Nito lang Abril 9 ay naimbitahan ang inyong lingkod ng Pinoy Newsbook kung saan ay nagsusulat ako ng kolum, na maging isa sa mga hurado sa kanilang Dance Showdown sa may Sta. Cruz Covered Court, Antipolo City. Layunin ng paligsahang ito na hikayating magbasa ang mga kabataan at para na rin mailayo sila sa masasamang bisyo. Labing-dalawang grupo ang nagpakitang gilas ng mga sandaling ‘yun. Ito pa lang yata ang diyaryo na nag-orginasa ng ganitong aktibidades Kaya’t masasabing ibang klase talaga!
Ito ang unang beses na maging hurado ako sa dance contest. Pero naranasan ko na dati na maging hurado sa balagtasan, pagsulat at pagbigkas ng tula. Kung tutuusin ay napakalayong larangan ng pagsusulat at pagsasayaw. Pero pareho itong sining, sa pagsusulat ay mga salita ang nangungusap. Samantalang sa sayaw ay tiyempo, ritmo o galaw ng katawan ang ipinapakita. Ang sayaw para sa akin ay para ring pagsusulat dahil bawat piyesa ay may kuwentong inilalahad.
Ang Pagbabalik ng Original Pintados
Unang sumalang ang Ang Pagbabalik ng Pintados. Nakakabilib ang grupong ito dahil costume at props pa lang ay talagang pinaghandaan na nila. Sumayaw sila ng Singkil na kilalang katutubong sayaw ng mga kapatid nating mga Muslim. Mahusay ang tiyempo ng kanilang mga galaw. Hindi lang sila sa katutubong sayaw humataw kundi pati na rin sa modern dance. Lalo nang ihagis-ihagis nila sa ere ang pinakabata nilang miyembro. Siguradong napapalunok laway ang mga manunuod dahil sa tindi ng aksyon. Unang kalahok pa lang ay mainit na, whew!
D Xelected
D Xelected
Sumunod na sumalang ay ang D Xelected, lalong nag-init ang mga audience. Hindi dahil sa stunts kundi dahil sa sexy nilang kasuotan. Nakabubuhay ng dugo ng mga kalalakihan. Ang gagaling nilang gumiling at malilinis ding gumalaw. Hataw din sumayaw ang miyembro nilang lalaki na chubby. Isang bagsak para sa grupong ito!
Sumunod sa D Selected ay ang kanilang small version, na tinatawag na D Xelected Kids. Simple lang ang kanilang costume. Siyempre, mga bata pa lang sila at ‘di pa sila puwedeng magpa-sexy tulad ng sinundan nilang grupo. Hataw ding sumayaw ang mga bata. ‘Yun nga lang ay parang walang reaksyon ang kanilang mga mukha. Parang ‘di sila masaya sa kanilang ginagawa. Marunong din silang maghagis-hagis sa ere, mababa nga lang. Tapos ay inikut-ikot pa nila. Kung mga kapwa nila bata ang kanilang kalaban. Malaki siguro ang tsansa nilang manalo.
Sumalang naman ang HCSA Extreme Movers. Binubuo sila ng pitong lalaki at isang babae. Simple lang ang kanilang costume dahil mga naka-jacket lang sila at maong na pantalon. Parang makikipag-high five lang. Okay naman ang kanilang sayaw. Sana lang ay ginitna nila ang kasama nilang babae para maging sentro ng atrasyon tutal ay cute naman ito, hehe. Maiksi lang ang kanilang dance number ‘di tulad sa mga naunang grupo.
Agaw-eksena naman nang pumasok ang Top Rated dahil may mga takip na dahon ang mga ito sa mukha. Para silang mga sundalo dahil mga nakapatig. Bukod dito ay may background music pa ng putok ng mga baril. May isang babae silang miyembro na may make up na parang zombie o naagnas ang mukha. May step pa sila na para silang mga sumayaw na robot. Nang maalis ang takip na dahon sa mga mukha ng mga lalaki ay mga agnas din pala ang kanilang mukha. Kitang-kita mo ang gigil sa kanilang mga mukha habang sumasayaw. Nandun ang galit. Waring ipinapahiwatig ng grupo na walang buting idudulot ang digmaan kundi kamatayan!
Cool na cool naman ang pagpasok ng (The Revenge) 626 Family dahil sa suot nilang may nakasulat na Hip Swag. Mga swagger, ‘ika nga. Isa lang din ang miyembro nilang babae na talaga namang hataw kung sumayaw. May isa pa silang miyembro na na tila gustong magpatawa dahil nagtanggal pa ng pantalon para ipakita ang salwal.
The Original Pintados
The Original Pintados
Kung ano’ng ingay ng mga tao sa The Original Pintados, tahimik lang ang kanilang reaksyon sa pagpasok ng Tres Kantos. Mga naka-black jacket ang limang miyembro ng grupo. Hataw din naman sila sumayaw, pero mukhang ‘di pa naka-move on ang mga tao sa sinundan nilang grupo kaya siguro wala silang ingay na nalikha nang sila na ang mag-perform.
The Next Generation
Ayos din ang entrada ng The Next Generation dahil para silang mga kulto sa suot nilang damit na violet na may hood. Gregorian pa ang tugtog kaya’t bagay na bagay sa ipinapakita nilang eksena. Sa una ay puro hands movement lang ang kanilang ginagawa. Pero bumawi sila sa sunod nang humataw sila ng sayaw. At inalis pa nila ang kanilang suot na damit na may hood kaya’t lumabas ang kanilang pagkaseksi. Sa huli ay meron din silang balibagan at wagwagan ng kasama pero sasandali lang.
Kagaya ng Tres Kantos ay lilima lang din ang miyembro ng Midnight Project. Magaling ang grupong ito, ambibilis gumalaw pero nagkakasabay-sabay sila. Mataas din ang iskor sa akin ng grupong ito. Ang sayaw naman ay hindi lang puro tumbling at hagisan sa ere.
Extreme Breaker
Extreme Breaker
Pagdating naman sa Extreme Breaker ay agaw eksena rin sila. Dahil panay ang tili ng mga babaeng naroon. Hataw din at may mga tuma-tumbling-tumbling pa sa kanila. May isa pa silang miyembro na naghubad ng pantalon at nagpakita ng salwal habang may hawak na botelya na waring nang-aalok uminom. Tuwang-tuwa naman ang mga nanunuod na mga daligita at kasapi ng pederasyon.
Huling sumayaw ang M.Y. Style, binubuo sila ng pitong lalaki at isang babae. Hataw din sila kagaya ng mga sinundan nilang grupo.
Itinahanghal na second place ang Ang Pagbabalik ng Pintados, ang first place naman ay ang Extreme Breaker. At ang itinanghal na kampeon ay ang The Original Pintados! Congratulation sa mga nanalo at sa mga hindi naman pinalad, ayos lang ‘yan. Ang mahalaga ay naipakita n’yo ang inyong talento sa mga tao. Nais ko palang magpasalamat sa mag-asawang sina Randy at Leila Barnuevo sa pag-imbita sa akin na mag-hurado sa paligsahang ito.
No comments:
Post a Comment