Wednesday, February 5, 2014

Facebook sa Buhay ng Mga Pinoy

                Sampung taon na pala o isang dekada na pala sa kasalukuyan ang Facebook. Kung hindi ako nagkakamali kasabayan lang ito ng Friendster. Pero siyempre mas unang pumatok ang Friendster. Karamihan naman siguro sa atin ay merong accont dito. Sa pagkakaalam ko, taong 2008 pa bago unti-unting pumasok sa buhay nating mga Pinoy ang Facebook.

                Sa umpisa, and’yan pa rin naman ang Friendster at hindi basta nasasapawan. Pero mas maraming innovation ang Facebook kaya’t nagustuhan natin ito. Una, meron itong chat at meron ding real news feed. Kaya’t alam mong on time ang post ng iyong mga ka-FB. Puwede ring gumawa ng fan page kaya’t marami sa atin ang bigla na lang mga naging instant celebrity. Dahil na rin sa dami ng likes o followers. Sa ganitong paraan na nga sinusukat ng ilan ang kasikatan ng isang tao, organisasyon at iba pa. Naging daluyan din ang Facebook ng promotion ng iba’t ibang bagay. Bakit hindi? Eh. Ang daming makakakita kapag nag-post ka rito. Basta ang daming puwedeng gawin sa Facebook kumpara sa Friendster. Kaya’t dumating ang araw na tinanggap na lang nila na natalo na sila ng Facebook. Mula sa pagiging social media ay naging pang-games na lang ito. At least, hindi sila nagsara. Hindi lang naman Friendster ang pinataob ng Facebook pati na rin ang Multiply, My Space at iba pa. Kahit pa may Twitter ay ‘di nito napapataob ang Facebook.

                Sinasabing ang Facebook ay nilikha lamang ng founder nito na si Mark Zuckerberg sa kanyang kuwarto noong siya ay nasa kolehiyo pa lamang. Dahil sa imbensyon niyang ito ay naging bilyonaryo na siya. Puwede nang ihanay kina Bill Gates at sa namayapa nang si Steve Jobs. Kung may magkakapareho man silang mga katangian, marahil ito ay ang pagiging malikhain at hindi basta-basta sumusuko. Pang-estudyante nga lang ang Facebook noong una. Hanggang sa lumawak na ang saklaw nito at naging pang-buong mundo na. Sa kasalukuyan ay meron na itong mahigit isang bilyong user. Kung magiging republika nga raw ang Facebook ay susunod na ito sa Tsina na may pinakamalaking populasyon sa mundo. Siyempre, malaki ang ambag nating mga Pinoy sa bilang na ito. Sa dami ba naman ng mga adik sa Facebook sa Pilipinas. Halos lahat ng kakilala natin ay may account na sa Facebook. ‘yung iba nga, higit pa sa isa ang account. Puwedeng sobrang dami nilang mga kaibigan o ‘di-kaya naman ay may ibang purpose kung saan gagamitin ang ibang account.

                Siyempre, ang Facebook ay may mabuti at masamang epekto. Depende na lang kung saan natin ito gagamitin. Ang maganda rito, kahit gaano pa kalayo ang pagitan natin sa isa’t isa, kapag nag-uusap tayo sa Facebook ay para bang magkaharap lang tayo. Mula balitaan hanggang walang kawawaang mga status ay ipinu-post natin sa Facebook. Para tuloy naging bukas na libro na ang buhay ng marami sa atin. Anumang emosyon ay ating ibinabahagi, maging pagkatuwa, lungkot, galit at iba pa. Ang mga walang imik sa personal ay nagiging madaldal sa Facebook. ‘Yung iba naman kung makapagsalita ay akala mo ay kung sino nang matapang. Hindi naman sigurado kung kaya bang panindigan ang kanyang sinasabi sa personal. Dahil din sa Facebook ay nahahanap natin ang mga taong matagal na nating ‘di nakikita. Nagkaroon na ng maraming reunion dahil dito.

                Ang nakatutuwa pa sa Facebook ay lumalabas ang pagiging masayahin nating mga Pilipino. Kasi halos lahat ng pumuputok na isyu ay ginagawan ng iba ng meme o ng mga kuwelang litrato. Sa ganito na lang kasi nailalabas ng iba ang kanilang komento sa nangyayari sa lipunan. Nagsisilbi itong parody para manatili tayong may pakialam sa isyu. Huli na nila ang isyu ay huli pa nila ang kiliti ng mga user. Ang ilan nga dito ay sadyang katuwaan lang. Kaya’t makitawa na lang para makasabay kung ano ang in. Pero napatunayan na rin na ang Facebook ay kayang magpakilos ng mga tao. Naging bahagi na ng kasaysayan ng bansa natin ang Milion People March na bunsod na rin ng sentiyemento natin hinggil sa usaping pork barrel scam.

                Pero sadyang may mga tao na ginagamit sa kalokohan ang Facebook. Nand’yan ang magkalat ng kung anu-anong nakakaiskandalong larawan o video. Ginagamit din ito ng iba para siraan ang mga taong kagalit o kaaway nila. Ilang buhay na rin ang nasira dahil sa ganitong klase ng gawain. May mga nagtatago rin sa mga pekeng litrato at pangalan. Kung tawagin natin sila ay mga poser. Nand’yan ‘yung mambuwisit sila kapag nagku-comment sa post ng iba. Meron ding mga nang-i-scam sa ginagawa nilang transaksiyon sa Facebook. At ang masakit, may mga nangyayaring karumal-dumal na krimen dahil dito.  Kaya’t ibayong ingat lang ang gawin dahil karamihan sa ating mga ka-FB ay hindi naman natin kilala ng personal.

                Anuman ang epekto ng Facebook sa buhay natin ay dapat natin itong ipagpasalamat sa gumawa nito. Nasa atin na rin naman kasi kung paano natin ito gagamitin. Para lang itong itak, puwede mong gamitin pangsibak ng kahoy o pansibak ng tao. Masaya ako at nakalikha ako ng libro tungkol sa Facebook. Ang librong ito ay may pamagat na Adik sa Facebook na inilabas ng Psicom Publishing noong Mayo 2011. Lahat ng aking obserbasyon ay nakasulat sa librong ito. Mula nang malathala ang librong ito ay marami na ring naging pagbabago ang Facebook. Pero ang gawi at pag-uugali ng mga user nito ay ganun pa rin naman. Kaya’t masasabi kong ‘di pa naluluma ang nilalaman ng librong ito.

                Marahil magtatagal pa nang husto ang Facebook dahil naging parte na ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Pero sana lang ay huwag kalilimutan na ang virtual na mundo ay hindi ang mismong realidad kundi bahagi lang ito ng realidad. Kaya’t mabuting huwag masusobrahan ng paggugol ng oras sa Facebook. ‘Ika nga, lahat ng sobra ay masama. Bago ko malimutan, nais kong batiin si Mark Zuckerbers sa napakagaling niyang imbensyon. Hey, Mark I want to salute you. Happy 10 years anniversary of Facebook!!!




No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...