Monday, April 21, 2014

Buhay-Travel Blogger

Lois Yasay of wearesolesisters.com
         Wala nang sasarap pa sa pagbibiyahe sa iba’t ibang lugar dahil masaya ito. Bukod sa nakakakita ka ng magagandang tanawin ay marami ka ring matutunan dahil may matutuklasan kang bago. Iba’t ibang personalidad din ang iyong makikilala at makakasalamuha. Kaya naman marami na rin na ginawang career ang pagiging adbenturero sa pamamagitan ng paggawa ng travel blog. Kabilang na rito ang isa sa nangunguna sa nasabing larangan sa bansa- ang www.wearesolesisters.com.

        Nagsimula ang Sole Sisters nang magpasyang umalis sa kanilang trabaho ang magkaibigan na si Lois Yasay at Chichi Bacolod para makapag-biyahe. Pero bago ‘yun nag-ipon muna sila ng pera sa loob ng isang taon para makapunta sa India at Southeast Asia at naglakbay sila roon sa loob ng anim na buwan. Nakagastos lang sila ng ‘di hihigit sa isang daang  libong piso. Doon nila nagawa ang kanilang blog para mai-dokumento ang bihaye nilang ito at siyempre para maibahagi ang kanilang karanasan sa buong mundo.

        Marami ang nakaimpluwensiya kina Lois kabilang na rito ang paborito nilang mga blog gaya Adventurous Kate na gaya nila ay naglibot din sa Southeast Asia. Pati na rin ang Ayngelina of Bacon is Magic, Jodi of Legal Nomads, Nomadic Chick, This Battered Suitcase, Flipnomad at Soloflight Ed.

         Ang isang travel blog ay kumikita sa pamamagitan ng ad banners, sponsored post at paid links. Ang bayad ay nakadepende na rin kung maraming bumibisita sa iyong blog. Ang Sole Sisters ay may prinsipyong sinusunod, nagrerebyu lang sila ng produkto, lokasyon at serbisyo kung ito ay akma sa kanilang blog at nasubukan o napuntahan na nila ito mismo. Lahat ng biyahe nila sa Pilipinas ay merong nag-iisponsor maliban na lang sa biyahe sa ibang bansa na sila na ang gumagastos. ‘Di ang travel blog ang pangunahin nilang pinagkakakitaan dahil may iba pa silang source of income. Pero dahil sa ito ay kanilang passion  kaya’t masaya sila sa kanilang ginagawa. Nagbigay ito ng opurtunidad para magkaroon sila ng exposure. Dahil dito ay naiimbitahan silang maging taga-pagsalita sa mga inspirational talk. Nakasama pa ni Lois ang isa sa pinakamagaling na motivational speaker sa bansa na si Franscis Kong sa isang seminar sa Cebu.

        Para ‘di mag-alala ang pamilya sa kanilang mga biyahe ay sinasabi nila kung saan sila pupunta at kung kailan sila makababalik. Suportado naman sila ng kani-kanilang pamilya sa ginagawa nila basta’t sinisiguro lang nila magiging ismarte at maingat sila sa pagbibiyahe. Pagdating naman sa kanilang mga love life, sinabi ni Lois na sumasama sa kanilang biyahe ang kanyang nobyo. Gaya niya ay mahilig din itong magbiyahe.

         Kapag nagbibiyahe sila sa ibang bansa bagama’t nalilibang sa mga lugar na kanilang nagagalugad, kapag may nakikilala silang mga dayuhan ay ‘di nila nalilimutang i-promote ang Pilipinas. Lagi nilang inirerekomendang puntahan ang mga surfing area sa atin gaya ng Baler, Siargo at Catanduanes. Ibinibida rin nila ang mga beaches sa Palawan at Calaguas Island. Inirirekomenda rin nila ang Cebu at Bacolod dahil masasarap ang mga pagkain doon. Pati na rin ang Davao na hometown ni Lois dahil sa pagkakaroon nito ng white water kayaking, durian at siyempre pa may Kadayawan Festival!

    Ang pinakamahalagang natutunan ng Sole Sister kapag nagbibiyahe, ito ay ang pakikisalamuha sa mga local ng bawat lugar na kanilang pinupuntahan. Dahil sila ang makapagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa kanilang lugar at kultura. Sila ang dapat tanungin kung saan magandang kumain, lumagi at magbiyahe. Nang tanungin kung ano ang pinaka ‘di nila malilimutang lugar, sinabi ni Lois na, “Siguro ‘yung India very unique kasi ang culture at energetic ang vibe nila saka sa Myanmar dahil totoo at napaka-lovable ng mga tao roon.”  Gusto rin ng Sole Sisters na makapag-biyahe sa South at Central Amerika sa hinaharap. Sa ngayon ay tuluy-tuloy lang ang adbentyur. “Palagay ko magbibiyahe ako habang nabubuhay ako kasi ito ang pinaka-passion ko,” dagdag pa niya.  

          Kapag travel blogger, dapat ay maging pasensyoso ka at huwag maging bugnutin kapag nagkamali habang nagbibiyahe dahil doon nagsisimula ang pagkakaroon ng adbentyur. Kinakailangan na maging madiskarte sa paghahanap ng lugar at siyempre pagkasyahin ang budget. Makatitipid diumano kung sa mumurahing hotel mag-check in, kakainin ng mga street food, sumakay sa public transportation, matutong tumawad at iba pa. Kapag nagbibiyahe rin ay siguraduhing ‘di gaanong mabigat ang laman ng bag dahil ikaw din ang mahihirapan. Gaya ng kanilang ginagawa na ang laman ng bag ay ‘di tataas sa pitong kilo. Kinakailangan din na maging bukas ang iyong isipan and maging palangiti sa lahat ng mga tao na nakikilala mo kung nasaan ka mang lugar. Kapag meron kang nais gawin, gumawa ng plano at hingin ang suporta ng mga tao pagkatapos ay umabante. Magiging imposible lang ang isang bagay kapag ‘di ka gumagawa ng paraan.

           Kung nais maging matagumpay na travel blogger, dapat magkaroon ng kakaibang istorya gaya ng ginawa ng Sole Sister na nagbiyahe ng anim na buwan sa Sotheast Asia sa limitadong budget lang. Kumbaga, magkaroon ng sariling tatak na matatandaan ng mga tao. Manatili ring positibo sa lahat ng oras at magbigay ng inspirasyon sa iba. Sabi nga ni Lois, “Ang key words lang naman d’yan ay makapag-inspire, malapag-motivate at makapag-entertain ka anumang topic at field na piliin mo.”

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...