Thursday, August 8, 2013

Anim na Sabado ng Beyblade at Iba Pang Sanaysay: Book Rebyu



               Wala nang sasarap pa sa pagkukuwento na ang paksa mo ay ang iyong sarili. Bakit nga naman hindi? Eh, ikaw mismo ‘yun. Mas madaling humugot ng karanasan mo kaysa sa iba. Ang librong ito ay kalipunan ng mga totoong kuwento na nangyari sa buhay mismo ng awtor na si Ferdinand Pisigan Jarin. Ikinuwento niya ang panahon ng kanyang kabataan at ang bayang kanyang pinanggalingan hanggang mapunta siya sa Maynila at doon na nagbinata. Mga sala-salabat na kuwento pero may kaisahan dahil iisa lang ang may-ari ng kuwento. Isa na namang autobiograpiya na tiyak na maiibigan ng mga makakabasa nito. Narito ang iba’t ibang anyo ng buhay mula sa kainosentehan, pagkakaibigan, pananampalataya, karahasan at kung anu-ano pang sangkap ng pagiging tao.Ang librong ito ay parang adobo, pihong malalasahan ang tamis at asim.

                Mahusay magtimpla ng emosyon si Jarin, para siyang tagapagsalita sa isang 'reflective thinking' na ang istilo ay patatawananin ka muna sa umpisa pagkatapos ay papaiyakin ka sa bandang dulo. Ganitong-ganito ang paraan ng kanyang pagkukuwento. Maaari itong iugnay sa kanyang pagiging miembro ng Marian Youth Movement. Puwede rin namang sabihin na ang bawat masasayang alaala ay 'di nananatili dahil kahit gaano pa ito kasaya ay mayroon ding hangganan. Kaya’t malulungkot ka nga naman sa huli habang ito ay iyong inaalala. 

                Sa Quinabuangan ay inilarawan ng awtor ay lugar na kanyang kinamulatan. Tulad ng ibang baryo ay napakapayak lang din dito ng pamumuhay. Ikinuwento naman sa D Pol Pisigan Band ang buhay-combo. Nang tinuruan si Jarin ng kanyang lolo na tumugtog ng trumpeta hanggang siya ay tanghaling pinakabatang miembro. Tulad ng ibang grupo nagkakaroon din rito ng paksiyon. Sa umpisa ay masigla ang kanilang grupo, pero kasabay ng pagtanda ng kanyang lolo ay humina na ito hanggang sa ito ay mamatay. Nagbigay pa ng parangal ang mga miembro sa maestro, pero sisingilin pala ang pamilya matapos ang kanilang serbisyo!

                Sapul na sapul ni Jarin sa Barko  ang panahon ng pagrerebelde ng kabataan kung saan sa panahong ito ay natututong bumarkada, manigarilyo at mag-inuman. At siyempre, ang masangkot sa mga kaguluhan dulot ng mga walang kuwentang away. Pero hindi naman laging ganito dahil nagma-matured din tayo. 

               Inilalarawan naman sa Pulot Boy ang pagiging madiskarte sa buhay ni Jarin. Kapag ipinangak kang mahirap ay kailangan mo talagang kumayod at naging tagapulot ng tennies ball ng palaruan ng mayayaman, na kilala na ngayon bilang The Fort.Hindi talaga maiaalis sa trabaho ang mga inggitan sa magkakasama. Pero binalewala niya ito, kanya-kanyang diskarte lang 'yan. Marami ring trivia si Jarin tungkol sa naturang lugar.   

               Ibabalik ka naman ni Jarin sa musmos mong pag-ibig habang binabasa mo ang kanyang kuwento sa Niog.  Exciting talaga ang puppy love na tinatawag. Akala mo totoong umiibig ka na, pero sadyang nagbabago ang panahon at ang naramdaman mo dati ay mabubura na lang sa isang iglap. Pero kahit paano ay nakapag-iwan ito ng pitak sa ating mga puso.

                Nagustuhan ko rin ang Repaks, bandang binuo nina Jarin sa Cembo. Inilalarawan ng kabanatang ito ang dekada nobeta kung saan halos lahat ng mga kabataan ng panahon na ‘yun ay nangangarap na maging banda kabilang na ang inyong lingkod. Kasikatan ito ng LA 105 na nagpapatugtog ng mga Pinoy Rock at naging bahagi rin ang Repaks dito. Sa panahong ding ito namayagpag ang Eraser Heads. Masaya ang karanasan ni Jarin sa pagbabanda dahil may mga nakaka-appreciate sa ginawa nilang kanta. Nagkaroon pa nga sila ng manager na nagdala sa kanila sa Bicol para doon mag-tour. 

            Sa Kumbento, ikinuwento ni Jarin kung paano siya napasok sa kumbento at kalaunan ay kanya ring nilabasan. Ang pagiging miembro niya ng Marian Youth Movement ang naging daan para mapasok siya rito. Mula sa pagiging pakikipagbarkada ay lumago ang kanyang buhay-espiritwal. Pumasok siya sa kumbento para makakuha ng scholarship ngunit dahil sa pagiging mapagmataas sa sarili, ayon na rin sa kanya ay di na siya matutuloy. Ngunit nabigyan ng pagkakataon. Kaya lang dahil sa mga simpleng paglabag sa regulasyon ay 'di niya ito matanggap kaya't nagpasya siyang lumabas kahit walang katiyakan kung ano ang naghihintay sa kagustuhan niyang makapag-kolehiyo.  

               
                Ibinulgar naman ni Jarin ang mga kaganapan sa likod ng buhay-service crew kung saan ay karaniwan na lang ang pagkakaroon ng relasyon ng mga magkakasama sa trabaho kahit na meron na silang asawa o kasintahan. Muntik na rin siyang mabiktima ng chick na may kursunada sa kanya na madalas pumunta sa pingatatrabahuan niyang fastfood kung hindi nga lang niya nilabanan ang tukso. Ikinuwento niya rin ang panlalamang nila sa kanilang pinagtatrabahuan. Kumakain sila ng pagkain na kanilang itintinda kahit na ito ay ipinagbabawal.  Narinig ko na rin ang ganitong kuwento ng kataksilan sa hanay ng mga service crew, pero ngayon ay pinatotohanan ito ni Jarin na nakapagtrabaho sa mga fastfood chain.

                Matutuwa ka sa naman sa kuwento sa Baclaran. Kuwento ito ng kanyang mga housemate na mga bading na tinawag ni Jarin na 'Apat na Madre sa Kumbento ng Baclaran . Nakasama niya ang mga ito nang maghiwalay siya ng kanyang asawa. Ipinapakita niya sa kabanatang ito na ang mga bading ay marunong din naman gumalang sa kapwa at 'di lahat ng lalaki na kanilang nakakasama ay kanilang tinatalo. Maraming masasarap na kuwnetuhan din ang kanilang pinagsaluhan lalo na't ang mga bading ay kilala sa kanilang pagiging masiyahin. Ang mga tauhan ay waring mga salamin na ipinapakita ang kanilang mga katauhan. Pero sa lahat ng mga halakhak ay meron ding mga nakatagong tampuhan at mga awayan. Isang araw ay sumabog na lang at ito ang nagmitsa para ang dating masayang samahan ay kailangang mawasak at magkahiwalay ng landas Sabi nga ni Jarin, sa hiwalayan siya nanggaling tapos sa hiwalayan din pala matatapos ang kabanatang ito ng kanyang buhay. 

                Dudurugin naman ang puso mo habang binabasa ang kuwento ni Jarin sa mismong pinakapamagat ng libro na nasa pinakadulo ng libro. Patungkol ito sa kanyang anak na may sakit na leukemia. Kung ikaw ang nasa kalagayan ng awtor ay ano ang mararamdaman mo kung ang anak mo ay may malubhang karamdaman? Pilit kang umaasa na gagaling pa ito, pero ang situwasyon na rin ang nagsasabi na wala ng pag-asa. Punung-puno ng pagmamahal ang bawat titik na mababasa sa kabanatang ito. Ramdam mo ang hinagpis ng isang ama. Ang beyblade na paboritong laruan ng kanyang anak ay waring sumisimbolo na lang ng isang nawaglit na kamusmusan. 

             May sariling istilo ng pagkukuwento si Jarin. Magaang basahin at hindi maligoy ang paraan ng kanyang pagsulat. Hindi ka na niya pag-iisipin pa bagkus diretso agad ito sa sentido mo at sasapul sa iyong emnosyon. Sa paggamit naman ng mga salita, kahit nangyari na ang isang bagay, ginagamitan niya ang mga ito ng "magiging" na mangyayari pa lang. 'Di ko na pakakahabaan pa nang husto ang pagpapakilala sa libro. Mabuting basahin mo na lang din at namnamin ang akda ni Jarin!






No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...