Wednesday, December 17, 2014

Pag-aangkas sa Motor sa Mga Batang 9-Anyos Pababa, Ipagbabawal na!

                Ipagbabawal na ang pag-aangkas sa motorsiklo ng mga batang may edad na siyam pababa. Ito ang isinasaad sa House Bill 4422 na naipasa na sa ikatlong pagbasa sa Kongreso. Nakatakda na itong dinggin ng Senado para repasuhin upang ganap nang maisabatas. Layunin nito na maiiwas sa aksidente ang mga bata na karaniwang inaangkas ng kanilang mga kaanak sa motorsiklo.

                Ayon sa naturang batas, papatawan ng multa mula tatlo hanggang sampung libong piso ang sinumang mahuhuling lalabag sa kautusan. Hindi rin puwedeng umangkas ang mga batang lalagpas ng siyam na taong gulang kung hindi abot ang paa nito sa  stepping board ng motorsiklo o ‘di-kaya’y maiksi ang kanilang mga kamay para makakapit nang husto sa may angkas sa kanila.

                Sa kabilang banda, hati naman ang naging reaksyon ng publiko hinggil sa House Bill 4422. May naniniwalang maganda ang batas na ito para na rin sa kapakanan ng mga bata. Kahit kasi mga sanggol ay makikitang isinasakay ng kanilang mga magulang sa motorsiklo gayung napakadelikado nito.


                Para naman sa mga nag-aangkas ng kanilang mga anak, sinabi nilang apektado sila nang naturang batas. Paraan diumano nila ito para makatipid dahil mas mura ang magagastos kung ang motor ang magsisilbing service ng kanilang mga anak kaysa ipamasahe pa nila ang mga ito. Pero kung magiging ganap na batas na nga ito ay wala diumano silang magagawa kundi ang sumunod. 

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...