mas malaki pa rito ang bayad. Depende na rin sa patakaran ng kumpanya.
    Nagkaroon ng ideya si Junjun na pasukin ang pagbu-buko shake nang minsang magawi sila ng kanyang misis sa palengke. Bumili sila roon ng buko shake at nasarapan naman sila. Napansin nilang mag-asawa na marami ang bumibili ng naturang produkto. Nasabi ng kanyang misis na mukhang maganda itong maging negosyo, na agad naman niyang sinang-ayunan. Tamang-tama naman na may pera silang naipon kaya’t ‘yun na ang kanilang ginawang puhunan.
  
    Bago mapasok sa pagnenegosyo si Junjun ay naging promodizer at stock man siya sa isang grocery. Naranasan niya ring maging service crew sa isang kainan. Ramdam niya na walang asenso sa pag-iempleyo kaya’t nagpasya siyang magnegosyo. Dito kasi ay may tsansa na umunlad ang buhay kumpara kapag namamasukan ka lang.
    Noong una ay naglagay lang si Junjun ng cart sa harapan ng kanilang bahay. Malakas naman ang benta dahil maraming tao sa kanilang lugar. Naikuwento niya na sa mga unang araw nang magtinda siya ng buko shake ay tumutubo siya ng dalawang libong piso. Nagpasya siyang magbukas ng isa pang outlet.  Ang cart niya sa harapan ng kanilang bahay ay ipinaubaya na lang niya sa kanyang ina dahil wala itong hanapbuhay. Sa ngayon, ang gusto na lang niyang mangyari sa kanyang negosyo ay makapagbukas siya ng isa pang outlet para magkaroon ng dagdag na kita. Usung-uso kasi ito, ‘ika nga strike while the iron is hot. Pero sa tingin niya ay magtatagal ang ganitong uri ng negosyo sa merkado. Gaya ng pagkain kailangan din natin ng inumin.
    Para kay Junjun, halos pare-parehas lang naman ang lasa ng buko shake. Dahil pare-pareho lang naman ang sangkap na ginagamit sa paggawa rito gaya ng buko meat, gatas, syrup at siyempre pa kinaskas na yelo! Sa kanyang palagay ay nagkakatalo-talo na lang sa tamis. Sinabi pa niya na maganda ang pag-inom ng buko dahil nagsisilbi itong gamot sa UTI at nagpapaganda rin ng daloy ng dugo.
    Nang tanungin naman siya kung ano ang balak niya kapag tag-ulan, sinabi niya na ‘di muna siya magtitinda dahil sayang ang yelo at matutunaw lang. Pero alam naman natin, dito sa atin kahit na tag-ulan ay mainit pa rin ang klima kaya’t meron at meron pa ring bibili ng buko shake.
   Walang ibang maipapayo si Junjun sa mga gustong magnegosyo kundi magtiyaga lang. Aniya, “Maraming pagsubok na dumarating sa pagnenegosyo. Kung ‘di ka magtitiyaga babagsak agad ang negosyo mo.”

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...