Showing posts with label News. Show all posts
Showing posts with label News. Show all posts

Tuesday, May 5, 2015

Ina ni Mary Jane Veloso, Humingi ng Paumanhin sa Publiko


Humingi ng pamaumanhin ang ina ni Mary Jane Veloso na si Aling Celia matapos siyang umani ng  samu't saring negatibong mga komento hinggil sa kanyang ginawang pagbanat sa gobyerno. Matatandaang kamakailan nang makabalik ang Pamilya Veloso sa Pilipinas galing Indonesia ay binatikos niya ang gobyerno sa pagsasabing marami diumano itong utang sa kanila na dapat singilin. Iginiit din niya na hindi totoo ang balita na kaya raw nahinto ang pagbitay sa kanyang anak ay dahil sa pakiusap ni P-Noy sa presidente ng Indonesia.

Dahil sa ginawang pahayag ni Aling Celia, imbes na umani ng simpatya ay kaliwa't kanang batikos ang natanggap niya mula sa mga netizen. Anila, napakawalang-utang loob diumano ng ina ni Mary Jane, matapos tulungan ng gobyerno ay ganun pa ang kaniyang igaganti. Masyado diumanong nagpapadala si Aling Celia sa panunulsol sa kanya ng mga militanteng grupo na wala namang ibang ginawa kundi kalabanin ang gobyerno. Kahit paano naman diumano ay may ginawa ang gobyerno ng Pilipinas para mailigtas sa bitay si Mary Jane. Binale pa nga raw ni P-Noy ang protocol nang pakiusapan niya ang presidente ng Indonesia na huwag nang ituloy ang bitay.

Sa panayam kay Aling Celia sa telebisyon ay humingi ito ng paumanhin at pang-unawa sa publiko. Kung anuman ang kanyang nasabi laban sa gobyerno ay dala lang daw ito ng emosyon o ng kanyang sama ng loob. Sinabi niya rin sa mga basher na huwag naman diumano siyang husgahan ng mga ito. Dahil hindi naman sila ang nakararanas ng hirap sa loob ng limang taong pagkakapiit ng kanyang anak. Ipinunto niya rin na kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagtulong sa kanyang anak eh 'di sana ay hindi ito mahahatulan ng bitay. Iginiit niya na biktima lang ang anak ng kanyang recruiter na nag-utos na dalhin nito ang maleta na may laman palang droga.

Ipinagtanggol si Aling Celia ng isa pa niyang anak na babae, sinabi nito na napagod lang nang husto ang kanilang ina pagkabalik sa Pilipinas. Namali lang diumano ang ina sa paggamit ng mga salita. Imbes na sabihin nitong 'gisingin ang gobyerno' ay nasabi nitong 'singilin ang gobyerno'. Patuloy pa ring humihingi ang Pamilya Veloso ng suporta at panalangin sa publiko para kay Mary Jane na 'di pa rin ligtas sa bingit ng kamatayan.

Friday, December 26, 2014

American Flag, Ginawang Doormat sa Isang Mall sa Russia!

            Kasalukuyang nasa gitna ng kontrobersya ang isang mall sa Moscow Russia na tinatawag na Electronic on Presne. Ito ay matapos silang magdisensyo ng doormat na kapareho ng bandila ng bansang Amerika.  Base sa ulat. Ito diumano ay paraan ng kanilang protesta laban sa gobyerno ng Amerika dahil sa pambabatikos nito sa Russia. Di lingid sa kaalaman ng marami, na ang dalawang nasabing bansa ay mayroong alitan hinggil sa samu’t saring usapin.

            Ang larawan ng anti-American doormat ay unang inupload sa Vhortahte, pinakamalaking social networking site sa Russia. Ang doormat ay inilagay sa pinaka-entrada ng mall. Hinihimok pa diumano ng pamunuan ng mall na tapak-tapakan ang doormat para malinis ang sapatos ng kanilang mga kostumer. Hati ang opinion ng mga tao sa Russia hinggil sa paraan ng pagpapahayag ng protesta ng pamunuan ng mall. May nagsasabing maganda itong hakbang para maipakita sa gobyerno ng Amerika ang kanilang saloobin. Mayrooon din namang nagsasabing sobra naman diumano ang ganitong gawain at mayroon ding nananatiling neutral hinggil sa nasabing usapin.

            Sa Pilipinas, karaniwan na ang pagsabotahe sa bandila ng Amerika partikular na sa pagkilos ng mga miletanteng grupo. Wala pang nakaisip ditto nag awing doormat ang bandila ng mga Kano, pero minsan ay sinusunog ito tuwing may kilos protesta o kapag may isyu laban sa bansang Amerika na itinuturing ng mgamilitante na isang imperyalistang bansa. Tinatawag din nila ang gobyerno ng Pilipinas bilang tuta ng mga Kano dahil sa pagiging sunud-sunurad ng mga ito sa kanila. 

Friday, December 19, 2014

World Gamefowl Expo 2015, Narito Na!


               Ang World Gamefowl Expo ay taunang pagtitipunan ng mga sabungero sa Pilipinas kabilang na rin ang mga dayuhan na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng mundo. Ito ay taunang isinasagawa sa World Trade Center sa may Pasay. Noong una ay maliit na bahagi lang ng WTC ang sakop nito hanggang sa unti-unti nitong maukopa ang buong venue dahil na rin sa dami nang mga tumatangkilik na sabungero.

                Nag-umpisang isagawa ang expo noong 2011 at ngayon ay nakaabot na ito sa ika-limang taon. Ang expo ay gaganapin mula January 16-18, 2015. Inorganisa ito ng World Exco, sa pakikipagtulungan ng PitGames Media Inc. Bukod sa manok, kasabay din nito ang World Pigeon Expo.

                Sa expo ay nagsasama-sama ang iba’t ibang mga kumpanya, mapa-maliit man o malaki para i-promote ang kanilang mga produkto at serbisyo. Ito rin ang panahon na nagbebenta ng kanilang mga manok ang mga bigating breeder gaya nina Biboy Enriquez, Art Lopez, Jimmy Marikit, Edwin Aranez at Raffy Campus ng RED Gamefarm at marami pang iba. Sinasamantala ito ng masang sabungero para makakuha sa kanila ng mga materyales at para makapagpapirma na rin o ‘di-kaya’y makapagpalitrato. Nagkakaroon din ng auction ng mga manok na pag-aari ng bigtime breeders, mapa-local man o imported.

                Maliban sa mga manok, marami ring inihahandang gimik ang mga kumpanyang kalahok rito. Kabilang na rito ang pagbibigay ng entertainment sa entablado. Nag-iimbita sila ng mga dancer para makapagbigay ng kasiyahan sa mga sabungero. Kumukuha rin sila ng magagandang modelo para magsilbing representative ng kanilang produkto at serbisyo.


Thursday, December 18, 2014

VIP Treatment at ang Musika ni Herbert Colanggo sa Loob ng Bilibid

  
         Kasalukuyang inuulan ng batikos ang pamunuan ng BJMP matapos na magsagawa ng biglaang impeksyon sina DOJ Sec. Leila de Lima para malaman kung mayroon pa ring mga kubol na nakatayo rito para sa mga VIP. Matatandaang bago nito ay nagsagawa na rin sila ng inspeksyon at nakakumpiska sila ng samu’t saring gadget gaya ng cellphone, signal boosters, lap top at iba pa.

            Sa muling pag-inspeksyon ng grupo ni Sec. De Lima ay napatunayan nila ang kanilang hinala na mayroon pa ngang mga kubol na nakatayo rito. Hindi lang basta isang kubol kundi mararangyang maliit na establismento na mala-hotel ang hitsura at mayroon pang jacuzi. Ang mga ito diumano ay nagsisilbing tirahan ng mga high profile na preso kabilang na ang mga drug lord na sinasabing nakakapagsagawa pa rin ng kanilang operasyon sa droga. Nakakitaan din ang mga kubol ng ilang pakete ng droga, mga baril, sex doll at libu-libong halaga ng salapi.

            Napag-alaman din nina Sec. De Lima na mayroon pang magarang recording studio sa loob ng isa sa mga kubol na pag-aari diumano ni Herbert “Ampang” Colanggo, isang convicted robbery gang leader. Nakulong siya noong 2009 at may sentinsyang aabot ng 12 hanggang 14 na taon. Nakapaglabas ng album si Ampang na may pamagat na “Kinabukasan” at naging platinum pa ito. Ang kanyang mga music video ay kinunan mismo sa loob ng kulungan.

            Nagpaliwanag naman ang dating pinuno ng BJMP sa Muntilupa na pinahintulutan nga niyang makapagpasok ng mga gadgets at musical instruments sa loob ng Bilibid para na rin mailayo ang mga preso sa gulo. Talamak diumano ang nangyayaring gang war doon kaya’t ito ang naisip niyang solusyon at sa palagay naman niya ay naging epektibo ang hakbang niyang ito. Kinontra naman ni Sec. De Lima ang pahayag ng dating hepe, sinabi niyang walang masama kung nais mang mailabas ng isang preso ang kanyang talento. Pero ang hindi maganda ay nagtayo sila ng magarbong recording studio sa loob ng Bilibid. Isa pa rin diumano itong uri ng special treatment.

            Ngunit ipinagkibit balikat lamang ni Colanggo ang mga kritisismo laban sa kanya. Nais lang diumano niyang maging inspirasyon siya ng mga kapwa preso na pagyamanin din nila kung anumang talento ang mayroon sila kahit nasa loob man sila ng bilibid. Itutuloy pa rin niya ang paglikha ng mga awitin at may balak siyang sundan ang nauna niyang album.

Music video ni Colanggo:

Wednesday, December 17, 2014

Pag-aangkas sa Motor sa Mga Batang 9-Anyos Pababa, Ipagbabawal na!

                Ipagbabawal na ang pag-aangkas sa motorsiklo ng mga batang may edad na siyam pababa. Ito ang isinasaad sa House Bill 4422 na naipasa na sa ikatlong pagbasa sa Kongreso. Nakatakda na itong dinggin ng Senado para repasuhin upang ganap nang maisabatas. Layunin nito na maiiwas sa aksidente ang mga bata na karaniwang inaangkas ng kanilang mga kaanak sa motorsiklo.

                Ayon sa naturang batas, papatawan ng multa mula tatlo hanggang sampung libong piso ang sinumang mahuhuling lalabag sa kautusan. Hindi rin puwedeng umangkas ang mga batang lalagpas ng siyam na taong gulang kung hindi abot ang paa nito sa  stepping board ng motorsiklo o ‘di-kaya’y maiksi ang kanilang mga kamay para makakapit nang husto sa may angkas sa kanila.

                Sa kabilang banda, hati naman ang naging reaksyon ng publiko hinggil sa House Bill 4422. May naniniwalang maganda ang batas na ito para na rin sa kapakanan ng mga bata. Kahit kasi mga sanggol ay makikitang isinasakay ng kanilang mga magulang sa motorsiklo gayung napakadelikado nito.


                Para naman sa mga nag-aangkas ng kanilang mga anak, sinabi nilang apektado sila nang naturang batas. Paraan diumano nila ito para makatipid dahil mas mura ang magagastos kung ang motor ang magsisilbing service ng kanilang mga anak kaysa ipamasahe pa nila ang mga ito. Pero kung magiging ganap na batas na nga ito ay wala diumano silang magagawa kundi ang sumunod. 

Sunday, December 14, 2014

Pacquaio Versus Mayweather sa May 2, 2015?


               Nabuhay na namang muli ang isyu tungkol sa laban sa pagitan ni Manny Pacquaio at Floyd Mayweather Jr. Ito ay matapos na muling nagpakita ng interes si Mayweather na labanan ang pambansang kamao. Nagbigay pa ito ng petsa at ayon sa kanya ay nais niya itong gawin sa May 2, 2015. Tinanggap naman agad ito ni Pacquaio at sinabing gawin ito ni Floyd at huwag lang puro salita. May pagdududa kasi siya sa hamon nito dahil parang hindi naman sinsero ang katunggali.

                Matagal nang inaabangan ng mga tao ang bakbakang Pacquaio at Mayweather. Pero lagi na lamang hindi natutuloy. Ipinagpapalagay tuloy ng mga boxing enthusiast na takot lang si Mayweather na madungisan ang kanyang record dahil wala pa itong talo. Kung anu-ano kasing kundisyon ang hinihingi ng kampo nito. Kesyong magpa-drug test si Pacquaio. Pinagbintangan niya kasi itong gumagamit ng steroid kaya’t malakas ang ating pambansang kamao. Mayroon ding isyu tungkol sa hatian ng pera at kung anu-ano pa. Sinabi ni Pacquiao na ayos na sa kanya kahit maging malaki pa ang porsiyento ng kita ni Mayweather matuloy lang ang kanilang laban.


                Ayon kay Pacquaio ay kuntento na naman siya sa anumang narating niya sa kanyang karera kaya’t wala na siyang dapat pang patunayan pa. Pero gusto niya pa ring makalaban si Mayweather dahil hinihiling ito ng isa sa kanyang mga anak na si Jimuel at siyempre ng kanyang mga fans na matagal nang nasasabik na makita ang bakbakang Pacquaio versus Mayweather. Ngayon pa lang ay marami na ang nagpapahayag ng kanilang suporta sa pambansang kamao at naniniwalang kayang-kaya niyang pataubin si Mayweather kabilang na rito ang kanyang naging katunggali na si Juan Manuel Marquez na ilang ulit na rin niyang nakalaban sa ibabaw ng ring. 

Monday, December 1, 2014

Adultery Website na Ashley Madison, Gustong Ipa-block ng CBCP


               Mainit sa mata ng CBCP at ng ilang relihiyosong grupo kasama na rin ang Department of Justice  ang Ashley Madison, isang dating site na naghihikayat na mangaliwa sa mga tao. Sinabi ng pamunuan ng CBCP na ang Ashley Madison ay hindi dapat makapag-operate sa Pilipinas dahil nanghihikayat lamang ito ng imoralidad. Taliwas ito sa itinuturo ng simbahan o ng biblia na maging tapat ka dapat sa iyong asawa. Sinabi ng mga pari, ‘yun nga lang magnasa ka sa ‘di mo asawa ay kasalanan na, ito pa kayang pakikiapid na isinusulong ng naturang dating site. Hinihingi pa nila ang tulong ng Telcos para mai-block ito.

                 Ang site na ito ay itinatag sa Canada at sa kasalukuyan ay sinasabing mayroon nang mahigit 30 million members. Naging kontrebersyal ang site na ito dahil na rin sa kanilang tema. Ang tag line nila ay nagsasabi nang “Life is so short. Have an affair” at ito ay kanilang isinalin sa wikang Filipino, mababasa na “Maiksi ang buhay. Mangaliwa.” Kamakailan nga lang ay ipinahayag ng pamunuan ng Ashley Madison na nakabukas na ang kanilang site para sa mga taga-Pilipinas.

                Libre lang ang pagrehistro sa Ashley Madison. Kaiba ito sa ibang dating site na nakalaan lang para sa mga single. Pero ito, ang puntirya nila ay ang mga may asawa, pero hindi kuntento sa kanilang mga partner. Magkakaroon lang bayad ang site kapag nag-umpisa ka nang makipag-chat sa kanilang mga miembro. Sinisiguro diumano ng pamunuan ng site na ito na maitago ang identy ng kanilang mga miembro para hindi mahuli ng kani-kanilang mga asawa.

                Maging ang Gabriela, samahan ng nagtataguyod ng karapatan ng kababaihan ay nagbigay ng kanilang reaksyon hinggil sa Ashley Madison. Nakababahala diumano ang pagbubukas nito sa bansa kaya’t pag-aaralan nila kung hihilingin din nila na kung dapat ba itong i-block ng gobyerno o hindi.

               Sa kasalukuyan ay wala pang reaksyon ang pamunuan ng Ashley Madison tungkol sa mga grupong humihiling na i-block ang kanilang site rito sa Pilipinas.

Saturday, November 15, 2014

Paolo Bediones, Nagsalita na Hinggil sa Kanyang Sex Video Scandal

 
               Sa wakas ay nagsalita na rin si Paolo Bediones hinggil sa kanyang kinasangkutang sex video scandal kasama ang isang babae na hanggang ngayon ay di pa rin nakikilala ang pagkakakilanlan. Sa panayam ng Star Talk na umire noong Nob. 15,nagpahayag ang dating TV host ng pasasalamat sa mga kasamahan sa media dahil ‘di siya nakarinig ng mga panghuhusga mula sa kanila.
                Sinabi rin ni Paolo na hindi biro ang kanyang pinagdaanan dahil sa eskandalo. Marahil kung wala diumano siyang tiwala sa Diyos ay baka di niya kinaya ang pinagdaanang pagsubok. Kaya’t patuloy lang ang buhay at nagawa na rin niyang lumantad sa publiko matapos ang ilang buwan ng pananahimik. Sa kasalukuyang ay abala siya sa pag-aasikaso ng kanyang business na may kinalaman sa pagkain. Sinabi rin niya na natuto na talaga siya sa nangyari at kung sakali mang di siya natuto ay karapat-dapat lang na maulit sa kanya ang iskandal
                Pursigido si Paolo na panagutin kung sino man ang naglabas ng kanyang sex video sa internet. Hinihiling niya sa awtoridad na tutukang mabuti ang kanyang kaso. Bagama’t batid niyang ‘di pa ganun kapulido an gating teknolohiya para habulin ang mga gumagawa ng krimen sa internet. Ito ay para na rinmatigil ang ginagawang pambibiktima ng ilan sa mga celebrity at kilalang mga tao. Bukod kasi sa kanya ay marami na ring nabiktima gaya niya na lumabas ang video scandal sa internet.

                Naniniwala si Paolo na madali lang namang sugpuin ang ganitong klaseng krimen. Ang kailangan lang ay may masampolang isa. Kapag may nakita kasing nakulong ang iba ay magsisilbi itong babala para sa iba at posibleng ‘di na sila maglakas ng loob na magpakalat ng video scandal ng iba. 
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...