Sinasabing ang dagat ay mahirap arukin. Hindi lamang dahil sa malalim ito kundi mistula rin itong tao. Minsan ay mapayapa at may pagkakataong nagiging maligalig din ito. Subali’t kung mayroon mang lubos na nakauunawa sa paiba-ibang timpla ng dagat ay hindi lamang ang mga mangingisda kundi ang mga kapatid nating Badjao dahil ang dagat na ang kanilang kinamulatan at kinalakhang lugar.
Tinagurian sila bilang Sea Gypsies, hango sa salitang Malay-Borneo na ang kahulugan ay Man of the Seas. Karaniwang ang kanilang bahay ay nakatayo sa mababaw na bahagi ng tubig-dagat. Ang iba naman sa kanila ay sa bangka na nakatira na kung tawagiun nila aypela-pela. Ito na rin ang kanilang ginagamit para makapaglakbay kung saan man nila gustuhin. Dahil mga nakatira sa dagat, dito na rin sila kumukuha ng kanilang ikinabubuhay. Bihasa ang Badjao sa pangingisda, pagsisid ng halamang dagat, perlas at kung anu-ano pa.
Matatagpuan ang mga Badjao sa Sulu, Tawi-tawi at Sitangkai. Nagkalat din sila sa Davao, Surigao, Zamboanga, Basilan, Bohol at kung saan-saan pa. Ayon sa mga kuwento, ang mga Badjao ay nakararanas ng hindi maganda sa ibang tribo. Binansagan pa nga silang palao olumaan (God forsaken) ng mga Tausug. Dahil dito ay naging mahina o mababa ang pagtingin nila sa kanilang mga sarili. Dati silang mga nakatira sa ibabaw ng lupa subali’t sa pamumuwersa sa kanila ng ibang tribo ay mas pinili na lang nilang sa dagat manirahan para makaiwas sa mga pag-atake. Hindi naman kasi sila mga agresibong tao. Kung kaya nga’t sa dagat na lamang sila nagkukuta.
Samantalang ang Iba naman sa kanila ay mas piniling magtungo na lang sa kalapit-bansa natin gaya sa Indenosia at Malaysia yamang tanggap na tanggap sila sa nasabing dalawang bansa. Sa kasalukuyan, sinasabing ang mga Badjao ang pangalawa sa pinakamaraming populasyon ng mga grupo ng Etniko sa may Sabah. Tinatayang nasa 13.4 % ang kanilang bilang doon. Kung sa bansa natin, ang mga Badjao ay nasa abang kalagayan, sa Malaysia naman ay tanyag sila sa pagiging magagaling na mangangabayo. Kinikilala rin sila sa husay nila sa paghahabi at pananahi.
Ang malungkot na katotohanan ay marami rin sa mga kapatid nating Badjao na mas pinili na lang ang magpakalat-kalat sa iba’t ibang panig ng Kamaynilaan para mamalimos. Kasabay ng pamamalimos ang pagkakalkal nila sa basurahan para maghanap ng mapapakinabangan. Madali lang naman malaman kung sila ba ay mga Badjao. Ang kanilang kulay ay maitim ang pagiging kulay kayumanggi at kulay tanso rin ang kanilang buhok dahil na rin sa pagbibilad sa araw. Halos karamihan ay pawang kababaihan na tangan-tangan pa ang kanilang maliliit na anak. Kung minsan ay nakikipagpatentero pa sa gitna ng kalsada.
Minsan, may nakausap pa ako sa kanila matapos na mamalimos sa akin. Tinanong ko siya kung paano siya nakapunta sa Maynila. Ang sabi ng kausap ko ay namangka lamang sila. Medyo namangha pa ako noon dahil hindi ko pa kasi alam na mga bihasa silang bangkero. Kung sa iba lang ay hindi nila kakayanin ang gayung klase ng paglalakbay na bukod sa mahaba-haba na ay mistulang walang patutunguhan.
Marahil ay nakita mo na rin sila habang ikaw ay naglalakbay sakay ng barko. Sila ‘yung mga batang tinatapunan mo ng barya tapos sisiriin nila ‘yun sa may kailalaliman ng dagat. Barya lang ‘yun pero para sa kanila ay pinagbubuhusan nila ng lakas at tapang para lamang ito makuha.
Ang ginawa ban g mga Badjao na nagsipaglisan sa kani-kanilang lugar ay pagtalikod sa kultura o nais lang nilang talikuran ang kagutuman na kanilang nararanasan? Kung tunay na mayaman ang dagat, bakit sila nagugutom? ‘Diyata’t apektado na rin sila ng pagkasira ng kalikasan. Kung ang bawat grupong etniko ay itinuturing na yaman ng bansa dahil sila ang larawan ng pinagmulan ng lahing Pilipino. Bakit ganito ang nangyayari sa kanila? Mistulang walang kumakalinga sa mga tunay na anak ng dagat!
No comments:
Post a Comment