Monday, November 17, 2014

Paano Papakainin ng Gulay ang Mga Bata

Maraming mga bata ang ayaw kumain ng gulay dahil ‘di nila gusto ang lasa. Kumpara nga naman sa karne gaya ng manok at baboy na malinamnam sa panlasa. Pero hindi rin naman maganda para sa kanila kung laging ganito ang ihahain sa kanila. Lalo na’t sa kanilang edad ay kinakailangan nila nang sapat na nutrisyon para maging malusog ang pangangatawan. Alam naman nating ang bawat gulay ay maraming sustansiya o bitamina na makukuha.

Ngunit paano nga ba kukumbisihin ang bata na ugaliing kumain ng gulay?

Hindi laging madadaan sa pananakot ang lahat para lang kumain ng gulay ang bata. Dahil imbes na makumbinseng kumain ng gulay ay baka nga hindi na lang ito kakain. Sino ba namang bata ang gaganahang kumain habang umiiyak? Sa murang edad nito ay ituro sa kanya na kailangan niyang kumain ng gulay para magkaroon ng malakas na pangangatawan. Siyempre, importante rin na magsilibi kang halimbawa sa bata. Hindi mo siya makukumbinseng kumain ng gulay kung ikaw mismo ay walang hilig na kumain ng gulay.

Kung magluluto ng karne, dapat lang ay marami itong sahog na gulay. Ito ang mas madalas na isubo sa bata habang kumakain kaysa karne. Maari mo ring patulungin ang bata habang ikaw ay nagluluto ng gulay kahit taga-abot lang ng mga ito. Kung may bakuran kayo at nakapagtatanim naman ng gulay ay mainam din na tulungan ka rin niya. Sa pamamagitan kasi nito ay malilibang at gaganahan na siyang kumain ng gulay dahil nagkaroon siya ng partisipasyon sa pagtatanim at paghahanda ng gulay.

Maaari rin namang hiwain ng pino ang gulay saka ihalo sa sabaw para hindi makita ng bata na may sahog na gulay ang isinusubo sa kanya. O ‘di-kaya’y lagyan ng gulay ang paborito na niyang pagkain. Halimbawa kung mahilig kumain ng hamburger ang bata ay maaari itong palagyan ng gulay. Meron na rin ngayong tinatawag na powder na gulay. Maige ito para sa mga batang talagang mahirap pakainin ng gulay. Pero siyempre, iba pa rin kung ang ipapakain ay ‘yung nakikitang gulay. Kapag buo pa kasi ay masustansiya ito kumpara sa dinurog na gulay.


Pagkatapos kumain ng bata ng gulay ay lagi mo siyang pupurihin para sa susunod ay maengganyo mo uli siyang kumain ng gulay hanggang sa ito na ay kanyang makasanayan.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...