Monday, December 2, 2013

Work at Home Pinas The Seminar: Magkapera sa Pamamagitan ng Internet

              Kung dati-rati ang mga trabaho na ginagawa sa bahay karaniwan ay sari-sari store, handicrafts o kung anuman na puwedeng pagkakitaan na nasa bahay lang. Pero dahil sa teknolohiya ay nagkaroon ng tinatawag na E-commerce o negosyo sa Internet. Noong ika-30 ng Nobyembre ay nagsagawa ng seminar ang wahpinas.com, sa pangunguna ni Ron Villagonzalo na pinamagatang Work at Home. Ito ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng PLDT Cyberya, V-Office, BPI, Adventour Magazine, Sangkalan Grill na matatagpuan sa 9 Scout Alabano St. Panay Ave., Quezon City kung saan ay dito ginanap ang naturang seminar.
                          
                                            Raffy Pekson

            Unang nagsalita si Raffy Pekson. Tinalakay niya ang kahalagahan ng social media sa pagpapatakbo ng online business. Sinabi na importantewng kung ano ang ipinapakita mo sa online world ay ganun ka rin sa totoong buhay. Dahil kung hindi ay mawawalan ng tiwala sa iyo ang mga tao kapag nakilala ka ng personal. Nagbigay din siya ng tips hinggil sa digital marketing gamit pa rin ang social media. Noon diumano ang focus ng mga negosyante ay para lumikha ng costumer. Pero ngayon na nauso ang social media, ang kakilala ng kakilala mo ay puwede mo na ring maging costumer. Binigyan diin din niya na irespeto ang mga kaibigan sa social media. Kung may nais na mag-promote ay huwag na lang basta mag-post sa Facebook wall nila. Sa halip, ay idaan ito sa pagbibigay ng pribadong mensahe at baka sakaling matulungan ka pa nila. Hindi ‘yung parang nang-ispam ka lang.


                                       Ron Villagonzalo                                      

            Sumunod na nagsalita si Ron Villagonzalo. Bukod sa pagiging may-ari ng wahpinas.com ay may-ari rin siya ng Sagabay Technologies. Sinabi ni Ron na may dalawang uri ng nagtatrabaho sa bahay. Ito ay ‘yung sila mismo ang kontraktor o amo at ang isa naman ay empleyado pa rin at pinapayagan lang magtrabaho sa bahay ng kumpanya. Marami diumanong puwedeng pagkakitaan sa internet kanilang na rito ang pagbabasa ng email (cashpro.com). Meron din pagsagot sa survey (allworldpanels.com). Pagbi-bid ng writing jobs (Odesk.com/Freelancer.com).   Siyempre, ‘di rin mawawala ang blogging at pagbibenta online ng kung anumang produkto gaya ng kanyang ginagawa na nagbibenta rin ng de kalidad na earphone. Puwede ring maging SEO writer, graphic designer, web developer, social manager, link builder at iba pa.

Enzo Luna


            Naging tagapagsalita rin si Enzo Luna, isang travel blogger at nagpapatakbo ng juanmanilaexpress.com. Sinabi niya na importante sa gaya niyang travel blogger na marunong magdukomento. Para ito ay maisagawa ay alamin ang iyong kasanayan at patuloy itong hasain. Kilalanin din ang iyong market o audience. Kapag magsusulat, importante meron kang destinasyon o pupuntahan. Kumbaga, pinag-aaralan ang isang lugar. Bukod sa pagkuha ng litrato ng mga tanawin, inaalam mo rin ang kultura ng mga taong naninirahan sa isang lugar. Kabilang na ang kanilang mga tradisyon, kaugalian at mga pagkain. Sa dami na ngayon ng mga travel blogger, para makahigit sa iba ay sinabi niyang maging orihinal lang sa mga isinusulat at ibahagi lang ang iyong karanasan.

                            Gian Viterbo

            Tinalakay naman ni Gian Viterbo, isang digital marketer ang kahalagan ng pagkakaroon ng brand premise. Importante diumano na magkaroon ng sariling domain ang iyong website para may tatak o pagkakakilanlan. Maaari mo ring sukatin ang iyong impluwensiya online, maaaring pumunta sa Klout.com. Dapat ka rin daw laging alerto, alamin kung kailan lalabas ang iyong pangalan sa internet. Baka kasi may pumupuri sa iyo o ‘di-kaya’y naninira na. Kapag negatibo ang nabasa ay maaaring makagawa agad ng aksyon bago ka pa man maapektuhan nang husto. Kagaya nang sinabi ni Mr. Pekson, sinabi niya na kailangang maging responsable sa paggamit ng social media. Think before you click, ‘ika nga.

Azrael Coladilla
                                        
             Tinalakay naman ni Azrael Coladilla ang Blogging 101. Si Azrael ay isa sa mga nangungunang blogger sa bansa at nasa likod ng azraelsmerryland.blogspot.com. Sianabi niyang maraming benepisyo sa pagba-blog. Puwede itong magbigay daan para sa maraming opurtunidad. Gaya niya na kumikita ng pera kahit nasa bahay lang. Dahil din sa pabba-blog ay natuto pa siya ng ibang skills gaya ng pagiging web developer, photographer, videographer, reporter at iba pa. Dahil sa dami ng hits ng kanyang blog ay nagkaroon ng interes ang mga kumpanya na magpa-advertise sa kanya. Pero siyempre, ‘di ito nangyari sa isang iglap lang maraming oras din ang kanyang ginugol bago marating ang kanyang estado sa kasalukuyan.

                                      Irene Enriquez


            Ibinahagi naman ni Irene Enriquez nggirlygeek.phhttp://girlygeek.ph/ ang kanyang pagtatrabaho sa bahay. Si Irine dati ay nagtatrabaho sa call center pero wala pang isang taon ay umalis na sa trabaho ay mas piniling maging freelance writer. Isa rin siyang podcaster na nagri-review ng mga gadget at kung anuman ang bago sa teknolohiya. Mas matipid diumano kapag nasa bahay lang kumpara kung nag-uopisina pa siya. Kung ano man ang kinikita mo kapag nasa kumpanya ka ay kaya rin namang kitain kapag sa bahay ka lang nagtatrabaho. Puwede mo pa ngang higitan basta ba masipag ka.
                                  
                                  
                                       Ted Claudio

            Huling nagsalita siu Ted Claudi ng wazzupphilippines.com. Tinalakay niya ang tungkol sa photography. Bago mapunta sa pagiging photographer at blogger ay matagal din siyang nagtrabaho sa Saudi Arabia. Sinabi ni Ted na dahil sa teknolohiya ay madali na ngayon ang maging photographer. Saka napapag-aralan naman ito. Sa umpisa ay puwedeng pagpraktisan ang mga kakilala para magkaroon ng portfolio. Mag-ipon muna ng kumpiyansa at karanasan. Puwedeng magpresintang assistant muna ng beteranong photographer at mula rito ay lumikha ng network o kuneksyon. Maki-grupo sa mga kapwa photographer para matuto pa lalo at makakuha ng proyekto. Ilan lang sa puwedeng pagkakakitaan ng mga photographer ay kapag may mga event gaya ng kasal, binyag, birthday at iba pa. Hangga’t maaari ay mag-aral ding mag-video dahil in demand ngayon ang mga videographer. Pero ibahin natin si Cladio, dahil bukod sa paglilitrato ay kumukuha siya ng video at ipinapaskil sa Youtube at kumikita mula rito.




5 comments:

Azrael Coladilla said...

marami salamat sa pag punta at sa pagsulat nito mga natutunan mo sa seminar namin!

Unknown said...

Maraming salamat din, Sir. Yung feature ko sa inyo rito sa blog ko isusunod ko na lang.

Irene said...

Wow! Galing ng Tagalog! Seriously, di ako makapagsulat ng ganyan (nakakahiya mang aminin kasi ako ay Filipino).hehe Thank you for posting this. Good luck on your goals! Let us know if we could help. :)

Unknown said...

Hi Ma'am Irene, thanks. Parang na-inspired rin akong magsulat sa English. Para maintindihan ng mga foreigner hehe.

TechieRod said...

Grabe galing - sana mas marami pang magsulat sa ating wikang tagalog. Sugod!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...