Showing posts with label Human Interest. Show all posts
Showing posts with label Human Interest. Show all posts

Monday, November 17, 2014

Ang Ngiti sa Buhay ng Tao

Ang ngiti ay 'di lang basta isang ekspresyon ng mukha, kung saan ay nakagawing pataas ang mga sulok ng bibig. May iba't ibang uri kasi ng ngiti; ito ay ang ngiti ng paghamak, ngiting aso, ngiting artipisyal, ngiti ng kalungkutan o 'yung ngiting walang kabuhay-buhay atbp. Ngunit ang magandang ngiti ay iyung natural dahil may taglay itong sigla at katuwaan lalo na't nagniningning ang mga mata.

 Ayon sa mga dalubhasa sa medisina ang pagngiti ay nakakapagpabuti ng pakiramdam at nagpapalakas ng ating immune system. Kumpara sa mga taong problemado at laging nakasimangot na madalas magkaroon ng sakit dahil sa stress. Sinasabing ang pagngiti ay nakatutulong para magkaroon ng positibong pag-iisip. Malaki kasi ang nagagawa nito sa ating pisikal na aspeto.

     Sadyang maraming pakinabang sa ngiti 'di lang sa kalusugan kundi sa ating pakikipagkapwa. Ang isang simpleng ngiti lang ay maaari ng pagmulan ng pagiging magkaibigan. Dahil din sa ngiti ay nagiging positibo ang pananaw sa atibn ng iba. Kapag hindi kasi tayo ngumingiti ay inaakala ng iba na tayo ay mga suplado at suplada. Importante ang pagngiti, 'di ba't isa ito sa pangunahing sandata ng mga negosyante para makakuha ng kliyente? Sino ba naman ang may gusto sa masungit?

     Ipinapayong para madaling makangiti sa kapwa ay pagtuunan ng pansin ang kanilang mabubuting katangian. Dahil kung puro negatibo ang iniisip mo sa kanila ay maiinis ka lang. Kaya't ngiti lang kaibigan at kasama mong ngingiti ang mundo. Pero kapag sumisimangot ka ay maiiwan ka lang sa isang sulok na nagmumukmok...


Monday, November 10, 2014

Tips Kung Paano Magiging Praktikal

Lagi ka bang gipit at kinakapos sa pera? Kaya't hinihiling na kung mas marami ka lang sanang pera ay mas marami kang mabibili. Sa halip na isipin ang perang wala naman sa iyo bakit hindi bigyang-pansin ang perang nasa kiamay mo? Kung paano ito kokontrolin para sa susunod ay hindi ka nagtataka kung bakit madaling maubos ang iyong pera.

Mahalaga ang pagbabadyet. Kapag sumuweldo itabi agad ang badyet sa pamasahe, pagkain at mga bayarin para hindi na magastos pa. Planuhin din ang mga bagay na bibilhin para maging organisado ang lahat. Pero huwag gagastos nang higit pa sa kinikita. Ito kasi ang nakasanayan ng iba, ang resulta malayo pa ang suweldo ubos na agad ang pera kaya nagkakautang. Bago bumili ng isang bagay tiyakin munang kailangan mo ba ito o kagustuhan lang? Maging praktikal, pangangailangan muna bago ang kasiyahan para sa sarili. Huwag taglayin ang ugaling 'ubos-biyaya bukas nakatunganga' porke't may pera panay na ang gastos.

Importante rin na kapag may nais bilhin ay mag-canvass muna. Sa paghahambing-hambing ng mga presyo malalaman kung saan makakatipid. Huwag masyadong masilaw sa mga branded o sikat na produkto. Basta kilatisin lang ang murang produkto kung substandard pero marami sa mga ito na maganda rin ang kalidad. Bumili sa mga palengke na mura lang ang paninda, maramihan na ang bilhin kaysa bumili ng patingi-tingi sa tindahan. Tutal, dito rin naman galing ang kanilang paninda kaya't makatitipid ka.

Huwag magmamadali kapag may gustong bilhin na appliances at kukuha ng hulugan. Sa unang tingin makaluluwag ka dahil down payment lang ang kailangan at magagamit na ang produkto. Pero kung susumahin magiging doble o triple pa ang babayaran! Kaya mainam na pag-ipunan na lang para makabili Pero kung may kasangkapan na at gusto lang ay makasunod sa kung ano'ng latest aba'y mag-isip-isip ka. Nagbabago ang teknolohiya dahil ang uso ngayon bukas hindi na. Hangga't puwede pang gamitin ay gamitin lang para 'di masayang.

Iwasan din ang pagkakaroon ng bisyo dahil imbes na mapunta sa mahalagang bagay ang pera ay napupunta lang sa wala. Alalahaning ang pera ay pinaghihirapan bago makuha kaya hindi dapat mapunta lang sa bisyo.

Hangga't maaari rin ay huwag lumapit sa mga nagpa-5'6 dahil kapag hindi nabayaran ay lumalaki lalo ang inters. Mabuting huwag na lang mangutang kung wala namang inaasahang pambayad. Kaya nga mahalaga na mag-impok ng pera para kapag may emergency may magagamit. Kahit pabarya-barya lang kapag naiipon ay dumadami rin.

Saturday, November 8, 2014

Halaga ng Documentary Film

Mahalaga ang pagkakaroon ng mga programa se telebisyon na may kinalaman sa dokyu o dokumentasyon gaya ng Eye Witness, Reporter’s Notebook, Dokumentado at iba pa. Dahil maraming isyu ang nabibigyan ng pansin o nabibigyan ng linaw.  

Mas malawak  ang dokyu kumpara sa balita dahil ang balita ay maiksi lang. Isa pa, ‘di rin ito naluluma gaya ng balita na napapanis.  Kung may pagkakatulad man ang dalawa, ito ay ang pagsandig sa realidad at hindi kathang-isip lamang. Hindi ito basta kuwento lamang dahil sumasalamin ito kung ano’ng klaseng lipunan ang mayroon tayo. 

Sa mga dokyu, malalim na sinisiyasat ng mananaliksik o tagapag-ulat kung ano ba ang nasa likod ng isyu. Halos lahat ng anggulo ay sinisilip para mahimay nang husto ang istorya. Pilit na tinitimbang ng nag-uulat ang mga bagay-bagay para hindi masabing bias lalo na’t kung ang paksa ay hinggil sa salungatan. Halimbawa kung ang paksa ay tungkol sa naglalabang paksiyon gaya ng sa pulitika o ng mga tao na magkaiba ang paniniwala. 

Hangad ng dokyu na suriin ang isang pangyayari kung bakit nagkaganito o nagkaganun ang mga bagay-bagay. Para higit na maunawaan ng mga manonood ang isang isyu. Katunayan, maraming katanungan na sinasagot ang dokyu. Pati ang ugat ay pilit na kinakalkal para malaman kung saan o paano ba ito nagsimula. Madalas nga lang ay hindi ito natutuldukan dahil patuloy pa rin itong nangyayari. 

Hangad din ng dokyu, kung hindi man makapagpamulat o makaimpluwensiya ay nais nitong maihatid ang mga ito sa kinauukulan. Marami kasing mga dokyu na ang pinapaksa ay patungkol sa kahirapan. Hindi sapat na makapag-antig lang ng damdamin ng mga nasa puwesto kundi para makakuha rin ng aksyon mula sa kanila. Yamang ang pangunahing responsibildad ng mass media ay makapagbigay ng serbisyo-publiko bukod sa pagbibigay ng impormasyon. At ang dokyu ay isang mabisang paraan para maiparating ito sa nakararami.

Ang maganda sa dokyu ay hindi limitado ang maaaring paksain. Kahit tungkol sa buhay-buhay ay pupuwede basta interesanteng pag-usapan. Isa sa dokyu na napanood ko ay tungkol sa mga taong grasa. Sa nasabing dokyu ay ipinakita kung paano mamuhay ang taong grasa. Hindi nga lang makausap ng maayos dahill mga wala sa sarili. Ngunit may isa roong nakausap pa ng matino. Dati itong nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Naging palaboy hanggang matagpuan na lang niya ang kanyang sarili na nasa kalsada.

Inalam ng ng programa kung saan nagmula ang taong grasa at napag-alaman nilang may kaya pala ang pamilya nito. Nagpabalik-balik na pala ito sa rehab, hanggang isang araw ay bigla na lamang itong nawala sa paningin ng pamilya. Ipinapakita lang ng nasabing istorya na walang buting idinudulot ang paggamit ng bawal na gamot.



Thursday, October 23, 2014

Kapag Nanalo Ako sa Lotto

Kapag nakakita ka ng mahabang pila ng mga tao, ano agad ang naiisip mo? 'Di ba pila sa Lotto? Parang pelikulang pang-office box hit dahil sa dami ng tumatangkilik dito lalo na kung palaki ng palaki ang premyo. Bakit nga ba hindi, sa hirap na ng buhay sa kasalukuyan ay maraming Pilipino ang umaasa na sana makajack-pot sila sa Lotto para makaalpas sa kahirapan.Ngunit kahit mga de-kotse pa ay naaakit na ring tumaya dahil sa laki ng premyo. Kamakailan nga lamang ay umabot sa mahigit tatlong milyon ang premyo sa Lotto at dalawang indibidwal ang sinuwerte na naghati sa napakalaking premyong ito.

 Sa paglibut-libot ko sa mga tayaan ng Lotto ay nakilala ko si Mang Ed ng Antipolo na nagsabing, "Kaya tumataya ako sa Lotto baka suwertehin, 'pag nangyari 'yun napakalaking tulong nito para sa pamilya ko." Kaya't 'di raw siya tumitigil sa pagtaya sa Lotto kahit madalas ay balik-taya lang ang kanyang napapanalunan. Ayon sa kanya, 'yung sobra lang na pera ang kanyang itinataya para 'di siya kapusin sa budget.

Si Ariel  naman ng Cainta ay tumataya sa Lotto dahil pangarap niyang magkaroon ng puhunan para sa iniisip niyang negosyo at para rin makabili ng bahay at lupa. Nais niyang maging milyonaryo gaya ng mga sinuwerte na sa Lotto. Naniniwala siyang may kaakibat siyang suwerte pagdating sa mga numero. Dahil madalas siyang manalo noon kapag nagkakaroon ng raffle sa kanilang eskuwelahan. Kaya lang sa tagal na niyang tumataya sa Lotto ay ‘di pa rin siya tumatama ng malaki. Pero hindi siya nawawalan ng pag-asa dahil ang umaayaw daw ay hindi nagwawagi.
                                                                                                                      
Lahat ng nakausap ko ay may kanya-kanyang plano kung sakaling sila ay tumama sa Lotto. Mayroong nagnanais na maipagamot ang kanyang may sakit na ina,may gustong magkaroon ng sasakyan at marami pang iba. Pero ang puno’t dulo lang naman ng lahat ng ito ay para makatikim ng maginhawang pamumuhay.

Ngunit 'di lahat ng tumataya sa Lotto ay nakatuon lang sa materyal na bagay. Mayroon ding tumataya para makatulong sa kapwa. Gaya ng aking nakausap na ayaw magpabanggit ng pangalan. Kaya raw siya tumataya ay batid niyang malaking porsiyento ng kinikita sa Lotto ay napupunta sa pagkakawanggawa ng PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office). Nang tanaungin siya kung ano ang gagawin niya kapag nanalo siya sa Lotto, "Eh, 'di mas maganda para may mai-donate ako sa isang charity institution."

     Ngunit anu't anuman ang dahilan ng pagtaya sa Lotto sabi nga ng iba; huwag iasa ang lahat sa suwerte. Samahan din ng pagsusumikap para makamit ang mga mithiin sa buhay.

Wednesday, September 10, 2014

Pinoy Game Show

          Mula noon hanggang ngayon ay patok na patok pa rin ang mga game show sa telebisyon. Katunayan ay dumadami pa nga ang mga ito. Nakaaaliw tingnan ang mga kalahok dahil punung-puno sila ng sigla habang sumasagot sa mga tanong. Maging ang mga nasa bahay lang at nanunuod lang ng telebisyon ay tila kasali rin sa programa. Nakikisagot din kasi ang mga ito. Kapag tama ang kanilang nasabi ay pakiramdam nila ay para na rin silang nanalo.

          Kung may maganda mang epekto ang mga game show, ito ay pagtatamo ng premyo ng mga nananalo. Siguradong makatutulong ito sa kanilang pamilya lalo na't mahirap ang kumita ng salapi sa panahong ito. ‘Yun nga lang ay malungkot ito para sa mga hindi nanalo. Hindi rin naman kasi biro ang kanilang pinagdaanan, mula sa pag-a-audition hanggang sa eleminaton round. Pero ang maganda, kahit wala sa aktuwal na palabas ay maaari kang maging  home partner o ‘di kaya’y sumali sa pamamagitan lang ng pag-text.

        Kung may masama mang epekto ang mga game show, ito ay ang pagkasilaw sa salapi ng mga tao ayon na rin sa mga sociologist. Lalo na’t ito naman talaga ang pangunahing dahilan kung bakit sila sumasali sa ganito. Habang tumatagal ay tumataas din ang premyo sa mga game show at mayroon pa ngang umaabot na sa milyon! Ang sabi pa ng iba ay nakapagpapapurol din ito ng utak. Dahil ultimo bata ay masasagot ang tanong ng mga host. Maliban na lang doon s amga game show na ang sumasali ay mga professional dahil mahihirap ang mga tanong.

        Hindi maikakaila na naging bahagi na ng buhay nating mga Pinoy ang pagkahumaling sa mga game show. Pero dapat isa-isip ng mga sumasali rito na isa lamang itong laro. Manalo o matalo dapat ay maluwag na tanggapin. Mali ring iasa rito ang ating mga kapalaran lalo na’t suwerte-suwerte lang ito.

Monday, July 14, 2014

Tips sa Pagbabawas ng Basura

Basura ang madalas na nagiging problema sa mga komunidad. Napakapangit tingnan kung maraming kalat na makikita sa paligid. Kaya’t kinakailangan talaga natin ang maging organisado pagdating sa bagay na ito. Narito ang ilang tips para mabawasan ang ating mga basura sa bahay.

Kung mayroon kayong bakuran o espasyo sa likod ng bahay ay maaaring magsagawa ng composting. Kinakailangan lang maghukay ng lupa at dito ang mga pinagbalatan ng gulay o yaong tinatawag na organic matter hanggang sa mabulok. Nakabawas ka na ng kalat ay mayroon ka pang libreng fertilizer na siguradong malusog dahil walang halong kemikal.

Siyempre, mahalaga rin ang pagre-recycle ng mga basura. Ang mga plastic, aluminum, bote at iba pa ay mainam na ibenta sa junkshop. Kahit kaunting pera lang ang makukuha ay makadadagdagag na rin ito sa budget ng pamilya. Maging ang mga pamahalaang lokal nga sa atin ay nakaiisip na ring maglagay ng ng Material Recovery Facility sa kani-kanilang bayan para ang mga basurang maaari pang pakinabangan ay maibenta nang sa gayun ay makadagdag ito sa kanilang pondo.

Kung sakali namang may mga lumang damit na gusto nang idespatsa ay huwag itong itatapon basta. Kung maayos pa naman ay puwedeng magsagawa ng garage sale. Kung ayaw naman ay may mga tindahan ng ukay-ukay na tumatanggap ng mga damit buhat sa iba buklod sa kanilang pinagkukuhaan. Kung ayaw naman ay maaaring i-donate na lang ito sa mga institusyong tumutulong sa mga kapuspalad nating kababayan.

Kung marunong magkumpuni ng mga sirang kasangkapan o mga gamit ay ayusin na lang para hindi ito makadagdag sa basura. Kung hindi naman marunong ay mayroon namang mga naaarkilahang gumawa. Nakabawas ka na sa basura, nakatipid ka pa dahil ‘di mo na kailangang bumili pa ng bagong kagamitan.
Kapag namamalengke naman ay magdala na lang ng sariling lalagyan gaya ng bayong at dito ilagay ang mga pinamili. Kapg hindi mo ito ginawa ay katakut-takot na plastic na naman ang iuuwi mo. At alam naman nating ang plastic ay libong taon ang aabutin bago ito mabulok. Kaalinsabay na rin ng pamimili ay laging isaisip ang mga bagay na talagang kinakailangan. Kapag nagkataon kasi ay magiging basura lang din ito sa kinalaunan.

Para maiwasan ang pagtatapon ng mga tirang pagkain ay huwag magtitira kapag kumakain. O ‘di kaya’y kapag hindi kayang ubusin ay ilagay muna ito sa loob ng ref para hindi mapanis at kainin na lang kapag nagutom uli.
Gumamit ng mga bagay na reusable kaysa disposable. Imbes na paper towel ang gamitin ay gumamit ng basahan para nalalabhan.

Wednesday, February 5, 2014

Facebook sa Buhay ng Mga Pinoy

                Sampung taon na pala o isang dekada na pala sa kasalukuyan ang Facebook. Kung hindi ako nagkakamali kasabayan lang ito ng Friendster. Pero siyempre mas unang pumatok ang Friendster. Karamihan naman siguro sa atin ay merong accont dito. Sa pagkakaalam ko, taong 2008 pa bago unti-unting pumasok sa buhay nating mga Pinoy ang Facebook.

                Sa umpisa, and’yan pa rin naman ang Friendster at hindi basta nasasapawan. Pero mas maraming innovation ang Facebook kaya’t nagustuhan natin ito. Una, meron itong chat at meron ding real news feed. Kaya’t alam mong on time ang post ng iyong mga ka-FB. Puwede ring gumawa ng fan page kaya’t marami sa atin ang bigla na lang mga naging instant celebrity. Dahil na rin sa dami ng likes o followers. Sa ganitong paraan na nga sinusukat ng ilan ang kasikatan ng isang tao, organisasyon at iba pa. Naging daluyan din ang Facebook ng promotion ng iba’t ibang bagay. Bakit hindi? Eh. Ang daming makakakita kapag nag-post ka rito. Basta ang daming puwedeng gawin sa Facebook kumpara sa Friendster. Kaya’t dumating ang araw na tinanggap na lang nila na natalo na sila ng Facebook. Mula sa pagiging social media ay naging pang-games na lang ito. At least, hindi sila nagsara. Hindi lang naman Friendster ang pinataob ng Facebook pati na rin ang Multiply, My Space at iba pa. Kahit pa may Twitter ay ‘di nito napapataob ang Facebook.

                Sinasabing ang Facebook ay nilikha lamang ng founder nito na si Mark Zuckerberg sa kanyang kuwarto noong siya ay nasa kolehiyo pa lamang. Dahil sa imbensyon niyang ito ay naging bilyonaryo na siya. Puwede nang ihanay kina Bill Gates at sa namayapa nang si Steve Jobs. Kung may magkakapareho man silang mga katangian, marahil ito ay ang pagiging malikhain at hindi basta-basta sumusuko. Pang-estudyante nga lang ang Facebook noong una. Hanggang sa lumawak na ang saklaw nito at naging pang-buong mundo na. Sa kasalukuyan ay meron na itong mahigit isang bilyong user. Kung magiging republika nga raw ang Facebook ay susunod na ito sa Tsina na may pinakamalaking populasyon sa mundo. Siyempre, malaki ang ambag nating mga Pinoy sa bilang na ito. Sa dami ba naman ng mga adik sa Facebook sa Pilipinas. Halos lahat ng kakilala natin ay may account na sa Facebook. ‘yung iba nga, higit pa sa isa ang account. Puwedeng sobrang dami nilang mga kaibigan o ‘di-kaya naman ay may ibang purpose kung saan gagamitin ang ibang account.

                Siyempre, ang Facebook ay may mabuti at masamang epekto. Depende na lang kung saan natin ito gagamitin. Ang maganda rito, kahit gaano pa kalayo ang pagitan natin sa isa’t isa, kapag nag-uusap tayo sa Facebook ay para bang magkaharap lang tayo. Mula balitaan hanggang walang kawawaang mga status ay ipinu-post natin sa Facebook. Para tuloy naging bukas na libro na ang buhay ng marami sa atin. Anumang emosyon ay ating ibinabahagi, maging pagkatuwa, lungkot, galit at iba pa. Ang mga walang imik sa personal ay nagiging madaldal sa Facebook. ‘Yung iba naman kung makapagsalita ay akala mo ay kung sino nang matapang. Hindi naman sigurado kung kaya bang panindigan ang kanyang sinasabi sa personal. Dahil din sa Facebook ay nahahanap natin ang mga taong matagal na nating ‘di nakikita. Nagkaroon na ng maraming reunion dahil dito.

                Ang nakatutuwa pa sa Facebook ay lumalabas ang pagiging masayahin nating mga Pilipino. Kasi halos lahat ng pumuputok na isyu ay ginagawan ng iba ng meme o ng mga kuwelang litrato. Sa ganito na lang kasi nailalabas ng iba ang kanilang komento sa nangyayari sa lipunan. Nagsisilbi itong parody para manatili tayong may pakialam sa isyu. Huli na nila ang isyu ay huli pa nila ang kiliti ng mga user. Ang ilan nga dito ay sadyang katuwaan lang. Kaya’t makitawa na lang para makasabay kung ano ang in. Pero napatunayan na rin na ang Facebook ay kayang magpakilos ng mga tao. Naging bahagi na ng kasaysayan ng bansa natin ang Milion People March na bunsod na rin ng sentiyemento natin hinggil sa usaping pork barrel scam.

                Pero sadyang may mga tao na ginagamit sa kalokohan ang Facebook. Nand’yan ang magkalat ng kung anu-anong nakakaiskandalong larawan o video. Ginagamit din ito ng iba para siraan ang mga taong kagalit o kaaway nila. Ilang buhay na rin ang nasira dahil sa ganitong klase ng gawain. May mga nagtatago rin sa mga pekeng litrato at pangalan. Kung tawagin natin sila ay mga poser. Nand’yan ‘yung mambuwisit sila kapag nagku-comment sa post ng iba. Meron ding mga nang-i-scam sa ginagawa nilang transaksiyon sa Facebook. At ang masakit, may mga nangyayaring karumal-dumal na krimen dahil dito.  Kaya’t ibayong ingat lang ang gawin dahil karamihan sa ating mga ka-FB ay hindi naman natin kilala ng personal.

                Anuman ang epekto ng Facebook sa buhay natin ay dapat natin itong ipagpasalamat sa gumawa nito. Nasa atin na rin naman kasi kung paano natin ito gagamitin. Para lang itong itak, puwede mong gamitin pangsibak ng kahoy o pansibak ng tao. Masaya ako at nakalikha ako ng libro tungkol sa Facebook. Ang librong ito ay may pamagat na Adik sa Facebook na inilabas ng Psicom Publishing noong Mayo 2011. Lahat ng aking obserbasyon ay nakasulat sa librong ito. Mula nang malathala ang librong ito ay marami na ring naging pagbabago ang Facebook. Pero ang gawi at pag-uugali ng mga user nito ay ganun pa rin naman. Kaya’t masasabi kong ‘di pa naluluma ang nilalaman ng librong ito.

                Marahil magtatagal pa nang husto ang Facebook dahil naging parte na ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Pero sana lang ay huwag kalilimutan na ang virtual na mundo ay hindi ang mismong realidad kundi bahagi lang ito ng realidad. Kaya’t mabuting huwag masusobrahan ng paggugol ng oras sa Facebook. ‘Ika nga, lahat ng sobra ay masama. Bago ko malimutan, nais kong batiin si Mark Zuckerbers sa napakagaling niyang imbensyon. Hey, Mark I want to salute you. Happy 10 years anniversary of Facebook!!!




Sunday, May 2, 2010

Jejemon: Bagong Wika ng Mga Kabataan



Kaalinsabay ng paglaganap ng texting ay nauso rin ang pagpapaiksi o shortcut ng mga salita. Ito ay para magkasya ang mensaheng nais sabihin sa ka-text. ‘Di natin namamalayan na gumawa na pala ito ng bagong paraan ng pakikipagtalastasan. Ngayon ay nagkaroon na ng tinatawag na ‘Jejemon.’

Sinasabing ang Jejemon ay halaw sa salitang ‘jeje’ na ipinalit sa salitang hehe. Samantalang ang ‘mon’ naman ay halaw sa sikat na animation na Pokemon. Ang mga Jejemon ay iniiba ang spelling ng mga salita. Halimbawa, ang letrang S ay pinapalitan ng Z at nagsisingit din ng ng mga letrang H sa isang salita. Ang salitang hello kung spellingin nila ay Eow. May mga pagkakataon din na mahirap nang basahin ang paraan ng kanilang pagtext dahil ang ilang mga letra ay pinapalitan na ng mga letra. Bukod sa paraan ng pagti-text ay nagkaroon din ng sariling istilo sa pananamit ang mga Jejemon. Sila ay nagsusuot ng makukulay na mga sombrero at damit. Dahil sa pagiging makulay ay nagmumukhang cool. Ibang-iba sa mga tinatawag na EMO na laging nakaitim dahil kalungkutan naman ang kanilang tema.

Ngunit mayroon ding mga hindi natutuwa sa Jejemon dahil hirap na hirap silang intindihin kapag ganito ang kanilang ka-text. May mga nagsasabi rin naman na pang-jologs o baduy daw ito. Samantalang para sa mga konserbatibo ay sinasabi naman nilang ‘di maganda ang epekto nito sa ating wika. Dahil sa sobrang inis ng ilan sa mga Jejemon ay nagkaroon pa ng kampanya sa Internet laban sa kanila. Pero kung tutuusin, kanya-kanyang trip lang naman ‘yan.

Kung tutuusin ay hindi na rin naman bago ang ganitong tagpo. Sadyang nagkakaroon ng ebolusyon ang wika. Noon ay nauso ang mga salitang kanto na hanggang ngayon ay ginagamit pa rin natin tulad ng mga salitang astig, haybol at iba pa. Kasama na rin ang pagrarambol o pagbabaliktad ng mga salita. Ang pare ay ginagawang erap o repa, na kapag dinagdagan pa ay nagiging ‘repapips’ na. Maging ang ilang salitang panlalawigan ay ginagamit na rin ng mga Tagalog. Samantalang ang mga wikang Ingles ay ini-espelling natin ng direkta sa Pilipino. Kahit mayroon naman itong katumbas sa wika natin. Halimbawa lang rito ay high school na ginagawang haiskul gayung puwede namang sekondarya.

Siyempre, nariyan din ang tinatawag na gayspeak, na kahit ‘di naman mga kasapi ng pederasyon ay gumagamit din ng kanilang mga salita. Isama na rin natin ang paraan ng pananalita ng mga cono na mahilig mag-taglish tulad ni Kris Aquino. Nagkakaroon ng ganitong bagong paraan ng kominikasyon para maiba naman sila sa karamihan. Ngunit dahil sa nagiging popular ito ay hindi maiiwasang tangkilikin na rin ito ng nakararami. Sa ngayon ay panahon muna ng mga Jejemon. Sana lang ay piliin nila kung sino lang ang dapat na padalhan ng ganitong uri ng text para ‘di mahilo ang magbabasa. Ngunit asahang sa hinaharap ay mayroon na namang bagong uri ng pakikipagtalastasan na uusbong.

Para sa iba pang babasahin.

Wednesday, January 6, 2010

Seb Chua: Sa pagitan ng canvass at eskultura


Posible bang pagsabayin ang dalawang magkaibang larangan, ‘di ba’t parang ito ay paglilingkod sa dalawang panginoon? Ngunit kung sining ang pag-uusapan ay puwedeng-puwede ito, ang eskultura at pagpipinta ay magkaugnay dahil pareho itong nagmumula sa malikhaing pag-iisip ng isang artist. Ang dalawang ito ang humahati puso’t isip ni Seb Chua, bukod sa mahusay na painter ay isa ring maipagmamalaking eskultor sa ating bansa. Ang mga gawa niya ay matatagpuan sa Artasia na nakapuwesto sa isang sikat na mall sa Mandaluyong, Metro Manila.

Siya Seb ay isang post modern artist na nahihilig sa istilong abstract sa kanyang mga ipinipinta. Kung pahapyaw lang ang pagkaunawa sa sining ng titingin ay maaaring hindi niya ito magustuhan. Kapag sinabi kasing abstract ang unang maiisip agad ng mga tao ay ang pagiging malayo nito sa katotohanan. Ngunit mapa-abstract man o hindi, ang lahat ng ito ay hinugot sa mayamang imahinasyon ng artist. Ang mga painting ni Seb ay punung-puno ng buhay dahil sa makukulay ang mga ito. Iba ang hagod ng kanyang mga kamay, kayang-kaya niyang paghalu-haluin ang iba’t ibang kulay. Kung anu-ano’ng klase ngang hugis ang kanyang nabubuo, ang kailangan lang ay pansinin ang mga ito.

Kung abstract naman ang hilig niyang ipinta, pagdating sa kanyang eskultura ay mapapansin agad ang nais niyang ipahiwatig. Ang kanyang medium ay marble at bronze. Lahat diumano ng kanyang mga inilililok ay nagpapakita ng pagiging postibo tulad ng pag-aalaga, pagmamahal, pakikiisa at iba pa. Kung dami lang din ang pag-uusapan ay ‘di na mabilang ang kanyang mga naililok. Ilang beses na rin siyang kinomisyon ng iba’t ibang mga ahensiya para gumawa ng eskultura sa kanila. Kabilang na rito ang Unicef, binuo niya ang kanyang obra na pinamagatang “Mother Love” na tumatalakay sa programang paglaban ng neonatal mortality ng naturang ahensiya. Ginawa rin niya ang “The Serving Lion” na sumisimbolo sa pagtulong ng kapwa ng mga kasapi ng Lion’s Club, San Juan Chapter. Inukit naman niya para sa Philippine Animal Welfare Society(PAWS) ang obrang pinamagatang “The Gurdian,” ito naman ay tungkol sa aso na nagsisilbing bantay at kaibigan ng mga tao. Marami sa mga inilililok niya ay mga hayop, nagpapakita lang ito ng kanyang pagmamahal sa mga hayop.

Ang husay sa paglililok ay namana ng kanyang anak na si Eusebio Ehron Kylo Y. Chua, na nagwagi ng 2nd honorable mention sculpture category sa katatapos lang na 42nd Shell National Student’s Art Competition. Tunay ngang ang dugong nananalaytay sa mga ugat ni Seb ay sadyang nakatalaga na para sa sining!

Sunday, November 15, 2009

Freely Abrigo: Astig na kartunista!


Hawak-hawak ni Freely ang karakter niyang si Kulas.


Kung pahusayan lang din sa pagguhit ang pag-uusapan ay ‘di pahuhuli si Freely Abrigo, isang freelance cartoonist na maipagmamalaki ng ating bansa. Masasabing kahanay siya ng iba pang magagaling na kartunista sa atin gaya nina William Conteras, Bladimir Usi at iba pa.

Taong 1994 pa nang unang mailathala ang kanyang comics strip sa isang national tabloid at kinalaunanan ay ginawa na niya itong karera. Buhat noon ay kung saan-saang tabloid at magazine na siya nakapag-drawing. Bukod kasi sa napagbibigyan ang hilig ay nakapagbibigay pa siya ng kasiyahan sa mga tao. Kung kaya’t ‘di na niya kaya pang bitawan ang pagdra-drawing dahil ito talaga ang kanyang linya.

Ang pagkahilig sa sining ay waring namana niya sa kanyang ama na dating manunulat. Ang sa kanya nga lang ay sa pagguhit, pero ang maganda kay Freely ay sanay na siyang magbitaw ng mga comics dialogue. Patok ang kanyang mga jokes, nakatutuwa rin ang hitsura ng kanyang mga comics character. Ayon sa mga kapwa niya kartunista, ang hitsura ng kanyang mga character ay parang gawa ng foreigner. Pero Pinoy na Pinoy naman ang oryentasyon. Si Freely ang may likha ng pamosong comics character na si Kulas, ito ay regular na lumalabas sa Manila Bulletin. Nailathala pa nga ito bilang isang aklat noong taong 2007, sa ilalim ng Visual Print Enterprises.

Pagdating naman sa pagguhit ng editorial cartoons, nakukuha agad niya ang gustong palabasin ng nagpapaguhit sa kanya. Pero kahit ‘di pa utusan ay kayang-kaya niyang bigyan ng interpretasyon ang mga mensahe na ipinapabasa sa kanya. Mahusay din siya sa paglikha ng caricature ng mga sikat na personalidad man o hindi at ang kakayahan niyang ito ay nagagamit niya sa kanyang propesyon. Bukod sa pagdra-drawing sa iba’t ibang uri ng babasahin ay naranasan na rin niyang mag-drawing para sa t-shirt na idinidisenyo ng Spoof Unlimited.

Ngunit kung titingnan ay malayo sa personalidad ni Freely ang kanyang mga iginuguhit dahil kadalasan ay tahimik ito at seryoso. Kumbaga, hindi pa-kengkoy kung kumilos. Ang katangian niyang ito ay maaaring iugnay sa kanyang pagiging seryoso sa trabaho.
Sa puntong ito ay sadyang nakadadaya ang panlabas na kaanyuan. Dahil sa kanyang kalooban ay isang masiyahing Freely ang naghahari, na kapag humirit ay siguradong kuwela!

Sa kasalukuyan ay abala si Freely ‘di lamang sa pagguhit ng kanyang Kulas komiks, marami pa siyang ginagawa. Kabilang na rito ang pagguhit sa Filipino Magazine na ang distribusyon ay nakabase sa Guam. Gumuguhit din siya sa lokal magasin na Pambata Magazine. Pinagtutuunan din niya ng pansin ang paggawa ng indie komiks, ang sinasabing bagong mukha ng industriya ng komiks. Ito na rin ay para maitaguyod pa niyang lalo ang pagmamahal sa sining. Isa rin siya sa mga aktibong kasapi ng Samahan ng mga Kartunista sa Pilipinas(SKP).

‘Yan si Freely Abrigo, panalo!

Tuesday, September 29, 2009

Sa pag-ugoy ni bagyong Ondoy!







Kamakailan lamang ay rumagasa ang bagyong si Ondoy. Maraming lugar sa Metro Manila ang nalubog sa baha. Ganun din naman sa bayan ng Rizal kabilang na ang Cainta, San Mateo at Rodriguez at iba pa na binaha rin nang husto. Wala ritong kawala mapahirap man o mayaman. Katunayan ay maraming mga subdibisyon ang lumubog sa baha. Nag-iwan si Ondoy nang mahigit sa isang daang patay at pagkasira ng milyun-milyong halaga ng ari-arian.

Kahit pa ang mga lugar na dating hindi naman binabaha kapag mayroong bagyo ay binaha rin. Ang isa sa matinding dahilan, bukod sa malakas ang bagyo ay ang mga baradong kanal na dulot ng mga basura!

Iba’t ibang kuwento o eksena rin ang nalikha ni Ondoy. Nariyan ang ipinamalas na kabayanihan ng mga rescuer, na hindi nagdalawang-isip na tumulong sa mga na-trap sa kani-kanilang ikalawang palapag ng bahay o ‘di kaya’y sa bubungan. Kahit ang simpleng pag-alalay lang sa mga tumatawid sa baha at pagtutulak ng mga sasakyang lumubog sa baha ay maituturing na ring isang kabayanihan.

Marami ring na-stranded na mga pasahero kung saan-saang lugar. Kabilang na ang mga galing Cubao na pauwi sa Cogeo, Antipolo at iba pa. Nagmistula tuloy alay-lakad ang eksena, ‘yun nga lang ay sa baha! Marami namang truck ang nagpasakay kaso sa dami ng mga tao ay ‘di nila kayang isakay ang lahat. Isa pa, usad pagong din ang andar ng sasakyan kaya’t mas pinili talaga ng iba na maglakad para lang makauwi sa kani-kanilang bahay.

Ang kahabaan ng Marcos Hi-way papuntang Masinag ay nagmistulang ilog. May mga kababayan pa tayo na ginawang raket ang pagpapasakay sa kanilang balsa-balsahan. Habang ang ilan naman sa mga bata ay nagsipaglaro at lumangoy pa sa gitna ng baha. ‘Di alintana na maaari silang magkaroon ng sakit sa balat dulot ng maruming tubig.

Siyempre, bumaha rin ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kaliwa’t kanan din ang mga isinagawang medical mission. Masarap isipin na kapag ganitong may sakuna ay nabubuhay ang diwa ng bayanihan sa ating mga Pinoy. Maging si Apple Deapp, isang Pinoy na mieyembro ng international group na Black Eye Peas ay nanawagan pa sa buong mundo na tulungan ang mga biktima ng bagyo sa atin.

Ang maganda sa atin, kapag may dumarating na sakuna ay nagagawa pa nating ngumiti at tumawa. Ang iba nga ay idinadaan sa biro ang mga pangyayari. Kahit mayroong nang nakikitang lumulutang na ahas ay idinadaan sa biro. May ilan nga lang na nakagat ng ahas. Marahil ay alam nating huhupa rin ang malakas na ulan at muling sisikat ang araw.

Isang taos-pusong pakikiramay sa lahat ng mga namatayan ng kaanak dahil sa pananalasa ni bagyong Ondoy.

Monday, August 24, 2009

Relihiyon at pulitika




Dalawang lider-relihiyon na ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na tumakbo bilang pagka-presidente sa halalan sa taong 2010. Sila ay sina Bro. Mike Velarde ng El Shaddai Movement at Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord Movement, kapwa mayroong ilang milyong miembro. Matatandaang noong taong 2004 ay tumakbo na rin si Bro. Eddie sa panguluhan. Samantalang si Bro. Mike ay kilalang taga-suporta lamang ni dating Pangulong Joseph Estrada. Bukod sa kanila ay nariyan din si Among Ed Panlilio, na isang pari na naging gobernador ng Pampanga.

Nagsawa na kaya ang mga taga-Simbahan sa sistema ng pulitika sa bansa kung kaya’t maging sila ay nakikisawsaw na rin sa pulitika? Magagawa kaya nilang alisin ang korapsiyon sa gobyerno kung sakaling isa man sa kanila ang maging pangulo ng Pilipinas? Tutal sila ay hindi mga trapo bagkus ang taglay nilang prinsipyo ay nakasalig sa kanilang pagiging alagad ng Diyos. Hindi matatawaran ang kanilang integridad dahil sa kanilang pagiging pagiging lider ng Simbahan. Kumbaga, hindi sila magiging korap dahil naruon na ang pagkatakot sa Diyos sa kanilang mga isipan. Ang problema nga lang, sa dami ng dominasyon sa Pilipinas ay tiyak na hati-hati ang mga ito. Maging ang ilang kapwa pari nga ni Among Ed ay tutol sa balak niyang pagtakbo sa pagka-presidente. Kaya’t paano nila kukunin ang kanilang mga suporta? Isama pa natin dito ang ilang mga pulitiko na nagpahiwatig na ng kanilang pagnanais tumakbo sa pagka-pangulo. Tiyak na magiging labu-labo ang eleksyon sa pagka-pangulo sa 2010 dahil sa dami ng inaasahan ng mga kandidato.

Sinasabi pa ng iba na sadyang magkaiba ang relihiyon sa pulitika. Pero karapatan din naman nilang tumakbo lalo’t hinahangad lang nila ay pagbabago katulad ng pinapangalandakan ng mga kandidato kapag papalapit ang halalan. Kung tutuusin ay hindi na bago ang pagtakbo ng isang taga-Simbahan sa pulitika. Minsan ay tumakbo na rin sa pagka-pangulo ang tagapagtatag ng Philippine Independent Church o Aglipayan Church na si Gregorio Aglipay noong panahon ng Commonwealth. Ngunit siya ay tinalo ni Manuel L. Quezon sa eleksyon noong taong 1935. Kaya’t ang buong panahon ni Aglipay ay itinuon na lamang niya sa pagpapalawig ng kanilang samahan.

Ngunit kahit wala pa sa pulitika ay hindi nawawalan ng kapangyarihan o impluwensiya ang relihiyon. Malilimutan ba natin ang ginawang pag-akay sa mga tao ng namayapa nang si Cardinal Sin na magtipun-tipon sa makasaysayang Edsa 1 para pabagsakin ang diktadurya ng rehimeng Marcos? Masyado ring vocal ang relihiyon partikular ang Simbahang Katoliko kapag mayroong mga isyung maaaring makaapekto sa moralidad ng mamamayan. Ipagpalagay man ng iba na nasobrahan lang sila sa pagka-konserbatibo. Kinukuwestiyon pa nga ito ng iba dahil nakasaad mismo sa Konstitusyon ang paghihiwalay ng Simbahan at ng Estado kung kaya’t hindi dapat sila makialam sa pulitika. Ngunit kung iisipin ay trabaho rin nilang pangalagaan ang kapakanan ng kanilang kawan sa mga bagay na alam nilang makasasama sa pag-iisip ng mga tao. Mahirap naman ‘yung nakikita silang may maling nangyayari sa lipunan pagkatapos ay hindi sila magsasalita.

Ngunit isa lang ang sigurado, kinakailangan din ng mga pulitiko ang relihiyon. Kaya nga’t nililigawan nila ang mga ito para makuha ang kanilang basbas. Sa dami ba naman ng mga miembro ng isang relihiyon. Natural lamang na lalakas ang kanilang tsansa na magwagi ang isang kandidato. Ngayong ang ilang mga taga-Simbahan naman ang tatakbo kailangan pa ba nila ng basbas ng mga pulitiko? Hmmm…
-William M. Rodriguez II

Monday, August 17, 2009

Isang kagat sa karera ng aso


Patuloy pa ring nakabinbin sa Kongreso ang pagsasabatas sa pagkakaroon ng karera ng Greyhound sa bansa partikular sa Cebu at Luzon . Ang greyhound ay isang uri ng breed ng aso na malaki at mabilis tumakbo. Kaya naman ginagamit sa karera sa ibang bansa. Mayroong dalawang bersiyon para rito kapwa sa Mababa at Mataas na kapulungan ng Kongreso. Ito ay ang House Bill 5291 at Senate Bill 5648.

Layunin diumano ng ganitong panukalang batas na mabigyan ng trabaho ang mga tao. Ngunit ito ay mariing tinututulan ng mga animal lover. Kabilang na rito ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na nagtataguyod para sa kapakanan ng mga hayop. Ayon sa mga tumututol sa pagsasabatas ng karera ng mga greyhound ay magbubunsod lang ito ng kalupitan sa aso. Dahil kapag wala nang naging pakinabang pa ang isang greyhound sa bandang huli ay ididespatsa rin ang mga ito. Patunay diumano rito ang walang habas na pagpaslang sa mga aso kapag ito na ay kanilang pinag-retiro. Subali’t sinasabi ng mga mambabatas na nagtataguyod sa panukalang batas na ito ay hindi raw nila ito gagawin bagkus ay kanila pa ring aalagaan kahit hindi na nagagamit pa sa karera.

Sa ibang bansa ay laganap ang Greyhound racing partikular sa USA . Subali’t ilan na sa kanilang Estatado gaya ng Guam at New Hampshire ay itinigil na rin nila ang ganitong gawin dahil sa hindi naging magandang epekto nito sa mga hayop at maging sa tao na rin. Kaya’t bakit nga ba naman natin yayakapin pa ang isang batas na ibinabasura na ng iba. Maaaring ito ay makapagbigay ng trabaho sa iilan. Ngunit ilan namang tao ang mawawalan ng trabaho kung sakaling ito ay maisabatas sa atin? Ang higit lang diumano ritong makikinabang ay ang Fox New Millenium Amusement Club Inc. at Southeast Asia Greyhound Racing Club Inc., mga samahang sumusuporta para maisabatas ang karera ng mga greyhound sa ating bansa. Kung tutuusin ay marami na nang mga sugal na atin and’yan ang sabong ng manok, karera ng kabayo at kung anu-ano pa. Kaya’t bakit kailangan pa itong dagdagan?

Ayon pa sa mga kritiko ng greyhound racing, magdadagdag lang ito ng pagbaba ng moralidad ng ating mga kababayan, magpapalala ng krimen at siyempre ng kalupitan sa mga hayop. Sa ibang bansa diumano ang mga mananaya ng greyhound racing ay yaong mayroong maayos na kalagayan sa buhay. Subali’t sa atin, karamihan diumano sa magiging parokyano nito ay ang mga mahihirap nating kababayan. Aminin man sa hindi ay marami sa mga Pinoy ang umaasa lang sa suwerte kung kaya’t bakit marami ang mahihilig sa sugal.

Sa kabilang banda naman, dapat ay maging mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng pagbabawal ng pagkatay sa aso. Dahil hindi maikakaila na marami pa rin ang kumakatay ng aso kahit pa ito ay ipinagbabawal ng batas. Paano na lang kaya kung maging legal ang karera ng mga aso? Saan pa lulugar ang mga kawawang hayop na ito para matigil ang ginagawang kalupitan sa kanila ng mga tao? Para saan pa at tinawag silang Man’s best friend?

Tuesday, March 31, 2009

Diwa ng Mahal na Araw, nasaan?


Mahal na araw-ito ang panahon kung saan ay dapat ay magtika ang isang tao sa mga nagawa niyang kasalanan.. Paggunita sa Panginoong Cristo Jesus na minsan ay nag-alay ng kanyang buhay para sa ating lahat. Ngunit paano nga ba pinalilipas ng ilan nating mga kababayan ang mahalagang mga araw na ito? Bakit tila naging iba naman ang kanilang pakahulugan dito?

Para sa iba , ang Mahal na Araw ay isa lamang mahabang bakasyon, kung saan dapat ay makapagpahinga mula sa nakapapagod na pagtratrabaho. Mayroon nito para magkasama-sama ang magkakapamilya para magtungo kung sa beach o resort para makapagpalamig. Lalo na ngayon na sobrang init ng panahon dahil sa Global Warming.

Ito rin ang panahon kunsaan ay nagkakaroon ng “Alay-Lakad” papunta sa grotto ng Mahal na Birhen. Isinasagawa ito sa sa bisperas ng Biernes Santo. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng pag-aalay-lakad ay nakakapag-sakripisyo na sila at mababawasan diumano ang kanilang mga kasalanan. Ngunit sa ngayon ay kapansin-pansin ay kakaunti na lang ang mga debotong kalahok dito. Bagkus karamihan ay puro grupo ng mga kabataan ang makikitang naglalakad. Kanya-kanya silang hawak ng bandera na nagbabandong sila ay miembro ng ganito at ganuong samahan. Dahil sa nagkakayabangan ay nagkakainitan at nauuwi pa sa kaguluhan. Mayroon ding magkakaaway na sa kalsada na nagkita kung kaya’t nagpapang-abot. Ilang ulit na ba tayong nakababalita na mayroong nasasaksak habang nag-aalay-lakad? Siyempre, hindi rin nawawala ang “Alay-Ligaw’ dahil mahaba-habang usapan nga naman ang nangyayari habang naglalakad.

Sa kulturang Pinoy ay hindi rin nawawala ang pagpapapako sa krus at pagpapahagupit ng latigo sa katawan. Nais din daw kasi nilang maranasan ang ginawang sakripisyo noon ni Cristo. Ang ganitong tradisyon ay nagmistulang isang malaking palabas dahil maraming mga dayuhan ang dumadayo pa sa ating bansa para lang makapanuod ng ganitong eksena. Maitatanong mo tuloy sa iyong sarili, kailangan pa ba ang ganitong bagay gayung ginawa na nga para sa atin ni Cristo para ‘di na tayo mahirapan? Ang gagawin na lang natin ay pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at huwag na itong ulitin pa. Marami kasi sa kanila pagkatapos diumanong magsakripisyo ay bumabalik naman sa dating masamang gawain.

Ngunit ang iba kahit Mahal na Araw ay ayaw pa ring paawat sa bisyo. Marami pa rin kasing umiinom ng alak kahit bawal kapag Biernes Santo. Ang nakatatawa pa, kapag Biernes Santo rin ay magkabi-kabila ang sabong. Ang Kristo sa sabungan ang kanilang nasasaisip imbes ang tunay na Cristo. Mabuti pa ang mga birhaws nagagawang makisama kapag Mahal na Araw dahil sarado ang marami sa kanila sa ganitong mga araw.

Hindi lamang mga relihiyoso ang may paniniwala sa Mahal na Araw kundi pati yaong mga naniniwala sa mga bagay na mistikal. Sinasabing mainam diumanong gumawa ng anting-anting at gayuma kapag Biernes Santo dahil mas lumalakas ang bias nito. Kung ito man ay may katotohanan nasa kanila na rin ito.

Sana ay huwag nating makalilimutan na ang sentro ng mahal na araw ay mismong si Cristo at hindi ang kung ano pa man.

Tuesday, March 10, 2009

Pinay, sa bayan ni Hitler

Marami sa ating mga kababayan ang nangingibang bansa para magkaroon ng matatag na kinabukasan. Katunayan kahit saang lupalop ng mundo ay may mga Pilipino. Ngunit naiiba si Gina S. Morito, dating taga-Padilla, Antipolo City; nangibang bansa siya para magkaroon ng kalayaan. Kalayaang tumayo sa sariling mga paa. Limang taon na siyang naninirahan ngayon sa West Germany. Ito ay isa sa pinakamaunlad na bansa sa buong mundo. Ang maganda ay hindi ito nakasandig sa ekonomiya ng ibang bansa. Ngunit mayroon din silang mga Amerikanong business partner kaya't 'di maiiwasang maapektuhan din sila ng pandaigdigang krisis.

Ayon kay Gina ay hindi simple ang pamumuhay ng isang dayuhan sa naturang bansa dahil kahit saang aspeto titingnan ay laging paborable ang mga taga-Aleman sa kanilang mga kalahi. Kung trabaho ang pag-uusapan ay napakahirap umanong makakuha roon ng trabaho. Kinakailangan mo munang makapag-asawa ng Aleman para magkaroon ng magandang trabaho. Para hindi ka ituturing na iba sa kanila. Ngunit 'di nangangahulugan na porke't may asawang Aleman ay madali ng makakakuha ng trabahong pampropesyunal. Hindi uso sa kanila ang palakasan gaya sa Pilipinas. Dapat daw ay mayroon kang diploma galing sa kanilang paaralan. Ibig sabihin ay doon ka nakapag-aral ng anumang kurso. Kung hindi man, dapat ay nakapagtapos ka sa isang International School na kinikilala sa buong mundo. Magbuhat kasi nang matapos ang World War II ay naghigpit na ang kanilang pamahalaan sa pagtanggap ng mga dayuhang manggagawa dahil nagiging kaagaw pa nila sa trabaho ang mga ito. Dahil sa ganitong sistema, ang ginagawa ng ilang mga Pinay ay nag-aasawa na lang sila ng Aleman kahit pa sa amoy-lupa para matapos na lang ang kanilang paghihirap. Mayroong sinusuwerte at mayroon ding mga minamalas dahil sadista pala ang napakasalan.

Karamihan diumano sa mga Pinoy sa Germany ay nagtratrabaho bilang part timer gaya ng housekeeper, janitor, cook at kung anu-ano pang mga trabaho na nabibilang sa tinatawag na blue collar job. Si Gina naman ay nagtratrabaho bilang part time tutor, taga-pagluto ng pagkain ng mga bata, english translator at iba pa para lang maka-survive. Ngunit bakit nga ba nagtitiyaga ang mga Pinoy sa Germany kung ganito naman pala kahirap ang kanilang kalagayan? Mas mahirap naman diumano kung sa Pilipinas sila maghahanap ng trabaho dahil hindi rin sila makakaipon. Ang kita diumano ng isang nasa blue collar job ay mas mataas pa sa duktor sa Pilipinas. kaya't paano nga ba naman natin sila masisisi?

Nang kumustahin naman ang imahe ng Pilipinas sa naturang bansa ay sinabi ni Gina na napakasama! Dahil puro pangit na kaganapan pala sa atin ang ipinapakita sa telebisyon gaya ng kahirapan, trahedya, patayan at iba. Nalulungkot diumano si Gina kapag ganito ang kanyang napapanuod gayung marami pa namang bagay na dapat ipagmalaki tayong mga Pilipino. Ngunit ang higit na malungkot ay kanya-kanya ang mga Pinoy doon imbes na magsuportahan sa isa't isa. Dala-dala pa rin ang ugaling talangka o 'yung hilig manghila ng pababa.

Kung ikukumpara naman diumano ang kulutra ng Pilipino sa mga Aleman, ang Aleman ay masyadong nasyonalistiko dahil mas inuuna nilang bilhin ang sarili nilang mga produkto kaysa sa iba. Samantalang ang mga Pinoy ay mahihilig nga sa imported. Sa Germany ay hindi gaanong pinapahalagahan ang wikang Ingles kagaya sa atin na kahit kapwa Pilipino ang nag-uusap ay nag-i-Inglesan pa! Ultimo nga pelikulang galing sa ibang bansa ay isinasalin pa sa wikang Aleman para kanilang maintindihan. Kumbaga, 'di nila kailangang mag-adjust. Ang mga dayo sa kanila ang dapat na makibagay. Samantalang sa atin ay maraming nahuhumaling sa kultura ng ibang bansa partikular sa Western, mapa-kasuotan, pelikula, musika at iba pa.Hindi rin diumano uso ang kurapsyon sa gobyerno roon, 'di tulad sa atin na maraming opisyales ng goberno ang nasasangkot sa mga katiwalian. Sa totoo lang mahirap pagkumparahin ang dalawang bagay na sadyang magkaiba. Ngunit kung mayroon diumano tayong dapat
tularan sa mga Aleman ayon kay Gina ito ay ang pagiging indipendiyente at hindi inaasa ang takbo ng ekonomiya sa ibang bansa.

Ang pangarap ni Gina ay ang makapagpatayo ng eskuwelahan sa pre-school at kindergarten dito sa Pilipinas. Palibhasa ay dating guro sa atin kung kaya't ganuon na lang ang pagpapahalaga sa edukasyon. Para ito ay maisagawa ay kuntodo siya sa pag-iipon at naghahanap din ng financier na maaaring makatulong sa kaniya. Hindi niya alam kung gaano pa siya katagal maninirahan sa Germany. Basta't ang alam niya ay uuwi pa rin siya sa bayang kanyang sinilangan pagdating ng araw. Pero sa ngayon patuloy muna ang kanyang pakikipagsapalaran sa bayan ni Hitler...

Friday, February 20, 2009

Sala-salabat na Sementeryo


Saan ka ba makakakita ng sementeryo na halos araw-araw ay mayroong inililibing? Hindi ito kataka-taka dahil araw-araw ay mayroon talagang namamatay. Subali’t naiiba ang sementeryo ng Sitio Old Boso-Boso, na matatagpuan sa isang liblib na lugar sa lungsod ng Antipolo.

Kahit maliit lang ang semeteryong ito ay abala naman sa pagtanggap ng mga yumao. Minsan ay umaabot pa sa lima ang inililibing dito sa loob ng isang araw. Kaya’t ang mga pari sa naturang Sitio ay abala rin sa pagbabasbas ng mga ililibing. Ilang distanya lang naman mula sa Simbahan ay makararating ka na sa sementeryo. Kabisado na ng mga tao rito kung mayroon na naming patay na inililibing. Dahil makarinig pa lang sila ng tugtog na malungkot ay alam na nilang mayroon namang dadalhin sa sementeryo.

Biro nga ng isang nagpapatago sa pangalang Nena, nakatira malapit sa sementeryo ay baka wala na silang paglagyan kapag sila naman ang pumanaw. Biro lang subali’t may bahid katotohanan. Dahil ‘di magtatagal ay mapupuno na rin ito nang husto. Sana ay ginawa na lang diumanong aparment style o yaong magkakapatung-patong ang mga nitso para maraming espasyo. Hindi kagaya nang ayos nito na sadyang sala-salabat. Dapat diumano ay magpagawa ng bagong sementeryo ang pamahalaang lokal ng Antipolo. Sarado na kasi ang pampublikong sementeryo na nakabase sa bayan. Mahal naman daw kung sa pribadong sementeryo pa sila magpapalibing ng patay at siguradong hindi nila ito kakayanin.

Kung titingnan ay halos mapuno na nga ng nitso ang semeteryong ito. Kung mayroon kang kamag-anak na dito ay nakalibing ay wala kang pagpipilian kundi ang umapak sa mga nitso dahil wala namang ibang madadaanan. Dahil sa kakaapak ng mga tao ay posibleng mabiyak ang mga nitso. Isipin mo na lamang kung ano’ng senaryo ang mayroon dito tuwing sumasapit ang Araw ng Mga Patay. Siguradong siksikan at kanya-kanyang apak ng nitso ng may nitso. Pero mayroon na talaga ritong mga biyak na nitso. Marahil ay inalis na ang kalansay ng nakalibing dito dahil hindi na nababayaran ng mga naiwan nilang mahal sa buhay ang upa sa libingan. Na talaga namang nangyayari, maiisip mo nga saan naman kaya dinadala ng mga sepulturero ang mga kalansay nilang inaalis? Mayroon nga ritong nakalibing na marahil ay dala na rin ng kahirapan ng mga naiwang mahal sa buhay ay iniikit na lang sa nitso ang pangalan nito para magsilbing lapida. Hay, ang hirap na ngang mabuhay, ang hirap pa ring mamamatay!

Monday, December 8, 2008

The Devil Machine


Ang video karera ay isa sa pinakasikat na sugal sa Pilipinas dahil madali lang itong laruin. Mapa-bata man o matanda ay nalululong dito. Maghuhulog ka lang ng barya tapos pipindot ka ng numero ay ayos na, hintayin mo na lang kung tatama ba ito o hindi. Para ka ring nasa Sta. Ana o San Lazaro. ‘Yun nga lang ay nasa loob lang ng screen ang kabayo. Halos kahawig lang din ito ng videoke o ng mga sinaunang video games na hanggang ngayon ay nakakalat pa rin sa mga kanto sa tabi-tabi.
Noong teenager pa ako ay naglalaro rin ako nito, nakakawili kasi. At alam kong ito rin ang dahilan ng iba kung kaya’t naglalaro sila nito. Exciting kasi dahil papiso-piso lang ang taya tapos puedeng tumama ng malaki. Sabay-sabay pa nga kaming maglaro noon ng aking mga kaibigan. Kapag buo ang pera ay nagpapalit lang kami ng barya sa may-ari. May mga kakilala ako na sinusungkit ang barya sa loob sa pamamagitan ng alambre. Ang iba naman ay niyugyog ang katawan ng video karera para lumabas ang barya. Siyempre, ginagawa nila ito kapag walang nagbabantay. Mahirap na at baka mabugbog pa sila.
Noon pa man ay alam ko ng bawal na ang video karera pero sadyang ‘di ko mapigil ang aking sarili. Mabuti na lamang at hindi ako nalulong dito dahil lagi rin naman akong walang pantaya. Pero paano naman ang iba na nalulong rito lalo na ang mga kabataan, na sa mura nilang gulang ay marunong nang magsugal? Tulad ng ibang sugal, kakaunting beses ka lang makakatsamba dahil mas marami mang talo kaysa panalo. Kung kaya’t tinawag itong devil machine dahil sa masamang epekto nito sa mga tao.
Sa totoo lang, ang may-ari lang ng mga video karera ang lubos na dito ay nakikinabang at hindi ang mananaya. Sila ang nagkakamal ng barya-barya man kapag naipon ay aabot ito ng milyon kung maraming video karera ang hawak. Kaya’t kahit ipinagbabawal ay marami pa ring pangahas na ito ang gawing negosyo. Hindi mauubus-ubos kahit ano’ng gawing raid ng mga pulis. Ang malungkot ang ilan sa mga nag-mamay-ari ng devil machine na ito ay mga tiwaling pulis. Kaya’t madali nilang matunugan kung magkakaroon ng operasyon kaya’t naitatago agad nila ang kanilang video karera. Hmm, magmasid-masid sa iyong paligid at sigurado akong may video karera d’yan. Ito pa ang nakatatawa, sa mga alyas-alyas lang nakikilala ang mga may-ari ng video karera ito. Oo nga naman para hindi makilala ang kanilang pagkakakilanlan. Dito sa Rizal matunog ang alyas na Bong Sola! Pero wala namang mapagsabi kung sino ba ang mokong na ito, pwe!

Friday, November 28, 2008

Ang Pasko ng mga pulubi





Mga kuha ni William M. Rodriguez II

Nalalapit na ang Kapaskuhan kaya’t mapapansing nagkalat na naman ang mga kapatid nating mga Aeta at Badjao sa mga lansangan sa Metro Manila at mga karatig lugar. Naging tradisyon na ito sa kanila dahil taun-taon na nila itong ginagawa.

Balewala sa kanila kung malayo man ang kanilang naging paglalakbay. Basta’t ang importante ay makarating sila rito sa atin para makapanlimos. Tutal minsan lang namang sasapit ang Pasko sa loob ng isang taon. Batid nila diumano na mababait ang mga tao kaya’t naghahari ang pagbibigayan. Ito ang gusto nilang samantalahin para may maipon silang pera.

Hindi nila alintana na mayroong krisis pang-ekonomiya dahil simula’t sapul ay pangkaraniwan na lang sa kanila ang kahirapan. Nakidagdag pa sila sa bilang ng mga pulubi na nagkalat kung saan-saan. Nagpapatunay lang ito na maraming naghihirap sa Pilipinas. Salungat sa ipinangangalandakan ng gobyeno na gumaganda na raw ang lagay ng ating ekonomiya.

Marami sa kanila na may tangan-tangan pang maliliit na mga anak para makatawag ng pansin sa mga tao. Kapag tiningnan mo ay talagang mga nakakaawa. Samantalang ang ilan sa kanila kahit sobrang tanda na ay nasa lansangan pa rin at nakikipagsapalaran para sa kaunting barya. Hindi rin nila alintana ang panganib, na sa isang iglap ay maaari silang masagaan ng mga sasakyan.

Ngayong Kapaskuhan sana ay maisip ng bawat isa habang sa gitna ng ating pagsasaya ay mayroong mga taong kumakatok sa ating mga puso para humingi ng kaunting regalo. Pero sapat na ba ang mabigyan lang sila ng limos tuwing Pasko? O baka kailangan talaga nila ng tulong mula sa kinauukulan? Paano na kung hindi naman Pasko? Naruon uli sila sa kani-kanilang mga lugar kung saan ay hindi abot ng modernisasyon. Balik sa kung ano’ng gawain man sila mayroon dati. Mga walang inaasahang magandang hinaharap dahil hindi mga nakapag-aral kaya’t ‘di marunong bumasa at sumulat. Basta ang alam nila ay kailangan pa rin nilang mabuhay sa kabila ng hirap na nararanasan.

Ano naman kaya ang kanilang inaasahan sa mga pulitiko na nagkalat ang mga poster na mayroong pang mga mukha nila at bumabati ng “Maligayang Pasko at Manibagong Taon.” At ano rin ang kanilang inaasahan sa mga nababalitang Presindentiable Candidates sa taong 2010 na ngayon pa lang ay pumupostura na para sila ang maging manok ng mga tao sa pagka-presidente?

Para sa iba pang babasahin.

Monday, November 10, 2008

Si Barack Obama Para sa Mga Pinoy


Marami ang nagdiriwang dahil sa pagkakapanalo ni Barack Obama bilang bagong presidente ng Amerika; hindi lang ng mga Amerikano kundi mga iba't ibang lahi sa mundo. Ibang klase kasi ang kanyang hatak kaya nga't nagkaroon ng Obama fever. Kahit sa mga survey pa lang ay lumamang na nang husto si Oba sa katunggali nitong si John Mcain. Tangan-tangan din ni Obama ang palasak na slogan na ginagamit ng sinumang pulitiko, ang "change o pagbabago." Pero inaasahan talagang malaking pagbabago ang magaganap dahi si Obama ang kanilang kauna-unahang African-American president.

Pero ang tanong, ano ba ang pakialam ng Pilipinas kay Obama at maging tayo at nakisawsaw din sa eleksiyong 'di naman para sa atin? Ilan nga sa ating mga kababayan ang nagtitinda pa ng t-shirt na ang tatak ay mukha ni Obama. Ngunit natural lamang na magkaroon tayo ng pakialam dahil ang Amerika ay itinuturing nating pinakamalakas na kaalyado. Ang ating ekonomiya ay tila nakasandig sa kanila dahil maraming mga negosyanteng Amerikano ang nag-invest ng kaniang negosyo sa ating bansa. Nakakautang din tayo ng salapi mula sa kanila sa pamamagitan ng IMF-World Bank. Kaya't kahit 'di pa si Obama ang nanalo sa pag-kapresidente ng Amerika ay patuloy silang magiging kadikit natin.

Sa pagkapanalo ni Obama ay nalansag ang diskriminasyon sa pagkakaiba ng kulay sa pagitan ng mga puti at itim. Patunay lang ito na hindi mahalaga ang kulay, ang importante ay ang prinsipyong ipinaglaaban nito. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nanalo si Obama. Sabi ng iba, sana ay maging eye opener din ito sa ating mga Pinoy na masyadong humahanga sa mga puti. gayung ang lahing kayumanggi ay 'di rin naman pahuhuli kung galing lang din ang pag-uusapan.

Isa sa mga prayoridad ni Obama ay ang pagbibigay ng trabaho sa mamamayang Amerikano kaya't nangangamba ang ilang nating kababayan na magiging dahian din ito ng pag-full out ng kanilang mga call center sa bansa natin. May balita na ring nagkakatanggalan na ng mga migrant workers sa Amerika dahil sa krisis pang-ekonomiya na kanilang kinahaharap. Ngunit sinasabi naman ng iba na 'di magkakaroon ng malawakang pagsasara ng call center sa atin dahil 'di hamak na mas mura ang bayad sa lakas paggawa rito kumpara kung kapwa Amerikano nila ang kanilang kukunin.

Kilala rin sa Obama sa pagtutol sa giyera sa Iraq, 'di tulad ni George Bush na giyera ang isinusulong laban sa Iraq. Kapag natigil na ang giyera roon ay 'di na tayo maoobliga na magpadala pa ang ating gobyerno ng mga sundalo natin para magpakita ng suporta sa giyerang wala naman tayong kinalaman.

Inaabangan naman ng ating mga Beterano at kanilang mga kaanak ang pagpapatibay sa Equity Bill o pagkapantay-pantay ng pagtanggap ng benipisyo sa pagitan ang mga beteranong Pilipino at Amerikano na nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang pandaigdig. Kinamatayan na nga ng maraming Beterano ang paghihintay na maisa-batas ito. Sinasabing suportado diumano ni Obama ang panukalang ito. Pero kailangan pa itong pagtibayin sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng Amerika bago maging ganap na batas. Ngunit bigyan kaya nila ito ng prayoridad gayung nasa gitna nga ng krisis ang Amerika?

Ang tanong ng ilang ordinaryong mamamayan, ngayong si Obama na ang presidente ng Amerika bawas-bawasan kaya nila ang pagkontrol sa iba't ibang kaparaanan sa mga maliliit na bansang kaalyado nila tulad ng Pilipinas? 'Yan ang magandang abangan kay Obama na waring pinagtiyap ng kapalaran na maging katunog pa ang apelyido sa pangalan sa numero unong terorista na si Osama Ben Ladin.

Sunday, September 14, 2008

Modernong Potograpiya kahit sino puwede!


Kaya n'yo rin bang matulog sa ibabaw ng motorsiklo?





Ang sarap maglaru-laro ng ungguy-ungguyan!
Mga kuha ni WMRII






Lipas na ang panahon kung saan kakaunti lang ang mga litratista. Pero dahil na rin sa pag-usad ng teknolohiya ay nabago ito. Noon kasi ay kinokopo lang ng mga professional photographer ang paglilitrato. Pero ngayon kahit sino na ay puwede nang maging litratista basta’t matalas lang ang mga mata at panlasa sa pagpili ng subject. Ang pagkuha ng litrato ay maihahalintulad sa pagsusulat ng istorya dahil mayroon ding iba’t ibang anggulo.

Kung dati-rati kailangan pa ng film developing ngayon kahit hindi na. Mayroon na kasing mga digital camera at cellphone na mayroong camera. Sa pamamagitan lang ng infrared o bluetooth ay mailalagay na sa computer ang mga litrato. Kunmg gustong ipa-develop , kahit saan ay may digital printing na. Wala ring nasasasayang na pera kapag pangit ang litrato. ‘Di gaya noon na kapag nagkamali ay maakasaya sa film. Madali lang kasing magbura ng litrato kapag digital. Madali na rin ang pagsasa-ayos ng litrato. Kapag ‘di kuntento sa kulay ay ia-adjust lang ito sa computer. Puwedeng palakihan at paliitin o ‘di kaya’y alisin na ang mga ‘di kinakailangang detalye sa litrato. Ang iba nga ay pinaglalaruan pa ang litrato sa pamamagitan ng paglalagay ng palabok o pag-i-eksperimento sa litrato.

Maganda itong gawing libangan dahil lumalabas dito ang iyong pagiging malikhain. Nahahasa nito ang iyong pangmasid at pagsipat sa mga bagay-bagay. Napapalawak din ang iyong imahinasyon sa pag-iisip ng ideya sa pagpili ng subject at maging sa pagbibigay kahulugan sa kuhang litrato. Ang maganda sa litrato, ‘di mo na kailangan pa ng maraming salita. Dahil mismong ang litrato ay nagsasabi kung ano ba siya.

Aanhin mo naman ang mga kuhang litrato? Dahil sa ito ay isang uri ng sining kaya’t dapat itong ibahagi sa iba. Mahalagang ito ay ma-expose para makakuha ng reaksyon sa mga tao. Sa pamamagitan ng internet maaabot mo ang mundo. Maraming sites sa internet na mayroong photo sharing tulad ng Flickr, Picable atbp. Maaari rin itong pagkunan ng extra income kung masipag kang maglilitrato at magpromote sa mga community site sa internet.

Sa kabilang banda naman, dahil din sa modernong paraan ng pagkuha ng litrato ay mapangahas ngayon ang mahihilig kumuhan ng stolen shots. Lalo na kung ang gamit ay cellphone, hindi kasi ito ganun kahalata dahil sa maliit lang. Kapag kumukuha ng litrato ay itinataon lang na maingay ang paligid. Malakas din kasi ang tunog ng pag-klik sa camera ng cellphone. Kaya’t dapat maging listo dahil baka ikaw na pala ang subject ng litratista. Masosorpresa ka na lang dahil isang araw makikita mo ang litrato mo sa internet. Para ito ay maiwasan kumilos ng normal kapag nasa pampublikong lugar dahil may mga matang laging nakamasid.

Para sa iba ko pang mga kuhang larawan, William's photo collections
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...