Negatibo ang pagtingin ng iba sa pag-iyak dahil ito raw ay nagpapakita ng sama ng loob, sakit at hinanakit. Maliban na lang sa tinatawag nating “tears of joy” o luha ng kaligayahan. May mga tao kasi na ayaw ng umiiyak lalo na mga kalalakihan dahil nakababawas aw ito ng pagiging macho. May paniniwala ang iba na hindi raw sila tunay na lalake kapag umiyak sila. Meron ding ayaw ng umiiyak dahil nako-concious sila sa kanilang hitsura.
Pero sa totoo lang ay wala namang masama sa pag-iyak bagkus ay makatutulong pa nga ito para gumanda ang ating pakiramdam. Kaya’t kapag naiiyak ay huwag pipigilan ang sarili dahil mahirap ang ganyam. Kung ayaw nang may makakita sa gagawing pag-iyak ay sa loob ng kuwarto umiyak. Pero mas mabuti na rin na mayroon kang kapamilya o kaibigan na magpapahingahan ng sama ng loob. Para na rin may mapagkunan ng payo pagkatapos mong umiyak.
Ayon sa mga psychologist, ang pag-iyak ay isang magandang paraan para mailabas mo ang lahat ng tensiyon na iyong nararamdaman. Katunayan kapag mayroon silang theraphy session ay hinahayaan lang nila ang kanilang kliyente na umiyak sa kanilang harapan. Hindi dahil sa mahilig sila sa drama o natutuwa silang makakita ng taong umiiyak. Makatutulong kasi ang pag-iyak, ang luha ay nagtataglay ng stress hormones partikular ang tinatawag na adrenocorticotropic hormone. Sabi pa nga ng mga biomedical researcher, ang stress hormones diumano ay nakaaapekto sa sistema ng ating katawan gaya ng cardiovascular, gastrointestinal, endocrine, musculoskeletal at immune systems. Kaya’t kailangan talaga itong mailabas para mabawasan ang mga toxin sa loob ng ating katawan. Hindi lamang ang pag-iyak ang nakatutulong para mailabas ito kundi kasama na rin ang pagpapawis, ang hanging ating nailalabas kapag umiiyak at sa maniwala kayo o hindi kasama na rin dito maging ang pag-ihi.
‘Di ba’t pagkatapos nating umiyak ay gumagaan ang ating pakiramdam dahil nailalabas natin ang ating mga emotionl baggage na lubhang nagpapahirap sa atin. Huwag lang nating isama rito ang pag-iyak dahil lang sa nakapanuod ng isang malungkot na pelikula o ‘di kaya napaluha habang naggagayat ng sibuyas. Kapag tumagal na sa loob ng maraming araw ang pag-iyak ay hindi na ito normal. Kaya’t makabubuting komunsulta na sa isang psychiatrist dahil baka humantong pa ito sa malaking problema.
No comments:
Post a Comment