Kabilang si Lazaro Francisco sa itinanghal ng Malacanang sa pitong bagong Pambansang Alagad ng Sining, sa rekomendasyon na rin ng National Commission on Culture and the Arts at ng Cultural Center of the Phi¬lippines. Si Francisco ay itinanghal na National Artist for Literature. Maihahanay na ngayon kina Bienvinido Lumbera, Virgilio S. Almario at iba pa. Hindi na ito nakapagtataka dahillubhang malaki ang naging ambag ni Francisco sa larangan ng panitikan. Ang pagkakaiba nga lang niya sa dalawang nabanggit na pangalan ay malaon na siyang wala sa mundo. Ngunit ang mahalaga ay makilala siya ng bagong henerasyon ng mga Pinoy lalo na ngayong ang panitikan ay nakasentro lamang sa loob ng akademya.
Ngunit sino ba si Lazaro Francisco? Siya ay isinilang sa Orani, Bataan noong ika-22 ng Pebrero 1898 at yumao noong Hulyo 17, 1980 sa gulang na 82. Nagmula siya sa ordinaryong pamilya. Hindi niya natapos ang kinuha niyang kursong Farm Management sa Central Luzon Agricultural School (ngayon ay Central Luzon State University) dahil na rin sa kahirapan at sinabayan pa ng pagkakaroon niya ng karamdaman. Pero kahit ganun ay naitaguyod pa rin niya ang sarili na makapag-aral ng kursong bookeping sa International Corrsespondence School. Naninilbihan siya bilang kawani ng pamahalaan sa loob ng maraming taon bilang kintador publiko o treasurer. At sa mga panahong yaon ay naging matapat at malinis siya sa kanyang tungkulin. Katunayan ay unti-unting tumaas ang kanyang puwesto hanggang sa maging provincial treasurer ng Nueva Ecija.
Kung parangal naman ang pag-uusapan sa larangan ng panitkan ay marami na ring nakamit si Francisco. Siya ay nakapagsulat ng siyam na nobela, hindi mabilang na mga kuwento at sanaysay, Ang kanyang nobelang Binhi at Bunga ay nanalo sa patimpalak ukol sa panitikan ng magasing Liwayway noong 1925. Sinundan naman ito ng pagkapanalo ng nobela niyang Cesar sa sumunod na taon sa nasabi ring magasin. Itinanghal naman ang kanyang nobelang “Sa Paanan ng Krus” ng Samahang Ilaw at Panitik na Nobelang Ginto noong taong 1934. Samantalang ang nobela niyang, “Singsing na Pangkasal” ay nagkamit ng pinakamataas na gantimpala sa kauna-unahang timpalak panitik ng Pamahalaang Komonwelth noong 1940. Mismong ang pangulong Manuel L. Quezon pa ang nag-abot sa kanya ng parangal. Marami pang mga patimpalak na napanaluan si Francisco na ‘di kailangan pang isa-isahan pa. Patunay lang ang mga ito ang pagiging prolipiko niya sa pagsusulat. Kinilala pa nga ng magasing Free Press na lumabas noong Enero 12, 1963 si Francisco bilang, “A national of the First order. A giant among the ants.”
Kilala si Francisco bilang isang reyalistikong manunulat dahil ang kanyang mga isinusulat ay nakabase sa kung ano ang nakikita niya at obserbasyon sa kanyang paligi. Nag-uumapaw ang kanyang mga akda sa diwang makabayan. Tinalakay niya sa kanyang mga obra ang mga sakit ng ng bayan na namamayani sa kanyang panahon. Ang noble niyang “Daluyong” ay personal na nabasa ng manunulat na ito at masasabi kong makatotohanan nga ang kanyang naging pagtalakay sa kanyang mga isinusulat. At hanggang ngayon ay mailalapat pa rin sa kasalukuyang panahon ang akda niyang ito. Katulad ng kapareho ng kanyang apelyido na si Francisco Baltazar nawa’y tumatak din sa isip ng marami ang kanyang mga kaisipan sa pamamagitan ng kanyang mga akda.
No comments:
Post a Comment