Friday, September 13, 2013

Pagbasa sa librong Karayom: Tagos sa Puso at Utak at iba pang Kuwento ni Rey Atalia

            
          Si Ka Rey habang pumipirma ng libro sa Manila International Bookfair 2013     

               Kagaya ng isinasaad sa pamagat ng aklat ay tatagos sa iyong puso’t isipan ang mga kuwentong nakapaloob dito. Manunuot pati ito sa iyong kalamnan at kasu-kasuan. Makakaramdam ng pait at hapdi habang nagbabasa. Matapat ang pagkakalarawan ng bawat eksena dahil nangyayari sa tunay na buhay. Para ka ring nanunood ng pelikula. Dulot ito ng mahabang karanasan ni Ka Rey na dating script writer ng pelikula.  Kaya gamay niya ang mga elementong kinakailangan para maging epektibo ang isang kuwento. ‘Yung bang pagkatapos mong mapanood ang pelikula ay mag-iiwan ito ng marka sa iyong utak. Hindi ‘yung bigla mong makakalimutan kung tungkol ba saan ang iyong napanood.

                Ang libro ay binubuo ng apat na kuwento, una rito ay ang Karayom na pinakapamagat ng libro. Akala ko nung una habang binabasa ang piyesa, ito ay tungkol sa pag-ibig. Playboy kasi ang tauhan na si Gary na nakilala ang bidang babae na si Lorena na isang progresibo o makabayan. Nagkakakilala sila sa isang accupuncture session ng mga dating  kasapi ng mga makakaliwang grupo na kinabibilangan ni Ka Lito, isang may edad ng accupuncturist na naging ama-amahan ni Lorena. Ang babae ay galing sa may-kayang pamilya subali’t piniling manirahan sa piling ng masa at nakikibaka para sa kanila. Sa pamamagitan ng pakikiisa nito sa paglaban sa nakaambang demolisyon sa tinutulungang komunidad. Ngunit sa kasawiang-palad ay dinukot siya ng mga sundalo at nagdalang tao ngunit ‘di malaman kung sino ang ama. Ang kanyang naging anak ay pinangalanan niyang Kalayaan.

                May umusbong na paghanga sa binatang si Gary dahil sa magagandang katangian ni Lorena. Bagama’t malayo ito sa kanyang mga naging kasintahan na maipagmamalaki ang ganda. Ang katalinuhan na rin ni Lorena ang nakapukaw sa damdamin ng binata. Ngunit bago pa man humantong sa pagliligawan ang eksena ay bigla na lang itong napatay ng kapulisan habang nasa unahan at nakikipag-kumpronta sa nangyayaring demolisyon. Biglang nagulantang si Gary sa pangyayari. Waring ang kamatayan ni Lorena ang nagmulat sa kanya para makita ang tunay na nangyayari sa ating bayan. May pahiwatig ang wakas ng kuwento, na mula sa pagiging makasarili ay magbabago na si Gary. Waring ang mga karayom na tumutusok sa katawan ng mga tao sa kuwento ay sumisimbolo sa lunas sa samu’t saring sakit ng lipunan. Kagaya ng bisa ng acupuncture, ‘di ito sinusuportahan ng estado dahil kapag lumaganap nang husto ay may mga sektor ng matatamaan gaya ng industriya ng malalaking korporasyon ng mga gamot. Ngunit kung bubuksan lamang ng bawat isa ang isipan ay ‘di malayong makakaalpas din tayo sa pagsasamantala ng iba.

                Makirot din ang kuwento ng Biktima. Isang nagtatrabaho sa casa ang naging biktima ng isang drug addict na estudyante. Nang dahil sa pagtatanggol sa sarili ay napatay niya ito. Hindi pinagtuunan ng may-akda ang erotika bagama’t bayaran ang tauhan. Kung meron man ay hindi pinatindi ang pagnanasa, bagkus ay may pagpipigil sa paglalarawan ng mga eksenang nakabubuhay ng libido. Marahil mas nais ipakita ng may-akda ay ang hirap na dinadanas nito sa kamay ng isang abusadong kostumer. Nais lang naman ng karakter ay may maiuwi siyang karagdagang pera para sa kanyang anak na nagsisimula nang mag-aral at magdadaos pa ng kaarawan. Kahit katatapos lang ng trabaho sa casa ay sumadlayn pa siya sa labas. ‘Yun nga lang ay durugista ang naka-pick up sa kanya at dinala siya sa compound ng kanilang pamilya at sa mismong kotse siya binarubal nito dahil kung anu-ano ang pinapagawa sa kanya. Takut-takot siyang ‘di ito sundin dahil tinututukan siya ng baril. Ngunit ang taong naka-droga ay wala sa sarili. Imbes na masiyahan ay lalo pa itong nag-init at babarilin pa ang babae. Naagaw nga lang nito ang baril at naiputok nga sa estudyanteng durugista. Sino nga ba ang tunay na biktima rito? Biktima na nga ang babae ng kahirapan ay nabiktima pa siya ng isang walanghiyang nilalang. Pagdating sa pulisya ay biktima pa rin siya ng kawalang-katarungan dahil wala siyang pambayad ng abogado de kampanilya, malamang ay sa kulungan din ang bagsak niya. Walang gustong maniwala sa kanya na ipinagtanggol lang niya ang kanyang sarili. Nilait-lait pa nga ang kanyang pagkatao nang makita siya ng magulang ng kanyang napatay, na kesyo marumi siyang babae. Nadurog lalo ang kanyang pagkatao at nadurog din ang pangarap na kinabukasan para sa kanyang anak.

                Trahedya at malungkot din ang Kwento ng Kwento ni Entong. Kuwento ito ng isang batang nagpasagasa ang ina dahil ‘di na makayanan ang problema sa buhay. Pagkatapos magpasagasa ang ina ay dinampot siya ng pulubi na pisak ang isang mata at iniuwi siya nito sa barung-barong. Isinasama siya sa pamamalimos ng pulubi at pinangalanan siyang Entong, sunod sa pangalan ng pulubi. Merong alagang aso ang pulubi at waring ito ang naging bestfriend ng pulubi at napapaghingahan ng sama ng loob sa buhay. At kinalaunan ay naging kala-kalaro rin ng batang si Entong. Kung masalimuot ang buhay ng batang si Entong ay gayundin ang buhay ng matandang Entong. Biktima rin ito ng kahirapan. Tinakasan niya ang kanilang probinsya matapos na mamatay ang kanyang mga magulang dahil naipit sa awayan ng mga nagbabanggang pulitiko. Inilalarawan sa kuwento na sa away ng mga makapangyarihan ay kawawa ang maliliit na mga tao. Napunta ng Maynila ang matandang Entong at naging tricycle boy, ngunit dahil sa may nakaaway na barumbadong tricycle driver din ay natusok ng ice pick ang isang mata kaya’t napisak ito.

                Mga latak ng lansangan ang tingin ng iba sa katulad nina Estong. Ngunit maging sila man ay may pangarap din sa buhay at merong natatagong talento. Gaya ng matandang Entong na mahusay kumanta ngunit nawalan na ng kumpeyansa sa sarili. At ‘di na rin nanligaw pa ng babae matapos paringgan na pangit ng babaeng nakursunadahan niya habang sinusundan niya ito. Mga latak man ay meron din silang puso gaya na lamang ng pagmamahal nila sa alagang hayop na itinuring na kabilang sa kanilang pamilya. Ngunit sadya yatang sa lipunan natin ay ‘di nauubusan ng mga pasaway. Minsan lang silang mamasyal at naiwan ang alagang aso ay nawala na ito sa kanilang pagbalik. Waring gumuho ang mundo ng matandang Entong at kinuha nito ang kalawanging itak at hinanap ang kumuha ng kanyang aso. Mararamdaman mo ang saloobin ng isang nawalan ng alaga. Naabutan ng dalawang Entong ang aso na nakatiwarik na at kinakatay ng mga manginginom. Bigla na lang pinagtataga ng matanda ang isa sa mga nagkakatay ng aso. Natigilan ang mga kasamahan nito at ‘di na nakatakbo hanggang sa sila na naman ang pinagtataga. Nagkulay dugo tuloy ang lupa. Dahil sa nagawang krimen ay hinuli ang matanda ng mga pulis. Naiwan ang batang Estong na nag-iisa at muling bumabalik sa isip kung paano namatay ang kanyang ina.

                Punung-puno naman ng selos ang Parang Bangkang Walang Katig na ayon sa kwento ay halaw sa isang kantang Bisaya. Hinango ni Renz si Grace mula sa isang videoke bar kung saan ay ito nagtratrabaho at nagsasagawa rin ng extra service. Ngunit kahit ganito ay wala pang nakakarelasyong lalaki kundi si Renz lamang. Si Renz ay isang mahusay na manunulat subali’t ‘di marunong mag-impok at maraming bisyo kaya’t nasimot ang ari-arian. Ngunit hanggang sa kahirapan ay dinamayan siya ni Grace. Patunay lang na mahal siya ng babae kahit hindi siya pinakasalan ni Renz. Ngunit ang mistulang naging papel lang ni Grace sa buhay ni Renz ay serbidora, taga-timpala ng kape, tagaluto, tagalaba etc. Isama na rin natin ang pang-kama.  Nasimot na ang ari-arian ay nagkasakit pa sa baga si Renz kaya’t nagprisintang magtrabaho si Grace bilang yaya at labandera sa mayamang pamilya. Subali’t palaging nagseselos si Renz sa amo ni Grace na matandang lalaki at nag-iisip na pumapatol siya rito.

                Isang araw ay isinugod sa ospital si Renz, lingid sa kaalaman ni Renz ay nagtrabaho uli si Grace sa isang videoke bar. Natuklasan lang ito ni Renz nang minsang magtanong siya dahil bakit hapon kung puntahan siya ni Grace sa ospital. Nagalit si Renz dahil sa ginawang ito ng kinakasama. Pero nangatuwiran ang babae na kung ‘di niya ito gagawin ay paano masusuportahan ang mga gamot at bayarin sa bahay? Dahil tamang-hinala lagi si Renz ay naisipan pa niyang tumakas sa ospital para silipin ang kinakasama sa pinagtatrabahuang videoke bar. Nakita siya ni Grace at nagalit ito sa kanya dahil ipinapakita lang ni Renz na wala talaga siyang tiwala sa kanya. Nagselos din siya nang minsang mag-text ng madaling araw  ang kusinero sa videoke bar. Marami pang pinag-awayan ang mag-partner sa kuwento dahil sa selos. Hanggang manlamig na kay renz ang babae, hindi dahil sa may lalaki siya kundi dahil sa walang katapusang pagseselos.

                Dumating pa nga sa punto nang muling atakehin si Renz at dalhin sa ospital ay ‘di na siya pinuntahan pa ni Grace. Ang ginawa ng kinakasama ay itinext ang ina at kapatid ni Renz para sila na lang ang mag-asikaso. Nang makalabas ng ospital ay sa poder ng magulang siya umuwi. Habang nagbabakasyon ang mga kasama sa bahay ay nanggulo ito sa videoke bar nang makita niyang tila nagkakamabutihan na ang kusinero at si Grace. Dahil dito ay nakulong siya dahil may mga nasira siyang gamit sa videke bar. Gusto siyang idemanda ng may-ari, pero  sasandali pa lang ay pinakawalan na siya dahil may tumulong sa kanya. Bumalik agad siya sa videoke bar at napag-alaman niyang ang kusinero ang umareglo ng kaso niya. Nakiusap ito sa may-ari ng videoke bar na huwag nang ituloy ang demanda alang-alang kay Grace at ito na rin ang magbabayad ng nasirang mga gamit. Pero wala na si Grace at uuwi na ito ng probinsya. Hindi rin tinanggap ang pag-ibig ng kusinero dahil naroon pa rin siya sa puso ni Grace. Parang eksena sa pelikula, agad na sumunod si Renz papunta sa pier na kinaroroonan ni Grace. Naabutan naman niya ngunit kahit ano’ng pakiusap ay ‘di na ito nakinig sa kanya. Napundi na siya sa asal ng lalaki.

                Ipinapakita sa kuwento, may pagkakataon na kahit mahal mo pa ang isang tao pero kapag lagi mo itong pinaghihinalaan ay tumitigas din ang puso at namamanhid na para sa iyo. Katulad ng lalaki, ang babae may pangangailangan din ‘yan na kailangan mong maibigay. Hindi ‘yung puro ikaw na lang ang tanggap nang tanggap. Tunay ngang ang pag-ibig ay parang bangkang walang katig. Kapag ‘di balanse ay maaari itong lumubog at tangayin na lamang ng kawalan.

                Maraming salamat kay Ka Rey para sa makabuluhang libro tulad nito. Salamat at napukaw mo ang damdamin ko. Para sa mga nais magkaroon ng kopya ng librong ito, maaaring i-text si Ka Rey sa 0915-587-4563.  

               





No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...