Monday, November 17, 2014

Ang Ngiti sa Buhay ng Tao

Ang ngiti ay 'di lang basta isang ekspresyon ng mukha, kung saan ay nakagawing pataas ang mga sulok ng bibig. May iba't ibang uri kasi ng ngiti; ito ay ang ngiti ng paghamak, ngiting aso, ngiting artipisyal, ngiti ng kalungkutan o 'yung ngiting walang kabuhay-buhay atbp. Ngunit ang magandang ngiti ay iyung natural dahil may taglay itong sigla at katuwaan lalo na't nagniningning ang mga mata.

 Ayon sa mga dalubhasa sa medisina ang pagngiti ay nakakapagpabuti ng pakiramdam at nagpapalakas ng ating immune system. Kumpara sa mga taong problemado at laging nakasimangot na madalas magkaroon ng sakit dahil sa stress. Sinasabing ang pagngiti ay nakatutulong para magkaroon ng positibong pag-iisip. Malaki kasi ang nagagawa nito sa ating pisikal na aspeto.

     Sadyang maraming pakinabang sa ngiti 'di lang sa kalusugan kundi sa ating pakikipagkapwa. Ang isang simpleng ngiti lang ay maaari ng pagmulan ng pagiging magkaibigan. Dahil din sa ngiti ay nagiging positibo ang pananaw sa atibn ng iba. Kapag hindi kasi tayo ngumingiti ay inaakala ng iba na tayo ay mga suplado at suplada. Importante ang pagngiti, 'di ba't isa ito sa pangunahing sandata ng mga negosyante para makakuha ng kliyente? Sino ba naman ang may gusto sa masungit?

     Ipinapayong para madaling makangiti sa kapwa ay pagtuunan ng pansin ang kanilang mabubuting katangian. Dahil kung puro negatibo ang iniisip mo sa kanila ay maiinis ka lang. Kaya't ngiti lang kaibigan at kasama mong ngingiti ang mundo. Pero kapag sumisimangot ka ay maiiwan ka lang sa isang sulok na nagmumukmok...


No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...