Tuesday, February 4, 2014

Car Wash Business


 Kapag papasukin mo ang pagka-car wash kailangan ay may alam ka sa sasakyan kahit basic lang. Siyempre, dapat marunong kang maghugas ng sasakyan. Kung paano ka maghugas sa sasakyan mo ay ganun din ang gagawin mo sa sasakyan ng kostumer mo. Bago pasukin ito ay magtanong muna sa business licesence sa  inyong munisipyo kung ano ang kakailanganin para sa pagtatayo ng ganitong negosyo. Sa Manila, kailangan ay 300 sqr. meter ang lugar mo para payagan kang magkaroon ng car wash.

    Kailangan mong mag-provide ng water pump o water spray na nasa 1.5 hanggang 2 hose power. Kailangan mo rin ng pam-foam wash, ‘yung iniispray na bula sa sasakyan. Kailangan mo rin ng compressor na ikakabit sa pang-foam wash. Tapos ang kailangan mo na lang ay sabon, ‘yung pang-car shampoo. Panghuli, kalangan mo ng vacum para malinis mo ang loob ng sasakyan. Ang pagba-vacum kasi ay kasama na sa ibinibigay na serbisyo ng mga nagka-car wash. Pero kapag sobrang dumi ng sasakyan ng kostumer ay doon na nagkakaroon ng karagdagang bayad. Tinatawag itong general vacum.

    Sa ngayon, nasa 80 pesos ang pagpapahugas ng kotse samantalang ang van ay 150 pesos. Karaniwang umaabot sa 40 minuto ang paglilinis ng sasakyan. Mabilis na ‘yun at may kalidad. Kasama na rin doon ang pagba-vacum. Kapag nagka-car wash ka para ka rin lang naglalaba at naghuhugas ng pinggan. Aanlawan mo muna dahil may mga dumi nga saka para lumambot ang nakakapit na dumi. Pagkatapos ay sabunin mo saka mo babanlawan.

    Maganda ang ganitong klase ng negosyo lalo na’t meron kang sariling lugar. Siyempre, dapat nasa tabing kalsada ka para nadadaanan ka ng mga sasakyan. Bukod sa car wash puwede ka ring mag-alok ng auto detailing katulad ng pagwa-wax at  pag-i-engine wash ng sasakyan, paglilinis ng upholstery, mga dashboard, mga vinyl o leather at iba pa. Puwede ka ring magtinda ng car accessories. Kung marunong kang mag-mekaniko ay mas mainam. Samahan mo na rin ng vulcanizing. Kumbaga, one stop shop na ang iyong car wash.

    Malaki ang bentahe kapag marami kang alam sa sasakyan. Kapag nagtanong kasi sa iyo ang kostumer ay masasagot mo. Halimbawang may problema sila sa sasakyan nila mabibigyan mo pa sila kung ano ang dapat gawin. Kung kaya mo namang gawin ay ialok ang serbisyo sa kostumer. Tandaan mo na kaya nagpapa-car wash sila sa iyo ay dahil wala na silang panahon o di-kaya’y limitado lang ang kanilang kaalaman sa sasakyan. Para sa kanila, ang dumi ay ‘di na matatanggal pa. Pero sa murang halaga ay kaya pa pala itong tanggalin. Kapag nakuha mo ang tiwala nila, ito na ang umpisa para sila ay iyong maging regular costumer.

    Kailangan mo ring maging wais sa ganitong negosyo. Dapat ay magpaskil ka ng karatula na ang nakalagay ay ‘Take at your own risk’. May mga nagpapahugas kasi na iiwanan ang susi sa car wash. Tiwala sila sa tauhan  na mahusay magmaneho. Kumbaga, iaatras-abante ng tao. Minsan kailangan din kasing tanggalin ang sasakyan para ilipat ng puwesto,  ‘di puwedeng andun lang. Kapag ganito kasi ang nangyayari, sa kakaatras abante ay nabubunggo o nakakabunggo ng ibang sasakyan. Kaya kung ayaw magbayad ng damage ay maglagay ng take at your own risk.

    Hindi lang nagtatapos sa pagkakaroon ng kaalaman sa sasakyan ang lahat. Kailangan mo rin na maging ma-PR, kaibiganin mo ang iyong mga kostumer para makapalagayan ka nila ng loob. Kailangan din na maging magalang ang iyong tauhan. Kapag nakikipag-usap sila ay laging may ma’am at sir. Kung magagalang sila matutuwa ang kostumer at makakakuha pa sila ng tip. Sabihan din sila na bago maghugas ay paalalahanan ang kostumer baka may naiwan silang gamit. Kapag may nawala kasi bilang may-ari ay sa iyo ang balik niyan kung sakali mang may mawalang gamit sa loob ng sasakyan ang kostumer.

    Sa negosyong ito, dapat ay maging hands on ka rin. Hindi puwede na iaasa mo lang ang lahat sa tao mo. Importanteng mabantayan mo ang kalidad ng iyong car wash para makita mo na ‘di ito nagbabago. Huwag mag-aalala kung malaki man ang babayaran sa tubig dahil ibig sabihin lang nito ay marami ang nagpapalinis sa iyo ng sasakyan.


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...