Tuesday, March 26, 2013

Love on the Air


       Bakit nga ba usung-uso ang mga tagapayo sa radyo? Dati, andyan si Tiya Dely na nagpapayo sa mga mayroong problema sa buhay. Buhay pag-ibig o maging anuman ‘yan. Sa TV ay naroon din si Joe D Mangoe, Lovingly Yours  Helen at iba pa. Ngayon naman ay andiyan sina Papa Jack, Papa Dan at kung sinu-sino pang tagapayo sa FM Stations. Dati-rati pabasa-basa lang ng sulat ang mga dj . Pero kinalaunan ay naging interactive na ang mga ito. Kung saan ay personal nang tumatawag ang mayroong mga problema.   At buong giting naman itong hinahanapan ng lunas ng tagapayo.

    Hindi ba talaga alam ng mga tao ang kanilang gagawin sa buhay nila kaya humihingi sila ng payo sa mga ito? O baka naman gusto lang nilang ma-broadcast para mapag-usapan ang kuwento ng kanilang buhay? Malas mo lang kung nakikinig pala ang taong naging ugat ng iyong problema. Dahil malamang sa hindi ay panibagong problema na naman ito. Kumbaga sa magsyota ay parang kiss and tell ang dating mo.
    Okey lang sa mga nanghihingi ng payo  na inookray-okray sila ng mga dj pati na rin ng mga listeners na mahilig mag-react. Natural lamang na okrayin ka ng mga ‘yan kung sa palagay nila ay nagpakatanga o tanga ka? O ‘di-kaya’y kung taliwas ang gusto mong mangyari sa inaakala nilang tama. Magpapayo ka tapos iba naman pala ang gusto mong gawin o mangyari. ‘Di ba’t mas mainam kung making ka na lang muna. Tutal naman sa huli ay ikaw rin naman ang magpapasya para sa sarili mo.


    Ako man ay naranasan ko na ring humingi ng payo sa isang announcer sa AM Station. Kaka-break lang kasi namin noon ng gf ko at siyempre medyo broken hearted ang lolo n’yo? Bakit ko nga ba naisipang makahihingi-hingi ng payo noon. Wala lang trip ko lang. Alam ko namang lilipas din ang sakit na nararamdaman ko. Kumbaga sa bagong tuli ay medyo masakit pa. Pero kapag natuyo na ang sugat ay okey na ang lahat.


    Puwede naman akong humingi ng payo sa mga kaibigan ko. Pero huwag na lang dahil baka mas malala pa ang problema nila sa akin. Kung hindi naman ay baka alaskahin lang nila ako. Mas maganda rin sana kung humingi na lang ako ng payo sa mga manginginom dyan sa tabi-tabi na mahihilig ding magbigay ng advice. Tapos bandang huli sasabihin lang nila, alak pa! O di-kaya’y humingi ng payo sa mga matatanda na kakilala ko. Aba’y sa dami na nilang karanasan kaysa akin. Malamang ay ituring lang nilang napakasimple ng problema ko. Humingi na rin sana ako ng  payo sa pastor nang sa gayun ay maipag-pray over pa niya ako. Dahil puwede niya akong mapagkamalan na parang may sapi lang. Mas maganda rin siguro kung sa psychologist na lang ako hihingi ng payo. Ang ikinatatakot ko lang ay masabihan pa ako na ang laki ng sira ng utak ko ba’t di pa ako magpalagak sa mental hospital?  Putsa naman ‘pag sa abugado ako hihingi ng payo baka samu’t saring batas ang ilatag sa akin na sagot sa problema ko kaya huwag na lang din.


    Hindi porke’t humihingi tayo ng payo ay hindi natin alam kung ano ang solusyon sa  problema natin. Maliban na lang kung ang problema natin ay di natin alam ang pormula sa isang mathematical problem. Aba’y mahirap nga ‘yan lalo na’t kung boploks tayo sa Math.Dehins na rin uubra ‘yung kasabihan na, “You cannot face the problem if the problem is your face.” Dahil sagot na ‘yan ng Belo at Calayan Group.  Puwede naman kasing may naiisip tayo tapos kailangan din nating ihambing ang payo ng ibang tao sa atin. Hindi lang naman iisa ang sagot sa problema natin. Kung ‘di umubra ang option 1, puwedeng ang option 2. Kung wala pa rin ibang usapan na ‘yun.  Pero kung ako ang tatanungin isa lang ang masasabi ko, BAHALA KA SA BUHAY MO

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...