Humingi ng pamaumanhin ang ina ni Mary Jane Veloso na si Aling Celia matapos siyang umani ng samu't saring negatibong mga komento hinggil sa kanyang ginawang pagbanat sa gobyerno. Matatandaang kamakailan nang makabalik ang Pamilya Veloso sa Pilipinas galing Indonesia ay binatikos niya ang gobyerno sa pagsasabing marami diumano itong utang sa kanila na dapat singilin. Iginiit din niya na hindi totoo ang balita na kaya raw nahinto ang pagbitay sa kanyang anak ay dahil sa pakiusap ni P-Noy sa presidente ng Indonesia.
Dahil sa ginawang pahayag ni Aling Celia, imbes na umani ng simpatya ay kaliwa't kanang batikos ang natanggap niya mula sa mga netizen. Anila, napakawalang-utang loob diumano ng ina ni Mary Jane, matapos tulungan ng gobyerno ay ganun pa ang kaniyang igaganti. Masyado diumanong nagpapadala si Aling Celia sa panunulsol sa kanya ng mga militanteng grupo na wala namang ibang ginawa kundi kalabanin ang gobyerno. Kahit paano naman diumano ay may ginawa ang gobyerno ng Pilipinas para mailigtas sa bitay si Mary Jane. Binale pa nga raw ni P-Noy ang protocol nang pakiusapan niya ang presidente ng Indonesia na huwag nang ituloy ang bitay.
Sa panayam kay Aling Celia sa telebisyon ay humingi ito ng paumanhin at pang-unawa sa publiko. Kung anuman ang kanyang nasabi laban sa gobyerno ay dala lang daw ito ng emosyon o ng kanyang sama ng loob. Sinabi niya rin sa mga basher na huwag naman diumano siyang husgahan ng mga ito. Dahil hindi naman sila ang nakararanas ng hirap sa loob ng limang taong pagkakapiit ng kanyang anak. Ipinunto niya rin na kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagtulong sa kanyang anak eh 'di sana ay hindi ito mahahatulan ng bitay. Iginiit niya na biktima lang ang anak ng kanyang recruiter na nag-utos na dalhin nito ang maleta na may laman palang droga.
Ipinagtanggol si Aling Celia ng isa pa niyang anak na babae, sinabi nito na napagod lang nang husto ang kanilang ina pagkabalik sa Pilipinas. Namali lang diumano ang ina sa paggamit ng mga salita. Imbes na sabihin nitong 'gisingin ang gobyerno' ay nasabi nitong 'singilin ang gobyerno'. Patuloy pa ring humihingi ang Pamilya Veloso ng suporta at panalangin sa publiko para kay Mary Jane na 'di pa rin ligtas sa bingit ng kamatayan.
No comments:
Post a Comment