Ang pagkatakot sa isang bagay ay
karaniwan nang nananahan sa isip ng bata. Normal lang naman ang ganito sa mga
bata subali’t kapag nasobrahan ay hindi na maganda ang kanilang nagiging
pagtugon sa isang situwasyon. Mahalaga ang ginagampanan ng mga magulang sa
paghubog ng personalidad at pag-iisip ng mga bata. Dahil kung anuman ang mga
training na natatanggap nila sa kanilang murang gulang ay mayroon itong epekto
sa kanilang pagtanda.
May mga batang makakita lang ng anumang hayop ay natatakot na.
Ipaliwanag sa bata na hindi lahat ng hayop ay nakatatakot gaya ng kanyang
iniisip. Para malabanan ang takot nito ay ilapit ito sa isang hayop at
ipakitang hindi ito nananakit maliban na lang kung sasaktan. Pero dapat ring
ituro sa bata ang mga hayop na dapat na iwasan para na rin sa kanilang
kapakanan.
Mayroon din namang mga batang
mag-aaral na natatakot sa examination. Ang nararapat lang na gawin dito ay
hikayatin itong mag-aral mabuti nang sa gayun ay maging handa siya sa anumang
pagsusulit. Siguradong mawiiwili pa sa pag-aaral ang bata kaysa isiping mahirap
ang isang pagsusulit. Isa itong magandang paraan para maihanda ang bata sa mga
hamon pang darating kapag siya ay lumaki na.
Pero may mga bata rin namang matatalino pagdating sa pag-aaral. Kaso,
ang problema ay nagkakaroon ang mga ito ng problema pagdating sa pag-a-adjust
sa aspetong sosyal o pakikisalamuha sa ibang mga bata. Bakit hindi ito
mangyayari? Eh, ang kanyang isip ay nakatuon lang sa mga aralin sa paaralan. Ni
ultimong pakikipaglaro sa ibang bata ay hindi na nila magawa. Problema ang
ganito dahil magiging sobra ang kanilang pagkamahiyain. Dapat alalahanin ng mga
magulang na hindi lamang ang IQ ang dapat na umunlad kundi maging ang
pakikitungo ng kanilang anak sa ibang tao. Makabubuting hikayatin din ang bata
na maging active hindi lang sa pag-aaral kundi sa pakikisalamuha sa mga
kaeskuwela niya. Puwede rin itong isama sa mga children’s party at iba pang
pagtitipon para sa mga bata.
Masama rin ang sobrang pananakot sa mga bata. Karaniwan na lang kasi sa
mga magulang na kapag hindi mapaunod ang kanilang anak ay tinatakot na kuhanin
ng multo, aswang at kung anu-ano pang panakot sa bata. Kapag nasobrahan kasi ay
nagiging magugulatin o nerbiyoso ang bata at nananahan sa isip nito ang
masamang imahen bunga ng ating pananakot.
Ilan lamang ang mga ito sa kinatatakutan ng mga bata. Bilang nakatatanda
dapat nating silang alalayan para pawiin ang kanilang takot.
No comments:
Post a Comment