Note: Si Tado Jimenez ay 'di lang isang artista kundi isa rin siyang makata. Ang tula na ito ay ipina-critic sa akin ni Tado para sa diyaryo niya noon na Asintado. 'Di nga lang niya nilagyan ng pamagat ang tula niyang ito. Bukod sa aking interprestasyon kayo na rin ang bahalang magbigay ng kahulugan nito. Isang bagsak para sa tula ni Tado!
Dighay ay katumbas ng sermong umaalingasngas
Sa aking pagpikit
Lintik ang pihit na sumisilip
Agaw-agaw ay idlip
Ipit ang letra sa malaimbudo kong isip
Patak-patak, sumasaling, lumalagapak
Akala mo’y alak ‘yun pala ay halakhak
Pakyawan ang mga katagang ‘di ko mabili
Patay-malisyang nagmamasid
Pilit kong sinusulsi mga ideyang maurirat
Maski kaluluwa’y binubusisi
Bawat dampot sa alpabeto ay humaharurot
Kapalit sa paglaho ay surot
Titiniris nang kakarampot
Umaga na. Sa aking diwa ay gumagabi pa
Gusto kong ipamalita
Naisalin ko na sa tula
Ang pinakamahabang buntong hininga.
Ang tulang ito ay isinulat ni Tado isang araw matapos siyang matulog. Karaniwan, kapag natutulog ang isang tao ay napapahinga rin ang isipan. Kaya’t paggising ay nagiging aktibo ang utak. Walang duda na sa kaso ni Tado ay ganito ang nangyari kung kaya’t ang kanyang imahinasyon ay nagluwal ng isang tula.
Mistulang may nais pang sabihin si Tado higit pa sa mga nakasaad sa tulang ito. ‘Yun nga lang ay nakakulong ang mga letra. Balintuna pa ang kanyang paggamit ng mga salita, “Ipit ang letra sa malaimbudo kong isip.” Kapag sinabi kasing malaimbudo ay mahuhulog lang ang anumang ipasok mo rito tulad ng mantika. Ngunit ang letra nga ay nakaipit pa at kung may lumalabas man ay pakunti-kunti lang. Kaya nga nasabi niya na, “Patak-patak, sumasaling, lumalagapak/ Akala mo’y alak ‘yun pala ay halakhak.” Ang alak ay waring sumisimbolo na lamang sa diwang nalasing na may hatid na ampaw na halakhak.
Marahil sa isip ni Tado ay nagsasalpukan ang maraming ideya. Sa dami ng nais niyang sabihin ay hindi niya malaman kung ano ang uunahin. Tulad ng sinasabi niya, “Pakyawan ang mga katagang ‘di ko mabili.” Oo, nasa dila at isip ng makata nakasalalay ang paglikha ng tula. At hindi mabubuo ang mga salita sa kanyang sarili lamang. Subali’t sadyang may pagkakataon na masalimuot ito. Sa iyong pagsusuri ay parang ikaw mismo ang inuurirat. Ngunit magkagayun man ay hindi sumusuko si Tado sa paghabi ng mga kataga, “Pilit kong sinusulsi mga ideyang maurirat/ Maski kaluluwa’y binubusisi.”
Dangan nga lang ay lubhang mailap ang mga letra kay Tado. Para siyang humahabol sa isang sasakyan na mabilis ang andar. Sabi pa niya, Bawat dampot sa alpabeto ay humaharurot/Kapalit sa paglaho ay surot/ Titiniris nang kakarampot. Sa pakikipaghabulan niya sa mga kataga ay mistulang nanliit ang kanyang pakiramdam na parang surot. Ngunit taglay ng surot ang katangiang sumiksik kung saan-saan katulad ng pagsumiksik ng kanyang isip sa dapat suotan.
Oo, bagong gising si Tado, ngunit nalalambungan pa ng dilim ang kanyang isipan, “Umaga na. Sa aking diwa ay gumagabi pa.” Marahil ay maraming iniisip si Tado na mga bagay-bagay, marami siyang gustong sabihin. Maaaring ito’y tungkol sa mga problemang kinakaharap ng kanyang bayan lalo na’t si Tado ay may kamalayan sa mga nangyayari sa lipunan. Hindi niya mapagkasya ang lahat ng ito sa isang tula lamang. Kipkip-kipkip na niya ang mga ito bago pa man matulog.
Kung papansinin, nagsimula at nagtapos sa hangin (dighay at buntong-hininga) ang tulang ito ni Tado. Magkaiba man ang sanhi nito, pareho itong hinugot mula sa ating kaloob-looban. Bagama’t ang tulang ito ay tumutukoy sa kailapan ng mga kataga ay ‘di nangangahulugang hindi siya marunong manghuli ng mga kataga. Eh, ang tulang ito ay patunay lamang kung gaano kapulido maghanay ng mga kaisipan si Tado sa tula.
Kaya’t dapat nating asahan na sa mga susunod na araw ay may hatid na panibago na namang tula para sa atin si Tado!
No comments:
Post a Comment