Sa
panahon ngayon na maraming umaagaw ng atensiyon natin gaya ng telebisyon,
videoke at kung anu-ano pang mga libangan; nagagawa kaya ng marami sa atin ang
magbasa ng mga librong pampanitikan? O baka naman hanggang sa loob na lang ito ng paaralan naisasagawa dahil kasama sa
subhetong pinag-aaralan? Paano kung wala na sa
paaralan?
Kung
ang pag-uusapan ay mismong ang pagbabasa ng libro ay kinatatamaran na ng iba dahil isa raw itong mahabang proseso. 'Di tulad nang kapag nanunuod ka ng pelikula isa hanggang dalawang
oras ay tapos na agad. Maaaring tama at akma sa
mga taong masyadong mainipin. Ngunit ang pagbabasa ay
nagpapalawak ng ating imahinasyon. Maaari ka nitong dalhin sa mga lugar na 'di mo pa nararating at maaari mo ring
maranasan ang mga 'di mo pa nararanasan sa pamamagitan lang ng
pagbabasa.
Sa
lahat ng libro ay ang panitikan na yata ang pinakamagandang basahin dahil bukod
sa malilibang ka na ay marami ka ring matutunan. Kapag sinabing panitikan ito ay
sadyang malawak, binubuo ito ng nobela, maikling kuwento, tula
, dula at kung anu-ano pa. Piksyon man o hindi
piksyon ito ay bahagi ng panitikan. Sinasalamin ng panitikan kung ano'ng kultura ang mayroon tayo. Maiuugnay din natin ang
ating mga sarili sa ating binabasa dahil kung minsan ay
nagkakapareho ang karanasan natin sa awtor. Napapag-isip din tayo kung ano ba ang nais ipahiwatig ng isang akda. Nabibigla tayo
sa mga twist ng kuwento sa dulo. Lahat ng ito ay hatid
ng panitikan na nag-iiwan ng marka sa ating mga
isipan.
Ngunit
ang malungkot na katotohanan, sinasabi ng iba na
lupaypay na diumano ang sarili nating pantikan. Mismong mga publikasyon ang
nagsasabi na kapag panitikan ay mahina ito sa merkado
kaya't ingat sila na ito ay kanilang ipablis. Maliban na lang kung ikaw ay Palanca Awardee o nakalikha na ng
pangalan sa pagsusulat. Kaya't huwag magtataka kung
limitado lang ang bilang ng mga akdang pampanitikan sa bansa natin. karamihan pa rito ay inilimbag ng mga Publishing Houses ng
mga sikat na Unibersidad sa bansa. Karamihan pa sa mga
ito ay gawa ng mga manunulat noong araw. Wala namang masama rito, dangan nga
lang ay pakunti-konti lang ang mga pangalang
nagningning dito. Bagama't matagal na ang ating
panitkan ay para pa rin itong isang birheng larangan at 'di umuusad. Kumbaga,
kakaunti lang talaga ang pagpipilian bagama't
nag-uumapaw ang bansa natin sa mga talentadong manunulat na nais ding
makapag-lathala ng libro. Ang ganitong senaryo ay maaari nating iugnay sa pagiging Third World Country natin. Imbes na ipambili ng libro ng mga tao, natural lamang na bigas ang
kanilang uunahin.
Sa
kabilang banda naman, masigla pa rin naman ang panitikan kung ang pag-uusapan ay
popular literature. Katunayan, nagkalat pa rin sa mga
bangketa ang mga Tagalog romance pocketbooks. ‘Di ba’t
nagkaroon pa nga ito ng puwang sa bookstores? Hindi nga lang ito tanggap ng iba na bahagi rin ng panitikan. Isama
na rin natin ngayon ang mga librong may nakatutuwang
tema na malayo sa mga tradisyonal na paksa. Na kung
tutuusin ay karaniwan ng naririnig at napapag-usapan sa atin. Ngunit bibihirang ang mga ito ay maipa-libro. Patunay lamang
na ang mga tao ay nagbabasa pa rin kung ang titingnan
natin ay ang halina ng tinagurian nilang popular
literature.
'Di
kaya't napapanahon na para gawing simple lamang ang paraan ng pagsusulat ng mga
akdang pampanitkan para lahat ay magka-interes dito?
Hindi naman ito nangangahulugan ng pagpapababa ng antas bagkus ay bubuhay pa nga
sa nasabing industriya.
No comments:
Post a Comment