Friday, February 15, 2008

Ang Mga Mangangaral sa Usaping 'Di Pag-aasawa

Sa sandaling 'to bubuhayin natin ang balagtasan
Na niluma na ng panahon at nilimot ng karamihan
Ngunit ang makata at tula ay walang kamatayan
Kaya't nasa harapan n'yo sila upang manindigan.

Narito ang dalawang lingkod ng Panginoon
Maghahanay ng kanilang katuwiran at kaisipan
Handa na ba kayo upang sila ay inyong pakinggan?
Saglit na manahimik, tama na ang bulung-bulungan.

Magsasabong ang dalawang lingkod ng Panginoon
'Di sakitan kundi pagpapaliwanag ng opinyon
Ang dalawang ito'y sadyang mayroong determinasyon
Kaya naman sa isa't isa'y parehong nanghahamon.

Ang paksa natin ay may kinalaman sa relihiyon
Sa 'di pag-aasawa pari ang gumagawa niyon
Ngunit ang ministro naman dito'y 'di sumasang-ayon
Sa pagkakataong 'to lilikha tayo ng diskusyon.

Ang ganitong usapan ay 'di na bago sa ating pandinig
Ipinatutupad na ito noon, mga iniibig
Ngunit sa 'di pag-aasawa 'di lahat ay pumapanig
Sadyang iba't iba ang pananaw ng tao sa daigdig.

Kaya nga ang ganitong pagtatanghal ay idinaos
Upang sa gayun mapakinggan natin sila ng lubos
Walang aalis kahit ang ulan pa ay bumuhos
Tunghayan natin mula umpisa hanggang matapos.

Pari:
Naniniwala akong ang 'di pag-aasawa'y tama
Kung puno ka ng Simbahan at dito'y gumagawa
Upang ang buong buhay mo'y sa kanya maitalaga
Tipunin pa ang mga nangaligaw na tupa.

'Pagkat habambuhay na si Cristo ang naging asawa
Ikinasal na ako sa Kanya noon pa mang una
Malayung-malayo sa mga tukso at pagnanasa
Ang babae ko lang iniibig ay si Birheng Maria.

Ang isip at kilos ko ay nawalan na ng malisya
Kahit nakakaharap ay magagandang dalaga
'Di naman sa sila ay aking winawalang-halaga
Bagkus iginagalang ng buong puso't kaluluwa.

Sa kalagayan kong ito wala ng ibang mahihiling
Masaya ako kahit nag-iisa't walang kapiling
Ina't kapatid kung ang babae ay aking ituring
Wala akong pakialam sa mga kumakaringking.

'Pagkat sa sariling kagustuhan ay tumalikod
Nais kong sa Kanya'y buong buhay na makapaglingkod
'Dibaleng sa pita ng laman ay 'di na makasunod
Upang ang Manlilikha sa akin ay lubusang malugod.

Paano ka makagagawa kung mayroong sagabal?
Kung mag-aasawa rin lang huwag ka nang mangaral
'Di lamang sa asawa mabibigay ang pagmamahal
Bagkus maipadadama sa kapwa ang layuning banal.

Ministro:
Ngunit ang mga turo mo'y 'di Niya ibinunsod
'Di naman sinabi pero sugod ka pa rin ng sugod
Dahil sa katuruang 'yan maraming natisod
Sabihin mo nga kung ang lahat sa inyo'y sumusunod.

'Di ba't ang mga unang apostol maging propeta
Ay mayroong anak at asawa na kinakasama?
Ang doktrina n'yo ay 'di nakalagay sa Bibliya
Gawa-gawa lang 'yan ng unang Papa sa Roma.

Ang pag-aasawa ay 'di ninyo dapat ipagbawal
Sa nagsumpaan sa harap ng altar Diyos ang nagkasal
Maliban na lang kung iba ang plinano ng Maykapal
Kung kaloob ito ng langit bakit ka pa aangal?

Ang mga babae ay nagbibigay ng inspirasyon
Sila ay ating minumutya sa lahat ng panahon
Ngunit huwag lang pagbubuhusan ng buong panahon
Baka mapabayaan ang tungkulin sa Panginoon.

Kailanman ang babae ay 'di makakaistorbo
Bagkus sa iyong paglilingkod makakatulong ito
Ngunit ang dapat mo lang piliin ay isang Kristiyano
Katulad mong may pananampalataya't 'di pagano.

Padre, nasosobrahan ka lang sa pagkapanatiko
Nakamahaba ka parang palda 'yang kasuotan mo
Kung p'wede lang sana tanggalin mo ang iyong abito
At para malaman mo kung aling turo ang totoo.

Pari: Sino'ng may sabing wala 'to sa banal na kasulatan?
Ang buhay ni Cristo ang dito ay naging pamantayan
Masama ba kung ang alindog ng babae ay tanggihan?
'Di ba't mas masama kung ikaw ay maging makalaman?

Sa tono ng salita mo ikaw'y isang babaero
Gusto pa yatang palabasin na binabae ako
Ang gusto ko lang naman ay matulad kay JesuCristo
Walang babaeng nakarelasyo nang narito sa mundo.

'Di ako nag-asawa 'di dahil galit sa babae
Huwag din sanang pagbibintangan na isang binabae
'Di ba't ang babae ang unanbg nalinlang ng Serpente?
Kaya't sinumpa ang tao sa lahat ng salinlahi?

Ang ibig kong sabihin sila ay ating kahinaan
Madali tayong matangay sa ating nararamdaman
Ang babae ay isdang tukso 'yan ang dahilan
Kung ba't 'di ako nagpaakit sa kanyang kagandahan.

Pag-aralan mo ang laman ng Bibliya
Dahil sa babae pati lingkod ng Diyos napasama
]Si Haring David, Haring Solomon, Samson at iba pa
Kaya't sa kanilang panghalina huwag padadala.

Ang lakas ng loob mo na dito pa magkalat
Sa harap ng kababaihan ay ibig mong magpasikat
Kunwari ay nagtatanggol maitim naman ang balat
Mambobola! Binibilo mo ang ulo naming lahat!

Ministro:
Nang nilikha ng Diyos ang undo at tao
Nag-iisa lang noon si Adan at nalungkot ito
Kaya't may babae bilang pangalawang paraiso
May katuwang ka habang naglalakbay sa mundo.

Tayong mga tao ay mayroong puso't damdamin
Laging nauuhaw at naghahanap ng mamahalin
Sa iyo ko na rin 'yan narinig dahil iyong inamin
Kung ganuon ba't ang kalikasan mo ay pipigilin?

Ayaw mo bang magkaroon ng masayang pamilya?
Kuntento ka bang kapatiran lang ang nakakasama?
Ba't pa magtitiis 'di naman Niya itinalaga?
Maiksi lang ang buhay at 'di dapat maaksaya.

Kay sarap kung sa buhay mo ay may kaagapay
Hanggang sa hirap at kamatayan kayo ay magkaugnay
Ito ang mapapakinabangan sa magulong buhay
Ang magpakaligaya sa piling ng iyong maybahay.

Ang tingin ko sa iyo'y isang tiwalag sa daigdig
Nabulag dahil iniligaw na ng maling pananalig
Sa mga pangangatuwiran ko ay ayaw makinig
Ang daldal mo, itkom nga 'yang malaking bibig!

Kung may babae na sa harap mo'y magtanggal ng saplot
Wala ka bang malisya at ang isip 'di maglilikot?
Huwag kang hipokritong may kasamaang binabalot
Nagbabanal-banalan ka upang kami'y mapaikot!

Lakandiwa:
Sa aking mga narinig nalilito itong isipan
Halos pareho kayong tama kapag nangatuwiran
Palibhasa'y matatalinong maraming nalalaman
Kapwa pinuno ng Simbahan at may paninindigan.

Ang unang nagpahayag ay may malinis na hangarin
Talagang tapat siya sa sinumpaang tungkulin
Ang 'di pag-aasawa'y lagi niyang idinidiin
'Pagkat sa lingkod ng Diyos ito raw ang marapat gawin.

Itong katunggali ay tahasan namang sumalungat
Ang pag-aasawa ay karapatan daw nating lahat
Walang sinumang maaaring magbawal o umawat
Basta't malinis ang layon, sa asawa'y maging tapat.

Ngunit dapat ay isa lang ang sa inyo'y manalo
Lumabas pa an isa akong balimbing na hurado
Huminahon lang hawakang mahigpit ang mikropono
Sa mga kapanalig ninyo ay walang mambabato.

Ang pag-aasawa't pagbuo ng pamilya ay matuwid
Kahit pa mangangaral walang dapat maging balakid
'Di masama an umibig, ang masama ay makiapid
Ang pasya ko ay tama ang ikalawang kapatid.

Ngunit sa natlo 'di ko sinasabing ikaw'y mali
Ymang sa mundo ang tao may iba't ibang paggawi
Bilang huling salita isipin itong talumpati
Nawa'y may napulot kayong aral sa inyong pag-uwi...

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...