Dalawang lider-relihiyon na ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na tumakbo bilang pagka-presidente sa halalan sa taong 2010. Sila ay sina Bro. Mike Velarde ng El Shaddai Movement at Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord Movement, kapwa mayroong ilang milyong miembro. Matatandaang noong taong 2004 ay tumakbo na rin si Bro. Eddie sa panguluhan. Samantalang si Bro. Mike ay kilalang taga-suporta lamang ni dating Pangulong Joseph Estrada. Bukod sa kanila ay nariyan din si Among Ed Panlilio, na isang pari na naging gobernador ng Pampanga.
Nagsawa na kaya ang mga taga-Simbahan sa sistema ng pulitika sa bansa kung kaya’t maging sila ay nakikisawsaw na rin sa pulitika? Magagawa kaya nilang alisin ang korapsiyon sa gobyerno kung sakaling isa man sa kanila ang maging pangulo ng Pilipinas? Tutal sila ay hindi mga trapo bagkus ang taglay nilang prinsipyo ay nakasalig sa kanilang pagiging alagad ng Diyos. Hindi matatawaran ang kanilang integridad dahil sa kanilang pagiging pagiging lider ng Simbahan. Kumbaga, hindi sila magiging korap dahil naruon na ang pagkatakot sa Diyos sa kanilang mga isipan. Ang problema nga lang, sa dami ng dominasyon sa Pilipinas ay tiyak na hati-hati ang mga ito. Maging ang ilang kapwa pari nga ni Among Ed ay tutol sa balak niyang pagtakbo sa pagka-presidente. Kaya’t paano nila kukunin ang kanilang mga suporta? Isama pa natin dito ang ilang mga pulitiko na nagpahiwatig na ng kanilang pagnanais tumakbo sa pagka-pangulo. Tiyak na magiging labu-labo ang eleksyon sa pagka-pangulo sa 2010 dahil sa dami ng inaasahan ng mga kandidato.
Sinasabi pa ng iba na sadyang magkaiba ang relihiyon sa pulitika. Pero karapatan din naman nilang tumakbo lalo’t hinahangad lang nila ay pagbabago katulad ng pinapangalandakan ng mga kandidato kapag papalapit ang halalan. Kung tutuusin ay hindi na bago ang pagtakbo ng isang taga-Simbahan sa pulitika. Minsan ay tumakbo na rin sa pagka-pangulo ang tagapagtatag ng Philippine Independent Church o Aglipayan Church na si Gregorio Aglipay noong panahon ng Commonwealth. Ngunit siya ay tinalo ni Manuel L. Quezon sa eleksyon noong taong 1935. Kaya’t ang buong panahon ni Aglipay ay itinuon na lamang niya sa pagpapalawig ng kanilang samahan.
Ngunit kahit wala pa sa pulitika ay hindi nawawalan ng kapangyarihan o impluwensiya ang relihiyon. Malilimutan ba natin ang ginawang pag-akay sa mga tao ng namayapa nang si Cardinal Sin na magtipun-tipon sa makasaysayang Edsa 1 para pabagsakin ang diktadurya ng rehimeng Marcos? Masyado ring vocal ang relihiyon partikular ang Simbahang Katoliko kapag mayroong mga isyung maaaring makaapekto sa moralidad ng mamamayan. Ipagpalagay man ng iba na nasobrahan lang sila sa pagka-konserbatibo. Kinukuwestiyon pa nga ito ng iba dahil nakasaad mismo sa Konstitusyon ang paghihiwalay ng Simbahan at ng Estado kung kaya’t hindi dapat sila makialam sa pulitika. Ngunit kung iisipin ay trabaho rin nilang pangalagaan ang kapakanan ng kanilang kawan sa mga bagay na alam nilang makasasama sa pag-iisip ng mga tao. Mahirap naman ‘yung nakikita silang may maling nangyayari sa lipunan pagkatapos ay hindi sila magsasalita.
Ngunit isa lang ang sigurado, kinakailangan din ng mga pulitiko ang relihiyon. Kaya nga’t nililigawan nila ang mga ito para makuha ang kanilang basbas. Sa dami ba naman ng mga miembro ng isang relihiyon. Natural lamang na lalakas ang kanilang tsansa na magwagi ang isang kandidato. Ngayong ang ilang mga taga-Simbahan naman ang tatakbo kailangan pa ba nila ng basbas ng mga pulitiko? Hmmm…
-William M. Rodriguez II
2 comments:
I recently came across your blog and have been reading along. I thought I would leave my first comment. I don't know what to say except that I have enjoyed reading. Nice blog. Anyway, I'm been looking for topics as interesting as this. Looking forward to your next post.
-pia-
I recently came across your blog and have been reading along. I thought I would leave my first comment. I don't know what to say except that I have enjoyed reading. Nice blog. Anyway, I'm been looking for topics as interesting as this. Looking forward to your next post.
-pia-
Post a Comment