Showing posts with label Travel. Show all posts
Showing posts with label Travel. Show all posts

Friday, November 7, 2014

Balaw-Balaw Restaurant: Kultura ng Pagkain at Sining

  
Balaw-Balaw Restaurant

            Mayroong patok na restaurant sa bayan ng Rizal at ito ay ang Balaw-Balaw. Ito ay matatagpuan sa bayan ng Angono na kinikilala bilang Art Capital of the Philippines . Dahil na rin sa maraming mahuhusay na mga alagad ng sining  rito partikular na sa larangan ng pagpipinta. Ngunit hindi lamang sila may ‘taste’ kundi sa panlasa pagdating sa pagkain.

            Ang kahulugan ng salitang “balaw-balaw” ay pagkaing sawsawan ng sinigang na isda at gata sa burong hipon na may angkak na pula. Paborito itong sawsawan ng mga taga-Angono. Sadyang dinarayo ito ng mga taga-iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Minsan na rin itong nadalaw ng TV personality sa Estados Unidos na si Andrew Zimmern ng programang "Bizarre Foods"  nang magtungo ito sa bansa para maitampok sa kanyang programa.

          Naiiba ang restaurant na ito dahil mga exotic food ang kanilang iniaalok. Kabilang sa mga inihahain nila rito ay fried crickets, palaka, karne ng buwaya, uok, tamaro at kung anu-ano pang pagkain na bihira pa lang ang mga nakatitikim. Ngunit bukod dito ay naghahain din sila ng mga pagkaing tatak Pinoy gaya ng Sinigang, Lechong Kawali at iba pa. Nagpapatunay lang ito na napapahalagahan dito ang mga pagkaing katutubo sa atin.

        Ang Balaw-Balaw ay itinayo ng mag-asawang sina  Luzviminda at ng namayapang pintor na si Perdigon Vocalan noong Disyembre 1982. Si Perdigon ay isa sa mga kinikilalang pintor ng bayan ng Angono at nabansagang isa sa mga taga-pagmana ng pambansang alagad ng sining na si Carlos “Botong” Francisco dahil na rin sa kanyang husay sa pagpipinta. Minsan niya rin itong naging guro. Samantalang si Luzviminda naman ay dating guro sa eskuwelahan subali’t nang matatag ang kanilang restaurant ay huminto siya sa pagtuturo para ituon ang kanyang buong panahon dito.

           Masasabi talagang artistic ang Balaw-Balaw dahil sa disenyo pa lang ng lugar ay maganda na at makatawag-pansin. Bakit hindi? Dahil bukod sa isa itong kainan ay isa rin itong museum. Naka-display sa ground floor at second floor ng Balaw-Balaw ang mga obra ni Perdigon pati na rin ang iba pang gawa ng mga local artist sa Angono. Bukod sa makukulay na mga pinta ay mayroon din ditong mga naka-display na samu’t saring mga sculpture. Kaya’t kapag nandirito ka ay hindi lamang ang tiyan ang mabubusog kundi pati ang iyong mga mata.



Friday, October 31, 2014

Dark Tourism, Ano 'to?

               Mahilig ka bang magbiyahe o isa kang adbenturista? Siguro naman ay marami ka nang napuntahang magagandang lugar sa Pilipinas. Pero ngayon, may bagong uri ng pamamasyal na talaga namang kakaiba kaya’t dapat mo itong masubukan. Ito ang tinatawag na ‘dark tourism’. Hindi masama ang kahulugan nito, ito lang ay tumutukoy sa pagpasyal sa mga nakakatakot na lugar. Tama na muna ‘yang pagsakay sa mga horror ride sa mga karnabal. Naiiba talaga ‘to dahil ang pupuntahan ay mga weirdong lugar gaya ng haunted house, mga abandonadong simbahan at iba pa. Basta ‘yung tipong maninindig ang balahibo mo kapag nandun ka.


                 Sinasabing ang konsepto ng dark tourism ay nagmula sa Western countries. Mayroon lang nagdala nito sa Pilipinas para maranasan din naman sa atin ang ganitong klase ng adventure. Hindi lang ‘yung mga paranormal expert o ghost hunter ang nagpupunta sa ganitong uri ng mga lugar. Kahit sino ay pupuwede basta malakas lang ang loob.

                Sa bayan ng Cavite ay mayroon history professor na itinataon ang kanilang tour kapag malapit na ang araw ng mga patay para sa eksakto sa okayson, ‘ika nga. Pinupuntahan nila ang mga bayan sa Cavite na mayroong nakatatakot na mga kuwento. Hindi lang naman ito para manakot kundi para rin kapulutan ng aral o alamin ang kasaysayan sa likod ng lugar. Gaya na lamang ng lumang simbahan sa Marigondon na mayroon diumanong paring Kastila na pinugutan ng ulo ng mga paring Pilipino dahil na rin sa inggit nila rito. Inilibing nila ang bangkay ng paring pinugutan nila sa harapan mismo ng pintuan ng simbahan. Ayon sa katiwala ng nasabing simbahan at sa iba pang nakakita na sa paring pugot; talaga namang nahintakutan sila matapos nilang makita ang multo nito.

                Mayroon ding mga travel agency na nag-aalok na pumunta sa mga nakakatakot na lugar kabilang na nga rito ang haunted house. Siyempre, may kasamang espirit questor para maging safe ang mga bisita. Baka mamaya ay masapian na lang sila ng masamang espiritu tapos di nila alam ang kanilang gagawin. Take note, mayroon na rin park na idinesenyo para sa kakatatakutan. Noong 2013 ay itinayo sa bansa ang tinatawag na Scream Park na matatagpuan sa Maynila. Kapag bumisita ka rito ay hahabulin ka ng mga kunwa-kunwariang mga zombie. Siyempre, nakakasindak ang kanilang mga histsura.

            Ayos ang dark tourism, basta ba tandaan lang na kapag gusto mo itong masubukan kailangan ay wala kang sakit sa puso. Mahirap na at baka biglang atakehin. Imbes na mag-enjoy ay maghatid pa ito ng bangungot sa iyo. Mapapaaga ang pamamaalam mo sa mundo...


Monday, April 21, 2014

Buhay-Travel Blogger

Lois Yasay of wearesolesisters.com
         Wala nang sasarap pa sa pagbibiyahe sa iba’t ibang lugar dahil masaya ito. Bukod sa nakakakita ka ng magagandang tanawin ay marami ka ring matutunan dahil may matutuklasan kang bago. Iba’t ibang personalidad din ang iyong makikilala at makakasalamuha. Kaya naman marami na rin na ginawang career ang pagiging adbenturero sa pamamagitan ng paggawa ng travel blog. Kabilang na rito ang isa sa nangunguna sa nasabing larangan sa bansa- ang www.wearesolesisters.com.

        Nagsimula ang Sole Sisters nang magpasyang umalis sa kanilang trabaho ang magkaibigan na si Lois Yasay at Chichi Bacolod para makapag-biyahe. Pero bago ‘yun nag-ipon muna sila ng pera sa loob ng isang taon para makapunta sa India at Southeast Asia at naglakbay sila roon sa loob ng anim na buwan. Nakagastos lang sila ng ‘di hihigit sa isang daang  libong piso. Doon nila nagawa ang kanilang blog para mai-dokumento ang bihaye nilang ito at siyempre para maibahagi ang kanilang karanasan sa buong mundo.

        Marami ang nakaimpluwensiya kina Lois kabilang na rito ang paborito nilang mga blog gaya Adventurous Kate na gaya nila ay naglibot din sa Southeast Asia. Pati na rin ang Ayngelina of Bacon is Magic, Jodi of Legal Nomads, Nomadic Chick, This Battered Suitcase, Flipnomad at Soloflight Ed.

         Ang isang travel blog ay kumikita sa pamamagitan ng ad banners, sponsored post at paid links. Ang bayad ay nakadepende na rin kung maraming bumibisita sa iyong blog. Ang Sole Sisters ay may prinsipyong sinusunod, nagrerebyu lang sila ng produkto, lokasyon at serbisyo kung ito ay akma sa kanilang blog at nasubukan o napuntahan na nila ito mismo. Lahat ng biyahe nila sa Pilipinas ay merong nag-iisponsor maliban na lang sa biyahe sa ibang bansa na sila na ang gumagastos. ‘Di ang travel blog ang pangunahin nilang pinagkakakitaan dahil may iba pa silang source of income. Pero dahil sa ito ay kanilang passion  kaya’t masaya sila sa kanilang ginagawa. Nagbigay ito ng opurtunidad para magkaroon sila ng exposure. Dahil dito ay naiimbitahan silang maging taga-pagsalita sa mga inspirational talk. Nakasama pa ni Lois ang isa sa pinakamagaling na motivational speaker sa bansa na si Franscis Kong sa isang seminar sa Cebu.

        Para ‘di mag-alala ang pamilya sa kanilang mga biyahe ay sinasabi nila kung saan sila pupunta at kung kailan sila makababalik. Suportado naman sila ng kani-kanilang pamilya sa ginagawa nila basta’t sinisiguro lang nila magiging ismarte at maingat sila sa pagbibiyahe. Pagdating naman sa kanilang mga love life, sinabi ni Lois na sumasama sa kanilang biyahe ang kanyang nobyo. Gaya niya ay mahilig din itong magbiyahe.

         Kapag nagbibiyahe sila sa ibang bansa bagama’t nalilibang sa mga lugar na kanilang nagagalugad, kapag may nakikilala silang mga dayuhan ay ‘di nila nalilimutang i-promote ang Pilipinas. Lagi nilang inirerekomendang puntahan ang mga surfing area sa atin gaya ng Baler, Siargo at Catanduanes. Ibinibida rin nila ang mga beaches sa Palawan at Calaguas Island. Inirirekomenda rin nila ang Cebu at Bacolod dahil masasarap ang mga pagkain doon. Pati na rin ang Davao na hometown ni Lois dahil sa pagkakaroon nito ng white water kayaking, durian at siyempre pa may Kadayawan Festival!

    Ang pinakamahalagang natutunan ng Sole Sister kapag nagbibiyahe, ito ay ang pakikisalamuha sa mga local ng bawat lugar na kanilang pinupuntahan. Dahil sila ang makapagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang lugar at kultura. Sila ang dapat tanungin kung saan magandang kumain, lumagi at magbiyahe. Nang tanungin kung ano ang pinaka ‘di nila malilimutang lugar, sinabi ni Lois na, “Siguro ‘yung India very unique kasi ang culture at energetic ang vibe nila saka sa Myanmar dahil totoo at napaka-lovable ng mga tao roon.”  Gusto rin ng Sole Sisters na makapag-biyahe sa South at Central Amerika sa hinaharap. Sa ngayon ay tuluy-tuloy lang ang adbentyur. “Palagay ko magbibiyahe ako habang nabubuhay ako kasi ito ang pinaka-passion ko,” dagdag pa niya.  

          Kapag travel blogger, dapat ay maging pasensyoso ka at huwag maging bugnutin kapag nagkamali habang nagbibiyahe dahil doon nagsisimula ang pagkakaroon ng adbentyur. Kinakailangan na maging madiskarte sa paghahanap ng lugar at siyempre pagkasyahin ang budget. Makatitipid diumano kung sa mumurahing hotel mag-check in, kakainin ng mga street food, sumakay sa public transportation, matutong tumawad at iba pa. Kapag nagbibiyahe rin ay siguraduhing ‘di gaanong mabigat ang laman ng bag dahil ikaw din ang mahihirapan. Gaya ng kanilang ginagawa na ang laman ng bag ay ‘di tataas sa pitong kilo. Kinakailangan din na maging bukas ang iyong isipan and maging palangiti sa lahat ng mga tao na nakikilala mo kung nasaan ka mang lugar. Kapag meron kang nais gawin, gumawa ng plano at hingin ang suporta ng mga tao pagkatapos ay umabante. Magiging imposible lang ang isang bagay kapag ‘di ka gumagawa ng paraan.

           Kung nais maging matagumpay na travel blogger, dapat magkaroon ng kakaibang istorya gaya ng ginawa ng Sole Sister na nagbiyahe ng anim na buwan sa Sotheast Asia sa limitadong budget lang. Kumbaga, magkaroon ng sariling tatak na matatandaan ng mga tao. Manatili ring positibo sa lahat ng oras at magbigay ng inspirasyon sa iba. Sabi nga ni Lois, “Ang key words lang naman d’yan ay makapag-inspire, malapag-motivate at makapag-entertain ka anumang topic at field na piliin mo.”

Sunday, February 24, 2013

Adbentyur sa Baguio

  Isang magandang pagkakataon ang pagkakaroon ng bonding sa isang kumpanya. Kaming mga magkaka-opisina sa PitGames Inc. ay nagkasama-sama sa isang outing sa Baguio. Ito ay nagsilbing pabuya sa amin ng aming boss na si Manny Berbano dahil b-day niya. Umalis ang tropa noong Enero 28 ng alas-tres ng madaling araw. Mahaba-haba rin ang biyahe mula Manila papuntang Baguio na aabot ng anim na oras. Kaya’t ang bawat isa ay pinaalalahanan na jumingle muna nang sa gayun ay walang papara sa gitna ng kalsada! Maliban na lang kapag kailangan munang mag-stop over. Mahirap talaga kapag may history na.

 

    Tumuloy ang tropa sa Baguio Palace at saglit na nagpahinga pagkatapos ay kumain sa Jack’s  Restaurant na matatagpuan sa Mabinit St. Ang nasabing restawran ay inirekomenda ni Aries Chan na sanay na sa Baguio dahil nag-aral sa isang unibersidad doon. Pero bago ‘yun ay anlayo nang nilakad namin. Nagkahiwalay pa nga ang tropa. Kaya pagdating naman du’n ay gutom na gutom na ang lahat. Matapos mabusog sa masasarap na putahe ay naglakad-lakad ang tropa na para bang naglalakad sa Paris. Iba talaga sa Baguio dahil kahit tanghaling tapat ay malamig ang simoy ng hangin kumpara sa Manila na maalinsangan lagi. Tumingin-tingin muna kami sa tiangge. Panalo talaga ang Baguio kung tiangge lang ang pag-uusapan dahil halos lahat ng hanap mo ay narito na. Kaya’t ‘di nakapagtatakang ito ang sentro ng ukay-ukay sa Pilipinas. 


 
   
     Naisipan ng tropa na mamangka sa Burnham Park. Nahati ang grupo sa tatlo dahil na rin sa dami namin.  Ang bawat grupo ay may kanya-kanyang dalang camera para magkakuhanan ng litrato. Noong umpisa ay nahirapang makasagwan ang mga kasama namin. Pero ang sikreto lang naman ay nasa tamang pagsagwan. Wala namang problema kung bumaligtad ang bangka dahil mababaw lang naman ito. ‘Yun nga lang, sino ba naman ang may gustong maging basang sisiw? Habang nagsasagwan sina Mario at PJ, ang inyo namang lingkod ay mistulang amo lang na nakaupo sa dulo habang ninanamnam ang simoy ng hangin at aliw-iw ng ilog. Nagri-relaks, eh.


    Makalipas ang isang oras, masarap pa sanang mamamangka kaya lang ay parang nagdidilim na ang langit. Kaya’t naisipan ng tropa na bumalik na sa hotel dahil kailangan naming dumalo sa pagtitipon ng United Benguet Baguio Breeders Association (UBBBA) na pinamumunuan ni Konsehal Tony Boy Tabora. Two bird in a one stone ang nangyari, bakasyon na, trabaho pa. Pero ayos lang ‘yun may chibugan naman, eh. Bago ang pagtitipon ay ipinakilala ni Aries ang kanyang kaibigan at dating kaeskuwela na si Atty. Jansen Nacar. Nagtungo rin ito sa pagtitipon ng UBBBA dahil may kakilala rin siya roon. Pagkatapos nito, nagkayayaan na magpainit muna. Pero sa event pa lang, mainit na ako. Tinagayan kasi ako ni Atty. Nacar ng black level, eh. Buti na lang andu’n si Ramil na taga-salo ng ibang tagay. Ang iba naming kasamahan, sa night market sila nagpunta kung saan makabibili ng ukay na tig-sampung piso lang. Ako kasama sina Aries, Ghio, Mario at si Atty. Nacar ay nagpunta muna sa Giligan’s Music Lounge. Acoustic ang tema at nakakailang bote pa lang kami ay magsasara na ang bar. Ni hindi man lang natugtog ang aming requested songs. 

    Kinaumagahan, ang hirap gumising pero kailangang bumangon dahil ipinapatawag na kami ng boss namin dahil pupunta kami sa Baguio Country Club para doon mag-almusal. Pusang gala, unahan sa banyo ang eksena. Kahit nakaligo na ako parang andu’n pa rin ang tama ng alak. Ang BCC ay noong pang 1905 naitayo kaya’t napakatagal na ng establisyementong ito. Pagdating doon ay diretso agad kami sa buffet. Sa dami ng pagkain ay ‘di mo malaman kung ano ang uunahin. Almusal pa lang, pang-tanghalian na! Pagkatapos kumain ay pumunta ang tropa sa Strawberry Field para anupa’t kundi ang magkuhanan uli ng litrato. Ang isa naming kasamahan sa sobrang tuwa ay namitas pa ng strawberry. ‘Di kasi siya nasabihan na bawal ang mamitas.  Biniro namin siya na may pestisidyo ang kinain niyang strawberry. Muntik na siyang naniwala kundi lang kami nagtawanan. Pagkatapos ng tawanan at kulitan ay bumalik sa hotel ang iba. Samantalang kami ng ilan kong kasamahan ay naiwan naman. May usapan kasing pagkatapos sa BCC ay sa Tree Top Adventure, sa Camp John Hay naman kami pupunta.



    Nauna nga kaming pumunta sa Tree Top Adventure pero ‘di muna kami gumawa ng anumang aktibidades. Nanood muna kami ng nag-tree drop. ‘Yun bang ihuhulog ka sa taas na tatagal lang ng dalawa hanggang tatlong segundo nasa baba ka na. Ikaw na nga itong inihulog ay ikaw pa ang magbabayad? Talaga naman. Habang naghihintay ay lumabas muna kami at umupo sa parke na puro ugat ng puno ang makikita mo sa baba. Masarap magmuni-muni rito. Naiisip ko nga na ano kaya kung may buhay ang mga ugat at magsipaggalawan. Parang ‘yung napapanood ko sa horror movie. Meron pang replika ng Statue of Liberty na kasing laki ko lang. Nagpapiktyur pa nga ako sa rebulto, eh. Mahirap naman kung sa totoong Statue of Liberty ako magpapapiktyur. Sobrang taas kaya nu’n! Malapit lang sa park ang tinatawag na Cemetary of Negativism kung saan ang masasamang ugali o negatibo sa iyo ay puwede mong ilibing. Pero ako, ayokong maglibing. Mahirap na baka hindi ko rin kayang panindigan. Parang sinabi kong masama nga ugali ko, ah. Naghulog na lang ako ng piso sa wishing well na bulinggit at humiling ng kung ano.  Hindi World Peace ang hiling ko dahil luma na ‘yun. Ano ang wish ko? Secret! Pagdating ng iba naming kasamahan sa Tree Top ay nakinig agad kami sa briefing area. Nu’ng una ay pinakahalugan ko pa ang briefing area na bihisan ng panloob ng mga lalaki. Halos lahat kami ay nagkainteres na subukan ang Superman. ‘Yun bang lilipad ka sa ere habang nakasabit gamit ang harness. Package D ang pinili ng ilan sa amin para may kasamang canopy. Para itong cable car pero mabagal ang andar sa ere. Walong istasyon ang dadaanan nito. Bago sumakay ng canopy natiyempuhan pa namin si Sheena Halili na parang bata sa personal dahil sa height at hubog ng katawan. Siyemp’re, nagpapikyur kami kasama niya.

    Kay sarap sumakay sa canopy, kitang-kita mo kasi ang mga puno sa ibaba. Para ka lang namang nagduduyan nang hindi niyugyog. Hindi nga niyugyog, sobrang taas naman. Kung mahihiluhin kang tao hindi ito para sa iyo. Kung may fear of heights ka ay malalabanan mo ito sa pamamagitan ng ganitong ride. Habang pabalik ay bumangga pa ang tagiliran ng sinasakyan kong canopy kaya’t bigla akong umikot. Nagulat talaga ako, akala ko ano na ang nangyari. Ni hindi man lang ako binalaan ng kasama ko na babangga na pala sa puno. Pero mas masaya pagdating sa Superman ride dahil dito masusubukan ang iyong tapang. Nagkakantyawan at nagkakatakutan pa nga bago mag-ala Superman. Sa umpisa, kakabahan ka dahil ‘di mo pa naman ito nararanasan. Kaya nga ang mga kasamahan namin napapasigaw pa. Oo, kahit pa ang mga lalaki ang lakas sumigaw! May kasama pa nga kami na napaiyak pa habang nasa ere. Ganu’n talaga kakaiba kasi itong karanasan. Pero ang inyong lingkod ay kalmado lang. Sabi nga ng mga kasamahan ko ay wala man lang akong emosyon na ipinakita. Wala lang. Baka pagbaba ko ay puro kantyaw ang abutin ko kapag nagsisigaw ako. Mag-isa lang kasi ako sa ere dahil nahatak ang partner ko. Grabe, ibang klase talaga. Tama ‘yung sinabi ng bading na nag-orient sa amin sa briefing area, “Ang sarap-sarap ng feelings”. Tinitingnan ko pa nga sa ibaba, eh. Ang lamig nga lang sa itaas. Ang sabi, mahigit 100 feet ang taas nito. 

    Pagkagaling namin ng Tree Top Adventure nagkayayaan sa SM Mall para dito kumain. Ang iba naming kasamahan ay walang interes  pumunta rito dahil marami namang SM sa Manila. Pare-pareho lang namang shop ang makikita mo rito. Iba nga lang ang SM sa Baguio dahil walang aircon dito. Sa lamig ba naman sa Baguio kakailanganin pa ng aircon? Eh, ‘di nasa freezer ka na nu’n? Sa pinakataas ng SM dito ay naka-open pa kaya pumapasok ang hangin. Oo nga pala, papaitan ang inorder kong ulam. Bihira lang kasi akong makatikim nito. Pagbalik ng hotel wala munang gimik. Kailangang matulog nang maaga dahil maaga ang check out namin sa hotel.

    Kinaumagahan, diretso ang tropa sa The Mansion. Sinabi ng bantay na sundalo na bakasyunan daw ito ng Presidente. Nagtanong pa ang isa naming kasama na kung may multo ba rito. Siyempre, wala ang sabi ng bantay. Sayang at ‘di namin pinasok ang Teacher’s Camp na sinasabi ng iba na mayroon daw multo. Bawal nga lang lumapit sa mansyon. Ang tangi mo lang magagawa ay magpa-pikyur na may nakasulat na The Mansion na nasa unahan ng mismong mansyon. Sa tapat lang ng mansyon ay may parang lumang ilog doon na magandang magpa-pikyur dahil para kang bumabalik sa lumang panahon. Paano ‘di magiging luma eh iba ang kulay ng ilog? Habang nagpipiktyuran kumakain naman ako ng taho na strawberry flavor. Sa Baguio lang mayroon nito kaya’t tinikman ko talaga at masasabi kong isa pa nga!


    Huling destinasyon namin sa Baguio ay sa Mine’s View Park. Bago pumunta sa parke ay namili muna kami ng pasalubong. Ano pa ba ang bibilhin namin kundi ang sikat na delicacies nila gaya ng peanut brittle, lengua de gato, strawberry jam at iba pa. Magaganda rin ang disenyo ng mga damit na kanilang itinitinda. Native na native ang dating, bukod dito ay mura pa. May mga bumili rin ng walis tambo na sikat ding produkto sa Baguio. Wala nga lang nakaisip na bumili ng pamosong barrel man at ng ashtray na ang hugis ay asset ng lalaki. Halos maubos ang pera namin sa pagbili ng mga pasalubong. Pero ayos lang dahil minsan lang naman mangyari ito. Bago umuwi siyempre pumunta ang tropa sa Mine’s View. Talaga namang napakaganda ng overlooking. Huwag nga lang masyadong malikot kung ayaw mahulog sa bangin. Maliit lang ang parke pero maraming puwedeng gawin. Nagpapikyur kami habang nakasakay sa kabayo at nag-feeling ala-Leon Guererro o Lito Lapid. Nagpapikyur kasama ang malaking aso na St. Bernard. Kung ganito kalaki ang alaga mong aso sa bahay malamang ay mamulubi ka dahil sa lakas nitong kumain. Nagpapiktyur din kami na nakasuot ng pang-Igorot. Nagmistula tuloy akong lakandula sa hitsura ko. Puwede na kayang pang-cosplay?

    Pagbaba ng Baguio, dumaan muna ang tropa sa bahay nina Aries sa may Brgy. Amallapay, La Union at nagyaya ito na pumunta sa bahay ng kanyang kuya na si Robert Chan sa may Rosario. Pagdating doon ay ipinaghain ang tropa ng pinakbet na specialty ng mga Ilokono, pansit, sitaw at may liempo pa. Ipinagbukas pa niya kami ng beer. Ako nga lang at si Aries ang uminom. May pabaon pang mangga ang kuya ni Aries na agad na pinaghatian ng kasamahan naming babae na sina Katkat at Mae. Ang isa ay naglilihi at ang isa naman ay nangangasim lang.

    Talagang napakasaya ang aming naging paglalakbay sa Baguio dahil sobrang kulitan ang nangyari. Kahit paano ay saglit na nag-iba ang atmospera ng paligid. Hanggang pagdating ng opisina ay usap-usapan ang aming naging adbentyur sa Baguio. Kanya-kanyang tag at comment sa mga litrato. Ang isa naming kasamahan inalaska nang husto sa FB dahil na rin sa mga posing niya sa litrato.

   


   


Monday, June 27, 2011

Palawan Underground River: Pambato ng Pinas sa New 7 Wonders of The World

Ang Pilipinas ay punung-puno ng magagandang tanawin saan mang dako pumaroon. Kaya’t ‘di nakapagtatakang maraming turista ang dumadayo sa atin taun-taon para mamasyal. Kabilang sa dinadayo ng mga turista, mapa-dayuhan man o mga Pinoy ang Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP). Ngayon ay kasali ito sa pinagpipilian para mapasama sa New 7 Wonders of The World na inorganisa ng New 7 Wonders na itinatag at pinamamahalaan ni Benard Weber.

Ang  PPSRNP ay matatagpuan sa Saint Paul Mountain Range sa Nothern Coast ng isla. Nasa pagitan ito ng Saint Paul Bay at ng Babuyan River. Taong 1992 nang pangasiwaan ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa ang naturang pasyalan. Tinatayang may habang 8.2 kilometro ang underground river na ito.

Taong 2007 nang ito ay kilalanin bilang pinakamahabang underground river sa buong mundo. Bukod dito ay itinuturing din itong pinakamahalagang gubat sa asya dahil sa tulong nito sa eco-system sa dagat at gubat. Samantalang noong Disyembre 4, 1999 ay isinama ng UNESCO ang underground river na ito sa talaan ng World Heritage Site.

Napakagandang pagmasdan ang mga stalactites at stalagmites sa loob ng kuweba. Nagkalat din sa paligid ng kuweba ang iba’t ibang uri ng mga halaman at bulaklak. Pinamumugaran din ng maraming uri ng mga ibon kaya’t naman aliw na aliw ang mga turistang dumadayo rito dahil sa dami ng magagandang nakikita. Maganda rin sa pakiramdam dahil anila’y malamyos na hangin ang umiihip dito.

Sa darating na Hulyo 28 ay idedeklara ang dalawampu’t walong finalist. Hindi rin madaling mapabilang dito dahil nasa apatnadaan at apatnapu’t isa ang kalahok. Siyempre, sasalain pa itong mabuti dahil sa huli ay pito lang naman ang makapapasok. Ngunit hindi imposibleng mapasama ang ating pambato kung bawat isa sa atin ay boboto online para tanghaling isa sa bagong pitong lugar na kahanga-hanga sa mundo.


Bilang suporta para mapasama sa New 7 Wonders of The World ang PPSRNP
kamakailan lang ay nagkaroon pa ng konsierto para rito. Ito ay tinawag na Tunog Wonderground kung saan ay itinampok ang mga kilalang mang-aawit na sina  Ogie Alcasid, Dingdong Avanzado, Noel Cabangon, Lolita Carbon, Jim Paredes, Gloc 9, Bituin Escalante atbp. Bukod sa mga solo artist ay nakiisa rin ang mga banda gaya ng River Maya, Rocksteddy, Franco atbp. Naging matagumpay naman ang nasabing konsierto na ginanap na Quezon City Memorial Circle dahil marami ang dumalo. Umaasa ang mga organizer na ikakampanya ng lahat ng dumalo na iboto ang PPSRNP. Sa pamamagitan nito ay maipapakita natin sa buong mundo ang pagkakaisa nating mga Pinoy.

Ang botohan ay matatapos sa Nobyembre 10 at kinabukasan ay malalaman agad kung anu-anong lugar ang mapapasama sa New 7 Wonders of The World. Para makaboto i-text ang PPUR, PPUR7 (para sa pitong boto), o PPUR15 (para sa 15 boto) at ipadala sa 2861.

Monday, March 21, 2011

Biyaheng Abra



Ang inyong lingkod kasama si La Paz Mayor JB Bernos

Ang Abra ay napakapayak na lugar dahil simple lang ang pamumuhay dito. Binubuo ito ng dalawampu’t limang bayan. Kamakailan lamang ay nagawi kami sa bayan ng La Paz upang bisitahin ang mayor nilang si JB Bernos. Mga anim hanggang pitong oras ang biyahe rito mula Maynila papunta rito.

Tulad ng ibang mga probinsya ay pagsasaka at paghahayupan ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tao rito. Habang nagbibiyahe ay kapansin-pansin na parang karaniwan na lamang ang mga bakang tumatawid sa kalsada. Kaya’t kinakailangang magdahan-dahan sa pagmamaneho para ‘di mabundol ang mga ito.

Siyempre, maganda rin ang mga tanawin. Presko ang lugar dahil napapalibutan ng mga puno. Malayo sa lunsod na puro polusyon ang hanging nalalanghap.

Inaakala ng marami na ang Abra ay napakagulong lugar dahil sa mga naibabalita sa telebisyon at pahayagan na mga awayan doon ng mga pulitiko. Ngunit karaniwan na lang naman ang ganito. Kung tutuusin ay mas magulo pa nga sa ibang lugar. Kung may karahasan mang nangyayaring may kinalaman sa pulitika ay manaka-naka lamang ito. Ikinalungkot tuloy ni Mayor Bernos ang ganitong pagpapalaki ng balita ng mga nasa midya dahil nagiging masama ang imahe ng Abra sa paningin ng publiko.

Kung matatandaan ay ginawa pa ngang hot spot ng Comelec ang Abra noong Eleksyon 2010.Sinisiguro ng mayor ng La Paz na tahimik talaga sa kanilang probinsiya. Normal lang ang pamumuhay ng mga tao roon at walang nararamdamang takot baka kung ano ang mangyari sa kanila. Kaya’t sa mga nagnanais bumisita sa kanilang probinsya lalung-lalo na yaong mga investor ay huwag mag-aalinlangan.

Magiliw din sa mga bisita ang mga taga-Abra dahil inaasikaso nila nang husto ang kanilang mga panauhin. Na siya namang tatak na ng sinumang Pinoy, na basta’t may bisita ay nagpapakita ng kabutihan.

Pinatikim kami ni Mayor Bernos ng kanilang masarap na mga putahe. Katulad ng longganisa na gawa mismo sa kanilang probinsya. Halos wala itong pinagkaiba sa longganisang gawa sa Lucban, Quezon na sikat sa paggawa ng longganisa. Mayroon pang itlog ng hantik na seasonal lang diumano nakukuha dahil minsan lang naman mangitlog ang hantik sa loob ng isang taon. Natanong ko tuloy si Mayor Bernos kung kumakain din sila ng salagubang ay sinabi niyang ‘oo.’ Minsan na rin kasi akong nakatikim ng ganito nang minsang magtungo ako sa Ilocos Sur. Magkatabi lamang ang dalawang naturang probinsiya.

Pinatikim din kami ng isda na kung tawagin nila ay ‘kapa.’ Ang isdang ito ay tanging sa Abra lang diumano matatagpuan. Masarap din ang maliit at puting hipon na inihain sa amin. Mayroon din silang danggit na talaga namang napakalutong kainin. Dahil ang Abra ay bahagi ng Ilocandia ay masarap din ang kanilang pakbet. Sayang nga lang at walang papaitan na hinahanap-hanap ng aking panlasa. Tunay nga namang isang ‘di makalilimutang karanasan ang pagpasyal namin sa abra. Bukod sa napakatahimik na lugar ay masasarap din ang pagkain.

Tuesday, February 1, 2011

Mr. Hot: Hari ng kape ng Baguio


Kapag nagawi ka sa Burnham Park sa may Baguio City, hindi puwedeng hindi mo mapapansin ang isang nagtitinda roon ng kape. Kung manamit kasi ay talaga namang nakapustora na akala mo ay pormang mayaman na animo’y gagad sa Amerika o ‘di-kaya’y sa Europa. Kaya naman kapag inalok ka niya ng kape ay hindi mo siya matatanggihan dahil natuwa ka sa kanyang itsura. Saan ka ba naman makakakita ng ganitong klase na nagtitinda ng kape kundi siya lang?

Si Carlito Ruasol o mas kilala sa tawag na Mr. Hot ay limampu’t apat na taong gulang at tubong Laguna. Dekada ‘70 pa nang manirahan siya sa may Baguio. Dati siyang barista sa mga hotel subali’t mas ninais niya na magtinda na lang ng kape sa Burnham Park. Kung tawagin nga ang gaya niya ay ‘Coffe Star Patrol.’ Hindi lamang kape ang kanyang iniaalok. Kung gusto mo ng tsokolate o kahit pa ng cereal ay mayroon din siya. Sa ngayon ay may limang taon na niya itong ginagawa. Pero wala pang isang taon nang pumustora si Mr. Hot. “Mas maganda na rin ito, may sarili akong kita kaysa namamasukan pa. Saka tumatanda na rin ako, ayaw ko nang bumalik sa mga hotel,” pahayag ni Mr. Hot.

Itinuturing niyang isang seryosong propesyon ang kanyang ginagawa at hindi basta nagtitinda lang ng kape. Masaya siya dahil sumasapat naman ang kanyang kinikita sa pangangailangan ng kanyang pamilya. Malakas diumano ang kanyang kape lalo na kapag umagang-umaga. Alam naman natin na malamig ang klima sa bagyo kung kaya’t masarap talaga ang magkape anumang oras na iyong gustuhin.

Sariling ideya lamang ni Mr. Hot ang kanyang porma. Talagang dinebelop niya ang kanyang sarili para maging kaaya-aya sa paningin ng mga tao. Iba-iba ang kumbinasyon ng kanyang damit, may kulay pula, may itim at mayroon ding black and white. “Nakita ko kasi sa ibang magkakape na ayaw silang kagatin ng kostumer dahil siguro nga hindi nila nagugustuhan ang attire nila,” sabi pa niya. Hindi niya ito ginagawa para maging bida bagkus ay nais lamang niyang mabuhay. Wala naman siyang sikreto. Bukod sa pagkakaroon ng magarang porma ay maayos ang pagbibigay niya ng serbisyo sa mga kostumer. Hindi niya ring nakalilimutang maging magalang at magiliw sa kanila.

Maraming mga regular na kostumer si Mr. Hot. Mula sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Baguio hanggang sa mga nagdi-jogging sa Burnham Park tuwing umaga. Siyempre, kahit mga dayo ay sa kanya bumibili ng kape dahil pamilyar na sa kanila ang kanyang mukha. Ilang beses na rin kasing nainterbyu si Mr. Hot ng malalaking TV network at ng iba’t ibang pahayagan at magasin. Hindi lamang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa Thailand, Malaysia, US, Korea at Japan. Hindi niya akalaing dahil sa kanyang pananamit ay magiging ganito katindi ang magiging dating niya sa mga tao.

Hindi lamang mga turista ang nartutuwa kay Mr. Hot kundi pati na rin ang lokal na pamahalaan. Dahil kasi nagmistula siyang ‘tourist attraction’ sa Burnham Park. Ang sabi nga ng isang manunulat na Koreano sa sinusulatan nitong magasin, na kapag sinabing Burnham Park ay kakabit na nito ang pangalan ni Mr. Hot. Isa pa, nakatutulong din siya sa pagbibigay ng impormasyon sa mga tao kung ano ba ang bagong kaganapan sa Baguio. Katunayan nang makausap siya ng mamamahayag na ito ay may dala-dala itong brochure hinggil sa schedule ng Panabengga.

Pinapatunayan lamang ng kanyang kuwento na sa pamamagitan ng konting gimik ay puwedeng mag-klik ang ginagawa. ‘Yan si Mr. Hot, kumbaga sa kape ay walang kasing init, umusok-usok pa!

Monday, January 31, 2011

Paglalakbay sa Baguio





Sikat ang Baguio, tinaguriang City of Pines dahil sa pagkakaroon nito ng magagandang tanawin at malamig na klima. Walang puwang dito ang aircon at electric fan. Hindi nakakapaso rito ang sikat ng araw. Kaya naman ito binabalik-balikan ng mga turista na nais makatakas saglit sa mainit na siyudad. At isa ako rito sa mga bumisita sa Baguio nito lang buwan ng Enero, taong kasalukuyan.

Mula Cubao ay mahigit anim na oras ang biyahe bago makarating sa Baguio. Napakatagal na paglalakbay pero kapag paakyat na sa Baguio ay nakapapawi ng inip. Nakaaaliw kasing pagmasdan ang tanawin. Mistula kang nasa tuktok ng mundo habang pinagmamasdan mo ang bangin sa ibaba ng zig zag road o 'di kaya ang Mines View Park. Mistula ka ring binabati ng naggagandahang produktong inukit na kahoy na nakalatag sa nakapuwesto sa may gilid ng kalsada. Ang mga obra ay pawang nagtatampok ng kultura at kaugalian ng mga taga-Baguio.

Sadyang buhay na buhay dito ang daloy ng kalakalan mapa-araw man o gabi. Karamihan ng rasyon ng gulay ay nanggagaling sa Baguio kaya mura lang ang mga gulay dito. Sa kalsada nga sa kabisera ng Baguio tuwing gabi ay naglipana ang samu’t saring paninda. Nangunguna na rito ang jacket pati na rin ang sombrero. May sombrero pa na mistulang pambata ang disenyo. ‘Yun bang ulo ng hayop gaya ng tigre, lion at kung anu-ano pa. Mayroon ding bag, t-shirt, silver at iba’t ibang klaseng palamuti man sa katawan o sa bahay. Siyempre, sino ba naman ang galing sa Baguio na makalilimutang bumili ng strawberry jam, peanut brittle, choco flakes, lengua de gato at marami pang masasarap na pagkaing tatak-Baguio. Puro pagkain nga lang ang nabili ko sa pamamasyal sa Baguio.

Kung ipinagmamalaki ng Maynila ang Luneta. Hindi pahuhuli ang Baguio, mayroon din silang Burnham Park. Masarap ditong mag-jogging tuwing umaga. Kapag pamamangka ang hanap mo ay mayroon namang ‘man made lagoon’ dito kung saan ay naaarkila ang bangka. Puwede ring magbiseklita, magpiknik at kung anu-ano pang aktibidades na maiisip mo. Ngunit isa man sa mga ito ay hindi ko nagawa. Pagsapit ng gabi, kumukiti-kutitap ang ilaw sa Burnham Park na animo’y krismas tri. Romantiko ang paligid kaya’t ‘di na nakapagtatakang maraming magkasintahan na ginagawa itong tagpuan.

Kaakibat na ng pamamasyal sa Baguio ang paghahanap nang makakainan kapag inabot na ng gutom. Walang problema dahil maraming mga restawran na nagkalat sa paligid. Nakakain ako sa may Solibao Restaurant na nag-aalok sa mga kostumer ng mga pagkaing lutong Pilipino tulad ng pinakbet, lechon kawali, kare-kare, boneless bangus at iba pa. Maganda pa ang disenyo ng lugar dahil ipinapakita nila ang tatak ng kanilang lahi. Katulad ng esklutura ng mga Igorot. Kumbaga, hindi lamang tiyan ang mabubusog kundi pati na rin ang mga mata dahil sa ganda ng disenyo ng nasabing restawran.

O, kay sarap maging turista sa bayan. Bakit ka pa pupunta ng Amerika o Europa kung pagpapalamig ang hanap mo? Gayung sa Baguio pa lang ay sulit na. Nakatulong ka pa sa lokal na turismo sa bansa. Sayang nga lang at ‘di ako nakapaglibot masyado. Maiksi lang kasi ang pamamasyal ko sa Baguio dahil trabaho ang pinunta ko rito. Naisingit lang ang pamamasyal. Pero isa lang ang sigurado babalik ako rito para makita pa ang iba pa nilang tourist attraction.

Tuesday, February 9, 2010

Timberland: Paraiso sa Gitna ng Kabundukan



Kamakailan lang ay napuntahan ng manunulat na ito ang Timberland Sports and Nature Club para dumalo sa isang b-day party. Ito ay matatagpuan sa Timberland Heights, San Mateo, Rizal at lubhang kakaunti pa lang ang mga bahay na nakatayo rito. Nakatayo ang Club na ito sa lupang may kabuuang 300 na ektarya. Malapit lang naman ito sa Metro Manila kaya’t madaling puntahan. ‘Yun nga lang kailangan ay mayroong service o sariling sasakyan dahil walang transportasyon papunta doon. May katirikan din kasi ang kalsada papunta sa Timberland.

Masasabi kong napakaganda nga ng lugar na ito. Kakaiba ang disenyo nito, bago ka pumasok sa Club ay mayroong kang makikitang malalaking tipak ng adobe na pinagpatung-patong. Nagpapahiwatig ito na ang ilang sangkap ng haligi sa Club ay gawa rin sa adobe.Wala itong ipinagkaiba sa ibang Club na nagkalat sa Kamaynilaan dahil kumpleto rin ito sa pasilidad. Puwede nga itong ihanay sa mga naggagandahang hotel na nagkalat sa Kamaynilaan. Ngunit ang ikinaangat nito sa kanila ay ang pagiging solemn ng lugar. Marahil ay sadyang inihiwalay sa siyudad ang Club na ito para makaramdam ng kakaibang katahimikan. Malayo sa ingay ng lunsod. Malayo sa polusyon at bigat ng trapiko! Isa pa, nakakaulayaw mo pa ang kalikasan.

Akma ang lugar nito sa mga taong gustong mag-retreat at gustong makapag-relax. Puwede rin ito sa mga magkasintahan na gustong mag-date dahil romantic ang atmosphere rito. Sa bintana ay tanaw mo ang Metro Manila, kayganda nitong pagmasdan lalo na’t kung gabi dahil sa mga kumukutitap na ilaw. Napagtanto kong hindi lang pala sa Antipolo mayroong overlooking kundi maging sa San mateo rin! Dahil nasa mataas na lugar nakatayo ang club na ito ay mistulang abot mo ang langit. Sabi nga ng mga ilang nakapunta na roon ay mistula silang nasa paraiso. Marahil isang ekseheradong paglalarawan ngunit sadyang kakaibang pakiramdam talaga ang mararanasan kapag napunta ka rito.

Wednesday, February 13, 2008

Sa kanlungan ng Ilog




Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang dating mistulang patay na ilog at may mabahong amoy, na napapaligiran ng mga barung-barong, ay nagkaroon ng buhay? Ito ay nang idebelop ni Bayani Fernando, dating mayor ng Marikina, ang ilog noong taong 1993. Magbuhat noon ay naging malaking atraksyon na sa publiko ang Marikina River Park.



Ang kabuuuan ng Ilog Marikina ay may kabuuang 220 ha. Waring ang ilog ay naging sangktwaryo ng lungsod dahil makasusumpong ng katahimikan kapag ikaw ay naroroon. Uudyukan ka ng ilog na humabi ng tula kung ikaw ay isang makata. Napakalinis ng paligid at makalalanghap ka ng sariwang hangin dahil maraming puno ang dito ay nakatanim. Lubhang mainam mag-picnic kasama ang buong pamilya o di kaya’y magpalipad ng saranggola.



Romantiko ang tanawin sa Marikina River Park kaya’t naging kanlungan din ng mga magsing-irog ang parke. Kung disenyo lang ang pag-uusapan, maraming magagandang istraktura ang nandito. Andyan ang amphiteater, animal trail, carabao trail, floating stage, Roman Garden at marami pang iba. Kung trip mo ang mag-jogging o magbisikleta ay angkop sa iyo ang lugar na ito dahil pagpapawisan ka ng husto lalo na’t kapag binaybay mo ang kahabaan ng River Park. Naranasan ko na rin kasi itong lakarin minsan gayung meron naman akong pang river taxi.



Pagsapit ng gabi, sa pagkutitap ngmga ilaw ay nangniningning sa may ilog. Masarap maglakad-lakad dahil malamig ang hangin. Kung gusto mong malibang ay nariyan ang perya at kung hilig mo naman ang pag-awit, mag-videoke. Kung pagkain ang hanap may mga kakaibang restawran kabilang na rito ang floating restaurant.



Ang inaabangan ng mga tao sa ilog ay tuwing nagkakaroon ng mga pagtatanghal ng mga sikat na banda o di kaya’y artista. Ang isa sa ‘di makalilimutang kaganapan sa may ilog ay ang pagdalaw ni Thalia, bida ng teleseryeng Marimar noong taong 1996. Siyempre, inaabangan din ang pagkakaroon ng tiangge tuwing nalalapit ang kapaskuhan, pati na rin sa pagsisimula ng summer, na talaga namang dinarayo ng mga tao.



O, ano pang hinihintay nyo? Tara na, pasyal na sa Marikina River Park!

Thursday, February 7, 2008

Hinulugang Taktak: Talon na hinulugan ng polusyon

Kuha ni William M. Rodriguez II
Ang Hinulugang Taktak ay iprinoklama noong July 17, 1952 bilang isang National Recreation Area ng Municipal Government ng Antipolo, sa bisa ng Presidential Proclamation No. 330. Idineklara naman ito bilang national park noong 1990 sa bisa ng Republic Act No. 6964.
Kilala ang Hinulugang Taktak dahil sa waterfalls nito at dahil sa kantang “Tayo na sa Antipolo”.” Subalit, noon iyon dahil ngayon ay naglaho na ang kagandahan nito. Humina na kasi ang lagaslas ng tubig sa talon, dumumi at nagkaroon pa ng amoy. Ito ay nangyari dahil hindi naipreserba ang kalinisan nito ng mga unang namahala dito. Nagkaganito rin dahil sa kawalang disiplina ng mga naninirahan malapit dito. Ang ilog kasi ay ginagawa nilang labahan at tinatapunan pa ng basura, na bumabagsak naman sa talon! Bukod pa rito ay sumasama ang katas ng mga septic tank at mga creek na naging sanhi ng pagkakaroon ng amoy ng tubig. Sabi nga ng nakapanayam ng PINAS na si Alfredo Singco, taga-Angono at namamasyal sa Hinulugang Taktak, “madumi na ang Taktak, hindi na gaya noon.”

Aminado naman si Manuel Agunod, tagapamahala ng naturang pasyalan, na polluted na talaga ang tubig sa Taktak. Meron diumanong programa na dapat ay magkaroon ng diversion ang tubig para di bumagsak sa talon ang samu’t saring dumi. Pero dahil sa napakalaking halaga ang gugugulin dito at marami ring masasagasaan ay hindi ito nabigyang katuparan. Talagang ang magagawa lang nila ay ang pagbibigay ng impormasyon sa mga tao na huwag nilang salaulain ang tubig para mabawasan ang dumi sa talon.
Magkagayunpaman ay pinagsisikapan ng mga namanahala sa pasyalan na ito na mapaganda nang husto ang lugar. Kaya’t nakakabawi sila sa kabila ng kalunus-lunos na hitsura ngayon ng Hinulugang Taktak. Patuloy pa rin itong tinatangkilik ng mga tao.

Ang Hinulugang Taktak ay may kabuuang sukat na 3.2 hectare. Kaysarap mamasyal habang ninanamnam mo ang katahimikan ng paligid. Kay-inam tingnan ang mga naggagandahang landscape. Nakakagaan ng pakiramdam sabayan pa ng pagdampi ng malamyos na hangin sa iyong katawan. At kung maalinsangan ang panahon ay meron ditong swimming pool na hugis-gitara, may lalim na limang talampakan at 15 pesos lang ang entrance fee. May mga cottage din na pwedeng pagpahingahan, sa halagang 50 pesos lang. Meron ding tinatawag na open plaza, pwedeng pagdausan ng party, binyag, kasalan, at iba pa. Kung gusto mo, mag-akyat-baba ka sa mga hagdan dito para mag-exercise. Mag-picnic kaya? Mag-retreat? Mag-picture taking? Ah, bahala ka, do whatever you want. Basta ako, tumatak na sa isip ko ang Taktak kahit tubig pa nito ay magmistulang latak!
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...