Hindi natatapos sa paggawa ng magandang resume ang paghahanap ng trabaho bagkus ito ay pasimula pa lang. Dahil ang tiyak na kasunod nito ay ang job interview. Nag-aalala ka ba dahil baka hindi ka makapasa? Oo, marami ang bumabagsak dito dahil may mali sa kanilang diskarte. Narito ang ilang tips para malagpasan ang pinakamaselang bahagi ng pagtatangkang makuha ang trabahong inaaplayan.
Kailangang dumating ka ng maaga o eksakto sa oras. Kapag na-late ay magbibigay lang ito ng negatibonng reaksyon sa interviewer at maaari ring bawasan din nila ang oras ng interview na inilaan para sa iyo. Dapat na isaisip na mas higit kang may kailangan kaysa kanila lalo na’t kung marami rin silang mga aplikante na naghahangad ng posisyon na nais mo.
Mahalaga ang first impression sa pag-aaplay sa trabaho. Kaya’t sa pananamit pa lang dapat ay representable ng tingnan. Magsuot ng kasuotang umaakma para sa posisyong target mo. Huwag maglalagay ng maraming borloloy sa katawan dahil makaka-destruct lang ito sa paningin ng interviewer. Ibig sabihin, magpaka-pormal lang.
Pumunta ng nakahanda. Kumbaga, sa isang mandirigma ay handa kang lumaban. Pag-aralan kung paano mo ipapakilala ng mabuti ang iyong sarili sa interviewer. Pag-aralan rin ang isasagot sa mga posibleng magiging tanong sa iyo. Tulad ng kung ano ang iyong maiaambag sa kumpanya kung sakaling tanggapin ka nila? Bakit ka nila kailangang tanggapin sa trabaho? Makabubuting mag-research din ng mabuti tungkol sa kumpanya at sa trabahong inaaplayan mo.
Tumingin ng diretso habang kinakausap ng interviewer para maipakitang naka-focus ka talaga. Huwag pahahalatang kinakabahan ka kapag sumasagot. Relax lang. Kapag sumasagot sa mga tanong ay maging straight to the point. Kailangan ay dire-diretso ang pagsasalita at hindi paputul-putol. Ipakitang tiwala ka sa iyong sarili sa pamamagitan ng iyong mga isinasagot. Maging alerto lagi ang pag-iisip dahil kaunting pagkakamali lang ay mawawala na ang oportunidad na matanggap sa trabaho.
Kapag tinanong kung bakit ka umalis sa dating trabaho ay huwag magsasabi ng mga sensitibong impormasyon tungkol sa dating employer. Kapag ginawa mo ito ay iisipin ng interviewer na gagawin mo rin ito sa kanila kung sakaling tanggapin ka nila at mag-resign.
Magdala ng resume kahit na mayroon ka ng unang ipinasa. Kung sa e-mail ipinadala ang e-mail dati ay posiblenghingan ka nila ng print version ng iyong resume. Maganda rin kung dala-dala mo na ang requirement na kinakailangan sa trabaho para kapag natanggap ay maibigay na agad ito sa kanila.
O, paano goodluck sa job interview mo, ha?
No comments:
Post a Comment