Friday, November 7, 2014

Business Tips: Kung Paano Sisimulan ang Negosyo


     Kapag ‘di sapat ang kaalaman o kulang sa karanasan sa negosyong pinasukan ay maaaring bumagsak agad ito. Kaya’t ipinapayo ng mga eksperto na pag-aralang mabuti ang isang negosyo bago ito pasukin. Makabubuting magtanung-tanong sa mga taong ang naunang nagnegosyo ng katulad sa iyo. Para magkaroon ka ng ideya kung ano’ng klaseng pamamahala ang gagawin mo sa iyong negosyo. Sa umpisa, magkakaroon muna ng trial and error pero pasasaan ba at matututunan mo rin ang lahat.

    Ang kakulangan sa capital ay isa ring dahilan ng pagbagsak ng negosyo dahil paano mo nga naman mapapatakbo ito ng maayos kung kulang ka sa pondo? Kaya bago umpisahan ang negosyo ay siguraduhing sapat ang iyong puhunan at hangga’t maaari ay may pasobra pa. Paraa ‘di kapusin ay mag-umpisa sa maliitan saka ito unti-unting palaguin. Maghinay-hinay lang din sa pangungutang lalo’t wala pa namang inaasahang pambayad dahil baka magipit lang lalo.

    Kapag hindi rin maganda ang lokasyon ng puwesto ay malabong kumita. Maliban na lang kung marami nang nakakakilala sa iyo at sadyang dinadayo ka kahit saan ka pa pumuwesto. Pero kung hindi, mainam talaga kung sa matataong lugar pumuwesto para madaling puntahan.

    Ang sobrang pagbili ng mga produktong pambenta ay nakasasama rin. Dahil kung sobra-sobra ang stocks tapos hindi naman nabibili ay masasayang lang ito. Pampasikip pa ng puwesto. Kung ano lang ang mabenta ‘yun lang ang paramihin ng stocks dahil mabilis namang gumalaw. Tapos ‘yung ‘di gaanong mabenta limitahan lang ang pagkuha.

    Hindi rin maganda ang paggamit ng business fund para sa ibang bagay. Hagga’t maaari ay huwag itong gagalawin, gamitin lang para sa negosyo. Kahit nga ang kinikita mula sa negosyo ay ‘di rin dapat ginagastos ng basta-basta. Ibig sabihin, maging resonable lang sa paghawak ng salapi.

    Dahil sa kumpetisyon ay maraming bumabagsak na negosyo. Pero natural lang ang ganito dahil nabubuhay tayo sa mundo na punung-puno ng kumpetisyon. Para makaigpaw ay dapat na pagandahin ang iniaalok na produkto o serbisyo. Pero bagama’t maganda ay maaaring maging iba ang epekto nito. Dahil sa hindi alam kung paano hahawakan ay posibleng maging dahilan ito ng biglaang pagbagsak. Hindi sa pagbibilang ng sisiw bago mapisa ang itlog, dapat na rin nating isipin kung ano ang ating gagawin kung sakaling mangyari ang ganito.

    Ang maling pagpipresyo sa produkto ay hindi nakabubuti sa negosyo. Dahil kung sobrang mahal ay kaunti lang ang bibili ng produkto. Kung sobrang baba naman ay malulugi ka. Kumbaga, parang balik puhunan lang ang nangyayari. Lumagay lang sa tamang presyo para ‘di malugi.



    Kapag nagkakamali rin sa pagpili ng gagawing kasosyo o tauhan ay maaaring bumagsak ang negosyo. Imbes na makatulong sila sa iyo ay sila pa ang hihila sa iyo pababa. Kaya kung kukuha ng tao ay siguraduhing tama ang napili mo. Dapat ay katulad mo rin silang may vision at goal para hindi magkasalungat ang inyong direksyon.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...