Sunday, July 28, 2013

Wattpad: Bagong Daluyan ng Popular na Literatura



              Bago ang Wattpad, nauna nang napansin ang mga blogger na nakapaglathala ng libro o ‘blooks’ na tinatawag. Kabilang na rito sina Nicanor David, Jay Panti, Klitorika at iba pa. Mabanggit na rin si Marcelo Santos III na bago makapaglathala ng libro ay una namang nakilala bilang nagsusulat ng mga maiiksing love story sa You Tube. Hindi na rin naman ito nakapagtataka dahil marami na ang talento na kuminang dahil sa internet. Noong una ay may agam-agam ang iba na ang pagsulpot ng mga e-books ay magsisilbing banta o papatayin nito ang mundo ng palilimbag ng mga libro. Pero hindi ito nangyari, sa halip ay nakatulong pa nga ito sa mga tagapaglimbag at manunulat.

                Dati-rati ay di gaanong napapansin ang Wattpad. Pero dahil sa kakaiba nitong anyo at mga katangian ay bigla itong pumatok. Samu’t sari ang maaaring i-post sa Wattpad mula nobela, maikling kuwento, tula at iba pa. Napakadali lang gamitin kaya’t nakakaengganyong magpaskil. Gaganahan kang magsulat dahil alam mong may mga nagbabasa at sumusubaybay sa iyong akda. May mga kategorya na mapagpipilian, depende sa kung ano’ng klase ang isinulat mo. Gaya ng Romance, Humor, Non Fiction, Adventure at iba pa. Karamihan sa mga mababasa sa wattpad ay tungkol sa romansa o kuwento ng pag-ibig. Natural na lamang ito, dahil mula noon hanggang ngayon ay isa ang ganitong tema sa gustung-gustong basahin ng marami sa atin.  

                Ilan lang sa nag-trending dito sa mga nobela ay tungkol sa gangster, bratanella, amazona, cassanova at marami pang iba. Kung titingnan mo nga ang cover ng ibang user ay parang cover din ng isang tunay na libro. Ang ibang may alam sa graphics ay lumilikha ng sarili nilang konsepto at ang iba ay kinukuha lang din sa internet.

                Kung ikukumpara ang blog sa Wattpad ay hiwa-hiwalay ang mga blog. Ang ginawa ng Wattpad ay pinagsama-sama nito ang lahat ng may hilig sa pagbabasa at pagsusulat. Kaya’t naging isa itong komunidad sa internet. Dahil ito ay isang uri ng social media kaya’t maipa-follow ang ibang user. Kung nagustuhan mo ang kanilang isinulat ay maaring mag-comment at mag-vote. Puwede mo pang i-dedicate ang iyong istorya sa ibang Wattpaders. Kumbaga, interactive talaga ang dating. Puwede mo pa ngang i-share ang iyong akda sa Facebook, Twitter at Pinterest para makakuha ng karagdagang views.  
 

              Unang inilimbag ng Psicom Publishing ang nobelang A Hundred and One Reasons ni Bianca Salindong na galing sa Wattpad at nasundan pa ito ng isang sequel- ang Fourteen Sundays. Ngayong taong 2013 ay sunud-sunod ang paglalabas ng Psicom ng mga akda ng mga manunulat sa Wattpad. Kabilang na rito ang Diary ng Panget na isinulat ni haveyouseenthisgirl, na kalalabas pa lang sa merkado ay nanguna na agad ito sa Top Ten Best Seller ng National Bookstore. Agad ding inilabas ang part 2 ng nasabing nobela at mayroon pang part 3. Inilathala rin ng Psicom ang Sadist Lover ni Aril Daine at Talk Back You’re Dead ni Alesana Marie. Ang mga nasabing nobela ay umani ng mahigit sa isang million views. Asahan na marami pang akda na magkakaroon ng print version na galing sa Wattpad. Marahil ito ay magsisilbing inspirasyon sa iba pang mga manunulat sa Wattpad, na sana sila rin ay makapaglathala ng libro.

                Isa itong magandang senyales na sumisigla lalo ang popular na literatura sa bansa. Ang paglalathala ng libro ay hindi na lamang nakalimita sa mga beterano o datihang mga manunulat. Nagbukas ang Wattpad para sa mga bagong sibol na manunulat. Mga mas bata, mas moderno ang paraqan ng pagsulat at kabisado ang panlasa ng kasalukuyang henerasyon. Tama ang sinabi ng publisher ng Psicom na si Arnel Gabriel, “Marami pa ring Pinoy na nagbabasa ng libro, ang kailangan lang ay tamang materyales.” Katunayan, bukas ang isipan ng Psicom sa paglalathala ng mga akdang moderno na magaang basahin at masasakyan ng kahit na sino.







No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...