Patuloy pa ring nakabinbin sa Kongreso ang pagsasabatas sa pagkakaroon ng karera ng Greyhound sa bansa partikular sa Cebu at Luzon . Ang greyhound ay isang uri ng breed ng aso na malaki at mabilis tumakbo. Kaya naman ginagamit sa karera sa ibang bansa. Mayroong dalawang bersiyon para rito kapwa sa Mababa at Mataas na kapulungan ng Kongreso. Ito ay ang House Bill 5291 at Senate Bill 5648.
Layunin diumano ng ganitong panukalang batas na mabigyan ng trabaho ang mga tao. Ngunit ito ay mariing tinututulan ng mga animal lover. Kabilang na rito ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na nagtataguyod para sa kapakanan ng mga hayop. Ayon sa mga tumututol sa pagsasabatas ng karera ng mga greyhound ay magbubunsod lang ito ng kalupitan sa aso. Dahil kapag wala nang naging pakinabang pa ang isang greyhound sa bandang huli ay ididespatsa rin ang mga ito. Patunay diumano rito ang walang habas na pagpaslang sa mga aso kapag ito na ay kanilang pinag-retiro. Subali’t sinasabi ng mga mambabatas na nagtataguyod sa panukalang batas na ito ay hindi raw nila ito gagawin bagkus ay kanila pa ring aalagaan kahit hindi na nagagamit pa sa karera.
Sa ibang bansa ay laganap ang Greyhound racing partikular sa USA . Subali’t ilan na sa kanilang Estatado gaya ng Guam at New Hampshire ay itinigil na rin nila ang ganitong gawin dahil sa hindi naging magandang epekto nito sa mga hayop at maging sa tao na rin. Kaya’t bakit nga ba naman natin yayakapin pa ang isang batas na ibinabasura na ng iba. Maaaring ito ay makapagbigay ng trabaho sa iilan. Ngunit ilan namang tao ang mawawalan ng trabaho kung sakaling ito ay maisabatas sa atin? Ang higit lang diumano ritong makikinabang ay ang Fox New Millenium Amusement Club Inc. at Southeast Asia Greyhound Racing Club Inc., mga samahang sumusuporta para maisabatas ang karera ng mga greyhound sa ating bansa. Kung tutuusin ay marami na nang mga sugal na atin and’yan ang sabong ng manok, karera ng kabayo at kung anu-ano pa. Kaya’t bakit kailangan pa itong dagdagan?
Ayon pa sa mga kritiko ng greyhound racing, magdadagdag lang ito ng pagbaba ng moralidad ng ating mga kababayan, magpapalala ng krimen at siyempre ng kalupitan sa mga hayop. Sa ibang bansa diumano ang mga mananaya ng greyhound racing ay yaong mayroong maayos na kalagayan sa buhay. Subali’t sa atin, karamihan diumano sa magiging parokyano nito ay ang mga mahihirap nating kababayan. Aminin man sa hindi ay marami sa mga Pinoy ang umaasa lang sa suwerte kung kaya’t bakit marami ang mahihilig sa sugal.
Sa kabilang banda naman, dapat ay maging mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng pagbabawal ng pagkatay sa aso. Dahil hindi maikakaila na marami pa rin ang kumakatay ng aso kahit pa ito ay ipinagbabawal ng batas. Paano na lang kaya kung maging legal ang karera ng mga aso? Saan pa lulugar ang mga kawawang hayop na ito para matigil ang ginagawang kalupitan sa kanila ng mga tao? Para saan pa at tinawag silang Man’s best friend?
No comments:
Post a Comment