Monday, July 6, 2009

OPM sa gitna ng MTV(Music Tagalog Version)


Kilala tayong mga Pinoy pagdating sa galing sa pagsusulat ng kanta at pag-awit. Ilan sa mga kompositor na maipagmamalaki natin ay sina Benny Saturno, Ryan Cayabyab at marami pang iba. Kapag mayroong ngang mga patimpalak sa pag-awit, mapa-barangay o national level man ay kabi-kabila ang mga sumasali. Bukod dito ay marami ring mga artist na naghihintay lang ng break para maipakita ang kanilang talento. May mga artist na nakikilala dahil sa sarili nilang komposisyon. Pero mayroon din namang napapansin dahil sa panggagaya sa kanta ng iba.

Lubhang kapansin-pansin ngayon ang mga pagsasa-Tagalog ng kanta ng mga sikat na foreign artist. Kabilang na rito ang kanta ni David Cook na “Always Be My Baby” na ginawan ng sariling version ni Lamberto “Lambert” Reyes na galing sa Dream Academy Season 2 ng Kapamilya Network. Ang sa kanya naman ay “Ikaw Lang Ang Iibigin.” Hahanga ka dahil ang timbre ng boses ay kahawig din kay David Cook. Makinig ka rin ng musikang rap at RnB ay marami ring tagalized version. Madalas na gayahin ay ang kanta ng RnB artist na si Akon.

Ayon sa mga baguhang artist na nalilinya sa pagta-tagalized version ay maganda raw ang kanilang ginagawa dahil madaling maintindihan ng mga pangkaraniwang tao ang mga kanta ng dayuhan na palagi nilang naririnig. Kahit sabihin pang hindi naman eksakto ang kahulugan ng salin nila ng isang orihinal na kanta. Hinahabol na lamang nila ang na maging magka-rhyme ang bawat dulo ng mga salita. Ang iba nga, ginagawa pang novelty ang kanilang liriko para makapagbigay diumano ng kasiyahan sa mga tao. Sino ba naman ang hindi matutuwa kapag narinig mo ang paborito mong kanta ay may salin din pala sa Tagalog? Bukod sa Tagalog ay mayroon ding mga kantang Ingles na isinasalin sa ilan nating diyalekto.

Hindi na bago ang ganitong senaryo, kundi paulit-ulit lang. Marahil ay mahilig lang talaga tayong mga Pinoy na magkaroon ng counter part ng isang sikat na foreign artist. Ang iba naman ay ginagawa lang itong stepping stone para madaling mapansin ng mga tao. Dahil pamilyar na ito sa publiko kaya’t pati sila ay madadamay na rin sa kasikatan. Isa na nga rito si Miss Ganda na nagsalin ng maraming awitin gaya ng Umbrella ni Rihana, Bleeding Love ni Leona Lewis at iba pa. Ang malungkot nga lang, matapos nilang manggaya ay mas naa-associate pa rin sila rito kahit na mayroon pa silang mga orihinal na komposisyon.

Pero hindi lahat ng tao, artist man o hindi ay pabor sa ganitong kalakaran. Ipinapakita lang diumano nito na masyadong mataas ang paghanga natin sa mga dayuhan. Kung tutuusin ay kayang-kaya naman nating makipagsabayan sa kanila. Wala namang masama sa ganitong sistema basta’t huwag lang sosobra. Dahil Kung ang lahat ng mga baguhang artist ay ganito ang gagawin ay pababansutin lang nito ang Original Pilipino Music (OPM). Mas mainam pa rin kung ang pagyayamanin ay ang sarili nating musika lalo na’t mayroon naman talaga tayong talento pagdating dito!

Para sa iba pang babasahin.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...