Kapag nakakita ka ng mahabang pila ng mga tao, ano agad ang naiisip mo? 'Di ba pila sa Lotto? Parang pelikulang pang-office box hit dahil sa dami ng tumatangkilik dito lalo na kung palaki ng palaki ang premyo. Bakit nga ba hindi, sa hirap na ng buhay sa kasalukuyan ay maraming Pilipino ang umaasa na sana makajack-pot sila sa Lotto para makaalpas sa kahirapan.Ngunit kahit mga de-kotse pa ay naaakit na ring tumaya dahil sa laki ng premyo. Kamakailan nga lamang ay umabot sa mahigit tatlong milyon ang premyo sa Lotto at dalawang indibidwal ang sinuwerte na naghati sa napakalaking premyong ito.
Sa paglibut-libot ko sa mga tayaan ng Lotto ay nakilala ko si Mang Ed ng Antipolo na nagsabing, "Kaya tumataya ako sa Lotto baka suwertehin, 'pag nangyari 'yun napakalaking tulong nito para sa pamilya ko." Kaya't 'di raw siya tumitigil sa pagtaya sa Lotto kahit madalas ay balik-taya lang ang kanyang napapanalunan. Ayon sa kanya, 'yung sobra lang na pera ang kanyang itinataya para 'di siya kapusin sa budget.
Si Ariel naman ng Cainta ay tumataya sa Lotto dahil pangarap niyang magkaroon ng puhunan para sa iniisip niyang negosyo at para rin makabili ng bahay at lupa. Nais niyang maging milyonaryo gaya ng mga sinuwerte na sa Lotto. Naniniwala siyang may kaakibat siyang suwerte pagdating sa mga numero. Dahil madalas siyang manalo noon kapag nagkakaroon ng raffle sa kanilang eskuwelahan. Kaya lang sa tagal na niyang tumataya sa Lotto ay ‘di pa rin siya tumatama ng malaki. Pero hindi siya nawawalan ng pag-asa dahil ang umaayaw daw ay hindi nagwawagi.
Lahat ng nakausap ko ay may kanya-kanyang plano kung sakaling sila ay tumama sa Lotto. Mayroong nagnanais na maipagamot ang kanyang may sakit na ina,may gustong magkaroon ng sasakyan at marami pang iba. Pero ang puno’t dulo lang naman ng lahat ng ito ay para makatikim ng maginhawang pamumuhay.
Ngunit 'di lahat ng tumataya sa Lotto ay nakatuon lang sa materyal na bagay. Mayroon ding tumataya para makatulong sa kapwa. Gaya ng aking nakausap na ayaw magpabanggit ng pangalan. Kaya raw siya tumataya ay batid niyang malaking porsiyento ng kinikita sa Lotto ay napupunta sa pagkakawanggawa ng PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office). Nang tanaungin siya kung ano ang gagawin niya kapag nanalo siya sa Lotto, "Eh, 'di mas maganda para may mai-donate ako sa isang charity institution."
Ngunit anu't anuman ang dahilan ng pagtaya sa Lotto sabi nga ng iba; huwag iasa ang lahat sa suwerte. Samahan din ng pagsusumikap para makamit ang mga mithiin sa buhay.
No comments:
Post a Comment