Friday, February 15, 2008

Edukasyon o Kayamanan?

Lakandiwa:
Ang dalawang mahusay na makata ay itatampok
Haharapin nila ay napakahirap na pagsubok
'Pagkat ang mga katuwiran nila ay magsasalpok
Sino kaya ang lalabas na matalino at bugok.?

Sa panahon ngayon ay ano ba ang mahalaga
Edukasyon ba o ang kayamanang tinatamasa?
Alam kung lahat ng tao'y naghahangad ng ginhawa
At ng karunungang nagpapapaunlad sa diwa.

Kanina pa sila nakatayo rito sa may gitna
Kung baga sa sundalo ay nakahanda na sa digma
Kanino kayo papanig dito ba o sa kabila?
Makinig nang husto at buksan ang inyong pang-unawa.

Ang titindig sa edukasyon hangad niya ay talino
'Pagkat ito ang pinili niya't talagang ginusto
Kaya't karangalan niyang matawag na isang henyo
Karunungan ay kasama na ng kanyang pagkatao.

Ang tingin ko sa kanyang katalo ay isang praktikal
'Pagkat itong kayamanan ang higit na minamahal
Kung mayroon kang kayamanan para na ring may dangal
Marahil ito ang nasa isip niya't iaaaral.

Nararapat lang na ang bagay na ito'y mapag-usapan
'Pagkat ang lahat ng tao ay mayroong kinalaman
Dahil tayong pinakasentro't pinatatamaan
Dapat lang makialam at huwag isara ang isipan.

Edukasyon:
Ang kailangan ng lahat ng tao ay edukasyon
Ito'y isang tulay upang maabot mo ang ambisyon
Kailangan nating sumabay sa takbo ng panahon
Mahirap maging mangmang at ituring na 'sang patapon.

Ang edukasyon ay masasabi na ring kayamanan
'Di mauubos dahil nakalagay sa iyong isipan
Kaibigan, maganda ang mayroong pinag-aralan
Para magkaroon ka ng magandang kinabukasan.

Ang literal na kayamanan ay mapapasaiyo
Dahil magkakaroon ka rin ng magandang trabaho
Kahit maralita lang balang araw ay aasenso
Lahat ay posible kung ikaw ay isang edukado.

Kung nakapag-aral malayo ang iyong maaabot
Ang mahahawakang salapi ay 'di lang kakarampot
Maaari ka ring maging among nakakapagpaikot
'Di isang tauhan na tila sunud-sunurang robot.

Walang imposible sa taong may isipang malawak
Naghahatid sa tagumpay dahil isa itong pakpak
Habambuhay na dala-dala't nasa likod ng utak
Daragin man sa apoy ay 'di rin mawawasak.

Ano ang kabuluhan ng kayamanang nauubos?
Baka kapag nawala na'y kasama ka ring matapos
Huwag mananalig sa kayamanan mong dinidiyos
Ibigin mo ang edukasyon ito ang aking utos!

Kayamanan:
Ang mahalaga sa daigdig na ito ay kayamanan
'Di ba't mas mainam kung maraming perang nahahawakan?
Ang sobrang pag-aaral ay pahirap lang sa katawan
Pinahihirapan nang husto ang sarili 'di naman yayaman.

Ang kayamanan ay 'di isang librong isinasaulo
Kundi magagamit sa araw-araw na pamumuhay mo
Dahil sa kayamanan magagawa lahat ng gusto
Malakas ang impluwens'ya mo't kapit sa gobyerno.

Ang diploma't medalya ay palamuti lang sa dingding
Nag-aral ka nga pero ba't tila mayroong tililing?
Samantalang ang kayamanan magagamit sa magaling
'Di maghihirap nang husto kagipitan ma'y dumating.

Ang edukasyon ba ay agad mo nang makakain?
Magagastos ba 'yan sa tindahan kung may nais bilhin?
Kung mayroong kayamanan 'di maaaring gutumin
'Di na kailangan na ang isip mo ay pigain.

Kapag masaganan marami ka ring matutulungan
Mga kapatid na dukha at nangangailangan
Na 'di man lang makapasok sa matinong paaralan
Tapos ngayon ay itinuturing n'yo pang mga mangmang.

Paano sila makakapag-aral kung walang pera?
P'wera na lang kung iskolar na may sumusuporta
Alam mong taun-taon tumataas ang matrikula
Kaya't sa edukasyon ay 'di na ako aasa pa!

Edukasyon:
Ang edukasyon ay malaki rin ang naitutulong
Huwag solohin ang karangalan, pilantropong gungong
Kung wala itong edukasyon tayo kaya ay dudunong?
Baka sa walang hanggang kamangmangan pa'y nakakulong.

Kapag walang tinapos 'di ka igagalang nang husto
Mamatahin ka lang ng kung sino'ng impakto't demonyo
Kaya nasapawan si Bonifacio ni Aguinaldo
Nang maliitin s'ya noon ng isa sa mga Magdalo.

Kung may likas na talino pero 'di naman binungkal
Walang kabuluhan para ka na ring nagpatiwakal
Sayang lamang ang kaloob kung 'di marunong magmahal
'Pagkat ang talino'y kinukulob at 'di pinabubukal.

Edukasyon ay mahalaga alam 'to ng gobyerno
Kaya't inilagak nila rito ang malaking pondo
Kung lahat ay nakapag-aral walang magiging bobo
Magiging matatag ang pamumuhay mo sa mundong ito.

Karamihan sa namumuno'y pawang edukado
Kapag mahina ang namumuno saan patutungo?
May maganda bang naiisip ang tulad mong utak ginto?
Kung puro kayamanan lang ang laman ng 'iyong puso.

Malaay mo balang araw maging pinuno ako ng bansa
Kaya't pakaiingat ka sa iyong pagsasalita
Kilalanin mo na ang edukasyon ay mahalaga
Huwag sabihing dunong-dunungan 'to, mangmang na bata!

Kayamanan:
Ano' nangangarap ang isang 'to na maging lider
Paano nasasarapan kang tawagin na boss at sir
Kung 'di ko pa alam gusto mo lang gayahin si Hitler
Ingat sila sa 'yo baka manira ka ng rebolber.

Kailangan pa bang maging propesor at senador
Upang maging tanyag at isang magaling na orador?
Ako kahit sa bahay lang mag-aral dahil may tyutor
Sa pag-aaral mo baka ako pa ang mag-isponsor.

Bakit si Presidente Erap drop out sa Ateneo?
Samantalang high school gradweyt lang ang lider na si Suharto
'Di ito nakukuha sa taas ng pinag-aralan mo
Nasa yaman at hangaring makapaglingkod sa tao.

Alamin mo ang datos maraming walang trabaho
Mga nakatambay kahit nakatapos ng kolehiyo
Ang iba ay 'di nagamit ang pinag-aralang kurso
Kaya't nasayang lang ang apat na taong binuno.

Kung magsalita ka akala mo'y napakatalino
Ba't alam mo ba ang lahat ng bagay sa mundo?
'Yan ba ang natutunan sa paaralan, ang maging idealistiko?
Baka sa sobrang pagbabasa nasira na ang ulo.

Huwag sanang akalain na mukha akong salapi
Nakamtan ko ito dahil sa aking pagpupunyagi
'Di nakapagtapos pero may talinong nakakubli
At nahihigitan pa kita sa aking pakiwari.

Edukasyon:
Karamihan talaga sa mayayaman ay mayayabang
Ang dating ng salita ay nasobrahan sa anghang
Napakakitid ng isip mo dahil utak-alamang
Akala mo ay dakila wala namang pakinabang.

'Di ako naniniwalang yaman ay bunga ng pagsisikap mo
May nakapagsabing namana lang sa nasira mong lolo
Paano ka uunlad lalo kung mahina ang iyong ulo?
Baka ang makinabang ng kayamanan mo ay ibang tao.

Marami ngang kayamanan 'di naman marunong humawak
Kahit katiwala lolokohin ka dahil walang utak
Baka matulad ka sa kuwento ng Alibughang Anak
Walang pagpapahalaga sa bukas at 'di nagbabalak.

'Di ba't ang malaking kayamanan ay nakakasilaw?
Kung ganoon ba't ang tao dito pa ililigaw?
Edukasyon ang kailangan natin sa mundong ibabaw
'Di ang kayamanang 'di madadala kapag pumanaw.

Ang paniniwala mo'y tulad sa ibang salesman
Sabi nila ang edukasyon ay 'di na kailangan
Mas malaki raw ang kinikita nila sa bentahan
Nasa husay mag-sales talk at networking lang ang paraan.

Ang karunungan na dulot ng edukasyon ay 'di napaparam
Samantalang ang kayamanan ay para lang hiniram
Ayokong matulad sa 'yo na walang kaalam-alam
Ang kapal ng apog mo na sa akin ay makialam!

Kayamanan:
Hoy! Bakit sinasabing mahina ang aking kukote?
Kung totoo umatras na sana ako sa debate
Wala namang kabuluhan ang mga pinagsasabi
Paikot-ikot lang, 'di pa gaanong makaatake.

Sa panahon ngayon may makikita ka bang libre?
D'yan nga sa edukasyon mo ay ang taas ng tuiton fee
Sa buong bansa halos pribado ang nagmamay-ari
Pero wala sa akin 'to dahil sa maraming salapi.

Ipinagmamalaki mo ang edukasyong komersyal?
Ang karunungang para sa lahat, ipinangangalakal
Sobrang daming gastos, ang bayad ay pagkamamahal
Ito ba ang tinitindigan mo, kuno'y intelekwal?

Kung gusto n'yo na maging mahalaga ang edukasyon
Baguhin ang maling sistema na pinaiiral n'yo ngayon
Tayo ay magbigayan 'yan ang sabi ng Panginoon
Kabig kayo ng kabig parang 'yung ibang relihiyon.

Marami ang nagsasabi na sila raw ay nakatapos
Ngunit kung tanungin mo ay 'di makasagot ng maayos
Kung kuto lang sila marahil ay akin nang pinulbos
Kung nakapag-aral ba't sa talino'y kapos?

Ang kayaman ay ayokong magamit lang sa luho
Bagama't sinasabi ng iba na ito ay isang tukso
Nais kong ituring ito na isang dalisay na ginto
Na nararapat lamang sa may malilinis na puso.

Lakandiwa;
Sa aking narinig tila ang isip ko'y tinutuhog
Sa init ng pagsasagutan n'yo para kayong mambubugbog
Baka sa gitna ninyo ay biglang may bombang sumabog.

Maganda ang katuwiran n'yo na naibigay
Sa katotohanang aral ay 'di kayo suminsay
Ngunit pareho kayong tama sa aking plagay
Magagamit ito sa araw-araw nating pamumuhay.

Huwag sanang sasama ang loob n'yo sa akin
Kung sasabihin kong kayo ay may kahinaan din
Bilang lakandiwa igalang ako at huwag batikusin
Nais ko lang kayong maging mabuti sa aming tingin.

Ikaw Edukasyon, 'di ba't ikaw ay para sa lahat?
Ba't mapepera lang ang nakakapag-aral ng sapat?
Paghusayin rin ang turo mo ito ang nararapat
Kapag naganap 'to ibabantog ka ng walang puknat.

Ikaw Kayamanan, huwag kang masyadong magpasikat
Tama na, sa sariling bangko huwag nang magbuhat
Ang biyaya ay ibahagi sa iba't iyong ikalat
Kung ganoon habambuhay ang aking pasasalamat.

Sa oras na ito nais ko munang maging neutral
Paumanhin kung naghintay kayo nang napakatagal
Ang paghuhusga'y maaaring bawat indibidwal
Yamang napanuod na ninyo ang aming pagtatanghal.


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...