Monday, September 9, 2013

Aklatan: Tagumpay ng Mga Manunulat na Pinoy

            Bago sumapit ang Manila International Bookfair (Sept. 11-15, 2013), noong ika-7 ng Setyembre ay idinaos ang Aklatan: The First All-Filipino Book Festival sa pangunguna ng Visprint Inc.  at National Book Development Board (NDBB). Ito ay ginanap sa may The Tent, Alphaland Southgate Tower, Magallanes, Makati City. Masasabing tagumpay ang nasabing proyekto dahil dinaluhan ito ng maraming mga tao. Bata man at matatanda ay sadyang nakiisa para ipakita ang kanilang suporta sa mga manunulat na Pinoy.

                Gaya nang isinasaad sa titulo ng festival, ito ang kauna-unahang bookfair na ang itinatampok ay mga akda ng Pilipino. Nagsama-sama rito ang ilang mga kilalang palimbagan sa bansa kabilang nga ang Visprint Inc., Summit Media, Anvil, Milflores Publishing, UP Press, UST Publishing at iba pa. Kitang-kita ang saya ng mga dumalo dahil maraming mga manunulat ang pumunta roon. Buong sigla silang nagpapirma ang mga mambabasa ng kanilang mga biniling libro sa paborito nilang mga awtor. Ilan sa mga manunulat na nandoon ay sina Eros Atalia, Lourd de Veyra, Ricky Lee, Bebang Siy, Ferdinand Jarin, Mina Esguerra, Manix Abrera, Carl Joe Javier, Edgar Samar at iba pa. Nandoon din ang pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario o Rio Alma.

                Nagkaroon din ng puwang ang ilang mga indie writers/artist kabilang sina Angelo Suarez, Michael David ng Kuburi Kikiam, grupo ng Sulat-Kamay na naglimbag ng Pektus at iba pa. Lumahok din si Rey Atalia (tatay ni Eros Atalia) na sumulat ng librong Karayom. Nagbigay daan din ang festival sa paglulunsad ng aklat ng grupong The Erotics, kauna-unahang mga kalahok sa palihan ng Eros Atalia Clinic. Ang kanilang antalohiya ay pinamagatang Unang Putok.  

                Hindi lamang bentahan ng libro at book launching ang nangyari kundi nagkaroon din ng talakayan tungkol sa iba’t ibang paksa gaya ng children’s story, contemporary writing, women’s literature at graphic novel. Sinabayan din ito ng writer’s pitch kung saan ay binigyan ang mga ‘di pa nalalathalang manunulat na magpasa ng kanilang proposal sa mga publisher. Ang mga mapipiling pitch ay mabibigyan ng pagkakataon na mailathala ang kanilang akda.

                Nagkaroon din ng talakayan hinggil sa e-book. Nagsilbing host dito si Katz Navarro, Publishing Manager ng Flipside Publishing Services, Inc. Naging panelista sina Anthony De Luna, Presidente ng Flipside, Adam David at A.S. Santos. Ipinaliwanag nila ang proseso kung paano ang paggawa ng e-books at kung paano ito imina-market. Sinabi ni Mr. De Luna na ang merkado talaga ng e-book ay sa ibang bansa at napakalimitado pa ng merkado sa Pilipinas. Kaya’t para magkaroon ng dating sa mga taga-ibang bansa ang likha ng mga Pinoy ay siguraduhing makaka-relate sila sa iyong mga isinusulat. Naniniwala ang Flipside na darating ang panahon na lalaganap din ang pagbabasa ng e-book sa Pilipinas. Bago matapos ang talakayan ay nagbasa ng mga tula na patungkol sa kakabaihan ang ilang-taga Cavite Young Writer’s Association. Ang kanilang grupo ay naglimbag ng e-book sa Flipside. Ito ay pinamagatang Lita na nagsisilbing alay sa namayapang kabiyak ng beteranong manunulat na si Efren Abueg.          

                Ipinapakita lang ng Aklatan na buhay na buhay pa rin ang kultura ng pagbabasa ng libro sa Pilipinas. Kahit sinasabing marami na ang umaagaw ng atensyon ng mga tao sa kasalukuyan. Dahil sa tagumpay ng festival, inaasahan ng mga dumalo na magiging tuluy-tuloy na ang pagsasagawa nito.


 
      Ang inyong lingkod kasama si Ka Rey Atalia
               



No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...