Tuesday, February 4, 2014

Gusto Mo bang Maging Band Manager?

    May mga banda na ang ginagawa ay do it yourself. Pero mas maganda kung mayroon silang manager. Para na rin may mangalaga sa kanilang karera.   Pero bago magkainteres na pasukin ang ganitong uri ng negosyo dapat ay mahilig ka sa musika. Paano ka papasok sa industriya ng musika kung wala ka namang ka-music-music sa katawan?

    Kung kukuha ng talent kailangan ay bilib ka sa kakayahan ng banda o sabihin na nating ikaw ang number one fan nila. Para ka rin kasing endorser ng produkto. Paano mo iiendorso ang isang produkto kung hindi ka naman naniniwala na magandang klase nga ito? Bago tumayong manager ng isang banda, mabuting magkaroon kayo ng kontrata. Kahit kaibigan mo pa sila ay maganda na rin ang ganito para maging ligal at propesyunal ang samahan n’yo. Maaaring kada-isang taon ang bisa ng isang kontrata. I-extend lang ito nang i-extend kapag maayos pa rin ang inyong samahan. Respeto lang naman sa bawat isa ang kailangan para magtagal ang samahan. Kapag manager ka maituturing na rin na ikapang-limang miembro ng banda.

   Kabisado mo dapat ang tipo ng musika ng banda na hinahawakan mo. Dapat meron silang genre para meron silang pagkakilanlan. Saka para alam mo rin kung ano’ng klase ang kanilang magiging audience. Know your market. ‘Ika nga, alam mo kung ano ang inilalako mong produkto. Kapag manager ka ng banda dapat ikaw ‘yung tipo ng jack of all trades. Kumbaga, lahat alam mo. Isipin mo kung kaya mo bang ibenta ang banda na hawak mo? Hindi naman kinakailangan na sobrang taas ng taste mo sa music. Ang kailangan lang ay alam mo kung papatok ang isang kanta o hindi. Maaaring magbigay ng opinyon sa banda kung ano’ng klase ng kanta ang sa tingin mo ay tatangkilikin ng mga tao.

    Alamin din ang kapasidad ng banda baka ‘di nila kayang tumugtog ng maramihan o mahabaan. Kaya’t maigeng pagpondohin sila ng maraming kanta. Para makasabay sila sa demand ng aarkila sa kanila. Sabi ng mga eksperto, kapag kakaunti lang ang kayang tugtugin ng live ng banda ay wala silang gaanong mararating.  Kaya’t bilang manager, alamin mo ang limitasyon ng grupo. Kung makakitaan mo ng kahinaan ay sama-sama kayo ng banda na madebelop ito. Paalalahanan din sila lagi na huwag kalilimutang magpraktis bago sumalang sa gig.

     Importante rin na pakinggan ang mga tagahanga ng banda. Tanungin mo kung ano pa ang gusto nilang mapangkinggan mula sa banda. Hindi puwedeng sa isang negosyo ay ‘di isinaalang-alang ang kagustuhan ng mga kostumer. Importanteng pangalagaan ang mga tagahanga nang sa gayun ay maging loyal ang mga ito sa banda. Alalahaning maraming mga banda na sumusulpot na magagaling din naman.

    Dalawang klase ang pagbu-book sa banda. Ito ay ang tinatawag na incoming at call out. Kapag sinabing incoming, ikaw ‘yung tatawagan ng mga gustong magpa-book o aarkila sa iyong banda. Sa call out naman, ikaw ang tatawag o maghahanap ng kanilang puwedeng pagtugtugan. Kapag tumatawag siguraduhin lang na alam mo kung sino ang hahanapin at kakausapin mo. Kapag may mga imbitasyon, alamin ang lahat ng detalye. Kung saan ang lokasyon, kung kailan at ano’ng oras gaganapin ang gig, etc. Saka kung bagay ba ang banda sa okasyon. Halimbawa, rakista ang hawak mong banda tapos maiimbitahan sila sa pangsayawan na tugtugan. Dyahe yata ang ganun. Mahalagang maging visible lagi ang banda mo para nakikita at nakikilala sila ng mga tao. Nang sa gayun kapag may organizer na nagkainteres ay makatatanggap ng imbitasyon.

    Ang pagpi-presyo kung magkano ang ibabayad sa banda ay nakadepende na rin sa kanilang status. Kung marami bang nanunood kapag may gig sila o kakaunti lang. Sa madaling salita, kung kilala na ba sila o hindi. Sa mga baguhang banda, karaniwan ay mga tumutugtog ng libre. ‘Yung iba nga, sila pa ang pinagbebenta ng tiket ng organizer kapalit ng kanilang pagtugtog. Pero hindi dapat laging ganun dahil ‘di lalago at masasanay ang mga organizer sa libre. Kahit paano ay may kaonti rin namang maiuuwi dahil gumagastos din naman kayo. Isipin mo na lang, na ang pinasok mo ay isang negosyo. Kaya’t tatagal ba kayo kung walang pumapasok na pera sa inyo? Pagdating sa kitaan, hati-hati kayo ng banda. Kapag sa bar naman tutugtog, karaniwan dito na ang bayad ay may porsiyento ang banda sa kung magkano man ang napagbentahan ng tiket. Kaya mainam na mag-imbita ng mga kaibigan at kakilala para pandagdag sa audience.

    Kapag tutugtog ang banda, isipin ang pagkakaroon ng magandang exposure. Makabubuting huwag na lang magpa-line up kapag sobrang dami ng bandang tutugtog. Sayang lang kasi dahil ‘di rin matatandaan ng mga tao. Maging sigurista rin, ugaliing manghingi lagi ng downpayment bago patugtugin ang banda. May mga insidente kasi na nagogoyo o ‘di nababayaran ang ilang banda. At least kapag nangyari ito, kahit paano ay meron kayong nasingil. Para makasiguro gumawa ng kontrata para may panghawakan. Para kapag nagka-aberya ay may habol kayo. Maaari rin namang ikaw ang mag-organisa ng gig. Umarkila ng venue at doon patugtugin ang mga banda na hawak mo. Bukod sa mga mahihilig manuood ng concert, mag-imbita rin ng mga taong may kaugnayan sa music industry para mai-market mo ang iyong mga talents.

    Huwag ismolin kahit konti lang ang crowd na nanunood kapag may gig. Dahil ‘di mo sila kilalang lahat. Malay mo meron palang talent scout o producer na nanunood. Paalalahanan ang banda na konti man o marami ang nanunood sa kanila ay huwag mawawalan ng gana. Paghusayan pa rin ang kanilang pagtugtog. Magpaka-professional sa lahat ng oras, ‘ika nga.

   Bilang manager tungkuling mo rin na magpadala ng demo sa mga record label, sa mga establisyemento kung saan mo sila gustong patugtugin, sa mga radio station at iba pa. Ikaw din ang responsable sa paglalabas ng mga release sa dyaryo, magasin at kung saan mang babasahin para maging pamilyar ang iyong banda sa mga tao. Ugaliing maging ma-PR sa lahat ng oras para makakuha ng suporta ang iyong banda sa media at sa mga nagtatrabaho sa musika ng industriya. Unti-unti na ring lumalaganap ang internet radio sa atin na bukas para sa OPM. Puwedeng magpadala ng demo sa kanila. Idagdag na rin natin ang paggamit ng social media para makakuha ng mga tagahanga.

    Siyempre, maglaan ng sapat na pondo para sa operasyon ng banda. Maaari ring mag-prodyus ang banda ng cd na EP at ibenta ito kapag meron silang gig, magdisenyo ng t-shirt na may pangalan ng banda saka ibenta. Lahat ng posibleng pagkakitaan ay puwedeng gawin. 

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...