Saan ka ba makakakita ng sementeryo na halos araw-araw ay mayroong inililibing? Hindi ito kataka-taka dahil araw-araw ay mayroon talagang namamatay. Subali’t naiiba ang sementeryo ng Sitio Old Boso-Boso, na matatagpuan sa isang liblib na lugar sa lungsod ng Antipolo.
Kahit maliit lang ang semeteryong ito ay abala naman sa pagtanggap ng mga yumao. Minsan ay umaabot pa sa lima ang inililibing dito sa loob ng isang araw. Kaya’t ang mga pari sa naturang Sitio ay abala rin sa pagbabasbas ng mga ililibing. Ilang distanya lang naman mula sa Simbahan ay makararating ka na sa sementeryo. Kabisado na ng mga tao rito kung mayroon na naming patay na inililibing. Dahil makarinig pa lang sila ng tugtog na malungkot ay alam na nilang mayroon namang dadalhin sa sementeryo.
Biro nga ng isang nagpapatago sa pangalang Nena, nakatira malapit sa sementeryo ay baka wala na silang paglagyan kapag sila naman ang pumanaw. Biro lang subali’t may bahid katotohanan. Dahil ‘di magtatagal ay mapupuno na rin ito nang husto. Sana ay ginawa na lang diumanong aparment style o yaong magkakapatung-patong ang mga nitso para maraming espasyo. Hindi kagaya nang ayos nito na sadyang sala-salabat. Dapat diumano ay magpagawa ng bagong sementeryo ang pamahalaang lokal ng Antipolo. Sarado na kasi ang pampublikong sementeryo na nakabase sa bayan. Mahal naman daw kung sa pribadong sementeryo pa sila magpapalibing ng patay at siguradong hindi nila ito kakayanin.
Kung titingnan ay halos mapuno na nga ng nitso ang semeteryong ito. Kung mayroon kang kamag-anak na dito ay nakalibing ay wala kang pagpipilian kundi ang umapak sa mga nitso dahil wala namang ibang madadaanan. Dahil sa kakaapak ng mga tao ay posibleng mabiyak ang mga nitso. Isipin mo na lamang kung ano’ng senaryo ang mayroon dito tuwing sumasapit ang Araw ng Mga Patay. Siguradong siksikan at kanya-kanyang apak ng nitso ng may nitso. Pero mayroon na talaga ritong mga biyak na nitso. Marahil ay inalis na ang kalansay ng nakalibing dito dahil hindi na nababayaran ng mga naiwan nilang mahal sa buhay ang upa sa libingan. Na talaga namang nangyayari, maiisip mo nga saan naman kaya dinadala ng mga sepulturero ang mga kalansay nilang inaalis? Mayroon nga ritong nakalibing na marahil ay dala na rin ng kahirapan ng mga naiwang mahal sa buhay ay iniikit na lang sa nitso ang pangalan nito para magsilbing lapida. Hay, ang hirap na ngang mabuhay, ang hirap pa ring mamamatay!
No comments:
Post a Comment